36
Magdamag akong hindi pinatulog ng inalok ni Miss Heart. Hindi ko alam kung anong gagawin ko, hindi ko alam kung anong idedesisyon ko. Naguguluhan ako at ang isipan ko'y hindi makapag-isip ng maayos.
Muli akong bumaling para humarap kay Lianne. Bahagya pang nakabuka ang bibig nito habang mahimbing ang tulog. Wala sa sarili akong napangiti nang tipid at inayos ang tumatabing na buhok sa kaniyang mukha.
Doon ko napagtanto na ang gagawin kong desisyon ay para sa mga kapatid ko, mas mabibigyan sila ng mas komportableng buhay malayo sa paghihirap at pagtitiis namin ngayon.
Ang malamya kong ngiti ay nauwi sa malungkot na ngiti nang maalala ko ang malungkot na mukha ni San Agustin kanina. Napabuntong hininga ako saka ipinikit ang mata. Muli akong nagpakawala ng buntong hininga bago nagmulat at tumingin sa bubong ng kwarto namin.
Nasabi ko na rin dalawa kong kapatid na kailangan naming umalis sa bahay at lugar na 'to. Nagtaka sila pero hindi na nagtanong pa kahit si Lyka ay nanahimik lang. Siguro ay narinig na niya ang usapan sa mga kapitbahay namin.
Nag-impake na rin kami kanina. Ang mga bagay na hindi na namin kailangan ay hindi ko na isinama pa sa inimpake namin. Nakakalungkot lang dahil kahit isang litrato nina Nanay at Tatay wala kami, dahil sa kakapusan at kahirapan ng buhay.
Nakatulugan ko ang pag-iisip sa maraming bagay hanggang sa magising ako sa dalawa kong kapatid na abala sa pag-uusap sa aking tabi. Nanatili akong nakapikit at pinakinggan ang kwentuhan nila.
"Gusto ko maging Firefighter," bumgisngis na saad ng bunso kong kapatid. Bahagyang kumunot ang noo ko dahil sa kaniyang sinabi.
"Bakit naman bumbero?" tanong ni Lyka.
"Astig kasi sila eh," narinig ko ang mahina nilang tawanan dahil sa sinagot ni Lianne.
"Ako gusto ko maging Cashier," maya-maya ay sabi ni Lyka.
"Bakit cashier? Dahil ba mukha kang tarsier?" pang-aasar ni Lianne kaya hindi na ako nagtaka pa nung maramdaman ko ang paghahampasan nilang dalawa sa tabi ko.
"Pangit mo talaga kausap!" inis na sambit ni Lyka.
"Nyenye, atleast ako pangit lang kausap ikaw mukha mo," nang-aasar na humalalhak si Lianne. Sa aming tatlo, si Lianne talaga ang may pinakamalayong ugali sa amin. Kung anong gusto niya, sasabihin niya talaga. Kung anong nararamdaman niya, sasabihin niya rin. Kahit sobrang nakaka-awkward magsasabi 'yan mga sweet word samin at kina Nanay dati.
"Ang bata-bata mo pa pero ang galing mo ng mang-asar," komento ni Lyka na mahinang natatawa sa banat ng bunso namin.
Tuluyan akong nagmulat ng mata nang madaganan nila ako sa pang-aasaran at paghahampasan nilang dalawa. Nang makita nilang nagising ako'y magkasabay silang tumigil at tumalikod sa'kin.
"Ba't ang aga-aga ang iingay niyo?" kunwari ay tanong ko at kunwari'y naiinis.
"Si Lyka kasi..." mahinang saad ni Lianne.
Kumunot-noo ako. "Anong Lyka, Lianne?" mariin kong pagtatanong.
Ngumuso ito at sumimangot sa'kin. Tipid akong napailing sa palagi niyang ginagawa kapag pinapagalitan siya.
"Mag-ate ka kay Lyka, Lianne dahil mas matanda siya sa'yo, paulit-ulit ko na lang bang ipapaala 'yon sa iyo?" saad ko sa kaniya.
"Ate Lyka..." mahina niyang sambit. Tumango ako bago ginulo ang buhok niya. Ngumiti ako sa nakasimangot niyang mukha.
"Okay lang ba talaga ate na sa boss mo tayo titira?" tanong ni Lyka kaya napalingon ako sa kaniya.
Nasabi ko na rin sa kanila ang binigay na proposal ni Miss Heart sa'kin. Mabilis na pumayag si Lianne nang marinig ang salitang Switzerland dahil marami raw candy doon, pero si Lyka ay nagdadalawang isip pa katulad ko. Hindi bale, may isang linggo pa naman ako para magdesisyon.
"Oo naman," maagap kong sagot bago bumangon at dumeritso sa kusina para maghilamos at magtoothbrush. Pagkatapos ko ay saktong lumabas na rin ang dalawa kong kapatid mula sa kwarto at ang tatlong katok sa pinto.
