33

Nanginginig ang aking labi habang unti-unting lumalapit sa maliit niyang higaan. Nakita ko kung paano niya gustong abutin ang kamay ko ngunit kahit ang daliri ay hindi niya magawang igalaw. Tanging ang kaniyang mata lamang ang naigagalaw niya.

Nanghihina akong lumuhod at humagulgol. Iniisip ko kung gaano kasakit ang nararamdam ni Nanay ngayon. Masakit ba ang ulo niya? Masakit ba ang binti niya? Eh ang katawan niya? Halos maligo na siya sa kaniyang sariling dugo at halos maging kulay pula na suot niyang damit. Ang nakapalibot na telang puti sa kaniyang ulo ay unti-unti na rin binabalot ng kaniyang dugo.

Nanginginig ang aking mga kamay na inabot ang kaniyang duguang kamay. Ilang beses kong kinakalma ang sarili ko ngunit hindi ko magawa. Gusto kong umiyak nang umiyak ng sobrang lakas pero matinding pagpipigil ang ginagawa ko dahil makikita ako ng kapatid ko. Ayokong makita nilang sobrang hina ng ate nila, gusto kong ako ang magbibigay ng lakas sa kanila, na magiging ayos din ang lahat kahit na hindi ko alam kung ano ba ang mangyayare sa hinaharap.

"Na...nay..." hirap na hirap kong banggit upang tawagin siya. Kumilos ang kaniyang mata upang tingnan ako. Mahina siyang umungol ngunit walang namutawi na salita mula roon. Ni hindi niya magawang ibuka ang kaniyang bibig.

"M-masakit b-ba? K-kaya m-mo p-pa b-bang l-l-luma...b-ban?" tanong ko sa gitna ng mga hikbi at sa malabong paningin dahil sa luhang patuloy na umaagos sa'king mga mata.

Hinawakan ko ng dalawang kamay ang kaniyang kamay.

"K-kaya m-mo b-bang p-pisilin a-ang k-k-kamay k-ko?" pagtatanong kong muli at ilang sandali lang ay marahan niya iyong pinisil.

Napakagat ako sa aking ibabang labi at yumuko habang hawak-hawak pa rin ang kaniyang kamay.

Unti-unti kong inangat ang aking paningin papunta muli sa kaniya, hindi na siya nakatingin sa'kin ngayon dahil na kay Lyka na. Marahang ipinunas ni Zira ang manggas ng kaniyang jacket ang mga luhang nasa pisnge ko.

"M-Masakit b-ba, 'Nay? H-Hindi m-mo na b-ba k-kaya a-ang s-sakit ng u-ulo mo... H-hindi mo n-na b-ba k-kaya a-ang s-sakit?" patuloy akong umiiyak habang tinatanong siya. Ramdam na ramdam ko ang pagsikip ng dibdib ko nang mahina niyang pisilin ang mga kamay kong nakahawak sa kaniya.

Hindi ko nagawang isunod ang susunod kong tanong dahil sunod-sunod nang kumawala ang mga hikbi sa bibig ko. Nabitawan ko ang kamay niya upang takpan ang mukha ko.

Ang sakit. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kasakit. Iyong dibdib ko, gusto ng sumabog sa nararamdaman. Maayos pa naman kanina, hindi ba? Nakangiti pa silang dalawa nung nagpaalam sa'min. Pero bakit ganito? Hindi sila sa bahay umuwi, at kahit kailan ay hindi na sila makakauwi.

Kahit nanghihina ay muli kong hinawakan ang kaniyang kamay. Bahagya akong lumapit sa kaniyang ulunan.

"G-Gusto m-mo n-na b-bang m-m-magpahinga, 'Nay? G-gusto m-mo b-bang s-s-samahan si Tatay?" umiiyak kong muling tanong sa kaniya. Ang mga luha ko'y patuloy na pumapatak.

Napapikit ako nang mariin nang muli niyang pisilin ang kamay ko. Tumango-tango ako habang humihikbi, pinilit kong ipakita sa kaniya ang tipid kong ngiti.

"A-Ako n-na a-ang b-bahala k-k-kina L-Lyka at L-Lianne, 'Nay.  H-Hindi k-ko sila papabayaan k-kahit a-anong m-mangyare, p-pangako p-po..." sambit ko sa gitna ng mga hikbi.

Unti-unting kumurba ang maliit na ngiti sa kaniyang labi kasabay nang mahina niyang pagpisil sa kamay ko. Kumawala rin ang isang luha mula sa kaniyang mata bago tuluyang bumitaw ang kaniyang kamay na nakahawak sa'kin.

