Mabilis na lumipas ang araw. Dalawang linggong walang pasok ngayon dahil sa academic break na ipinatupad sa buong school. Pabor sa'kin na walang pasok dahil dalawang linggo rin akong makakapaglako ng paninda ko. Kung sakali ay baka marami-rami akong maipon na pera.
Napatigil ako sa paghakbang nang may makita akong isang poster na nakadikit sa isang poste. Nilapitan ko ito para basahin sa malapitan.
"Hiring part time job..."
Binasa ko ang lahat ng detalye na nakalagay sa poster. Sinaulo ko rin ang numero na naroon. Wala akong telepono pero mayroon naman si ate Rosalyn kaya baka manghihiram na lamang ako sa kaniya. Kung papalarim man ay baka makapasok ako rito sa trabahong 'to. Pangdagdag kita na rin.
Naglakad ako hanggang sa makauwi ako ng bahay. Hindi na 'ko nagulat nang matanaw ko si San Agustin na nakikipaglaro ng basketball sa mga kalalakihan dito sa pook namin. Masaya siyang kumaway sa'kin ngunit hindi siya lumapit katulad ng palagi niyang ginagawa.
Tipid akong nagkibit balikat saka dumeritso papunta sa bahay. Pero hindi pa 'ko nakakalayo nang biglang may umakbay na braso sa balikat ko. Sa nalalanghap ko pa lang na amoy ay kilala ko na kung sino ito.
"Amoy pawis ka," puna ko. Narinig ko ang pagsinghot-singhot niya. Nang lingunin ko'y inaamoy niya pala ang sarili.
"Mabaho ba?" inalis niya ang brasong naka-akbay sa'kin.
Nagkibit balikat ako dahilan para ngumuso siya at sumimangot.
"Naglagay ako ng pabango bago pumunta rito eh. Sina Rex kasi, nagyaya ng laro. 'Yan tuloy!" reklamo niya habang humahaba ang nguso.
Hindi ko na napigilan ang mahina kong tawa. Naiiling kong sinulyapan ang kaniyang mukha.
"Hindi ka naman mabaho. Kaya pa kitang amuyin," natatawa kong saad. Saglit siyang tumigil hanggang sa unti-unting kumurba ang ngisi sa labi niya.
Muli niyang ini-akbay ang braso sa balikat ko.
"Sa'n ka nga pala galing, ha?"
"Pumunta ako kina Charlotte, nagbayad lang ako ng utang ni Tatay sa kanila. Bakit, kanina ka pa ba nandito?" untag ko rito. Tumango siya at pagkatapos ay umiling-iling.
Hindi pa rin siya nanliligaw, 'yon ang sabi niya pero iba ang nakikita ko sa kinikilos niya. Itong ginagawa niya para sa'kin ay hindi gawain ng isang kaibigan. Ito'y gawain ng lalaking may higit na hangarin bukod sa pagkakaibigan.
Hindi naman ako tutol kasi inaamin kong may gusto rin ako sa kaniya. Pero may isang bagay na humihila sa'kin paatras mula sa kaniya. Hindi dahil sa mayaman siya at mahirap lang ako. Ako ang babaeng hindi naniniwala na ang mahirap ay para lang sa mahirap at ang mayaman ay para lang sa mayaman. Sa pag-ibig ay walang gano'n.
Subalit may pangarap pa 'kong dapat kong unahin. May pangarap pa 'ko sa sarili ko at sa pamilya ko. Wala sa plano ko ang pagkakaroon ng kasintahan sa murang edad pa lamang. Naisip ko na kapag nakamit ko na ang lahat ng gusto ko, saka ko lang bibigyang pansin ang buhay pag-ibig ko.
Pero nalilito na 'ko ngayon at 'yon ay dahil kay San Agustin. Puwede ko naman siguro siyang isama habang umaabante ako palapit sa pangarap ko, hindi ba?
"Anong iniisip mo?" untag ng katabi ko sa'kin. Magkatabi kami sa papag sa labas ng bahay namin. Parehas kaming nakaupo habang nakatingala sa mga bituin. Lumalalim na rin ang gabi.
Hanggang sa naramdaman ko ang unti-unti niyang paghawi sa buhok kong tumatabing sa mukha ko. Iginilid niya ang ilang hibla ng buhok sa likod ng tainga ko.
Nangingiti ako ang tumingin sa kaniya. Seryoso ang kaniyang mukha habang nakatingin din sa'kin.
"Ikaw...anong iniisip mo?" mahina akong natawa sa pag-awang ng bibig niya. Ilang sandali lang ay unti-unting nanulis ang nguso niya.
