19
Binaklas ko ang kamay niya mula sa pagkaka-akbay niya sa'kin. Napansin kong nasa likuran pala namin sina Roy at Mak na may dala-dalang pagkain. Ngumunguya sila habang pinapanuod kami.
"Hindi mo ba siya kilala?" tanong ko kay San Agustin.
Pa-ingos niya akong nilingon. Gusto kong matawa dahil sa nanlalaki pa ang butas ng ilong niya.
"Hindi," aburido niyang sagot.
Nagpakawala ako ng buntong hininga saka sinipat si Aldrin na nagtatakang nakatingin sa'kin at kay San Agustin. Muli pa lang bumalik ang braso nito sa balikat ko.
Ilang beses kong inaalis ngunit patuloy lang niyang binabalik.
"Aldrin, ito si—" mabilis pinutol niya ang sasabihin ko.
"Davido San Agustin. Kilala ko siya Lezelle," sagot niya, wala na ang ngiti sa labi.
Tumango ako.
"Manunuod ka ba ng banda ngayon?" tanong ko rito nang ilang segundo ang lumipas.
"Oo," maiksi niyang sagot.
"Kung gusto mo sa'min ka sumama? 'Yon ay kung wala kang kasama," natatawa kong usal. Malapad siyang ngumiti na animo'y isang bata na niyaya na pumunta sa isang parke.
Napangiti pero kaagad din naglaho dahil sa pagsinghal ng isang tao sa tabi ko. Pasimple ko siyang kinurot sa tagiliran dahilan para mapatalon siya sa gulat. Pati ang nasa likod nami'y nagulat sa biglaang pagtalon at pagsigaw ni San Agustin.
"Ano ba 'yan, mare. Ang dami mo ng kasalanan sa'kin. Nanggigil na 'ko sa'yo," ismir niyang pabulong sa tainga ko.
Mabilis na kumunot ang noo ko sa sinabi niya.
"Anong kasalanan? Kailan pa 'ko nagkaro'n ng kasalanan sa'yo, aber?" hindi ko makapaniwalang tanong sa kaniya.
"Ngayong lang," madiin niyang bulong sa tainga ko.
Sasagot na sana ako nang marinig namin ang lag-anunsiyo na magsisimula na raw ang pagtatanghal. Kaya naman imbis na magsalita ay hinila ko na lang siya sa kamay palapit sa plaza.
Nilingon ko ang tatlong lalaki na nakasunod ang tingin sa'min. Sinenyasan ko silang sumunod bago ko hinilang muli si San Agustin. Nakipagsiksikan kami sa rami ng tao.
Minsan ay tinutulak pa ni San Agustin ang ibang nakaharang upang makadaan kami. Hinampas ko siya sa balikat dahil do'n dahil iba ay halos mapasubsob na sa lakas ng tulak niya. Tumigil lang kami malapit sa stage. Paglingon ko'y nasa likuran na rin namin ang tatlo.
Ngumiti ako kay Aldrin at kaagad din niya 'kong nginitian pabalik. Iminuwestra kong tumabi siya sa'min. Napangiti siya nang malapad bago sumiksik sa tabi ko.
"Uuwi rin kami kaagad mamaya sa Canada kaya hanggang 10pm lang ako rito," sigaw niya malapit sa tainga ko para marinig dahil malakas ang tugtog.
"Enjoy your last 3 hours!" imbis na ako ang sumagot ay si San Agustin sumagot sa kaniya.
Pasimple ko siyang sinamaan ng tingin. Bakit ba gan'to ang mokong na 'to? Kanina pa siya, halatang-halata ang pagkadigusto niya kay Aldrin. Wala naman ginagawa ang tao sa kaniya. Hays.
"Umayos ka nga! Maging mabait ka naman kahit ngayon lang!" sigaw ko sa tainga niya.
Tinaasan niya 'ko ng kilay nang makalayo ako nang bahagya mula sa kaniya.
"Araw-araw akong mabait!" sagot niya.
"Talaga ba, San Agustin!?"
Ngayon ko lang naranasan ang tumalon-talon habang sumisigaw at nakikisabay sa kanta. Kaya ngayon ay pawisan kami habang nakaupo sa isang bench, hindi kalayuan sa plaza.
Habol ko ang hininga nang magtama ang tingin namin ni Aldrin. Bahagya akong ngumiti sa kaniya at tumango. Gano'n din siya sa'kin.
