43
Hindi ko alam kung ilang minuto na akong nakatitig sa tatlong maleta na nasa harapan ko ngayon. Ilang beses na rin akong bumuntomg hininga habang nakaupo sa malambot na kama.
Ngayong araw na. Ngayon araw na kami aalis. Tatlumpu't minuto na lang ay kailangan na naming umalis.
Kagabi pa lang ay ramdam ko na ang bigat sa dibdib ko lalo na nang tawagan ako ni San Agustin upang kumpirmahin kung anong oras daw ako pupunta. Nagsinungaling ako sa kan'ya dahil hindi naman ako darating.
Gusto ko siyang puntahan at magpaalam pero may isang dahilan na palaging pumipigil sa akin kaya hindi ko alam kung pupunta ako o hindi.
Hindi ko na talaga alam kung ano ba'ng dapat kung gawin kay San Agustin.
Napahawak ako sa sintido at bahagya itong hinilot. Hindi ko na alam kung ano'ng dapat kong gawin. Magkasalungat palagi ang sinasabi ng puso at isip ko.
Mariin akong napapikit at nagkagat labi. Bahala na. Kung ano'ng mangyare, iyon ang mangyayare. Kung ano man ang susundin ko sa dalawa ay bahala na.
Pagkalipas ng ilang sandali ay pumasok sa kuwarto ang kapatid kong si Lyka. Nakapostura at nakaayos ang buhok niya. Nakangiti siyang bumungad sa'kin.
"Ate, aalis na raw tayo," mababakas sa kaniyang boses ang lubos na kasiyahan.
Tipid akong napangiti bago tumayo at hinila ang dalawang maleta palabas ng kuwarto. Habang ang isang maleta ay kinuha ni Lyka at nauna nang bumaba.
Isang malalim na buntong hininga ang ginawa ko bago ako humakbang pababa ng sala. Mabigat ang dibdib ko sa bawat hakbang, ang pakiramdam ko'y isa akong traydor na tao.
"Zelle, maaga tayong aalis dahil may dadaanan pa 'ko. Wala na ba kayong nakalimutan tatlo?" tanong ni ate Heart pagkalapit ko sa kanilang tatlo.
Umiling ako at tipid na ngumiti sa kaniya.
"Kuya, pakilagay nga po ng mga ito sa likod ng sasakyan. Maraming salamat po," utos niya sa magiging driver namin papunta sa airport.
Kinuha ko ang kamay ni Lianne at hinila siya palabas ng bahay. Nasa unahan si ate Heart at Lyka, na umuna na rin sa pagpasok sa loob ng sasakyan.
Pinili kong tumapat sa bintana para mamaya ay magawa kong tingnan ang paligid. Huminga ako nang malalim habang unti-unting umaandar ang sasakyan.
***
"Zelle, ayos ka lang ba?" napatingin ako kay ate Heart na nakaharap sa'min ngayon mula sa unahan.
Napaangat ang dalawa kong kilay dahil sa pagtataka. "Opo, ate. Ba't niyo po natanong?" naguguluhan kong tanong pabalik.
"Kanina ko pa kasi napapansin ang malalalim mong pagbuntong hininga. May problema ba? Gusto mo ba magpaalam ka muna sa kaniya?" tanong ulit niya.
Hindi ko agad nagawang makasagot dahil bigla akong napatigil at hindi nakapag-isip nang maayos.
Ngunit makalipas ang ilang segundo'y tipid din akong umiling at saka nag-iwas ng tingin sa kaniya. "Hindi na kailangan, ate."
"Gusto mo ba makita siya sa huling pagkakataon?" alok niya dahilan para muli akong mapatingin sa kaniya.
Huling pagkakataon? Mapait akong napangiti sa naisip.
"Puwede po ba?" nag-aalangan kong tanong.
Tumango-tango siya nang may malawak na ngiti sa mukha saka niya kinausap si kuyang driver na dadaan muna kami sa Henyeon Park.
Napatingin ako sa oras at halos mag-aalas tres na ng hapon. Sigurado akong naghihintay na siya ngayon sa'kin. Ano kayang ginagawa niya ngayon?
Muli akong bumaling at sumilip sa bintana ng sasakyan. Inabala ko ang aking sarili sa panunuod ng mga gusali at sasakyan na nadadaanan namin hanggang sa mapansin kong malapit na kami sa Henyeon Park.
Napaayos ako ng upo at nakaramdam ng bigat sa dibdib habang papalapit sa entrance ng parke.
"Dito ka na lang namin hihintayin, Zelle. After 15 minutes, bumalik ka na rito ah," ani ni ate Heart na aking tinanguan.
Saglit kong nilingon ang dalawa kong kapatid bago bumaba ng sasakyan. Humugot ako nang isang malalim na paghinga bago naglakad papasok ng parke.
Binaybay ko ang daan papunta sa pinaghihintayan niya. Ilang segundo pa 'kong naglakad-lakad hanggang sa matanaw ko ang nakaupong bulto na may hawak-hawak na bulaklak, isang pirasong sunflower na mabagal niyang pinapaikot sa kaniyang kamay.
