27
Mataman kong tiningnan ang nakangiwing mukha ni San Agustin. Nagkakamot sa likod ng ulo habang umiiwas na mapatingin sa'kin. Humalukipkip ako habang pinapanuod ang ginagawa niya.
"Tatayo ka lang ba r'yan? Akala ko may gusto kang sabihin sa'kin?" tumaas ang isa kong kilay.
Nakita ko ang pagdadalawang isip niya. Saglit pang nagtama ang tingin namin ngunit mabilis siyang nag-iwas na tingin.
"Mare, galit ka ba?" mahina niya tanong na halos hindi ko marinig.
Kumunot ang noo ko. "Ano?"
Unti-unting tumulis ang nguso niya kasabay ng pagbagsak ng isa niyang kamay na kumakamot sa batok. Sa wakas ay tiningnan niya rin ako sa mata. Sinigurado kong wala akong emosyon na ipinapakita sa kaniya.
Lumunok siya ng isang beses bago inisang hakbang ang distansiya namin. Marahan niyang hinawakan ang magkabila kong balikat habang nakasimangot.
"Galit ka eh," parang nanunumbat niyang bulong.
"Bakit naman ako magagalit sa'yo? Wala ka naman ginagawa ah," tipid akong umiling-iling sa kaniya.
"Eh bakit hindi mo ako pinapansin kanina sa school pati hindi ka sa'kin nagpahatid papunta sa Cafe, mas pinili mo ang bulok na sasakyan ni Mak kaysa sa astig kong motor. How dare you, Qalawacan?!" napa-angat ang isa kong kilay nang tumaas ang boses niya sa huling sinabi.
Nanlalaki ang mata niyang nagtakip ng bibig habang umiiling. Naiinis kong tinulak ang dibdib niya palayo sa'kin.
"A-ano...Sabi k-ko H-how dare y-you Mak-apanget!" para siyang bata kumilos.
Umingos ako. "Umayos ka nga. Para kang timang d'yan." Mahina at madiin kong saad sa kaniyang mukha.
Ilang beses niya 'kong kinulit kung bakit daw ako kay Mak sumabay kahapon. Naririndi na 'ko sa paulit-ulit niyang tanong kaya kumuha ako ng papel sa loob ng aking bag habang nagsasalita siya. Pumunit ako ng isang piraso, saka iyon binilog at pagkatapos ay basta ko na lamang iyon isinapak sa bunganga niya.
Napaubo-ubo siya habang hindi makapaniwalang nakatingin sa'kin. Para bang hindi siya makapaniwalang nagawa ko ang bagay na 'yon sa kaniya. Walang emosyon kong tinignan ang nanunumbat niyang mata.
Tinanggal niya ang papel mula sa bibig niya para itapon iyon sa malapit na basurahan. Tumalim ang tingin niya sa'kin ngunit nang taasan ko siya ng kilay ay kaagad iyong nagbago.
"Mare naman kasi, huwag ka ng sumabay kay Mak. May motor naman ako pangsundo sa'yo," bumalik siya panghihimutok.
Nagpakawala ako ng buntong hininga at tumingin nang diretso sa mata niya.
"Sumabay ako kasi wala ka pa. Male-late na 'ko kung hindi ako sumabay kina Zira, okay?" kalmado kong pagrarason sa kaniya.
"Hindi na 'ko male-late next time, promise!" itinaas niya ang kanang kamay upang mangako. Tipid akong napailing-iling bago naglakad.
Hindi ko na itinanong kung bakit ba siya nalate kahapon sa pagsundo sa'kin. Ayoko ko rin naman manguna sa kaniya, ang gusto ko kasi ay siya ang kusang magkwekwento sa'kin. Hihintayin ko siyang magkwento sa'kin.
Pagsapit ng araw ng linggo, abala ako sa pag-aayos ng paninda nang biglang dumating sa bahay si San Agustin. Mabilis kong sinuyod ang kabuuan niya habang nakatayo sa tapat ng pintuan.
"Sa'n ka pupunta?" tanong ko makalipas sipatin ang buong itsura niya.
Ngumisi siya sa'kin pagkatapos ay naglakad palapit sa kinaroroonan ko. Umupo siya sa lamesang kilalagyan ng mga paninda ko. Ngunit mabilis din siyang umalis nang makarinig kami ng langitngit mula sa mesa.
"Kaasar ka ah. Kapag 'to nasira, babayaran mo."
Umingos siya sa'kin at mahinang tumikhim.
"Gusto mo sampung lamesa pa ang ibayad ko eh," mayabang niyang saad saka inayos ang buhok niyang tumabing sa kaniyang mata.
"Tsk. Saan ka nga pupunta. Bihis na bihis ka ah?" napailing-iling kong sabi. Muking kumurba ang mapang-asar niyang ngisi.
