CHAPTER 7

trigger warning: sexual harassment

݁₊ ⊹ . ݁˖ . ݁·ꕤ

CHAPTER 7

SARAH DAYANGHIRANG

"Wait—" mahina akong napadaing nang humigpit ang yakap niya.

Hindi ako makahinga nang maayos dahil sa ginawa niya. Nanatili pa rin akong nakakulong sa kan'yang bisig. Sino ba 'to?! Bakit ba siya nangyayakap?

"T-teka... hindi ako makahinga," reklamo ko. Nahihirapan pa rin akong magsalita dahil sobrang higpit ng yakap niya sa akin kahit na pilit kong inaalis ang sarili sa bisig nito.

Mukhang natauhan siya sa sinabi ko. Mabilis pa sa alas kwatro na binitawan niya ako. Doon pa yata ako nakahinga nang maayos nang makawala ako sa kan'ya.

Inangat ko ang aking ulo at hindi nakatakas sa aking paningin ang panlalaki ng dalawa niyang mata. Hindi ko alam kung namamalikmata ba ako o ano, pero tama ba na kulay abo ang mata niya nang magtagpo ang tingin naming dalawa?

Nakita ko agad mata niya kahit na may suot siyang hoodie. 'Yon lang ang napansin ko kahit na mabilis. Pagkatapos no'n ay mabilis niyang iniwas ang tingin sa akin at basta lang umalis na para bang walang ginawa sa akin.

Tama ba? Tama ba na kulay abo yung nakita ko o itim lang talaga siya?

Kaya ngayon ay naiwan akong nakatayo at pinagmamasdan siyang lakad takbong lumayo sa akin. Habang ako ay naguguluhan pa rin. Sino ba siya? Bakit ba siya nangyayakap?

Sa kalaunan ay pinagsawalang bahala ko na lang 'yon. Napailing na lang ako at pilit na kinalimutan ang nangyari ngayon. Agad akong nagtungo sa banyo at ginawa ang dapat gawin.

Mabilis lang din akong natapos kaya agad din akong nakabalik sa kotse at napasandal na lang sa kinauupuan ko.

Habang nakasilip sa bintana, tahimik lang akong nakatanaw sa nakasaradong kabaong ng kaibigan ko. Hindi ko na rin napansin na halos lumipas na ang ilang minuto ay gano'n lang ang aking ginagawa.

Muli kong naramdaman ang pamilyar na mabigat na emosyon sa aking dibdib. Hindi ko na siya makikita pa. Hindi ko na makikita si Raf. Ito na rin ang huling pagkakataon na makikita ko siya at aaminin ko na sobrang hirap tanggapin.

Ni hindi ko magawang ibaling ang paningin ko sa iba dahil gusto ko na sa kan'ya lang nakatuon ang titig ko. Dahil pagkatapos nito ay wala na... hindi ko na siya makikita at makakasama pa.

"I'm glad I brought you here, Sarah." Awtomatikong nabalik ako sa reyalidad nang marinig ang isang malambot na boses.

Hindi ko napansin na nakabalik at nakapasok na pala sa loob ng kotse si Ei. Naramdaman ko ang kan'yang tingin kaya napalingon ako sa kan'ya.

"Nalaman ko na hindi rin pala magtatagal ang burol ni Rafael. Icecremate rin siya, and we only have a few hours left to say goodbye." Malambot ang titig niya sa akin. Ang tono ng kan'yang boses ay humihina na para bang nagdadalawang isip kung dapat bang sabihin 'yon sa akin o hindi.

Mapait akong ngumiti kasabay ng pagsikip ng aking dibdib. Hindi na ako nagsalita dahil paniguradong luluha na naman. Tama na ang mapait na ngiti ang pinakita ko sa kan'ya para sabihin na masakit pa rin ang pagkawala ng kaibigan ko. Pakiramdam ko parang pinipisil ang puso ko, at idagdag pa na parang maraming karayom na tumutusok-tusok doon. Masakit. May kirot.

Napabuntonghininga na lang ako at nanatiling nakatingin sa kabaong ni Rafael. Gusto ko siyang makita ulit sa huling pagkakataon... ng buhay siya, kahit anong kapait ay gagawin ko... ibibigay ko... basta makasama siya ulit.

Kung puwedeng lang mangyari 'yon ang gusto ko, baka ginawa ko na 'yon.

Si Rafael lang ang laging nand'yan para sa akin... at ngayon wala na siya parang may malaking parte rin sa pagkatao ko ang nawala sa akin. Parang may kinuha at ngayon pakiramdam ko may kulang na.

