17

Kinuha muli ako ni San Agustin bilang isang tutor niya at napagkasunduan din namin na sa tuwing linggo ako pupunta sa bahay nila. Nakakapagtaka lang dahil sa ilang beses ko nang pagpunta sa nila ay hindi ko pa rin nakikita ang magulang niya.

Ang alam ko ay parehas na doctor ang mama't papa niya. Baka palaging abala kaya kakaunti ang oras para sa anak. Eh bakit kaya sa public pumapasok si San Agustin? Kung gugustuhin niya ay kayang-kaya siyang pag-aralin sa isang pribadong paaralan. Iba talaga ang trip sa buhay ni Davido San Agustin na 'yon.

"Ang lalim ng iniisip mo ah, p'wede ko bang sisidin?" napa-angat ang tingin ko kay San Agustin na may  nakakalokong ngisi sa labi.

Hindi ko siya sinagot at pairap na inalis ang tingin sa kaniya. Narinig ko ang namamangha niyang pagsipol bago ko naramdaman ang pag-upo niya sa tabi ko.

"Bakit ka nga pala nandito? Dito ka kumain?" untag niya at bahagyang binunggo ng balikat ang balikat ko.

Bumuntong hininga ako saka tumango. Ang totoo niyan ay hindi naman talaga ako kumain. Wala akong baon—wala akong pera. Ang naipon kong pera ay nagastos namin sa pagpapagamot ng paa ni Tatay.
Aksidente kasing nahiwa ng isang matalim na bagay ang kaniyang paa habang nagiikot-ikot sila sa buong bayan para kolektahin ang mga basura.

Naubos ang ipon ko tapos ilang araw nang walang labada si Nanay kaya wala rin siyang kita. Ang kinita ko sa paglalako ng puto't kutsinta ay nagastos na rin namin sa pagkain namin.

Wala pa akong kain. Humahapdi ang tiyan ko kanina kaya uminom na lang ako tubig at pumunta rito sa lugar kung saan madalang lang ang mga estudyanteng pumupunta.

Hindi ko alam kung paanong nahanap ako ni San Agustin. Oh hinanap ba talaga ako o nagkataon lang?

"Siguro masarap ang ulam m—" parehas kaming napatingin sa isa't isa nang tumunog ang tiyan ko.

Pinagpantay ko ang labi at mabilis na nag-iwas ng tingin dahil sa pagkunot ng noo niya.

"Akala ko ba kumain ka na?"

"Oo nga."

"Eh ano 'yung narinig na'tin?" untag niya habang mahinang natatawa.

Tipid akong umiling. Hindi ko pa rin siya nililingon. Baka kapag ginagawa ko ay malaman niyang nagsisinungaling ako.

Magkasama kaming bumalik sa room nang tumunog ang bell, hudyat na magsisimula ng ang mga klase.

Natapos ang buong maghapon at maghapon din na humahapdi ang sikmura ko habang nang-aasar at nangungulit si San Agustin. Paminsan-minsan ay hindi ko napigilan ang hindi patulan ang bawat asar niya.

Mas lalo akong napipikon sa kaniya ngayon. Kahit na nasa unahan ang guro ay patuloy lang siya pagdaldal sa'kin kahit na hindi ko naman siya pinapansin. Napagalitan siya ng guro ngunit parang wala lamang sa kaniya iyon. Napailing-iling ako.

Napangiwi ako nang maramdaman ang muling paghapdi ng aking tiyan. Hindi bale, malapit na naman ang uwian. Sana lang ay may pagkain sa bahay.

Alam kong matamlay ang bawat kilos ko dala ng gutom na nararamdaman. Sinasabayan ako ng tatlo sa paglalakad palabas hanggang sa gate ng school.

Naghaharutan sila habang pinaggigitnaan ako. Hindi ko sila sinaway o binigyan man lang ng pansin. Bahala sila. Mas lalo akong magugutom kung sasawayin ko lang sila.

Hanggang sa biglang matamaan ang ulo ko sa pagsasapukan nila. Nang tingnan ko'y sabay-sabay silang umiling at tinuro ang bawat isa. Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong hininga bago binilisan ang paglalakad.

Wala akong lakas para makipag-away sa tatlo. Bahala sila sa buhay nila. Gusto ko ng umuwi. Gusto ko ng kumain.