"Nandito ako para sunduin ka para sa'ting date today," tumaas-baba ang kilay niya habang nakatingin sa'kin.
Kumunot-noo ako. "Wala kang sinabing magde-date tayo ngayon? Magtitinda ako," iitinuro ko ang inaayos kong paninda na kaniyang sinulyapan.
"S'yempre hindi ko sinabi kasi surprise. Ano ba 'yan mare? Wala ka bang common sense?" naiinis siyang nagkamot sa likod ng batok. Nawala rin ang mapang-asar niyang ngisi sa labi. Mabuti naman, nakakaasar kayang tingnan.
Hinampas ko siya sa braso dahil sa sinabi niya.
"Eh paano nga itong paninda ko? Hindi 'to pwedeng hindi maibenta!"
"Edi magtitinda tayo habang nagde-date?" patanong niyang suhestiyon pero parang may halong sarkasmo ang boses niya.
"Sigurado ka?" paninigurado ko. Nakabusangot kasi ang nguso niya nung sinabi niya 'yon. Wala akong tiwala sa ganoon niyang ekspresyon.
"Oo nga. Ano pa bang magagawa ko?" paingos niyang sagot bago niya padabog na kinuha ang bilao sa lamesa. Padabog din siyang naglakad palabas ng bahay.
"Magbibihis lang ako!" pasigaw kong sabi.
"Pakibilisan! Ayoko ng pinaghihintay ako!"
"Talaga ba, San Agustin?"
Binaybay namin paikot ang buong plaza at palengke sa paglalako. Medyo marami-rami na rin ang naibenta ko pero sa tingin ko, mas marami yata ang nawala sa pasensiya ko habang bumubuntot itong lalaki sa likuran ko.
Rinig na rinig ko ang mabibigat at padabog niyang paghakbang at nang lingunin ko'y halos sumayad na sa dinadaanan ang nguso niya.
Tumigil ako at pumihit paharap sa kaniya. Inilagay ko ang kaliwang kamay sa baywang habang ang kanan ay hawak ang bilao.
"Umuwi ka na kaya?" naiinis kong saad sa kaniya.
Mahina siyang napasinghal bago lumapit sa'kin.
"Pauuwiin mo 'ko kung kailan malapit ng maubos yung paninda mo? Aba nga naman Qalawacan, ako'y pinahahanga mo!" puno ng sarkastiko niyang sambit at nakuha pang pumalakpak sa harap ng mukha ko.
Naiinis kong tinabig ang dalawa niyang kamay sa harap ko.
"Eh bakit ka pa kasi sumama kung gan'yan lang din naman ang gagawin mong mukha habang sumusunod sa'kin? Edi sana hinintay mo na lang ako sa bahay!"
"Eh sa gusto kitang nakikita palagi! Masama ba 'yo—"
Hindi niya nagawang tapusin ang sasabihin nang may biglang lumapit na lalaki sa'min. Parehas kami ni San Agustin na napatingin sa kaniya.
"Ate, magkano po itong puto?" tanong niya. Hindi alintana kahit na nag-aaway kami nitong nasa harapan ko. Nakita ko kung paanong kumunot ang noo niya.
"Sampu isa," maiksi kong sagot.
Ngumiti ang lalaki. "Pabili po ng apat."
Kinuha ko ang bilang na sinabi niya. Naglagay rin ako ng kinayod na niyog sa isang maliit na plastic. Binalot ko ang lahat-lahat bago ibinigay sa kaniya.
"Salamat," tipid akong ngumiti kasabay nang pagtanggap ko sa bayad niya.
Akmang maglalakad na sana palayo ang lalaki nang pigilan siya ni San Agustin. Hinawakan ko ang kamay niya para alisin ang kamay niyang nakahawak sa braso nito.
"Sa susunod kapag may nakikita kang mag-asawa na nagtatalo, huwag kang ume-epal. Understood?" Maangas niyang sambit. Mabagal akong bumuntong hininga bago malakas na hinila ang kamay niya.
"Kakaasar ka!"
"Nakakaasar ka rin!"
"Mag-asawa na po kayo?"
Sabay kaming lumingon ni San Agustin sa lalaki.
"Oo/Hindi!"
Napakamot ito sa batok. "Ano po ba talaga? Saka ang bata niyo pa po para mag-asawa," sabi pa nito.
Suminghal si San Agustin sa kaniya. "Mag-asawa nga kami. Maniwala ka na lang."
"Hindi ko 'to asawa."
"Mare naman!"
"Totoo naman eh!"
"Hihihi, hindi po kayo bagay," magkasabay ulit kaming tumingin ni San Agustin sa lalaki. Pero tumatakbo na ito palayo sa'min.
Nanlalaki ang matang idinuro ni San Agustin ang direksyon ng lalaki.
"Narinig mo 'yong sinabi ng bansot na 'yon?!"
Tinawanan ko ang mukha niya. "Hahaha!"
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top