37
Mabilis kong nilingon ang dalawa kong kapatid na masayang nakikipag-kwentuhan kay Miss Heart sa sala. Tipid akong napangiti bago dumeritso sa kusina para kumuha ng isang basong tubig dahil nauuhaw na 'ko sa pag-aayos ng mga gamit naming tatlo.
Saglit ko pa silang pinagmasdan bago umakyat sa pangalawang palapag at bumalik sa nilaang kwarto para sa'min. Hindi pa kasi ako tapos sa pag-aayos pero kakaunti na lang naman ito.
Napabuntong hininga ako bago sinara ang pinto ng malaking cabinet pagkatapos kong mailagay ang damit ko. Pagkasara ko'y nakita ko ang repleksiyon ko sa salamin. Nakapuyod ang buhok ko habang nakasuot ako ng isang malaking t-shirt at itim na pajama.
Tipid akong ngumiti bago ko hinaplos ang aking pisnge nang makitang may kumawalang luha sa kaliwa kong mata.
"Traydor..." pabulong kong pagtukoy sa luhang pinahid ko.
Hindi ako nagtagal sa kwarto dahil narinig kong tinawag ni Miss Heart ang pangalan ko mula sa baba. Nagligpit muna ako ng mga kalat bago bumaba.
Naabutan ko silang kumakain ng pizza habang nanunuod ng pelikula. Lumapit ako sa kanila at tumabi ng upo sa bunso kong kapatid. Tuwang-tuwa ito habang nilalantakan ang pagkain na nakahain.
"Kumain ka, Zelle," pag-aalok ni Miss Heart kaya napa-angat ang tingin ko sa kaniya saka ngumiti nang hindi labas ang ngipin.
Kumuha ako ng isang piraso saka kumagat at matamamg tumitig sa malaking TV. Comedy show ang kanilang pinapanuod ngunit hindi ko magawang makatawa katulad nila. Hindi ko alam kung bakit, siguro ay hindi lang talaga nakakatawa ang palabas para sa akin.
Halata naman sa dalawa kong kapatid na kahit wala pang isang araw ay nakasundo na agad nila si Miss Heart at nakita ko rin kung gaano sila kasabik matulog sa malambot na kama mamayang gabi.
Napabuntong hininga ako habang nakatingin sa TV.
Kinabukasan ay maaga akong nagising o mas maigi pang sabihin na hindi ako nakatulog dahil sa daming pumapasok sa isipan ko.
Pagkababa ko sa kusina ay naabutan ko si Miss Heart, nakasuot siya ng sky-blue apron habang mahinhin na umiindayog sa kaniyang mahinang pagkanta. Mula sa 'king kinatatayuan ay halatang nagluluto siya.
Mukhang maganda ang kaniyang gising ngayon. Nang humarap siya sa direksyon ko ay bahagya pa siyang nagulat nang makita akong nakasandal sa hamba ng pintuan ngunit mabilis din siyang ngumiti. Masaya niyang pinakita ang niluto niyang itlog at hotdog.
Tipid akong ngumiti sa kaniya saka naglakad palapit.
"Mukhang napaaga kayo ng gising, Miss Heart," komento ko bago kumuha ng tubig at uminom.
"Inagahan ko talagang magising para makapagluto ako ng umagahan niyo, saka huwag na Miss Heart ang itawag mo sa'kin Zelle. Ate na lang," nakangiti niyang aniya habang nag-aayos ng mga pinggan sa lamesa.
"Salamat po sa pagpapatuloy niya sa'min dito sa bahay niyo. Sa totoo lang po talaga ay nahihiya ako sa inyo, masyado po kayong mabait sa'kin, sa'min," mahina kong sambit saka inilapag ang huling kutsara sa pang-apat na upuan.
Nagulat ako nang bigla niyang haplusin ang balikat ko kaya mabilis akong napatingin sa kaniya. May malungkot na ngiti siya habang nakatingin sa'kin.
"Alam mo ba, may dalawa akong kapatid na babae, iniwan ko sila rito sa Pilipinas kasama ng kamag-anak namin. Hindi ko alam na pinagpapasa-pasahan na pala sila rito habang ako ay todo kayod sa ibang bansa para kumita. Hanggang sa nabalitaan ko ang masamang nangyare sa kanila rito sa Pilipinas, namatay sila na wala ako sa tabi nila, nawala sila dahil hindi ko sila naalagaan. Pumalpak ako bilang isang ate sa kanila. Hindi ko man lang nagawang yakapin ang mga kapatid ko bago sila nawala. Ang isang bagay pinagsisisihan ko hanggang ngayon ay 'yong hindi ko nagawang ibigay ang magandang buhay na tinatamasa ko ngayon. Gusto kong makatulong sa inyong tatlo, gusto kong maibsan ang lungkot ko habang nabubuhay mag-isa," sunod-sunod na tumulo ang luha niya kaya mabilis ko siyang niyakap.