Hanggang sa may padabog na naglagay ng tubig sa harapan ko. Nang sulyapan ko si San Agustin ay magkasalubong na ang makakapal niyang kilay. Napaismir ako dahil sa itsura niya kahit nakangiti kaming apat na kasama niya.
"Bakit ka ba nakasimangot?" tanong ko nang hindi makatiis.
Nakakainis kasi ang itsura niya. Nakakasira sa magandang awra naming apat na nakangiti.
Umingos siya sa'kin. Imbis na ako ang kausapin ay si Aldrin ang hinarap niya.
Pasinghal siyang nagsalita, "9:56pm na otoy, baka gusto mong lumipad papuntang Canada," nanunuya niyang litanya.
Nanlalaki ang mata ko saka mabilis siyang hinila sa braso para hampasin ang bibig niya.
"Aray! Aray! Namumuro ka—aray pota," nahuli niya ang dalawa kong kamay at sapilitan niyang inipit sa kili-kili niya. Pilit kong binabawi ang kamay ko pero mas lalo lang humighigpit ang pagkakaipit niya.
"San Agustin naman!" inis kong sabi.
"Bakit ba? Kaysa naman ma-late siya sa flight nila. 'Diba Patricio?" untag niya kay Aldrin sa maangas niyang paraan.
Sa wakas ay nakawala rin ang dalawa kong kamay. Kaagad kong hinampas ang balikat niya dahilan para hawakan niya ito at nagmura nang pabulong.
Lumapit ako kay Aldrin para humingi ng pasensiya sa inaasta ng kasama ko.
"Ayos lang. Nawala rin sa isip ko ang oras. Buti na lang naalala niya. So, paano? Uuna na 'ko sa inyo, Lezelle. Ingat ka palagi," nakangiti niyang sabi. Hinawakan niya ang balikat ko at akmang yayakapin nang biglang may humila sa suot kong damit palayo sa kaniya.
Sino pa ba ang gagawa no'n?
Narinig ko ang tawa ni Aldrin kaya hindi ko tinuloy ang pagsigaw kay San Agustin. Mamaya ko siya pupuruhan.
"See you when I see you, beautiful."
"Ingat ka."
"Enget ke."
Tumaas ang kilay kong nilingon siya. Nakasimangot ang mukha niya habang bumulong-bulong ng kung anu-ano.
"Bakit ba ginaganon mo 'yung tao? Gusto lang naman niyang mag-enjoy ngayong gabi, sinira mo pa," mahina kong asik sa kaniya.
Nagsimula na kaming naglakad papunta sa sasakyan ni Mak. Uuwi na rin kami dahil mag-aalas diyes na.
Hindi siya makapaniwalang lumingon sa'kin.
"Ba't 'di mo tinanong kung nag-enjoy ba siya o hindi?" sarkastiko niyang tanong pabalik.
Umirap ako sa kaniya.
Hanggang sa makauwi ng bahay ay hindi ko siya pinansin. Hindi rin niya naman ako kinakausap. Siya pa ang may ganang magalit. Hindi ba dapat ako? Nakakaasar talaga.
Lumipas ang isang linggo nang hindi kami nagpapansinan. Kaya ngayon ay hindi ko alam kung pupunta ba ako sa kanila o hindi. Ngayon ang araw ng pagtutor ko pero hindi pa rin kami magkaayos.
Baka hindi niya 'ko papasukin sa kanila kapag pumunta ako. Magsasayang lang ako ng pagod at pawis. Kaya naisip kong huwag na lang. Bahala na. Sa susunod na linggo na lang. Baka sakaling maayos na kami no'n.
Dahil hindi naman ako pupunta kina San Agustin. Naisip ko na lang na maglako ng puto't kutsinta ngayon.
"Magtitinda ka anak?" tanong ni Nanay na lumabas mula sa kusina.
Tumango ako.
"May pupuntahan kasi si San Agustin kaya nag-cancel muna siya," bulalas ko.
Kinabukasan, araw ng lunes. Nakaligo at nakapagbihis na ako ng uniporme. Inayos ko muna ang gamit ko bago ako tumungo sa maliit namin na kusina.
Nagmano ako kay Nanay bago tinungo ang pinto ngunit nang mabuksan ko ito ay bumungad sa'kin ang taong nakasimangot habang may hawak-hawak na mirasol sa kanang kamay.
Nilahad niya sa'kin ang bulaklak nang may ngiwing ngiti sa labi.
"Mare..."
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top