XX - Psionic Inundation
Ang gulo... Sobrang gulo ngayon dito sa Hillwood.
Hindi magkamayaw ang mga Council Guards simula pa kaninang umaga– lahat ay abalang maghanap kay Dana, sa mga nakatakas na kalaban at ang iba naman ay abala sa pagtulong sa mga nasugatan. Hindi rin matigil ang sabay-sabay na pag-iyak ng mga taong namatayan sa trahedyang nangyari... Mga anak na nawalan ng magulang, mga taong namatayan ng mga mahal sa buhay at mga magulang na tumatangis para sa kanilang mga anak. Sobrang lakas nito, sobrang sakit na kahit naririto na ako sa Montecillo Mansion ay rinig na rinig ko pa rin ang kaguluhan sa labas. Masyadong buhay na buhay ang Enhanced Senses ko at ang sakit sakit nito.
Bakit kinailangang umabot sa ganito?
Idagdag mo pa ang sobrang bigat na emosyon dito sa bahay. Pakiramdam ko ay unti-unting nawawalan ng hangin sa katawan ko sa bawat pag-iyak ni Mommy. Hindi rin mapakali sila Kuya Yohan sa pag-aayos ng mga bagay bagay. Ramdam na ramdam ko rin ang lakas na inilalabas at ginagamit ni kuya Hendrix sa panggagamot kay Daddy...
Marahil ay iyon ang rason kung bakit ako napadpad dito sa kagubatan, sa likuran ng mansion. Nais kong makalanghap ng hangin. Gusto kong makahinga kahit sandali lang...
"Aria, hindi ko na alam ang gagawin ko..." Isang buntong hininga ang pinakawalan ko habang sinusuklay ang balahibo nitong wolf sa tabi ko gamit ang mga daliri ko. Nag-growl naman siya, animo'y sinasagot niya ang hinaing ko kaya napangiti nalang ako.
Sobra talagang gumagaan ang damdamin ko sa presensya niya. Kung hindi ko siya nakita sa kagubatang iyon noon, siguro ay mag-isa lang ako ngayon dito. Mag-isang nakatanaw sa kalangitang punong-puno ng bituin.
This night sky is the only beautiful thing that happened today...
Napasandal nalang ako sa puno sa aking likuran at napabuntong hininga. Ipipikit ko sana ang mga mata ko, kaso bigla akong naalerto nang makarinig ako ng kaluskos. Napataas ang isang kilay ko. Hindi rin ako gumalaw, pero pinakiramdaman ko agad ang paligid.
May taong paparating...
Naramdaman din ata ito ni Aria dahil napansin ko ang paggalaw ng tainga niya. Tumayo rin siya at tila naalerto. Napangiti nalang ako.
Papalapit na ito ng papalapit kaya mas nagising ang sistema ko. Dahan-dahan ko na ring sinummon ang isang dagger ko, para maging handa. Mabilis naman akong tumayo at lumingon sa kanan nang maramdaman ang presensya niya. Ganoon din ang ginawa ng wolf ko.
Hindi ko naman inasahan ang taong bubungad sa akin, kaya agad akong napasigaw. Nabigla rin tuloy siya at bahagyang napa-atras.
"Sir!" Napasinghap ako at nanlaki ang mata nang makitang si Sir Saturn lang pala ito. Mukhang nagulat din siyang makita akong may hawak na dagger, dahil nanlaki rin ang mga mata niya, kaya agad ko na itong ibinalik sa kwintas ko. Napatikhim nalang din ako.
"Sorry sir Saturn, akala ko kasi kung sino." Masyado kasing halo-halo ang mga presensya ngayon na nararamdaman ko, kaya hindi ko agad nakilala ang kanyang papalapit na presensya. Binigyan lang naman niya ako ng ngiti at inilingan.
