15
Napa-angat ang tingin ko sa taong nagmamay-ari ng puting sapatos sa tapat ng kinatatayuan ko. Nagtama ang tingin namin. Nakasimangot ako habang siya'y may maliliit na ngiti sa labi.
"Kanina ka pa ba?" tanong niya saka inabot sa'kin ang helmet na hawak. Tinanggap ko iyon bago umiling.
"Hindi. Kadarating ko lang din," paingos kong sagot. Pero ang totoo'y halos kalahating oras na 'kong naghihintay dito sa kanto.
Medyo napaaga ang pag-aayos ko kaya napaaga ako sa usapan namin. Hindi ko lang mapigilang mainis sa sarili ko. Hindi ko na maintindihan ang takbo ng isip ko.
"Pinagpapawisan ka na," puna niya. Bahagya niya pang ipinunas ang manggas ng suot niyang jacket sa sintido ko.
Inilayo ko ang mukha ko kasabay nang kabadong paglunok. Hinampas ko ang braso niya at hindi namalayan na napalakas pala dahil bigla siyang napahiyaw.
"Aww put—hehe," ngiwing bungisngis niya dahil nakita niya ang pagtalim ng tingin ko sa kaniya.
Naisuot ko na helmet habang siya nama'y binuhay ang kaniyang motor. Ngayon namin pupuntahan ang sinasabi niyang Puting Hardin sa dulo ng bayan. Ang sabi pa niya, sa sobrang ganda raw ng tanawin ay makakalimutan kong huminga.
Kapag hindi ko nakalimutang huminga mamaya, wawakasan ko ang hininga ng isang 'to.
"Sa baywang ka humawak, mare," rinig kong sigaw niya habang mabilis na nagpapatakbo.
Naguguluhan kong hinawakan ang baywang ko. Napansin ko ang paggalaw ng balikat niya. Ano kayang nakakatawa? Inis kong pinanuod ang bawat pagtaas-baba ng balikat niya, nang hindi makatiis ay hinampas ko siya.
"Ano bang nakakatawa?" naiirita kong sigaw.
Bahagyang bumagal ang pagpapatakbo niya ng motor. Bumagsak ang kaninang nililipad kong buhok.
"Sa baywang ko kasi mare, hindi sa baywang mo," natatawa niyang saad. Tumaas ang sulok ng labi ko at umiwas ng tingin sa side mirror ng motor dahil nagtama ang tingin namin doon.
Halata sa mata niyang nang-aasar siya sa ginawa ko. Kahit takpan pa ang buo niyang mukha, nakakaasar pa rin.
"Hindi mo kasi nililinaw," nakaingos kong sagot, pilit na ikinukubli ang kahihiyan sa nagawa.
Mahina siyang humalakhak bago niya itinigil ang motor sa gilid. Magtatanong na sana ako kung bakit kami tumigil nang bigla niyang hawakan ang dalawa kong para ipalibot sa buo niyang baywang.
Mahina akong napasinghap nang pumalibot na ang buo kong braso sa baywang niya. Dalawang beses akong napakurap habang unti-unti kong naramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko.
Anong nangyayare?
Akma kong aalisin ang kamay ko pero bigla niyang pinaharurot ang sasakyan nang walang pasabi. Humigpit ang yakap ko at napasandal ang ulo ko sa likod niya. Mariin akong napapikit dahil sa kaba.
"Sasakmalin kita mamaya!" kinakabahan kong sigaw habang nakapikit. Naramdaman ko ang paggalaw ng likod niya, tanda na pinagtatawanan na naman ako.
Nakakaasar talaga!
Saka lang ako nagmulat ng mata nang tumigil ang motor. Una kong napansin ang isang arko na gawa sa kawayan. May pintura itong kulay puti at may nakasulat na, 'Maligayang pagdating sa Puting Hardin.'
Sa bungad ng arko ay kumpol-kumpol na ang mga bulaklak sa gilid. Mukhang alagang-alaga ang bawat mga halaman dahil halatang malulusog ang mga ito. Makulay ang ang buong hardin kahit nasa labas pa lang kami.
Hindi ko nakalimutang bigyan ng isang sapok sa batok si San Agustin bago hinubad ang helmet sa ulo ko. Nagrereklamo siya habang sinusuklay ko gamit ng kamay ang nakalugay kong buhok.