"Psh! Akala ko babanat ka na," pagrereklamo niya.
"Gusto mo bang banatan kita?" nang-aasar kong tanong sa kaniya.
Sinamaan niya 'ko na tingin ngunit unti-unti rin iyong nagbago. Nangungusap ang mata niyang tumitig sa'kin. Hinawakan niya ang kanan kong kamay na itinutukod ko para ibalanse ang sarili.
"Nakakabaliw ang ganda mo..." bulong niya.
Ilang beses akong napakurap at napalunok ng sariling laway. Hindi ko iyon inaasahan. Bigla-bigla na lang siyang bumabanat ng ganito. Ramdam na ramdam ko tuloy ang pag-iinit ng magkabila kong pisnge.
Iniwas ko ang tingin sa kaniya at malakas na tumikhim. Nanginginig ang kamay kong binawi ito sa kaniya. Narinig ko ang mahina niyang halakhak kaya sumimangot ako.
"Kinikilig ka?" aniya. Tinusok-tusok niya ang kanan kong pisnge ko. Padabog ko iyong tinabig pero mabilis niyang naiiwas ang kaniyang kamay.
Hindi pa rin tumitigil ang malakas na pintig ng puso ko. Nakakaasar. Alam kong gusto ko siya. Pero bakit ganito ang reaksyon ng dibdib ko? Parang ang OA naman yata ng puso ko.
"Hindi. Asa ka pa," paasik kong sagot sa kaniya.
"Talaga ba, Qalawacan?"
-
Hindi ko mapigilang kabahan habang nakaupo sa isang monoblock chair. Tatlo kaming magkakatabi na pare-parehas na kinakabahan. Bumuntong hininga ako saka tumingin sa dalawang babae na katabi ko.
Nag-apply ako bilang waitress sa isang kakabukas lang na Cafe. Ito 'yong nakita kong poster na hiring sila for part time job. Tuwang-tuwa nga ako nung nakatanggap ng text si ate Rosalyn na pinapapunta ako sa Cafe eh.
Magkakasabay kaming tumayo nang dumating ang may-ari ng Cafe. Isa siyang babae na nasa edad trentahan na siguro. Ang alam ko ay wala pa siyang asawa dahil sa pagiging abala niya sa pagtatrabaho. Naisip ko tuloy, baka maging ganito rin ang kapalaran ko. Pero naisip ko rin na mayro'n pa lang San Agustin na umaaligid sa'kin.
Kinagat ko ang pang-ibabang labi nang maalalang siya ang naghatid sa'kin dito kanina.
"Hi, goodmorning. Sorry I was late guys, may dinaanan pa kasi ako," bumalik ang atensiyon ko kay Ma'am nang magsalita siya.
Sinenyasan niya kaming sumunod sa kaniya kaya naman mabilis kaming naglakad pasunod sa kaniya.
"Ako si Heart Generoso and call me Miss Heart na lang, guys. At saka nga pala, p'wede na kayong magstart bukas. For today, ite-train kayo ni Miss Shasha para sa mga gawain niyo. Kung may gusto kayong itanong o malaman, p'wede kayong magtanong ngayon sa'kin," nakangiti siya habang nagsasalita. Pakiramdam ko ay madali lang siyang lapitan. Hindi siya mukhang masungit kaya medyo nabawasan ang kaba sa dibdib ko.
Katulad nga ng sinabi ni Miss Heart ay trinain kami ni Miss Shasha, ang asawa ng kapatid niya. Mabait din si Miss Shasha kaya naging madali ang pagtuturo niya sa'min. Paminsan-minsa'y ay nakukuha niya pang magbiro kaya naging magaan ang halos anim na oras namin sa Cafe.
"Uuna na 'ko, Zelle, Zira, nandito na sundo ko eh," ngumisi si Lilac sa'min bago patakbong lumapit sa kaniyang nobyo.
Kumaway kami pabalik nang lingunin niya kami para kumaway. Ilang minuto lang ay dumating na rin ang sunod ni Zira. Kaya ngayon ay mag-isa na lang akong naghihintay dito sa shed sa gilid ng Cafe.
Makalipas ang ilang minuto'y may natanaw ako sa hindi kalayuan. Naningkit ang mata ko habang pilit na inaaninag ang lalaking sakay sa isang biseklita. Dahan-dahan akong tumayo nang mapagtantong si San Agustin pala 'yon.
Malapad ang ngiti niya hanggang sa tumigil siya sa tapat ko.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top