"Natutuwa akong tinandaan mo ang itinuro ko sa'yo: ang maging alerto palagi." Aniya at dahan-dahang lumapit sakin, tila pinapakiramdaman din si Aria na nakatingin pa rin sa kanya.
Napa-iling nalang ako. Masyadong protective ang isang ito...
"Aria, okay lang. Si Sir Saturn iyan." Mahina kong bulong sa wolf ko habang hinahaplos ang ulo niya. Dahil dito ay bumalik na siya sa pagkaka-upo sa paanan ko, kaya nakita kong napangiti naman si Sir Saturn.
"Bakit ka napadpad dito, Alexandria? Masyadong delikado, tinakasan mo pa si Damon." Bakas ang pag-aalala sa boses ni sir Saturn kaya agad naman akong nakonsensya. Mukhang pinag-alala ko pa sila sa ginawa kong pagpunta rito. Baka akala nila ay may nangyari sa akin.
Simula kasi kanina ay mas lalong humigpit ang seguridad sa Montecillo Mansion. Hindi rin ako iniiwang mag-isa ni Kuya Damon, kaya naman tinakasan ko siya para makapagpahangin ako rito. Dapat pala naisip ko ring mag-aalala siya at agad na magsasabi kay sir Saturn.
"Pasensya na po, gusto ko lang huminga sandali." Mahina kong sagot at binigyan siya ng isang nagtatanong na tingin. Bumuntong hininga naman siya bago umupo, kaya iyon din ang ginawa ko. Pareho kaming sumandal sa puno.
"Hindi kita isinumbong sa mga Kuya mo, kung iyan ang gusto mong itanong." Natatawa niyang turan kaya napakamot nalang ako sa likod ng ulo ko. Alam pala niyang iyon ang inaalala ko... Malalagot kasi ako kung nalaman nila Kuya na tumakas ako.
"Salamat po..." Tanging pabulong kong sagot kaya muli siyang natawa. Napanguso nalang tuloy ako.
Hindi na ako sinagot ni Sir at nanatili nalang siyang tahimik, kaya iyon nalang din ang ginawa ko. Katulad ko ay bumaling nalang din siya sa kalangitan, humahanga sa ganda nito.
Ang tahi-tahimik ng gabi, pero sobrang kabaliktaran naman ito ng totoong nangyari. Sapagkat kung anong ikinapayapa ng oras na ito, iyon naman ang siyang ikinagulo ng mundo sa labas.
Napapa-isip tuloy ako bigla... Ano kayang iniisip nitong si Sir Saturn? Siya ang head ng security ng pamilya namin, ang daming naka-akas na responsibilidad sa kanyang balikat... Mayroon din kaya siyang sariling pamilya? Ngayon ko lang kasi napagtantong wala pala akong kaalam-alam sa personal niyang buhay– isang bagay na naiintindihan ko naman dahil hindi ko naman talaga dapat iyon pinapakialaman. Pero minsan, mapapa-isip ka nalang talaga at mapapatanong.
"Alexandria... Nagagalit ka ba kay Dana?" Tila napantig ang tainga ko nang marinig ang tanong ni sir Saturn, kaya agad akong napalingon sa kanya, noo'y naka-kunot. Anong tanong iyan?
"Kayo po ba, hindi? Nakita niyo naman po yung nangyari sa Academy... Pero..." Mahinahong tanong ko. Natigilan din ako dahil may napagtanto ako...
Masama ang loob ko kay Dana, pero mas galit ako sa sarili ko... Kung hindi ko siya pinatakas, baka sakaling napigilan ang ganoong pangyayari. Ang sakit isiping nasa kamay ko ang dugo at buhay na mga nawala sa araw na ito... At kasama doon ang pamilya ni Arianne...
"Pero?" Kunot-noong tanong ni Sir Saturn, marahil ay nagtataka rin sa sasabihin ko sana. Napa-iling nalang ako at napayuko, dahil hindi ko alam kung paano siya sasagutin.
