34
Sa isang linggong lumipas, tanging tatlong lugar lang ang pinupuntahan ko, ang university, ang Cafe at ang bahay.
Inaamin kong napapabayaan ko ang pag-aaral ko dahil hanggang ngayon ay mabigat pa rin sa pakiramdam, gumigising akong naninikip ang dibdib sa tuwing naiisip kong babangon ako at lalabas ng kwarto nang wala sina Nanay at Tatay na masayang nag-uusap habang nagkakape.
Napabayaan ko rin ang pagtatrabaho ko sa Cafe at ilang beses na 'kong pumapalpak pero nagpapasalamat pa rin ako kay Miss Shasha at kina Zira at Lilac dahil patuloy nila 'kong iniintindi, pero hanggang kailan? Kaya pinipilit kong ayusin ang bawat galaw ko, ang bawat kilos ko para sa mga kapatid kong umaasa sa'kin.
Napahilamos ako ng kamay sa mukha at tumingala sa mga bituing nagliliwanag. Hawak-hawak ko ang isang libro habang nakaupo rito sa labas ng bahay namin. Pinipilit kong mag-aral pero kung saan-saan na napupunta ang utak ko. Marahas akong bumuntong hininga habang matamang nakatitig sa isang bituin na namumutawi ang liwanag sa lahat.
Wala sa sarili akong napangiti nang tipid. Nilapag ko ang libro at ginawa iyong unan. Nanatili akong nakatingin sa bituin habang nakahiga.
"'Tay... 'Nay... masaya na ba kayo r'yan? Kasi kami, papunta pa lang do'n," mahina akong natawa.
"Ginagawa ko ang lahat. Kasi ako ang ate, kasi kailangan kong gabayan ang mga kapatid ko. Huwag po kayong mag-alala, hinding-hindi kami maghihiwalay, tutuparin ko po ang pangako ko. Huwag niyo na sana kaming alalahanin d'yan, 'Tay, 'Nay. Maging payapa sana kayo r'yan at maging masaya. Marami na kayong ginawa para sa'min at nagpapasalamat po sa ako lahat, m-mahal na mahal ko kayong dalawa," natatawa kong pinahid ang mga luhang nakatakas sa'king mata.
Ilang minuto akong nanatiling nakatingin sa langit. Saka lang ako bumangon nang sumulpot si San Agustin sa'kin paanan. Nanlalaki ang mata kong tumingin sa kaniya.
"Kanina ka pa?" untag ko. Nanatiling nakatingin ang mata niya sa mukha ko.
Umuklo siya palapit sa'kin at hindi pinansin ang tanong ko bagkus ay unti-unting umangat ang kamay niya papunta sa mukha ko. Naramdaman ko ang marahang paghaplos ng kaniyang hinlalaki sa pisnge ko. Tila ay tinutuyo niya ang luha roon.
"Umiiyak ka na naman," mahina niyang sambit.
"Okay lang ako. Nakakatulong sa'kin ang pag-iyak kapag mabigat ang dibdib ko," sagot ko, tipid akong ngumiti sa kaniya.
Tumango siya bago tuluyang tumabi sa'kin. Parehas kaming nanahimik habang hawak-hawak niya ang kamay ko.
"Wala ba 'kong maitutulong?"
Napalingon ako sa kaniya nang mayroong kalituhan sa mukha.
"Ayos lang kami. Kaya ko naman," sagot ko na lamang.
Tumaas ang sulok ng kaniyang labi bago saglit na tumingin sa'kin.
"Kung kailangan mo ng pera, mare, p'wede mo 'kong lapitan. Papautangin naman kita, kahit in 10 years mo na 'kong bayaran. Wala pang interest," nakangiti niyang saad.
Ilang segundo akong tumitig sa kaniyang mukha nang may tipid na ngiti sa labi. Marahan kong pinisil ang kamay niyang nakahawak sa'kin.
"Hindi na. Kaya kong pagtrabahuhan ang mga kailangan namin. Kaya ko 'to, pero salamat sa pag-aalok," puno ng pagpapasalamat kong wika sa kaniya.
"Kung gano'n, hindi na lang ako aalis sa tabi mo. Ako ang source ng pag-asa at lakas mo kapag napapagod ka na. I am your energizer and sunshine," tumaas-baba ang kaniyang kilay dahilan para matawa ako.
"Echosero, mga kapatid ko ang lakas at pag-asa ko, 'no," natatawa kong sabi, bumagsak kaagad ang balikat niya at nakangusong tumingin sa'kin.
"So, anong silbi ko rito? Design lang? Boyfriend lang?" halos paasik niyang tanong.
Napailing-iling ako sa kaniya.
"Ikaw s'yempre ang pagkukunan naming tatlo ng liwanag, ikaw ang sunshine namin, hindi ba?" nang marinig niya ang sinabi ko'y biglang nagliwanag ang mukha niya.
"Talaga?"
"S'yempre joke lang. Uto-uto ka pala, eh?"
