42

Napataas ang kilay ko habang sinusundan ng tingin si San Agustin na abala sa pagtitingin sa mga nakahilerang bisikleta. Nakapamaywang pa siya habang tila ay nahihirapan kung alin ang gagamitin namin.

"Wala ba rito yung dalawahan yung manibela? Para magkasama pa rin kami nung bebe ko?" rinig kong tanong nito sa nag-aassist sa kaniya. Isang batang lalaki na nagbabantay sa rentahan ng mga bisikleta.

Napairap ako habang nakaupo at naghihintay sa kaniya. Ilang minuto na ba ang sinasayang niya sa pagpipili lang? Nagsisimula na akong mainip dito. Ilang beses na rin akong nagpakawala ng malalim na buntong hininga pero hindi pa rin siya tapos.

"Meron po, kuya pero may dagdag po yung bayad," rinig kong sagot ng bata sa kaniya.  Napakamot sa likod ng ulo si San Agustin habang naka-ingos sa harap ng bata.

"Bakit magdadagdag pa? Aba! Aba naman!Three-hundred na ang nabayad ko ah!" maya-maya ay himutok nito. Tipid akong napailing at tumayo para lapitan siya. Pagkalapit ko ay mabilis kong hinawakan ang braso niya.

Napalingon at napatingin s'ya sa akin na nakakunot ang noo ngunit nang makita niya kung sino ang humawak sa braso niya ay biglang nawala ang pagkakakunot nito. Umiling ako at bahagya pang lumapit para bumulong.

"Mang-aaway ka pa ng bata. Magtig-isang bike na lang tayo. Masyado ng nauubos yung oras natin dito," mahina kong sambit. Nakasimangot na siya nang lumayo ako sa kaniya.

"Pero mas maganda kasi—" kaagad kong pinutol ang sasabihin niya.

"Huwag na, mas okay kapag tig-isa tayo ng gagamitin," saad ko. Muli siyang ngumuso at tumingin sa bata na nakatingin sa amin.

"Hindi 'yon sweet eh," pahabol nitong dahilan pero nakatalikod na ako sa kaniya.

Una kong nakita ang isang kulay puting bisikleta na may basket sa unahan kaya naman iyon kaagad ang nilapitan ko at inignora si San Agustin sa pagdadabog niya.

"Mas sweet kapag 'yong dalawa yung manibela. Psh," rinig ko pabulong-bulong nito. Hindi ko na lang siya pinansin dahil naging abala na ako sa pag-iinspeks'yon sa bisikletang napili ko.

Narinig ko pa ang ilang pagdadabog niya habang kinukuha ang naipili niyang bisikleta. Tipid na lang akong napailing at marahas na bumuntong hininga sa ginagawa niya.

Natapos ko ang pag-i-inspeks'yon kaya naman nilingon ko si San Agustin. Nakahalukipkip ito habang nakatayo sa gilid ng bisikleta. Hindi ko tuloy napigilang mapangiti sa itsura niya.

"Handa ka na ba?" tanong ko sa kaniya. Mabilis siyang umismir na tila ay nagtatampong bata.

"Si Korina Sanchez ka ba?" pa-ingos niyang saad. Natawa ako bago ko inakay ang bisikleta palapit sa kan'ya.

"Huwag ka ngang gan'yan. Tara na," saway ko sa kaniya. Pagkalapit ko ay sumakay na ako sa nirentahan naming bisikleta. Saglit ko pa siyang tiningnan bago pumedal at iniwan siya.

"Tingnan mo! Nang-iiwan! Mare, sandali!" sigaw niya. Hindi ko siya nilingon habang natatawang nagpatuloy sa pagpapaandar ng bisikleta. Ngunit ilang sandali lang ay nakasabay na siya sa akin.

"Mang-iiwan, hmp!" reklamo nito. Hindi na ako nag-abala pang sumagot sa kaniya at nagpatuloy na lang.

---

"Bakit ka tumigil? Pagod ka na ba?" napalingon ako kay San Agustin at saktong nasa tabi ko na siya. Umiling ako bilang sagot at muling tumingin sa dagat na kalmado.

Malayo na rin ang narating ng pagbibisikleta namin ni San Agustin. Malayo na kami mula sa Henyeon park. At, dito nga kami nakarating.

Papalubog na ang araw. Nagkukulay kahel na ang buong kalangitan habang unti-unting bumababa ang haring araw. Isa ito sa magagandang tanawin na hindi nakakasawang tingnan, na paulit-ulit hahanap-hanapin ng aking mga mata.

"Ang ganda, 'di ba?" tanong ko sa kan'ya.

"Oo naman, pero s'yempre mas maganda ka," sagot nito dahilan para mapailing ako at mahinang natawa. Nakakabilib talaga ang bibig ng isang 'to.

"Magpicture tayo," suhestiyon pa nito kasabay nang pagdukot niya ng kaniyang cellphone sa bulsa ng kan'yang suot na pantalon.