Bumuntong hininga naman siya at tinapik-tapik ako sa braso, isang bagay na ikinagulat ko. Lalo pa at sinabayan ito ng mga salitang hindi ko inaasahang marinig, kaya muling napa-angat ang tingin ko sa kanya. "Huwag mong sisihin ang sarili mo, dahil mas nagpapa-salamat pa ako sa'yo."
Napa-awang ang bibig ko dahil sa mga narinig. Alam ko ring mababakas ang gulat sa aking mukha dahil nanlaki ang mata ko. Anong sinasabi ni sir Saturn na nagpapa-salamat siya? Ayos lang ba siya?
"Sir–" Ipapahayag ko na sana ang pagtutol ko pero hindi ko na natuloy, dahil nauna na siyang nagsalita.
"Alam kong dapat kong paniwalaan ang mga nakita ng mata ko, pero mas malakas ang tiwala ko sa pakiramdam ko." Aniya na mas nagpagulo ng utak ko.
Hindi ko maintindihan...
Isang sinserong ngiti ang ibinigay sa akin ni sir Saturn nang magtama ang mga mata namin. Ngiting nagpapakita ng malaking pag-asang bitbit niya sa loob niya.
"Iyong nangyari kanina, hindi ko iyon gusto. Hindi ko rin matanggap ang nangyari, pero naniniwala ako... Hindi si Dana ang gumawa ng lahat iyon." Muling napa-awang ang bibig ko at napa-iling iling nalang ako.
"Sir hindi ko–"
"Alam ko, Alexandria. Alam kong pinatakas mo siya." Naitikom ko agad ang bibig ko sa narinig. Gusto ko sanang magprotesta, makipag-diskusyon... Pero ang pinalidad sa boses niya ay para bang nagsasabing hayaan ko muna siyang magsalita.
"Hindi ko alam kung naaalala mo na... Pero noong natagpuan ka niya sa gubat, sampung taon na ang nakakaraan, andoon din ako. Kilala ko siya, kilalang-kilala ko si Dana... At alam ko ang nangyari sa kanya." Sa gubat sampung taon na ang nakakaraan? Iyon ba yung alaala kong hindi pa rin malinaw sa akin?
"Alam ko ang tungkol kay Diana noon pa lang. Diana ang ginagamit niyang pangalan pag kinu-kwento ang baby niya. Gustong-gusto niya iyon dahil hango sa pangalan niya. Hindi ko nga lang inasahang ang anak na nawalay sa kanya ay ang Cassandra rin na nakilala ko noong nawala ka. Ang liit ng mundo, hindi ba?" May bakas ng kalungkutan sa mukha niya habang inaalala ang mga bagay-bagay. Napatango nalang ako, at napakagat sa labi ko upang pigilan ang sarili kong magtanong na agad.
"Ilang beses ko ring itinanong sa kanya kung sino ang nananakot sa kanya. Ilang beses ko siyang pinilit magsumbong sa kapatid niya, dahil kahit ano namang mangyari ay Pierce pa rin siya. Siguradong may koneksyon sila, at matutulungan siya ng Kuya niya. Pero ilang beses siyang umiyak lang, at tumanggi. Dahil tuwing may gagawin siyang hakbang para iligtas ang sarili niya, pinagbabantaan ang buhay ng anak niya. At masakit man sa loob ko, wala akong magawa kundi sundin ang gusto niya. Dahil kahit bali-baliktarin ang mundo, ginusto man niya o hindi, isa na siyang Ina... At ang kapakanan ng anak niya ang palagi niyang uunahin. Mas importante para sa kanya ang buhay ni Cassandra." Hindi ko alam pero nasasaktan ako sa mga sinasabi ni sir Saturn. Alam kong masakit ang pinagdaanan ni Dana... Pero ang marinig ang mga ito mula sa kanya...
