3

Nakaabang na si Aling Lolita sa tapat ng mini store niya habang nakapamewang. Tumaas ang isang manipis niyang kilay nang makita niya ako.

“Aba nga naman, Lezelle! Isang oras kang late sa trabaho! Sisenta singko na lamang ang isasahod ko sa iyo!” malakas niyang sabi. Tumango ako at hindi na lang nagreklamo. Kailan ba umayos ang pakikitungo niya sa'kin? Matapobre si Aling Lolita pero nagpapasalamat pa rin ako kasi binigyan niya ako ng trabaho.

Kaya kong tiisin ang bawat salita niya basta magkaroon lang ako ng pagkakakitaan.

Hindi ko ininda ang hapdi sa dalawa kong tuhod. Naglakad ako papunta sa loob ng mini-store saka ko nilagay ang bag sa upuan. Matanda na si Aling Lolita kaya kapag ganitong oras ay nagpapahinga siya mula sa pagtitinda. Kaya ako nagkaroon ng pagkakataon na kumita.

Halos apat na oras ang ginugol ko sa pagtitinda hanggang sa sumapit na ang alas-syete ng gabi. Dumating na rin si Aling Lolita. Binigyan niya ‘ko ng  sixty five pesos para sa ngayong araw na sahod.

Nagpakawala ako ng malalim na buntong hininga saka kinuha ang bag para lumabas sa mini-store. Sinimulan kong baybayin ang daan pauwi sa bahay namin. Kadalasan, isang oras bago ako makarating bahay pero sa lagay ko na ‘to, mukhang aabutin ako ng alas-nueve sa kalsada.

Muli akong bumuntong hininga. Humigpit din ang hawak ko sa dalawang strap ng bag. Bahagya akong nakayuko dahil na rin sa pagod sa buong maghapon. Kailangan ko pang gumawa ng assignment bago matulog.

Napatigil ako sa paghakbang nang tumapat ako sa isang maliwanag na store. Bilihan ng mga gamot, katulad ng sinabi ni San Agustin kanina. Hilaw akong napangiti nang maalala ang sinahod ko.

Umiling ako bago nagpatuloy sa paglalakad. 8:30pm ako nakarating sa bahay, naabutan ko si Nanay na nagliligpit ng pinagkainan nila.

Napatigil siya at tumingin sa’kin.

“Lezelle , halika! May binili akong kalahating kalabasa kina Aling Rose. Ginataan ko dahil alam kong paborito niyo ‘yon ni Lyka,” nakangiti siya habang nagsasalita. Napatingin ako sa kaniya at inobserbahan ang bawat sulok ng mukha niya.

Parang walang problema. Parang hindi araw-araw namomroblema sa kung saan kukuha ng pera. Parang hindi na-sstress kakaisip kung kanino mangungutang.

Tipid akong ngumiti sa kaniya. Nagmano ako bago dumeritso sa kwarto. Naabutan ko si Lyka na abala sa pagbabasa.

Ginulo ko ang buhok niya bago lumapit sa aparador. Binuksan ko iyon bago ko binaklas ang bawat butones ng blusa ko. Nang makapagbihis ay lumabas muli ako para kumain.

Alas-once ako natapos sa paggawa ng assignment. Napahikab ako pagkaligpit ng mga kwaderno ko. Lumapit ako sa nakalatag na banig kung saan tulog na tulog na si Lyka. Humiga ako sa tabi niya bago ko ikininumot ang maiksing tela sa buo kong katawan.

Kinabukasan, hindi nagklase ang unang subject namin kaya naman sobrang tuwa ng mga kaklase ko. Pinili kong magbasa ng libro habang sila ay nagkakagulo.

“Lezelle, book lover ka pala?”

Napaangat ang tingin ko sa tabi ko. Nakatayo ro’n si Aldrin habang nakapamulsa. Lumilitaw ang biloy sa pisnge niya dahil sa kakangiti niya.