݁₊ ⊹ . ݁˖ . ݁·ꕤ

"Huwag ka d'yang magtamad tamad, Sarah! Hindi porket walang pasok makakapagpahinga ka!" ang sigaw ni mama ang nakapagpagising sa akin, napabalikwas akong bumangon mula sa pagkakahiga.

"'Ma..."

Nakita ko siyang nakatayo na sa pintuan ng aking kuwarto na nakabukas na ngayon. Ang isa niyang kamay ay nakapameywang habang matalim ang titig sa akin. Habang si Hillary naman ay nakahalukipkip sa tabi ni mama, pawisan ang kanilang hitsura at basa ang suot na damit. Mukhang naglalaba sila sa likod ng bahay.

"Huwag mo akong ma-'ma 'ma d'yan! Ano, hindi ka pa ba babangon d'yan?! Isampay mo 'tong mga nilabhan namin!" singhal niya.

Nanlaki ang mga mata ko at parang doon pa lang yata ako natauhan. Mabilis akong tumango at inayos ang sarili.

"Opo... opo."

Inasikaso ko muna ang sarili bago sila tinulungan. Naghilamos ako ng mukha at nagtoothbrush na rin. Pagkatapos ay dumiretso na ako sa likod ng bahay. Nakita ko na agad ang mga iilang basket na kailangan kong isampay.

Naging mabilis na lang sa akin ang mga ganitong gawain dahil palagi naman na trabaho ko 'to sa tuwing maglalaba sila mama at Hillary. Umabot ng tanghali ay hindi pa ako tapos at nasaktuhan no'n na tanghali na kaya kumain na muna kaming lahat.

"May extra pera ka pa bang naitago d'yan?" biglang tanong ni mama na ikatingin ko sa kan'ya.

Tumango ako. "Opo. Meron naman po, 'ma. Pang emergency ko po 'yon. Baka kasi may biglaang gastos sa school, at least may magagamit ako."

Nakita ko ang pag-ikot ng kan'yang mga mata. "Kailangan ko ng pera. Akin na 'yan ng mabayaran ko ang utang d'yan sa kapitbahay natin. Nakakairita 'yong babaeng 'yon; hindi ako tinitigilan kakasingil akala mo naman ay tatakas ako sa kabilang baryo para sa utang niya."

"Sige po. Bibigay ko po sa inyo pagtapos ko kumain."

Napabuga na lang siya ng hangin, at narinig ko pa ang mahina nitong bulong sa kan'yang sarili. Hindi ko na pinansin 'yon at tinuon na lang ang sarili sa kinakain. Alam ko na hindi na niya ako mababayaran pero ayos lang. Mahalaga ngayon ay mabayaran niya 'yon at mabawasan na ang utang.

Dumiretso agad ako sa likod ng bahay nang matapos kumain. Mabilis lang din akong natapos kaya ngayon at nagpapahinga ako sa porch namin habang nakatanaw sa pamilyar na daan kung saan kami palaging naglalakad ni Rafael patungo sa ilog na lagi naming pinupuntahan.

Parang kidlat na pumasok sa isipan ko ang mga memories na magkasama kaming dalawa ni Rafael. Napabuntong hininga na lang ako at nagisip agad ng ibang bagay bago pa ako tuluyang lumuha dahil sa kan'ya.

"Sarah!"

Napapitlag ako sa lakas ng sigaw ni mama. Tumayo ako at nagtungo sa sala habang bitbit ang dalawang laundry basket.

"Bakit, 'ma?"

Agad na kumunot ang kan'yang noo. "Ang pera! Ano pang tinatayo-tayo mo r'yan!"

"Ay, ito na po." Agad kong binaba ang dala kong basket.

Mabilis akong nagtungo sa kuwarto at kumuha ng pera sa wallet ko. Agad kong binigay kay mama 'yon nang makabalik sa sala.

Tinalikuran niya agad ako at lumabas na sa bahay.

Isang mabigat na hangin ang binuga ko.

Kailan ba magiging maayos 'tong pamilya ko?

݁₊ ⊹ . ݁˖ . ݁·ꕤ

Walang pasok ngayon kaya napagdesisyunan ko na maligo nang matagal para kahit papaano ay makapagrelax. Malamig ang tubig at masarap sa pakiramdam. Kung sa tutuusin deserve ko ang ganito sa dami at pagod ng mga nangyayari sa school. Kasabay na rin ang papalapit na graduation namin, mas lalong ramdam ko ang pressure para sa sarili ko.

Mahina akong kumakanta habang sinasabon ang sarili. Amoy na amoy sa buong banyo ang safeguard pink na ginagamit ko. Habang abala sa sarili ay isang mainit na kamay ang naramdaman ko sa aking baywang.