Hinanda ko na lang ang sarili ko at mabilis na ngumiti nang itapat niya sa amin ang camera ng kaniyang cellphone. Ilang beses kong narinig ang pag-'click' bago namin sabay na tiningnan ang naging resulta ng litrato namin.

"Ang pogi ko talaga," bulong nito habang sino-zoom ang kaniyang mukha. Natatawa akong napailing habang tinitingnan ang bawat pag-slide ng picture. Sa bawat litrato ay palagi niyang sino-zoom ang kaniyang mukha at sinasabayan pa niya ng walang katapusang papuri sa sarili.

Ang akala ko ay aalis na kami nang lumayo siya mula sa akin. Akma na sana akong susunod nang mabilis niya akong pinigilan.

"Mare, pipicturan kita. Dali! Habang maganda pa ang view," saad niya. Napahinto ako sa akmang paghakbang at muling bumalik sa dati kong p'westo.

Seryoso akong nakatingin sa kaniya habang abala siya sa pagkuha ng litrato sa akin.

"Ngiti-ngiti rin 'pag may time, mare. Wacky nga r'yan!" paghirit nito. Labag sa loob kong itinaas ang kanan kong kamay habang naka-peace sign at tipid na ngumiti. Pagkakita niya sa ginawa ko ay sunod-sunod kong narinig ang pag-click.

Pagkatapos no'n ay saglit niyang ibinaba ang camera para utusan ako.

"Hawakan mo yung bike sa manibela tapos tingin ka sa ibang direksyon, kunwari stolen shot 'to, mare," kumunot ang aking noo ngunit sinunod ko rin naman ang sinabi niya.

Kasabay nang paghawak ko sa bisikleta ay ang paglakas ng hangin dahilan para sumayaw-sayaw ang aking buhok. Aayusin ko sana ang nagulo kong buhok pero narinig ko ang sigaw ni San Agustin.

"Ngiti ka, mare!" Kaya naman ngumiti ako katulad ng sinabi niya at hindi na nag-abala pang ayusin ang buhok ko.

Ilang sandali pa kaming nanatili at kumuha ng mga litrato bago ko naisipang bumalik na sa parke at isauli ang mga bisikleta.

Kaya ngayon ay kasalukuyan naming binabaybay ang daan papunta sa parke.

Mabagal lang ang bawat pagpedal namin habang magkasabay kami. Paminsan-minsan ay napapatingin ako sa kaniya kaya nahuhuli ko siyang nakatingin din sa'kin.

Sabay na lang kaming natatawa kapag nagtatama ang tingin namin.

Hanggang sa maramdaman ko ang ilang tubig na pumapatak sa mukha at braso ko. Mukhang uulan pa yata. Ngayon ko lang napansin na walang bituin sa kalangitan nang saglit akong tumingala.

"Nice, uulan pa yata," rinig kong saad ni San Agustin.

"Kaya bilisan na natin, baka abutan pa tayo ng malakas na ulan," sambit ko naman.

"Hindi 'yan. Ambon pa lang naman," sagot nito. Napairap ako at hindi siya pinansin at  saka ko binilisan ang pagpapatakbo sa bisikleta.

"Hoy! Mang-iiwan ka, Qalawacan! Yare ka sa akin kapag naabutan kita!" sigaw pa niya. Saglit ko pa siyang nilingon at tinawanan.

Malapit na kami sa parke nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Basang-basa na kami ni San Agustin habang papalapit sa rentahan ng bike pero mabilis pa rin akong sumilong pagkarating namin kaya nabasa na ako.

Ngunit nang lingunin ko si San Agustin ay nakita kong nakatayo lang siya habang nakatalikod sa akin. Ang kaniyang mga kamay ay nakaawang na para bang sinasalubong niya ang bawat patak ng ulan.

"Hoy, wala ka sa pelikula para guman'yan!" sigaw ko.

Kaagad niyang ibinaba ang dalawang kamay at nilingon ako. Nakakaloko siyang ngumiti bago mabilis na tumakbo palapit sa akin at walang pasabi akong binuhat.

Nagulat ako kaya malakas akong napasigaw ngunit agad din akong napakapit sa batok niya.

"Ano ba?!" piningot ko ang kaniyang tainga.

Napahiyaw siya at mabilis akong binaba.

"Nagiging sadista ka na ah!" pasigaw niyang reklamo.

"Basang-basa na tuloy ako! Isip bata ka ba?" inis kong sambit.

"Basa ka na kaya kanina! Saka ang sarap maligo sa ulan," ani pa nito.

Magsasalita pa sana ako pero mabilis niyang hinawakan ang palapulsuhan ko at hinila palapit sa kaniya bago niya 'ko niyakap mula sa likuran.

"Basta hihintayin kita rito bukas, mare."

Pero hindi dadating ang hihintayin mo bukas.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top