4
Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong hininga pagkatapos kong mailagay ang ointment sa dalawa kong sugat. Napatingin ako sa ointment na nasa tabi ko at napailing-iling.
Walang pasok sa school dahil sabado ngayon. Kung ang ibang kaklase ko ay mamasyal o ‘di kaya naman ay magpapahinga sa kanilang bahay dahil weekends, ako ay hindi. Kailangan kong maglako ng niluto kong puto at kutsinta para pandagdag kita na rin.
Lalo pa ngayon na may lagnat si Lianne. Gusto ko siyang ipa-check up dahil noong isang araw pa siya nilalagnat.
“’Nay, aalis na ‘ko!” sigaw kong pagpapaalam. Mula sa maliit naming kusina ay sumilip siya.
Ngumiti at nagthumbs up pa siya sa’kin. Napailing-iling ako bago lumabas sa bahay. Nakalagay ang mga paninda ko sa isang bilao. Hawak-hawak ko sa kanan kong kamay habang nakaipit sa baywang ko.
Nagsuot ako ng balabal sa ulo hanggang sa balikat para panangga sa init ng araw. Una kong nilapitan pagkalabas si Aling Rose.
“Ang ganda niyo ngayon, Aling Rose!” ngumiti ako sa kaniya. Napatigil siya sa ginagawa at kunot-noo akong nilingon.
Napaningos siya dahil nakita niya ang dala-dala ko.
“Naku, nambola pa! Sige, tig-isang balot ang ibigay mo sa’kin,” natatawa niyang aniya.
Masaya kong inabot sa kaniya ang dalawang supot ng paninda ko. Nang iabot niya ang bayad ay mabilis akong nagpasalamat at nagpaalam. Mabilis din akong umalis para alukin ang iba pa naming kapitbahay.
Pero kakaunti lang ang naibenta ko sa kanila dahil tulad nami’y naghihikahos din sila sa buhay.
Wala akong mapagpipilian kun’di ang pumunta sa palengke para do’n magbenta. Mas malakas ang benta ko kapag doon ako pumepwesto.
“Lezelle!” napatigil ako sa paglalakad nang may tumawag sa pangalan ko. Malapit na akong makarating sa isang bakanteng upuan sa tapat ng palengke.
Paglingon ko’y nakita ko si Aldrin na tumatakbo palapit sa’kin. Nakasuot siya ng isang puting polo habang nakasuot ng itim na pants.
Wala sa sariling napangiti ako. Nagpapakita na naman ang mga dimples niya dahil sa kakangiti niya.
“Anong ginagawa mo rito?” kaagad niyang tanong pagkatigil sa harapan ko.
“Nagtitinda. Ikaw?” maiksi kong sagot.
Napakamot siya sa braso habang nakatingin sa’kin. Nanatili ang ngiti sa labi niya. Napapansin kong pinagtitinginan siya ng mga tao, lalo na ng mga babaeng kaedaran lang namin.
Mukha siyang nagulat at namangha sa sinabi ko. Saka lamang bumaba ang tingin niya sa dala-dala kong bilao.
“Uy, nagtitinda ka nito?” mangha niyang tanong.
Tipid akong tumango bago kumuha ng isang supot ng kutsinta. Inabot ko ‘yon sa kaniya. Tinanggap naman kaagad.
“Magkano naman ‘to?” binuksan niya ang supot saka nilantakan ang pagkain.
Nakangiti ako habang pinapanuod ang bawat nguya niya. Mukhang nagustuhan niya ang ginawa ko.
“Palagi mo ‘kong nililibre kaya naman libre ko na sa’yo ‘yan,” pasimple kong sabi dahilan para bahagya niyang mailuwa ang kinakain.
Nanlalaki ang matang tumingin sa’kin si Aldrin. Isang sinserong ngiti ang binigay ko sa kaniya.
“Hindi naman ako humihingi ng kapalit sa mga binibigay ko sa’yo e,” aniya. Nawala ang ngiti ko at napatitig sa gwapo niyang mukha.
Napalunok ako, “mabait ka talaga. Anghel ka siguro na hinulog sa lupa?”