Malakas akong napasinghap at awtomatikong lumingon sa likod para makita kung sino ang may gawa no'n. Mas lalong nanlaki ang mga mata ko nang makita na si Caloy 'yon.

Napaatras ako at napahawak sa dibdib. Pakiramdam ko natulos ako sa kinatatayuan ko ngayon. Hindi ko makagalaw. Ang dibdib ko ay sobrang lakas ng kabog. Pakiramdam ko nawalan ako ng kakayahan na makatakbo man lang sa bilis ng pangyayari.

Nakasilip siya sa butas ng tarpaulin na nagsisilbing pader sa maliit naming banyo; ang banyo kasi namin ay nakabukod sa bahay. Wala siya sa mismong loob no'n. Mukhang doon lumusot ang kamay at hawakan ako. Nakangiti si Caloy... ang mga titig niya ay mariin lang. Ramdam na ramdam ko ang pagtaas ng balahibo ko sa buong katawan dahil doon.

"Sarah..." dinig kong bulong nito, malalim ang boses at nakakakilabot ang tono. "Ang ganda ng katawan mo..."

Para akong natauhan sa kan'yang sinabi. Doon lang ako nakakilos. Mabilis kong kinuha ang tabo at sumalok ng malamig na tubig sa malaking drum bago isaboy sa kan'ya.

"B-bastos!" bulyaw ko sa nanginginig na boses.

Agad akong nilamon ng galit... pero mas nangingibabaw ang takot para sa sarili. Bakit ang lakas ng loob niya para gawin 'to!? Mabilis na nanginit ang gilid ng aking mga mata.

Mabilis kong dinampot ang tuwalyo at binalot sa hubad kong katawan. Lakad takbo akong lumabas sa banyo para pumasok sa loob ng bahay. Ramdam na ramdam ko ang panginginig ng aking katawan dahil sa takot. Para akong kakapusin ng hininga, sobrang bilis ng pintig ng puso ko. Parang nawawalan ng lakas ang binti ko sa panlalambot.

Kahit na nanlalabo ang paningin ko kakamadali sa paglalakad ay kamuntikan ko pang mabangga si mama sa sala. Natigilan siya nang makita ang ayos ko. Kumunot ang kan'yang noo habang may gamit na toothpick sa kan'yang bibig.

"'Ma..." nauutal kong sambit at tuluyan na tumulo ang pinipigilan kong mainit na luha.

Nanatiling siyang nakatingin sa akin na may bahid na iritasyon at pagtataka. "Ano na naman ba, Sarah?"

Napakamot na lang ako sa aking braso dahil sa kaba. Bumubuka ang bibig ko at hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin sa kan'ya ang nangyari sa akin kanina sa banyo o hindi na. Kapag sinabi ko 'yon baka ako sisihin niya... baka kasalanan ko pa—

Agad akong napatingin kay mama ng paluin niya ang kamay ko. Ang mga mata niya ay nanlilisik sa akin.

"Tigilan mo nga 'yang pagkakamot mo sa braso mo! Pangit pangit na nga ng balat mo sisirain mo pa!"

Mabilis akong umiwas ng tingin at pinalis ang luha sa aking pisngi. Naiinis ako. Hindi ko alam... ang daming emosyon ang naglalaro sa dibdib ko... sa isipan ko. Inis, galit, at hiya dahil sa nangyayari ngayon.

"Bakit ka ba umiiyak, ha? Ano na naman bang kaartehan 'to, Sarah?"

Hindi lang naman 'to ang unang beses na nangyari, eh. Nasabihan ko na si Rafael tungkol dito... sa ginagawa ni Caloy, at salamat sa kaibigan ko dahil natigil 'yon.

Kaya ngayong wala na siya, pakiramdam ko parang wala na akong laban kay Caloy dahil wala na si Rafael. Na baka mamaya masundan ulit 'to at doon ako natatakot para sa sarili ko.

Nabalik ako sa reyalidad nang maramdaman ang kamay ni mama sa aking braso. Hinila ako palapit sa kan'ya at alam kong wala na akong takas; kailangan na niyang malaman ang ginawa ni Caloy.

"Ano bang problema, ha?" irita niyang tanong sa akin.

Awtomatikong nanginig ang aking labi at nabasag ang boses nang magsalita.

"Si C-Caloy po kasi, 'ma," humihikbi kong sagot. "Naliligo po ako k-kanina sa banyo... t-tapos... t-tapos hinupuan po a-ako. N-nakita ko po yung kamay niya doon l-lumusot sa tarpaulin..."

