20

"Mare..."

Nakatitig lang ako sa kaniyang mukha. Ni hindi ko magawang kunin ang bulaklak na nakalahad sa'kin. Kung hindi pa dumungaw si Nanay mula sa balikat ko ay hindi pa 'ko kukurap.

Mahina akong tumikhim bago kinuha ang bulaklak sa kamay niya. Nakita ko ang paglunok niya ng isang beses.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko.

Bahagya siyang ngumuso habang nagkakamot sa likod ng ulo.

"Sinusundo ka?"

"Sinusundo?" pag-uulit ko.

Magkasabay na kaming naglalakad palapit sa motor niya. Pinagmasdan ko ang kabuuan niya habang abala siya sa pagsusuot ng helmet. Nakabukas ang tatlong butones ng polo habang ang buhok niya ay parang ginawang pugad ng ibon. Tipid akong napailing sa kaniya.

"Ano nga palang naisip mo't pumunta ka rito at may pa-sunflower ka pa? Hindi ba hindi tayo bati?" tanong ko rito habang nakahawak ang dalawa kong kamay paikot sa baywang niya.

"S'yempre nakikipagbati na ako sa'yo, mare!" sigaw niya para marinig ko ang kaniyang boses.

"Nakikipagbati ka? Edi alam mo na kung anong kasalanan mo?" pasigaw kong tanong.

"Hindi ba ikaw ang may kasalanan sa'ting dalawa, mare?"

Tumaas ang isa kong kilay sa loob ng helmet na suot. Kung hindi lang siya nagmamaneho ay baka nahampas ko na ang balikat niya.

"Anong kasalanan ko?"

"Ngumingiti ka ng maganda kay Patricio! Samantalang sa'kin puro ngiwi at ingos ang ginagawa mo!" puno ng panunumbat niyang sigaw.

"Ngumingiti ako sa'yo, 'no!"

"Talaga ba, mare?"

"Hindi mo lang nakikita!"

"Ah basta! Bati na tayo!"

"Haha para kang bata! Ikaw d'yan yung hindi namamansin eh!"

"Ako pa! Ako pa! Ikaw kaya!"

Parehas kaming tumatawa nang makarating sa school. Hindi ko alam pero ang inis na palagi kong nararamdaman pata sa kaniya ay hindi na gano'n katindi. Pero nakakaasar pa rin siya.

Malapad ang ngisi niya sa labi habang tipid akong nakangiti nang makapasok kasi sa silid aralan. Magkasabay naming inukupa ang magkatabing upuan.

Pagsapit ng lunch break ay nagyaya siya sa canteen. Libre raw niya 'ko dahil maayos na kami. Natatawa na lang ako dahil sa mga ginagawa niya.

"Anong gusto mo?" tanong niya. Umupo muna ako bago siya tiningala. Sa katapat ko ay umupo si Mak at Roy na kanina pa excited dahil ito raw ang unang pagkakataon na manlilibre si San Agustin.

"Ikaw," maiksi kong sagot.

Napaawang ang bibig niya at ilang beses na kumurap.

"Owshi," komento ni Mak.

"Laglag panga, yarn?" segunda naman ni Roy.

Saka ko lang narealize ang sinabi ko. Iba yata ang pagkakaintindi niya kaya aligaga kong hinawakan ang palapulsuhan niyang nasa taas ng table. Mabilis siya yumuko para tingnan ang kamay kong nakahawak sa kaniya.

Peke akong tumawa para alisin ang hiyang nararamdaman ko. Hindi naman kasi iyon ang gusto kong iparating sa kaniya. Gulat na gulat pa rin siya habang nakatitig sa mukha ko. Nakita ko rin ang pamumula ng dalawa niyang tainga.

"Ikaw...kung anong bibilhin mo ay iyon na rin ang sa'kin," ngumiti ako ngunit naging ngiwi rin.

Tumawa ang dalawang kasama namin at kung anu-ano na naman ang naging komento sa sinabi ko.

Mabagal na tumango si San Agustin bago siya naglakad paalis para pumunta sa counter. Pinagmasdan ko ang bagsak niyang balikat habang naglalakad. Hindi ko mapigilang matawa dahil sa itsura niya. Mukha siyang cute na basang sisiw.