"Kaya nang nalaman ko kaninang pinagbantaan ni Dana ang buhay ni Cassandra, doon ko agad na naisip na hindi siya ang Dana ko." Dana... niya?
"Hindi siya ang Dana na mahal ko." Agad akong napasinghap at napatakip sa bibig ko.
Hindi ko alam ang sasabihin ko sa nalaman ko ngayon. Matagal ng alam ni sir Saturn ang nangyayari kay Dana? Simula pa lang ay alam na rin niyang may anak ito? At mahal niya... si Dana?
Wow.
"At dahil alam kong pinatakas mo siya... Naniniwala akong ligtas siya. Naniniwala akong nariyan lang siya sa paligid, nagmamasid at nagtatago, humahanap ng paraan para malapitan ka. Para hingiin ang tulong mo." Pagkasabi niya no'n ay agad siyang lumingon sa akin. Kitang-kita ko ang pinaghalong lungkot at lubos na pag-aalala sa kanyang mga mata.
Gulat na gulat man ay pinilit ko pa ring ayusin ang sarili ko, para sagutin siya... At para malinawan ang katanungan sa isipan ko.
"Naiintindihan ko po, at gusto ko ring maniwalang hindi ginusto ni Dana–" Hindi niya ulit ako pinatapos dahil agad siyang umiling. Sumilay ang ngiti sa labi niya, bago nagturan, "Mali ka kung iniisip mong si Dana siya ngunit wala lang kontrol sa sarili niya. Ang ibig kong sabihin, hindi talaga siya si Dana. Ibang tao siya."
Sa pang-ilang pagkakataon, muli nanamang napa-awang ang bibig ko... at napasinghap nalang.
Paano nangyari... ang sinasabi niya?
Mukhang nabasa ni Sir Saturn ang katanungan sa mga mata ko, dahil agad niya itong nasagot. "Hindi ko alam kung maniniwala ka, dahil pati ako ay hindi makapaniwala hanggang ngayon..."
"Noong bata pa kami ng kapatid ko, at nagpapalaboy-laboy sa daan, hindi alam kung saan pupunta dahil kakamatay lang ng mga magulang namin... May nakilala kaming isang taong may kakaibang Ability. Siya ang nagdala sa amin sa puder ng Lolo at Lola mo. Dahil sa kanya ay maayos kaming lumaki sa mga Montecillo." May kakaibang galak sa mga mata ni sir Saturn kaya hindi ko rin maiwasang mapangiti. Hindi ko nakilala ang mga magulang ni Daddy, kaya madalas ay napapa-isip ako kung anong klaseng tao ba sila. Base sa sinasabi ni sir Saturn, mukhang mababait din sila...
"Hanggang ngayon hindi ko pa rin siya makalimutan. Palagi ko pa ring iniisip kung totoo ba ang nakita kong Ability niya, o hindi." Ani Sir Saturn na muling nagpakunot ng noo ko.
"Bakit po? Anong Ability niya?"
"Shape-shifting. Kaya niyang magbago ng anyo... Pwede siyang maging ibang tao, o kaya ay maging hayop, depende sa kung anong gusto niya." Sagot niya sa isang seryosong tono kaya napatakip nalang ako sa bibig ko at nanlaki ang mga mata ko.
Shape-shifting...
"Kung ganoon... Sinasabi niyo po bang... hindi talaga si Dana iyong nakalaban namin kanina, at may posibilidad na ibang tao iyon? Ibang taong ginagaya lang si Dana?" Mabilis na tinanguan ni sir Saturn ang tanong ko kaya napasinghap nalang ako ulit.
Naramdaman kong gumalaw si Aria sa tabi ko, pero hindi ko na ito binigyan ng pansin dahil sa gulat. Alam ko namang maraming iba't-ibang uri ng Abilities sa mundo... pero shape-shifting...
"Kung sino iyon ay hindi ko alam. Pero malakas ang kutob kong tama ako." Rinig ko pang sabi niya.