"Mare, kain muna tayo ng meryenda!"

Bigla akong napatigil sa sigaw ni San Agustin. Pakiramdam ko ay biglang nagliwanag ang mukha ko saka dahan-dahan na pumihit paharap sa kanila.

"Libre?" kaagad kong tanong. Kailangan kong manigurado. Baka matulad noon na akala ko ay libre, 'yon pala ay kaniya-kaniyang bayad. Mabuti na lang talaga mayroon akong dalang pera nung araw na 'yon.

Mas lalo yatang nagliwanag ang mukha ko nang makita ang pagtango niya. Naglakad ako palapit sa kanila nang may ngiti sa labi. Pansin ko ang pagkatulala ng dalawa dahil ito ang unang beses na nakita nila ang ngiti kong hindi tinitipid.

"Mahabagin." Roy

"Nalaglag 'yung heart ko." Mak

Magkasabay nilang bulalas. Kumunot ang noo ni San Agustin sa dalawa bago niya ito binigyan nang tig-isang sapok sa batok.

Hinawakan niya ako sa palapulsuhan bago  niya 'ko hinila palapit sa mga nagtitinda sa gilid ng kalsada. Nakailang beses akong lumunok habang nagsasabi siya ng order.

"Kapag ngumiti ka katulad kanina, Lezelle, bibigyan kita ng isang libo," humagikgik si Mak habang naka-akbay kay Roy.

Biglang umasim ang mukha ni San Agustin kasabay nang muli niyang paghila sa braso ko palapit sa kaniya.

"Huwag kang papauto sa dalawang 'to, mare. Kaya kitang bigyan ng sampung libo kahit hindi ka ngumiti," bulong niya malapit sa tainga ko.

Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko sa kanilang tatlo. Pero mas nangingibabaw ang gutom sa sistema ko kaya mas inuna kong pansinin ang nakalahad na pagkain.

Humalakhak ang dalawa sa mukha ni San Agustin.

"Medyo nahahalata ka na pareng Davido," nagawa pa nitong ituro ang nakasimangot na mukha ng katabi ko.

Inabot ko sa kaniya ang kaniyang pagkain habang masama ang tingin niya sa dalawang kaibigan. Tinanggap niya iyon nang hindi tumitingin sa'kin.

"Manong, iyong amin ho?" sabat ni Mak at bahagya pang lumapit sa nagtitinda.

"Iluluto ko pa iho," natatawang sagot ng matanda.

Nanatili ang atensiyon ko sa pagkain habang nag-aasaran na naman sila. Paminsan-minsa'y napapatigil ako para alisin ang braso ni San Agustin na pasimpleng umaakbay sa balikat ko.

"May tanong ako sa'yo, Lezelle." Roy.

Napatigil ako sa pagnguya at tumingin sa kaniya.

"Ano 'yon?" untag ko.

"May nanliligaw na ba sa'yo?" Mabilis akong umiling sa kaniya. Lumawak ang ngiti niya saka tumingin kay San Agustin. Napatingin din tuloy ako sa kaniya at naabutan ko siyang nagpipigil ng ngiti habang ngumunguya.

"Nagmumukha timang 'yung isa r'yan," halakhak ni Mak.

"Bakit mo natanong? Balak mo bang manligaw sa'kin?" bumalik ang tingin ko kay Roy.

Mas lalong lumakas ang halakhak niya.

"Hindi kita type, Lezelle. Pero maganda ka naman," sagot niya.

Tipid akong tumango saka ko binalingan si Mak at magtatanong na sana sa kaniya nang mabilis pa sa alas-kwatrong umiling.

"Mukha kang Diyosa pero hindi kita type. Gusto ko 'yong mala-anghel ang ganda," aniya.

"Subukan mong tanungin si Davido, Lezelle," nakangising suhestiyon ni Roy.

Napasulyap ako kay San Agustin. Nakita ko kung pa'nong nanlaki ang mata niya nang magsalubong ang tingin namin.

"Kung makapal ang mukha mo, liligawan mo ba 'ko?" nang-aasar ang tono kong tanong.

Ilang segundo bago lumitaw ang ang nakakaloko niyang ngisi.

"Sure. Why not, coconut?"

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top