29

Tumigil ako sa'king gawain upang tingnan ang ginagawa ni San Agustin. Mabilis na kumunot ang noo ko nang makita ko siyang nakahiga habang nakatakip sa buong mukha ang librong binabasa niya kanina. Ang dalawa niyang kamay ay magkadaop habang nakadapo sa kaniyang dibdib.

Tipid akong napailing nang maalala ang sinabi niya kaninang mag-aaral daw siya ngayon. Pinangako niyang sabay kaming magrereview para sa fourth periodical test ngayong grade 12. Pero heto't tinulugan ako ng lalaki.

Kasalukuyan kaming magkatabi rito sa nilatag niyang kumot sa ilalim ng malaking puno sa Henyeon Park. Parehas kaming may hawak-hawak na libro para magreview.

"Ano pa bang aasahan ko?" pabulong kong tanong bago bumuntong hininga. Ibinalik ko ang atensiyon sa libro at hindi na nag-abala pang gisingin ang katabi ko.

Hanggang sa unti-unti kong narinig ang mahina niyang paghilik. Mabilis na kumurba ang ngiti sa labi ko at napalingon sa kaniya. Inangat ko ang kaliwang kamay papunta sa mukha niya upang alisin ang librong nakaharang doon.

Ni hindi siya nagising nang matanggal ko ang libro. Bahagyang nakaawang ang labi niya habang banayad ang paghinga. Nakangiti kong inayos ang ilang hibla ng buhok na tumatabing sa nakapikit niyang mata.

Tiniklop ko ang kaniyang libro at maingat na nilagay sa tabihan ko. Napailing-iling ako saglit bago bumalik sa pagbabasa.

Makalipas ang halos kalahating oras ay nagising na siya. Kinukusot-kusot niya ang kaliwang mata habang ang isang kamay ay nakatuon upang suportahan ang katawan niyang nakaupo at bahagyang naka-slide.

"Tapos ka na ba, mare?" paos niyang tanong.

Hindi ko siya nililingon ngunit sinipat ko siya gamit lamang ang mata.

"Hindi pa. Nasa lesson 9 pa lang ako," mahina kong sagot.

Malakas siyang humikab habang ini-inat ang dalawang braso. Nakataas pareho ang kamay niya. Nang lingunin ko'y nakabuka nang malaki ang bibig niya.

Mahina akong natawa sa itsura niya. Nakapikit pa kasi habang humihikab. Parang timang lang.

"Teka, magrereview na pala 'ko! Tsk, hindi mo man lang ako ginising, mare." Tila ay nanunumbat niyang saad.

Tumaas ang kanan kong kilay habang nakatingin sa kaniya.

"Paano kita gigisingin kong ang lakas ng hilik mo? Mukhang puyat na puyat ka," nakaingos kong sagot.

Humalakhak siya sa sinabi ko. "Kasalanan mo kung bakit ako napuyat. Ba't ka kasi palaging nasa isip ko?" aniya.

Tumaas ang sulok ng labi ko sa narinig. Hindi ako makapaniwalang nagpakawala ng malalim na buntong hininga. Mabagal akong umiling-iling bago ko inalis ang tingin sa kaniya papunta sa libro.

"Malala ka na," bulong ko.

"Malala na ang nararamdaman ko para sa'yo..."

"Para kang timang."

Natapos ang buong araw na kasama ko si San Agustin para magreview. Sa tuwing kasama ko siya'y hindi ko namamalayan ang mabilis na paglipas ng oras. At ngayon ay ang araw na ng huling pagsusulit.

Huminga ako ng malalim nang matapos na ang dalawang subject. Hinilot ko ang sintido habang nakapikit. Isang subject na lang ang kailangan namin masagutan at tapos na. Wala ng gawain. Hihintayin na lang namin ang graduation day.

Pagkatapos ng huling subject ay mabilis kong pinuntahan si San Agustin na naghihintay sa gilid ng pintuan. Kinalabit ko siya nang makita kong nakapikit ang mata niya habang nakahilig sa dingding.

Nakakunot ang noo ko nang magtama ang tingin namin.

"Kumusta ang test?" untag niya.

"Maayos naman. Ikaw?" sagot ko.

"Ayos lang ako." nakangiti niyang sabi. Ni hindi labas ang ngipin.