"May entrance fee sila pero dahil mukha ka raw Diyosa, libre na lang," nakanguso niyang sabi. Umirap ako sa kaniya.
Nauna akong naglakad papasok sa loob ng hardin. Hindi masyadong marami ang tao, kalimitan ay mga babae't lalake na mukhang nagdedate sa lugar. Ang iba'y naglatag ng kumot sa berdeng-berde na damo na animo'y nagpipicnic sa ilalim ng malaking puno.
"Bakit Puting Hardin ang tawag dito kung makulay ang buong lugar?" tanong ko habang mabagal ang bawat hakbang. Nakasunod siya sa likuran ko.
"Hindi ko alam, mare. Ba't hindi mo itanong sa may-ari ng lugar na 'to?" sarkastiko niyang tanong.
Nilingon ko siya para irapan. Walang kwenta tanungin.
"Pahiram ako ng cellphone mo," tumigil kami sa tapat ng mga tulips na may iba't ibang kulay. Nakalahad ang kamay ko habang nakatingin sa mga bulaklak, maya-maya ay nilagay niya sa kamay ko ang cellphone niya.
Kumuha ako ng ilang litrato para sa project. Kinuhanan ko rin ang iba't iba pang bulaklak. Hanggang sa magpaalam si San Agustin na bibili lang ng pagkain sa nag-iisang tindahan sa Puting Hardin.
Naglakad-lakad ako ngunit hindi masyadong malayo para madali akong makita ni San Agustin. Natagpuan ko ang magagandang sunflower kaya't mabilis akong kumuha ng litrato.
"Mare?"
Nakangiti akong humarap kay San Agustin ngunit saktong tumama sa bibig ko ang nakalahad na bulaklak ng rosas. Mabilis kong iniwas ang mukha ko saka sinamaan ng tingin ang lalaki.
"Parang timang!" gigil kong usal. Hindi niya pinansin ang galit ko sa halip ay natawa pa at nilagay sa tainga ko ang bulaklak.
Napahakbang ako paatras pero maagap niyang hinawakan ang braso ko para pigilan.
"Baka may tinik 'yan," reklamo ko.
"May naramdaman ka ba?" tanong naman niya. Umiling ako. Malapad siyang ngumiti habang nakatitig sa mukha ko.
"Huwag kang tumingin," saway ko.
Humalukipkip siya habang patuloy na pinagmamasdan ang mukha ko. Naiilang na ako kaya naman tumalikod ako sa kaniya.
Narinig ko ang pang-asar niyang tawa.
"Mare, pipicturan kita. Dali," kinuha niya mula sa kamay ko ang cellphone.
"Ayoko," tanggi ko pero naririnig ko na ang ilang beses niyang pag-click sa camera.
Nakakunot ako habang nakasimangot sa kaniya.
"Smile, mare."
Peke akong ngumiti.
Ngumiwi siya at sumulyap sa'kin mula sa screen ng cellphone.
"Try mong ayusin ang ngiti mo, mare," suhestiyon niya.
Mahina akong napasinghal, "bakit, hindi pa ba 'to maayos?" reklamo ko.
Umiling siya.
"Sa totoo lang mare, mukha kang natatae sa itsura mo," iiling-iling niyang sambit.
"Psh. Ayoko kasing magpapicture."
"Huwag kang maarte, mare. Hindi ka kagandahan para umarte," nakaingos niyang sabi.
Malalim akong bumuntong hininga saka ko inayos ang pagkakatayo sa pwesto. Pagkatapos ay ngumiti ako ng maayos sa tapat ng cellphone niya.
Pero ilang segundo siyang nakatitig lang, ni hindi siya pumipindot sa cellphone.
"Picture na!" pinalakpak ko ang kamay ko dahilan para mapailing-iling siya at kumurap ng ilang beses.
"Grabe..." bubulong-bulong niyang sabi habang nakatutok ang mata sa cellphone niya.
Nakangiti akong nagpose nang nagpose. Wala naman siyang reklamo. Nang-aasar pa nga dahil tumanggi pa ako kanina. Sarap burahin ng ngisi niya sa mukha.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top