Natawa siya sa sinabi ko saka kumindat. Nag-init ang pisnge ko dahil sa ginawa niya.
“Huwag mong ipagkalalat ‘yan, Lezelle. That’s our secret, sa ‘ting dalawa lang,” muli siyang kumindat bago inisang subo ang panghuling kutsinta.
“Sige,” natatawa kong sabi.
Naubos ang paninda ko pasado alas-sais ng gabi. Napailing-iling ako nang maalala ang nangyare kanina. Gusto sana akong samahan at tulungan ni Aldrin sa pagtitinda pero mabuti na lamang at tinawagan siya ng mama niya para umuwi.
Tatlong daan at limangpu ang kabuuan ng kinita ko ngayon. Okay na kaya ‘to pang check-up kay Lianne?
Balak kong sa center na lang, baka sakaling may libreng gamot.
Kinabukasan, maagang umalis si Tatay para mangalakal habang si Nanay naman ay tumanggap ng mga labahan. Ako ang naatasang magdala kay Lianne sa center ngayong araw.
Karga-karga ko si Lianne papunta sa center ng bayan. Nilalagnat pa rin siya kaya kung minsa’y umiiyak siya. Nagpalista ako bago umupo sa isang mahabang upuan para pumila.
Tulog si Lianne sa braso ko kaya payapa kong naililibot ang paningin sa loob ng center. Napatingin ako sa matandang katabi ko, mukhang anak niya ang kasama niya.
Ngumiti ako sa kaniya at gano’n din siya. Pero nagulat ako nang biglang umatungaw ng iyak si Lianne sa braso ko. Mabilis akong tumayo para ihile siya pero hindi ko siya mapatigil.
Gusto kong umiyak habang marahan siyang sinasayaw. Ramdam na ramdam ko ang init ng buo niyang katawan.
“Masakit ba ang ulo mo? Anong masakit, hmm?” bulong ko sa kaniyang maliliit na tainga saka ko siya dinampian ng halik sa pisnge.
Ilang segundo ko siyang sinasayaw at pilit na pinapatahan nang bigla siyang tumigil sa kakaiyak. Napabuga ako ng hangin dahil mukhang may nakakuha ng atensiyon niya mula sa likuran ko.
Lumingon ako para tingnan ang tinitingnan niya dahil bumubungisngis pa ang kapatid ko.
Ang ngiti sa labi ko’y unti-unting naglaho nang makita si Davido San Agustin na umaaktong unggoy habang may suot-suot na tainga ng unggoy sa kaniyang ulo.
Siya pala ang pinapanuod ng kapatid ko. Napatingin ako sa kapatid ko nang iangat niya ang dalawang kamay na para bang gusto niyang magpabuhat kay Davido.
Iiling na sana ako pero nakalapit na si Davido sa pwesto namin. Kumawag ang dalawang kamay ni Lianne patungo kay Davido.
Napabuntong hininga ako bago tumingin sa kaniya. Pilit siyang nagpapacute sa kapatid ko bago dumako ang tingin niya sa’kin.
“Pwede ko bang mabuhat?” tanong niya.
Tipid na tango lang ang isinagot ko sa kaniya. Mabilis niyang kinuha sa’kin si Lianne. Namalayan ko na lang na nakaupo na siya habang nilalaro ang kapatid kong abala sa tainga ng mga unggoy.
Umupo ako sa tabi niya. Malaya kong napagmasdan ang mukha niya dahil masyado siyang abala sa kapatid ko. Matangos na ilong, natural na mapupulang labi, ang matang akala mo palaging nang-aasar at ang kilay niyang may guhit patagilid.
Napansin ko rin ang hikaw niya sa tainga. Hindi ko maiwasang mapangiti nang marinig ang magkasabay nilang tawa ng kapatid ko.
Nakangiti ako nang lingunin niya ‘ko. Nagtagpo ang tingin naming dalawa. Mabilis na nawala ang ngiti ko saka umiwas ng tingin.
“Ang ganda ng ngiti mo,” rinig kong sambit niya dahilan para mapalingon ulit ako sa kaniya.
Pero hindi siya sa’kin nakatingin bagkus ay sa kapatid kong bumubungisngis.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top