Hindi ko alam na may ganito pa lang pinagdaaanan si Miss Heart—ate. Nalulungkot ako para sa kaniya.
"Gusto kong makabawi, gusto kong gawin ang mga bagay na dapat ginawa ko sa kanila, sa inyo."
Marahan akong tumango habang hinahagod ang kaniyang likuran. Pagkatapos ng ilang segundo ay kumawala na rin siya sa pagkakayakap ko at natatawang nagpahid ng luha.
"Kumain ka na, gigisingin ko lang sina Lyka at Lianne," bumalik ang ngiti niya sa labi ngunit mababakas pa rin ang kalungkutan doon.
---
"Kumusta naman ang bago niyong bahay, mare?" nakapangalumbabang tanong ni San Agustin habang nakatingin sa'kin.
Nandito kami ngayon sa parke dahil nagyaya siya nang biglaang date kuno kanina nang sinundo ako mula sa Cafe. Pumayag ako dahil wala rin naman akong gawaing school na kailangang habulin.
"Hindi namin bahay 'yon, nakikitira lang kami, ano ka ba?" sita ko sa kaniya.
Umismir siya at umangat ang ulo mula sa pagkakapangalumbaba.
"Sus, gano'n na rin 'yon. Eh ano raw ba? Puwede raw ba akong bumisita roon?" ngumiti siya at mukhang umaasa sa magandang sagot mula sa akin.
Hindi ko maiwasang mapangiwi dahil hindi ko naman naitanong 'yon. Nawala rin sa isip ko dahil wala ng espasyo 'yon sa utak ko.
"Hindi ko pa nasasabi," natatawa kong sagot sa kaniya.
Mabilis siyang sumimangot at nanliit ang matang tumitig sa'kin pero maya-maya rin ay marahan siyang napailing. Para bang may gusto siyang sabihin pero hindi niya matuloy.
"Bakit?" kunot-noo kong untag dahil muli siyang nangalumbaba at pinakatitigan ang mukha ko.
Hindi naman ako naiilang dahil nasanay na rin ako sa iyon ba naman ang palagi niyang ginagawa kapag magkasama kami eh.
"Wala naman, ang ganda mo lang. Ano ba'ng skin care routine mo, mare?" mausisa niyang tanong.
Napairap ako at tiniklop ang librong nakabuklat sa harapan ko. Balak ko sanang magbasa dahil nakaupo lang din naman kami rito sa bench pero nakalimutan kong madaldal nga pala ang katabi ko.
"Wala akong skin care routine," nakangiwi kong sagot.
Mukha siyang namangha sa sinabi ko, bahagya pa na umawang ang labi niya kasabay nang panlalaki ng kaniyang mata.
"Wow, I kent beleb it," bubulong-bulong niyang sambit.
"San Agustin, may tanong ako..."
Nakipagtitigan ako sa mapupungay niyang mata kasabay ng palihim kong pagkuyom ng kamay na nakapatong sa kandungan ko.
"Sige, ask away, my mare," balewala niyang aniya.
"Paano kung may dalawang bagay kang pagpipilian, ang isa ay kailangan mong iwanan at ang isa naman ay dapat mong piliin. Ang una, ay para sa maganda mong kinabukasan at ng nasa paligid mo, ang pangalawa naman ay ang kailangan at gusto mong makasama dahil hindi mo kayang mawalay sa kaniya. Ano'ng pipiliin mo?"
Saglit na kumunot ang noo niya at napatunghay mula sa pagkakapangalumbaba. Nagtataka siyang tumingin sa mata ko habang nag-iisip.
"Bago ako sumagot, bakit mo muna tinatanong 'yan?" aniya.
Lihim akong napalunok ng laway at saglit na umiwas ng tingin sa kaniya. Pagkatapos ay mahina akong tumikhim saka muling tumingin sa kaniya.
"Si Lilac kasi, may problema at tinatanong niya sa'kin kung ano raw ang pipiliin ko. Nagbabakasakali lang ako kung ano'ng pipiliin mo," lumikot ang mata ko at nagpabalik-pabalik ang tingin mula sa mata niya at noo.
"Ahh, akala ko naman..."
"Na ano?"
Matamis siyang ngumiti at umiling.
"Wala, mare ko."
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top