Pakiramdam ko ay bilang tumigil ang mundo, pakiramdam ko ay biglang bumagsak ang mundo sa'kin. Napatulala ako nang ilang segundo

Bago ko dahan-dahang kinuha ang kamay niya para muli itong hawakan ngunit nang luwagan ko ang pagkakahawak ay paulit-ulit iyong bumabagsak. Si Lyka ay malakas nang humahagulgol habang yakap-yakap ang katawan ni Nanay. Samantalang, patuloy kong hinawakan ang kaniyang kamay na patuloy ding bumabagsak kapag niluluwagan ko.

Sa huli ay hinigpitan ko na ang pagkakahawak sa kaniyang kamay at dinampi iyon sa pisnge ko. Umiiyak akong hawak-hawak ang kamay niya. Dinampian ko rin ng ilang ulit na halik ang kamay niya.

"Nanay!!" mula sa'king gilid ay sumulpot ang bunso naming kapatid. Malakas ang bawat iyak niya habang pilit na ginigising ang aming ina.

Pinanuod ko siya habang hawak-hawak pa rin ang kamay ni Nanay. Umiiyak siya katulad ng pag-iyak niya tuwing umaalis sina Nanay para magtrabaho. Ang kaniyang mukha ay basang-basa na ng kaniyang luha.

Binitawan ko ang kamay Nanay upang yakapin siya.

"P-Patay na si N-Nanay, ate? P-Pati si Tatay? I-Iniwan nila t-tayo..."

---

Nanatili akong nakatitig sa iisang direksyon, sa pangalan ng mga magulang ko na nakaukit sa kanilang mga lapida. Habang nakatitig ay tumulo ang isang butil na luha mula sa'king mata. Banayad ko iyong pinunasan bago naglakad paatras.

Sa huling pagkakataon ay ngumiti ako sa kanila at saka kumaway. Bago ako tuluyang tumalikod. At mabilis kong natanaw ang mga kapatid ko na umiiyak, kasama nila si San Agustin na hinahaplos ang kanilang likod.

Tipid akong ngumiti bago tuluyang nakalapit sa kanila. Kaagad na yumakap sa'kin ang dalawa at doon pinagpatuloy ang iyak nila. Muling kumawala ang luha sa mata ko habang hinahaplos ang kanilang buhok.

"Hindi kayo pababayaan ni ate. Gagawin ko ang lahat para maibigay sa inyo ang kailangan at gusto niyo," mahina kong sambit bago dumako ang tingin ko kay San Agustin.

Nakatitig siya sa'kin kaya naman nagtama ang tingin namin. Ngumiti siya ng hindi labas ang ngipin, tumango ako bago tiningnan si Lianne na tumingala sa'kin.

"Magiging mabait na 'ko, hindi na 'ko maglilikot," humihikbi niyang pangako. Umiiyak man ay lumapad ang ngiti ko sa sinabi niya. Natatawa kong ginulo ang kaniyang buhok.

"Talaga? Aasahan 'yan ni ate ah," sagot ko.

"Tara na," pagsingit ni San Agustin. Bumaklas mula sa pagkakayakap ang dalawa kong kapatid at magkasabay pa nilang tinuyo ang mga luha sa mata. Magkasabay din silang sumakay sa sasakyan na dala ni San Agustin.

Nilapitan niya 'ko para igiya pasakay sa passenger seat. Siya na rin mismo ang nagkabit ng seatbelt sa'kin bago siya umikot papunta sa driver seat.

At sa huling pagkakataon ay tinanaw ko ang puntod ng dalawang taong nagbigay ng buhay sa'kin, ng pagkakataon na makita ko ang kagandahan ng mundo.

Tipid akong ngumiti hanggang sa unti-unti nang nawala sa paningin ko ang puntod nila. Bumuntong hininga ako at pinunasan ang luhang nakatakas sa'king kanang mata.

Nakarating kami sa bahay nang walang nagsasalita sa'min. Pagkapasok ay dumeritso si Lyka sa kwarto namin at nang  sundan ko'y nakasubsob na siya sa unan habang umiiyak. Napabuntong hininga ako at hinayaan na lang siya.

Paglingon ko kay San Agustin at Lianne, parehas silang nakatingin sa'kin at bakas sa kanila ang pag-aalala para kay Lyka. Marahan akong umiling at lumapit sa kanila.

"Hayaan muna natin siya." Sambit ko saka tiningnan si Lianne at tipid na ngumiti sa kaniya.

"Gusto mo bang matulog?" marahan kong tanong habang hawak-hawak ang magkabila niyang kamay.

Tumango siya. Tiningnan ko si San Agustin kaya marahan siyang tumango bago ako dinampian ng halik sa noo at pisnge.

"Pahinga muna kayo, tawagan mo 'ko kapag may kailangan kayo ah," aniya bago tuluyang tumalikod. Siya na rin mismo ang nagsara ng pinto pagkalabas niya. Muling bumalik ang tingin ko kay Lianne.

"Halika na. Tulog muna tayo."

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top