"Iyong test ang tinutukoy ko," mas lalong nagkasalubong ang kilay ko.

Natatawa siyang tumuwid at ginulo ang maayos kong buhok. Pagkatapos ay inakbayan niya 'ko at maingat na hinila palapit sa kaniya. Mabagal kaming naglakad sa hallway.

"Mukhang ayos naman ang mga test ko, feel ko magkaka-score naman ako kahit papa'no," mahina siyang humalakhak sa sariling sinabi.

"Hindi mo siguro binasa ng maayos ang mga tanong," ismir kong panghuhula.

"Kailangan pa ba? Multiple choice naman eh," napakamot siya sa batok.

"Ewan ko sa'yo."

"Ewan ko rin sa'yo, Qalawacan."

Kinabukasan, araw ng sabado. Nanghihina at sumasakit ang buo kong katawan. Kahit ang pagtayo mula sa kinahihigaan ay hindi ko magawa. Namamalat rin ang lalamunan ko at pakiramdam ko'y tuyot na tuyot ito.

"Kumain ka muna, anak, para makainom ka ng paracetamol," pumasok sa loob ng kwarto si Nanay na may dalang mangkok. Nilapag niya iyon sa maliit na mesa upang matulungan niya 'kong makaupo.

Naglagay siya ng maraming unan sa likuran ko at nang makitang maayos na 'kong nakaupo ay inabot niya na sa'kin ang mangkok na naglalaman ng mainit na lugaw.

Kahit wala akong malasahan ay pinilit kong kumain para makainom ng gamot. Hinintay ni Nanay na maubos ko ang buong lugaw ngunit hindi ko talaga kaya. Halos kalahati lang ang kinaya kong kainin.

"Oh," inabot niya sa'kin ang gamot at isang basong tubig.

Ininom ko iyon at nagpalipas ng ilang minuto bago humiga. Nakatulog ako at paggising ko'y pasado alas-tres na ng hapon. Naririnig ko ang bungisngis ni Lianne sa labas ng kwarto at ang mga kalansing ng kaldero sa kusina.

Bahagyang umayos ang pakiramdam ko kaya nagawa kong makatayo at maglakad palabas ng kwarto. Mabagal ang bawat hakbang ko hanggang sa makita ko si San Agustin na akmang papasok sa kwarto namin habang karga-karga si Lianne na maglilimang taong gulang na.

Inangat niya ang kaliwang kamay at pinakiramdaman ang noo ko. Nang hindi makuntento ay mabilis siyang yumuko para ipagdikit ang noo namin. Nahigit ko ang sariling hininga at napahakbang paatras sa kaniya. Ngunit mabilis niyang nahawakan ang likod ko para patigilin ako.

"Anong ginagawa mo?"

Tumuwid siya sa pagkakatayo bago ako iginiya paupo sa upuan namin na gawa sa kahoy. Kinuhanan niya muna ako ng isang basong tubig bago tumabi sa'kin.

Nginitian ko si Lianne nang makita kong titig na titig siya sa'kin. Ang laki-laki na pero gustong-gusto palaging magpababy kay San Agustin.

"Medyo bumaba na ang lagnat mo, mare. Ipagpatuloy mo 'yan," dumako ang tingin ko kay San Agustin nang magsalita siya.

"Bakit ka pala nandito," malat ang boses kong tanong sa kaniya.

Marahan niyang hinaplos ang tubig na nakatakas mula sa bibig ko. Mataman kong pinagmasdan ang itsura niya.

"Para alagaan ka pati si bebe Lianne. Wala si Nanay at Tatay eh," mahina at pabulong niyang sagot.

"Nasaan sila?"

Nagkibit balikat siya sa tanong ko. Napalingon ako nang lumabas mula sa kusina si Lyka habang may bitbit na mangkok. Kaagad na napatayo si San Agustin at pinaupo si Lianne sa tabi ko. Tinulungan niya si Lyka na maghain sa lamesa.

Nang matapos ay bumalik siya sa tabihan ko. Siya na rin ang nagsandok ng pagkain para sa'kin. Kulang na lang ay subuan niya 'ko.

"Salamat," bulong ko nang abutan niya 'ko ng tubig.

"Para sa'yo mare. Hindi ako magsasawang pagsilbihan ka."

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top