31

Hindi ko alam na mahirap pala ang kolehiyo sa naiisip ko dati-rati. Mas naging abala ako sa gawaing dapat kumpletuhin at sa pagtarabaho sa Cafe na unti-unti ng naging matunog kaya't marami ang mga costumer na dumarating.

Isang beses sa isang linggo kami nagkikita ni San Agustin. Hindi katulad dati na halos araw-araw yata kaming nagkikita. Naging abala rin siya. Lalo na't malapit na ang finals for first semester. Maraming hinahabol para makaabot sa pako-compute ng grades.

Inaamin kong hindi ako sanay na madalang na lang kaming magkita. Na hindi niya na nagagawang ihatid at sunduin ako. Pero naiintindihan ko naman. Dahil mas maayos pang pagtuonan niya ang pag-aaral para sa kinabukasan niya.

Muli kong pinagmasdan ang bawat estudyanteng kapwa abala sa mga kanilang ginagawa. Ang iba ay tila nagmamadali sa paglalakad habang ang iba naman ay nagbabasa habang binabaybay ang hallway.

Tipid akong ngumiti habang tinitingnan ang halos isang linggong naging eksena sa unibersidad.

Ibinalik ko ang atensiyon sa mga libro na aking niri-review. Halos dalawang oras akong nagreview dahil dalawang klase lang naman ang naka-schedule namin ngayong araw.

Tapos ang isang professor namin ay hindi pa sumipot sa subject niya. Pero ayos lang. Mas nadagdagan ang oras namin para mag-review sa paparating na finals.

Umangat ang tingin ko nang may maglapag na inumin sa tabi ng mga librong nakatambak sa table. Napangiti ako nang makita ko ang nakangusong mukha ni Zira habang ngumunguya. Tuluyan akong natawa nang padabog siyang umupo sa harapan ko.

"Bakit gan'yan ang itsura mo? May nangyare ba?" tanong ko.

Bumuntong hininga siya bago nilapag ang dala-dalang burger sa table. Nangalumbaba siya at muling nagpakawala ng malalim na buntong hininga.

"Nakita ko siya..." mahina niyang sabi.

Nagsalubong ang kilay ko habang hinihintay na sundan ang sinabi niya. Pagak pa siyang natawa at napailing-iling.

"Ang sabi ko nakapag-move on na 'ko eh. Patawa talaga ang sarili ko, sarap ibaon ng buhay," natatawa niyang sambit.

Tiniklop ko ang librong binabasa at itinabi 'yon para kausapin siya nang maayos.

"Sino bang nakita mo?" tanong kong muli.

Tumingin siya ng diretso sa mata ko. Nakita ko kung gaano kalungkot ang sinisigaw ng mata niya. Ganoon din ang labi niyang sumimangot.

"Si Mak, Zelle. Nakita ko siya sa Cafeteria. May kasamang babae."

"Ah.." ang tanging nasambit ko. Hindi ko alam kung anong sasabihin sa sinabi niya. Mukhang hindi pa rin nawawala ang nararamdam ni Zira para kay Mak kahit ilang buwan na silang wala. Mag-iisang taon na nga yata silang naghiwalay.

"Hindi ba, Zelle, okay naman ako? Okay lang ako, sabihin mo," himutok niya.

"Kain ka pa," sabi ko sa kaniya. Ako na rin mismo ang nagsubo ng burger sa bibig niya. Saglit niya 'kong sinamaan ng tingin bago kumagat.

Nagkwentuhan pa kami ni Zira kaya hindi ko nagawang mag-aral ayon sa plinano ko. Naiiling akong nagligpit ng mga libro bago sinabit ang Tote bag sa balikat ko. Niyakap ko ang mga libro bago naglakad papunta sa gate ng unibersidad.

Umasa akong susunduin ako ni San Agustin kaya naman naghintay ako ng kalahating oras sa tapat ng gate pero lumipas na ang isang oras ay wala pa rin siya.

Mahina akong nagbuntong hininga. Naglakad ako papunta sa paradahan ng jeepney. Abala naman siguro iyon sa kaniyang mga ginagawa.

Limang minuto ang lumipas bago ako nakababa sa kanto ng pook namin. Pumara ako at bumaba. Bahagya kong inayos ang isang strap ng Tote bag na malapit ng bumagsak.

Inayos ko rin ang pagkakayakap ko sa mga librong aking dala.