Napaisip tuloy ako kung anong itsura ko ngayon. Hindi ako nakapaglagay ng pulbos dahil naitapon ni Lianne kagabi.

“Hindi. Kailangan ko lang magbasa,” sagot ko. Umiwas ako ng tingin dahil nakakailang ang ginagawa niyang pagtitig sa mukha ko.

“Ah, nga pala,” hinugot niya ang isang upuan sa harapan ko para umupo.
“Malapit na ang intramurals ng school, anong sports ang sasalihan mo?” nakangiti niyang tanong.

Naguguluhan ako sa ginagawa niya. Kaklase ko siya simula pa noong grade 7 hanggang ngayon pero kahit kailan ay hindi siya nakipag-usap sa’kin. Isang tipid na iling ang isinagot ko sa kaniya.

“Baka hindi ako dadalo sa intrams,” pag-amin ko.

“Bakit?” tila ba ay nagulat siya sa sinabi ko.

Gusto kong sabihin na magtitinda ako ng kakanin buong mahapon. Gusto kong sabihin na wala akong magagamit na sapatos kung pupunta ako at sasali.

“Hindi ko hilig ang manuod ng mga laro,” pagsisinungaling ko.

Mahilig akong maglaro ng volleyball dahil naglalaro ang ibang kaedaran ko sa pook namin. Sinasali nila ako kapag wala akong ginagawa kaya naman natuto ako at nagustuhan ko na rin.

“Sayang,” nanghihinayang niyang sambit. Tipid ako napangiti bago ako lumingon sa bintana para tingnan ang nangyayare sa labas.

“Sige Lezelle, batsi muna ako,” nang lumingon ako’y nasa tapat na siya ng pintuan. Tumalon pa siya para hampasin ang taas ng pinto.

Napangiti ako bago dumako ang tingin ko sa taas ng arm chair. Mas lalong lumawak ang ngiti ko dahil sa isang burger na nakapatong doon.

Natapos ang buong maghapon. Akala ko, kakausapin akong muli ni Aldrin pero hindi siya lumapit sa’kin. Natawa ako sa sarili ko, ano bang inaasahan ko?

Napapihit ako sa paglalakad dahil may kamay na humawak sa braso ko. Walang emosyon kong nilingon ang salarin at bumungad sa’kin ang pilit na ngiti ni San Agustin.

“Bakit?” hindi ko maitago ang inis sa boses ko. Masakit pa rin kasi ang tuhod dahil sa kagagawan nito. Hanggang hindi gumagaling ‘to, maiinis at maiinis ako kapag makikita ko ang mukha niya.

Pinanuod ko ang paglusot ng kamay niya sa bulsa ng pantalon. Pagkaraan ng ilang segundo ay nilahad niya ang isang cream na pwede panggamot sa sugat.

Nagtatanong akong tumingin sa kaniya. Anong palabas ‘to?

“Para sa sugat mo,” hindi pa rin nawawala ang pilit niyang ngiti. Ako ang nahihirapan sa peke niyang pagkatao.

“Okay lang ang sugat ko, salamat sa’yo ah,” sarkastiko kong sambit. Ngayon ko lang nagawang magtaray, dahil din naman sa kaniya. Nakakaubos ng pasensiya.

Mahina akong napa-igik nang marahan niyang sipain ang tuhod ko. Mabilis na tumalim ang tingin ko sa kaniya.

Siraulo talaga ‘to. Bwesit.

“O, tanggapin mo na lang. Ayaw pa kasi e,” bubulong-bulong niyang sabi.

Padabog kong kinuha ang oinment sa kamay niya.

“Salamat ah!” singhal ko sa mukha niya.

“Hmp, hindi man lang sincere,” bulong na naman niya. Inirapan ko muna siya bago ako tumalikod para lumayo sa kaniya.

Ilang hakbang ang layo ko mula sa kaniya nang bigla siyang sumigaw.

“You’re welcome po!”

***


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top