Mukhang napaaga siya. Napangiti ako habang naglalakad palapit sa pinto upang buksan iyon. Mas lalong lumapad ang ngiti sa labi ko nang bumungad sa'kin ang maaliwalas at nakangiting mukha ni San Agustin.
"Magandang umaga, mare," aniya kasabay ng kaniyang pagyuko upang bigyan ako ng halik sa aking pisnge. Ramdam kong namula ang buo kong mukha pero isinawalang bahala ko na lamang iyon.
"Ang aga mo, kuya Davido ah," mula sa'king likuran ay sumilip si Lyka, tangan-tangan pa nito ang kaniyang sipilyo sa bibig.
Tumawa si San Agustin. Tumabi kami ni Lyka para makapasok siya sa loob bago niya ginulo ang magulong buhok ng dalawa kong kapatid.
"Kung magbabago ang isip ng ate niyo, bukas ang bahay namin para sa inyong tatlo," tumaas-baba ang kilay niyang aniya habang nakahalukipkip at matamang nakatingin sa'kin.
Tipid akong napailing.
"Hindi. Hindi magbabago ang desisyon ko," sagot ko dahilan upang sumimangot siya.
"Kahit one percent chance lang? Hindi talaga?" pahabol pa niya nang sundan niya 'ko papuntang kusina.
Saglit ko s'yang tinapunan ng tingin bago binalik ang atensiyon sa pagsasaing para sa huling umagahan namin sa bahay. Mamayang tanghali ay kailangan na naming umalis.
Ang bilis ng mga pangyayare kung iisipin, kaya ang magagawa mo na lang ay magtaka at manghinayang sa lahat. Kahit papaano'y may naging kaibigan na rin ako rito kahit hindi ako palalabas ng bahay dati, kaya nanghihinayang din ako bukod sa maraming masasaya at malungkot na alaala rito.
"Doon ka na sa lamesa. Huwag ka ritong magulo," saway ko sa kaniya nang pasimple niyang hawakan ang magkabila kong balikat.
"P'wede ba akong bumisita ro'n sa bahay ng boss mo?" hindi niya pinansin ang sinabi ko, sa halip ay nagtanong pa.
"Itatanong ko," bumuntong hininga ako pagkatapos ng maikli kong sagot sa kaniya.
"Mabait naman siguro yung boss mo, 'no? Kapag inapi-api kayo roon, magsumbong ka agad sa akin ah?" mahina akong natawa at napailing sa sinabi niya.
"Mabait si Miss Heart, mas mabait 'yon kaysa sa'yo," natatawa kong sambit.
"Ah, talaga ba, Qalawacan?"
Muli akong napailing. Hindi pa nga pala niya alam ang tungkol sa proposal ni Miss Heart sa'kin. Hindi ko pa magawang sabihin sa kaniya dahil nagdadalawang isip pa naman ako. Magandang pagkakataon ito para sa'min pero si San Agustin ang isa mga dahilan kung bakit nagdadalawang isip ako sa alok ni Miss Heart.
Masama na ba akong ate kung mas gusto kong manatili rito para makasama ko siya? Makasarili na ba akong ate kung mas pipiliin kong manatili rito kaysa sa magandang pagkakataon na inihain sa'kin para sa'ming magkakapatid?
Mapait akong napangiti.
Per,o palagi namang kasama ang pamilya ko kapag gumagawa ako ng desisyon. Alam kong magulo pa at hindi pa ako makapagdesisyon pero alam ko sa sarili kong mas paiiralin ko ang pagiging ate kaysa sa pansarili kong damdamin.
---
Magkasabay kaming lumingon ni Lyka kay Lianne nang tumalon ito sa tuwa habang nakatingin sa malaking bahay ni Miss Heart. Hindi na kami nasamahan ni San Agustin dahil may klase pa siya. Gusto niya pa sanang umabsent para lang sumama pero sinamaan ko lang siya ng tingin.
"Dito tayo titira?" puno ng galak na tanong ni Lianne bago niya kami nilingon.
"Oo nga ate, baka mali ang address na naibigay sa'yo, hindi na 'yan bahay eh, mansiyon na 'yan," naiiling na wika ni Lyka kaya napalingon ako sa kaniya.
Ngunit bago ko pa magawang sagutin ang mga tanong nila ay bumukas na ang gate sa tapat namin. Pagkabukas ay kaagad kong nakita si Miss Heart na tila hinihinty kami.
Umaliwalas ang buo niyang mukha nang makita kami. Mabilis niya kaming nilapitan at nagulat na lang kami nang yakapin niya kaming tatlo.
"Welcome home, pretty siblings," nakangiti niyang aniya habang nakayakap sa'min.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top