"Akala ko talaga, bumabanat na si mareng Lezelle eh, hanep! Pa-hope!" hinampas-hampas pa nito ang taas ng table

Umingos ako. "Tumigil nga kayo. Kita niyong magkaibigan kami," pagtanggi ko. Alam ko naman ang mga hirit nilang ganito.

Minsan ay hinahayaan ko na lang pero kadalasan ay sinusuway ko sila. Baka kapag hindi ko ginawa ay mas lalo akong mahulog. Malakas pa ang kapit ko dahil may pangarap pa 'ko. Pangarap palagi. Pamilya muna.

"Talaga ba, Qalawacan?" nang-aasar na sabat ni Roy. Inirapan ko siya.

Patuloy silang nang-asar at tumigil lang nang dumating si San Agustin. Umupo siya sa tabi ko at nilapag ang pagkain sa harap ko. Nagpasalamat ako habang nakangiti saka ko sinimulang kumain.

Natapos ang maghapon. Buong akala ko ay mababawasan na ang pang-aasar at pangungulit ni San Agustin dahil kahit papaano'y nalinaw niya sa'kin ma gusto niya 'kong maging kaibigan.

Tinanggap ko iyon. Pero nakakaasar, mas lalo yatang kumulit ang kaluluwa ng buwesit na 'to.

"Ano ba?" irita kong singhal dahil biglang bumigat ang dala-dala kong bag. Nang lingunin ko siya'y patay malisya siyang nagtanggal ng kamay mula sa bag ko.

"Ang ganda ng panahon, 'no? Sana ikaw din," bumungisngis siya sa sariling sinabi.

Napairap ako habang nakatingin sa daanan.

"Ang tahimik ng hallway, 'no? Sana gano'n din 'yang bibig mo," asik ko. Humalakhak siya na animo'y tuwang-tuwa sa pang-aasar sa'kin. Kailan ba 'to hindi natuwa sa pang-aasar sa'kin? Kaasar talaga.

Maya-maya ay sumulpot na siya sa tabi ko at nang sulyapan ko siya ay abala niyang isinasabay sa bawat hakbang ko sa paa niya. Hindi siya tumigil hanggang sa magsabay ang paghakbang namin.

"Para kang timang," komento ko.

Ngumisi siya.

"Thanks."

Hindi na 'ko tumanggi sa kaniya nung sinabi niyang ihahatid ako. Ayos lang naman dahil magkaibigan na kami. Hindi ko kailangang magmatigas katulad noon. Ako na mismo ang kumuha ng isang helmet at nagsuot habang siya ay inihahanda ang motor.

Umangkas ako sa kaniya at humawak sa baywang niya. Tahimik kaming dalawa hangg sa makarating kami sa tapat ng bahay.

"Salamat," ako ang unang nagsalita.

Tumango siya at tinanggap ang helmet na inaabot ko.

"Walang anuman, mare."

Nanatili akong nakatayo paharap sa kaniya. Hinihintay ko kung may sasabihin pa siya dahil nakatitig lang ang mata niya sa mukha ko. Kumaway ako nang ilang segundo na ang lumipas.

"May nakalimutan ka bang sabihin?" untag ko rito. Mabagal siyang tumango-tango sa sinabi ko.

"Susunduin kita ulit bukas..." halos pabulong niyang saad.

Tipid akong tumango. Ramdam ko ang kakaibang nangyayare sa loob ng tiyan ko. Hindi ko mawari kung anong nangyayare pero isinawalang bahala ko na lang.

"Sige. Ingat ka sa pagmamaneho, mare."

Natawa ako sa naging reaksyon niya sa sinabi ko. Ngunit, maya-maya ay may kinuha siya sa bulsa ng kaniyang pantalon. Naglabas siya ng isang maliit na binilog na papel mula roon.

Kunot-noo ko itong tinanggap mula sa kaniya.

"Ano 'to?"

"Buksan mo mamaya kapag nakaalis na 'ko," bulong niya.

"Bakit?"

"Basta."

Ginulo niya muna ang buhok ko saka niya pinatakbo ang motor. Naiwan akong nakatitig sa papel na nasa kamay ko. Isang tipid na ngiti ang namutawi sa aking labi habang binubuklat ang papel.

Ngunit kaagad din iyong nawala nang makita ko ang nasa loob.

Iyong hairpin na tanso.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top