Pagkarating ko sa bahay ay si Lianne lang ang naabutan kong nagkukulay sa kaniyang papel. Mahina kong tinapik ang ulo niya bago dumeritso sa kwarto. Nagbihis at naglinis muna 'ko bago umupo sa harap ng table. Nilatag ko lahat ng mga librong kailangan kong aralin.

Bumuntong hininga ako nang makita ang mga librong halos sakupin ang lamesa. Napailing ako at natatawang binuklat ang librong hindi ko pa natatapos aralin.

Hindi ko namalayan ang paglipas ng oras dahil sa masyadong natuon ang atensyon ko sa pag-aaral. Saka ko lang nagawang tingnan ang oras nang sumilip sa pintuan si Nanay.

"Kakain na po, mamaya na ulit mag-aral," aniya.

Tipid akong napangiti bago ko tiniklop ang pangalawang librong nabuklat ko. Magkasabay kong itinaas ang dalawang braso upang mag-inat. Ginalaw ko rin ang aking ulo pakaliwa't kanan upang mawala ang pangangalay sa leeg ko.

Naabutan ko ang lahat sa hapag kainan, mukhang ako na lang ang hinihintay para makakain na sila. Umupo ako sa gitna ng dalawa kong kapatid.

Habang ngumunguya ay tiningnan ko ang bawat isa. Mula kay Lianne hanggang kay Tatay.  Pare-parehong maaliwalas ang mga mukha nila. Maganda siguro ang naging takbo ng araw nila ngayon. Mabuti naman.

"Kumusta naman ang kolehiyo, Lezelle anak?" tumigil ako sa pagkain at umangat ang tingin kay Tatay.

"Ayos lang, 'Tay. Mahirap pero kaya ko, kakayanin ko," maliit ang ngiting sagot ko sa kaniya. Tumango-tango siya bago binalingan si Lyka at iyon naman ang kinamusta.

Nanatili lamang akong nakatingin sa kaniya habang kinakausap niya ang kapatid ko. Bibihira lamang siyang mangamusta sa pag-aaral namin. Madalas ay si Nanay ang gumagawa noon.

---

Kinabukasan ay nagulat ako nang bumungad sa'kin ang amoy ni San Agustin pagkabukas ko ng pinto. Nanlalaki ang mata kong napaangat ang tingin papunta sa mukha niya.

Nakaramdam ako ng kasiyahan nang makitang siya nga talaga iyon. Hindi ko nagawang itago ang kagalakan at malawak na napangiti sa kaniya. Humakbang ako palabas para lapitan siya.

"Kanina ka pa?" tanong ko.

Nakangisi siyang umiling sa'kin saka niya inabot ang kamay ko upang hawakan.

"Namiss kita, mare," pabulong niyang sambit. Nawala ang ngisi sa labi niya at napalitan iyon ng sinserong ngiti habang nakatingin sa'kin.

"Ako rin."

Unti-unting lumawak ang ngiti niya dahil sa sinabi ko. Ramdam na ramdam ko ang mabilis at tila nasa karerang tibok ng puso ko.

"Wala kang dalang motor?" tanong ko kasabay nang paglingon ko sa kaniya.

"Gusto kong maglakad papunta sa school niyo," nakangiti niyang aniya. Bahagyang napataas ang aking kilay sa sagot niya ngunit hindi na lang ako nagsalita pa.

"Baka mamaya hindi kita masusundo," maya-maya ay sabi niya. Tumango ako saka binalik ang tingin sa daan.

Mabagal ang paglalakad naming dalawa. Hindi naman ako male-late dahil maaga pa. Mabuti na lang talaga, inagahan kong mag-ayo papunta sa school.

Sampung minuto bago kami nakarating sa school. Nakangiti ko siyang hinarap at marahang pinisil ang kamay niyang nakahawak sa'kin.

"Kapag natapos 'tong finals. Araw-araw kitang sasamahan kahit saan ka pumunta," sambit niya.

Tumango ako. "Ayos lang naman sa'kin. Naiintindihan ko," nakangiti kong sagot.

Umiling-iling siya. "Hindi sa'kin ayos. Basta, magde-date tayo araw-araw kapag tapos na lahat ng mga gagawin ko. Tapusin mo na rin lahat ng gawain mo, ah?"

Muli akong tumango habang may tipid na ngiti sa labi. Pagkatapos ay nakangiti niya 'kong hinalikan sa pisnge at nagpaalam.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top