"Ah, talaga ba, Qalawacan?"
Napasigaw ako nang bigla niya 'kong kilitiin. Malakas akong tumawa habang pilit na umiiwas sa kaniya ngunit patuloy niya 'kong naabutan.
---
Lumipas muli ang isang linggo nang paulit-ulit lang ang ginagawa ko. Sa umaga ay papasok ako sa university para mag-aral, tapos sa hapon ay dideritso ako sa N'N Cafe para magtrabaho at sa gabi naman ay sa bahay upang maglinis at maghanda ng hapunan namin.
Nakakapagod pero wala akong magagawa kun'di ang kumilos dahil kung hindi ako kikilos, sino?
Huminga ako nang malalim habang nakatingin sa labas ng Cafe. Natatanaw ko ang saya sa bawat mukha ng mga taong naglalakad sa labas. Hindi mo malalaman kung may mabigat ba silang pinagdaraanan o wala.
Oo, ngumingiti ang isang tao pero hindi naman ibig sabihin na nakangiti ay masaya na. Sa tingin ko, matagal pa bago ako makakaranas ng muling kasiyahan. Sa ngayon, hindi pa. Sariwa pa kasi yung sugat ko—namin.
"Zelle, halika na!" napapitlag ako nang malakas na sumigaw si Lilac at nang tingnan ko sila'y nasa pintuan na sila. Parehas na malawak ang nakakurbang ngiti sa kanilang dalawa habang nakatingin sa'kin.
Tipid akong tumango saka tumayo. Mabibigat ang bawat hakbang ko habang naglalakad palapit sa kanilang dalawa.
Hindi nawawala ang ngiti nila hanggang sa makalapit ako. Tinulak pa 'ko ni Zira para paunahin sa paglabas.
Pagkalabas ay sumalubong sa'kin ang nakangising si San Agustin sa malay. Pero hindi ko magawang ngumiti katulad ng ginagawa nila. Pakiramdam ko, trina-traydor ko ang sarili ko kapag ngumingiti. Kaya mas pinili kong itikom ang bibig ko.
Napapikit ako nang marahan akong yakapin ni San Agustin at dinampian ng halik sa sintido nung makalapit kami sa kaniya. Nakangiti niya 'kong tiningnan habang hinahawi ang mga buhok na tumatabon sa mata ko.
Walang emosyon akong nakatingin sa kaniya, kahit hanggang sa hawakan niya ang dalawa kong kamay. Iginiya niya iyon sa kaniyang labi upang dampian din ng halik. Narinig ko ang impit na tili ng dalawa kong kaibigan.
Labag sa loob akong ngumiti sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit ganito. Ayokong pilitin ang sariling ngumiti pero ayokong makita ang malungkot niyang mata kapag nakikita niyang walang emosyon ang mukha ko, lalo na kapag ginagawa niya ang mga bagay na nagpapangiti sa'kin dati.
"Tara na, magluluto pa 'ko," tinatamad kong saad saka ko binawi ang kamay mula sa pagkakawak niya bago ko siya tinalikuran.
Narinig kong nagpaalam siya kina Zira at Lilac bago ko narinig ang patakbo niyang yabag hanggang sa pumantay na siya sa gilid ko.
"Ayos ka lang ba?"
Tumango ako. "Pagod lang," sagot ko.
Kasunod no'n ay hindi na siya nagsalita o nagtanong pa. Sinabayan niya lang ako sa paglalakad. Hindi ko siya nililingon hanggang sa makarating kami sa bahay. Pinagbuksan niya 'ko ng pinto nang may ngiti sa labi, naiiling akong pumasok at hinayaan na lang siya kung ano pang gagawin niya.
Hindi ko pinansin kung umalis ba siya o nanatili sa bahay. Dumeritso ako sa kwarto para magbihis. Naabutan ko si Lyka na nagbabasa habang si Lianne naman ay nagsusulat. Kumurba ang tipid na ngiti sa labi ko sa nakita.
Saka ako bumuntong hininga habang inaayos ang buhok. Nakapagbihis na rin ako ng pambahay.
Lumabas ako ng kwarto para kausapin si San Agustin ngunit hindi ko siya nakita sa loob ng bahay. Kaya naman nagmamadali akong naglakad palabas ng bahay.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita siyang nakaupo sa labas habang nakatingala sa langit. Lumapit ako sa kaniya at umupo sa kaniyang tabi.
Muli akong bumuntong hininga saka isinandal ang ulo sa kaniyang balikat.
"Sorry..."
"Naiintindihan ko."
"Salamat..."
"Palagi kong gagawin 'yon."
"Huwag kang mapapagod..."
"Ikaw ang huwag mapagod," mahina siyang natawa.
Tipid akong ngumiti habang nakatingin sa langit at mga bituin. Narinig ko ang pagbuntong hininga niya saka ko naramdaman ang paghawak niya sa kamay ko.
"Mahal kita," wala sa sariling aking saad.
"Mahal din kita, mare."
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top