Narinig ko ang paglintak ng kan'yang dila at mahinang napamura.

"At kailan pa ba sira 'yang tarpaulin sa banyo, ha? Hindi ka talaga nag-iingat kahit kailan 'no?! Kung sinabi mo agad sa akin na may butas 'yong tarpauline, e'di sana hindi mangyayari 'yan!"

"'Ma... hindi ko n-naman po kasalanan 'yon. Naliligo lang po ako," ani ko habang umiiyak pa rin.

Mas lalo lang akong nasaktan sa sinabi niya. Hindi man niya ako sinaktan ng pisikal pero pakiramdam ko para akong nasusugatan. Patuloy pa rin sa pagtulo ang mainit kong mga luha at sinusubukan na pakalmahin ang sarili sa pamamagitan ng paghinga nang malalim.

Pero kahit na anong gawin ko... kahit na anong pagpapakalma ko sa sarili ko pakiramdam ko nasa balat ko pa rin ang kamay ni Caloy, para bang nakadikit na 'yon doon at hindi na matatanggal. Nakakadiri. Nandidiri ako. Parang gusto kong tanggalin lahat ng balat ko.

"Hernand!" sigaw ni mama at binalewala ang sagot ko kanina.

Hindi pa umabot ng ilang minuto ay nakababa na ang kapatid ko. Bakas sa kan'yang mukha ang iritasyon, at parang naabala pa yata siya sa ginagawa niya.

"Ano?" pabalang niyang tanong.

"'Yang tanginang Caloy na 'yan sa kabilang baryo!" singhal ni mama. "Binosohan at hinupuan si Sarah, pumunta ka sa kanila at kausapin mo 'yong hayop na 'yon. Kaladkarin mo 'yan papuntang barangay kapag nagsinungaling, at kapag ako hindi nakapagtimpi sa kan'ya, ako ang susugod doon na may dalang kutsilyo. Tatanggalan ko ng ari 'yang manyakis na 'yan!"

Hindi ko na kaya ang nangyayari. Agad ko silang tinalikuran at nagmamadaling pumasok sa sarili kong kuwarto. Sinarado ko ang pintuan at nilock 'yon, kasabay no'n ang pagtulo ng aking luha.

Wala nang tigil 'yon sa pag landas pababa sa aking pisngi. Hinayaan ko na lang ang sarili na umiyak hanggang sa mapagod kasabay ng pagsikip ng aking dibdib.

݁₊ ⊹ . ݁˖ . ݁·ꕤ

Kinabukasan si Ei na agad ang unang lumapit sa akin nang makita sa campus. Nagiging gawain niya na 'yon. Ang palaging samahan ako sa tuwing may pasok kami.

"Sarah, there's a gathering for the graduates today. Sabay na tayo?"

Sinabayan niya ako sa paglalakad. Masigla ang boses ni Ei ngayon pero ang utak ko parang nililipad sa malayo. Hindi pa rin maalis sa isipan ko ang nangyari kahapon.

"Sarah? Are you okay?" tanong ni Ei nang mapansin na sa malayo ako nakatingin.

Mahigpit kong hinawakan ang dala kong folder at wala sa sarili na nagkamot na naman sa aking braso dahil sa kaba. Bakit napaparanoid ako? Kahit na alam ko na nakausap na ni Hernand si Caloy, ay pakiramdam ko parang may nagmamasid sa akin.

Hindi ko tuloy maiwasan na hindi mangungulila kay Rafael... sa presensya niya dahil pakiramdam ko ay ligtas ako kapag kasama ko siya.

"Sarah?" Naramdaman ko ang kamay niya sa aking balikat kaya napakislot ako sa gulat.

Napalingon ako sa kan'ya at napabuga na lang ng hangin. "Ei... sorry, ano nga pala 'yon?"

"I said, are you okay? Parang ang lalim ng iniisip mo ngayon," nagaalala niyang tanong sa akin.

Tipid ko siyang ningitian. "Okay lang ako."

Hindi pa rin nagbago ang ekspresyon sa kan'yang mukha. Parang hindi siya kumbinsido sa naging sagot ko.

Napabuga na lang siya ng hangin. "Okay... let's head to the gym. It'll get crowded if we don't go now."

Tahimik lang kaming nagtungo sa gymnasium ng university, pero hindi ko pa rin maalis sa aking isipan at sa pakiramdam na para may nakasunod sa akin. Kahit kailan ay hindi ko ramdam ang pagiging isa at mahina dahil kasama ko si Rafael, pero dahil ngayon ay wala na siya.

Pakiramdam ko ang lahat ng 'yon ay naglaho na.

SHANGPU

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top