Biglang bumagal ang bawat hakbang ko habang nakatitig sa kaniyang mukha. Hindi siya nakangiti ngunit hindi rin siya nakasimangot, ang kaniyang atensiyon ay nakatutok lamang sa hawak niya.
Napatingin ako sa bitbit kong folding umbrella na kinuha ko sa sasakyan nang mapansin ang madilim na kalangitan.
Sa kabilang kamay ay bitbit ko rin si Cronus. Nginitian ko nang tipid ang stuffed toy na hawak bago naglakad palapit sa dating niyang amo.
Nakayuko si San Agustin kaya hindi niya kaagad ako napansin. Nang tumapat ang paa ko sa paanan niya ay saka lamang siya napatunghay. Mula sa seryosong mukha ay bigla siyang napangiti nang malawak.
Ang balak ko kanina ay titingnan ko lang siya't hindi magpapakita pero nang makita ko na siya ay hindi ko napigilan ang sarili. Kusang naging desido ang puso ko na lumapit at magpakita sa kaniya sa huling pagkakataon.
"Bebe!" napatayo siya at bigla akong hinila para yakapin. Ako naman ay nagulat sa biglaan niyang pagsunggab sa'kin.
Nahihiya akong napatingin sa paligid dahil pinagtinginan kami ng mga taong dumadaan. Nung pinakawalan niya na 'ko ay binatukan ko kaagad siya.
"Akala ko hindi ka na sisipot." huminga pa siya nang malalim na tila ay nabunutan ng tinik sa lalamunan.
Napaiwas ako ng tingin sa kaniya. "Akala ko rin," mahina kong sagot sa sinabi niya.
"May sinasabi ka bebe?" untag niya, mukhang narinig ang pagbulong ko.
Umiling lang ako't binigay ang payong sa kaniya. Nagtataka niya iyong tiningnan saka niya ako muling tiningnan nang may pagtataka sa mata.
"Ano 'to?" tanong niya.
Saglit kong tiningnan ang payong sa kamay niya. "Payong 'yan. Hindi mo alam?" nagbibiro kong sagot, pero gusto ko lang itago ang totoo kong nararamdaman ngayon. Mabuti na lamang ay nagagawa ko pang pigilan ang panginginig ng boses at pagpigil sa aking nagbabantang luha.
Napangiwi siya sa sinabi ko't napakamot sa likod ng kaliwang tainga. "Salamat sa payong, pero bakit iisa lang? Dapat dalawa na dinala mo. Nakalimutan ko nga magdala kanina e," ani pa niya.
Napatitig lang ako sa mukha niya habang abala siya sa pagsasalita. Pero ilang sandali lang ay napansin kong biglang tumigil ang pagbuka ng kaniyang bibig at napatitig din pabalik sa'kin. Mukha siyang naguguluhan habang nakatingin din sa'kin.
"Bakit?" tanong ko.
Napatingin ako nang i-angat niya ang kaniyang kamay palapit sa 'king mukha. Hanggang sa pahirin niya ang kanan kong pisnge.
"Umiiyak ba 'ko?" tanong ko ulit.
Tumango siya. Mapait akong napangiti at napatingala nang maramdamang naging sunod-sunod ang patak ng luha sa'king mata.
Peke akong tumawa habang pinupunasan ang buong mukha. Naramdaman ko ang marahan niyang paghawak sa magkabilaan kong balikat kaya naman napatingin ako sa kaniya.
"May problema ba? Bakit umiiyak ang bebe ko?" nakasimangot niya pang tanong na para bang isa akong bata.
Pero mas lalo lang nag-unahan ang luha sa mata ko habang nakatingin sa kaniya.
"S-sorry. Sorry." Umiiyak kong sabi sa kaniya.
Hindi maawat ang pagtulo ng luha sa mata ko habang siya ay abala sa pagpupunas ng nababasa kong mukha.
"Bakit ka ba nagsosorry? May nagawa ka bang kasalanan sa'kin? Wow, bago 'yon ha," tila ay namamangha pa niyang sabi, nagawa niya pang ngumiti habang pinupunasan ang buo kong mukha.
"Mahal kita." Bigla kong sambit. Para siyang nagulat sa bigla kong sinabi. Napatigil pa ang kamay niya at napatingin sa mata ko.
Pansin ko ang pagpipigil niya ng ngiti hanggang sa magkagat labi siya sa harap ko.
"Wala ka man lang pasabi kapag magsasabi ng ganiyan. Mare naman, aatakihin ako sa puso nito e," umakto pa siyang nahihiya dahil sa pagtatago niya ng kaniyang mukha.
"Pero mahal din kita," bumungisngis pa siya.
Napatigil lang siya sa pagtawa nang iabot ko na sa kaniya si Cronus. Nagkasalubong ang kilay niya.
"Sa'yo na 'yan bebe ko. Ayaw mo ba?"
Umiling ako at ako na rin mismo ang naglagay kay Cronus sa kamay niya. Mula sa masaya niyang mukha kanina ay napalitan iyon ng muling kaguluhan.
"Maghiwalay na tayo, San Agustin."
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top