"Yes, you are." Parehas naman kaming napa-angat ng tingin ni Sir Saturn nang may marinig kaming nagsalita. Nakatayo siya sa harap namin, at agad ding lumapit sa paanan niya si Aria, animo'y natutuwa sa presensya nito.
"Xenon..." Bulong ko.
Tumayo naman agad si Sir Saturn, at lumapit din si Xenon sa kinauupuan namin. Hindi nila inaalis ang tingin nila sa isa't-isa.
"Xenon, anong ibig mong sabihing tama ako?" Rinig na rinig ko ang namumuong pag-asa sa boses ni sir Saturn. Pag-asang hindi naman naibasura, at lalo lamang lumago nang sagutin siya ni Xenon.
"That woman wasn't Dana. Because Dana is under our protection. I am hiding her."
Sa pagkakataong ito ay pareho na kaming napasinghap ni sir Saturn.. Agad din akong napatayo at napalapit sa kanya, gulat na gulat at hindi makapaniwala.
"Xenon... Anong–" Hindi ko na naituloy ang katanungan ko dahil umiling na siya at pinutol ang pagsasalita ko. "I'll tell you everything later, once we're in a safer place."
Inalis niya ang tingin sa akin at bumaling kay sir Saturn na halatang hindi pa rin makapaniwala. "Sir, I need you and Alexandria to come with me. Can you help me sneak her out for a few hours? We don't have time. This is our only chance to see Dana before the Council turn their eyes on our every move." Kitang-kita ko ang desperasyon at pag-aalala sa mata ni Xenon, at kahit hindi ko maintindihan... pakiramdam ko ay sobrang importante ito, at hindi pwedeng palampasin ang tyansa na ito.
"Sir..." Napatingin sa akin si Sir Saturn nang tawagin ko siya. Halata ang pagdadalawang-isip sa mga mata niya. Naiintindihan kong nag-aalangan siya dahil kapag nalaman nila Kuya na umalis ako ng bahay, at may kinalaman si Sir Saturn, pare-pareho kaming malalagot. Pero... alam kong alam din niya kung gaano ka importante ito, hindi dahil si Dana ang pinag-uusapan namin... ngunit dahil humihingi ng tulong si Xenon sa kanya.
Ilang segundo kaming nabalot ng katahimikan bago bumuntong-hininga si Sir Saturn. Tiningnan niya kami pareho ni Xenon sa mata, may kakaibang kaseryosohan dito. "Sige, papayag ako. Pero isasama natin ang kapatid ko para mas doble ang proteksyon mo, Miss Alexandria."
Napakunot naman ang noo ko sa tinuran niya. "Sino pong kapatid?"
"Damon." Sabay na sagot nilang dalawa kaya napa-awang nalang ang bibig ko.
Hindi na rin ako inantay pang sumagot ng dalawa, at mukhang hindi na rin nila pinansin ang pagkagulat ko. Agad na kasing hinawakan ni Xenon ang kamay ko at hinila ako paalis sa lugar na iyon. Nagpatianod nalang ako sa kanya dahil isa-isa pang pinoproseso ng utak ko ang mga nangyari, at nalaman ko.
Habang naglalakad pabalik ng mansion ay kita ko namang may mga tinawagan si Sir Saturn. Hindi ko nga lang napagtuunan ng pansin ang mga sinasabi niya rito, pero mukhang nagbibigay siya ng orders sa ibang security personnel. Marahil ay gumagawa ng paraan para makalabas kami ng mansion ng hindi nahahalata nila Kuya. Si Aria naman ay tahimik lang na naglalakad sa tabi namin, tila ayaw humiwalay.
Pagbalik na pagbalik namin sa mansion ay agad namang humiwalay si Aria, tumakbo na papunta sa back garden. Kami naman nila sir Saturn ay dumiretso sa nakaparadang motorcycle ni Xenon, sa kabilang side ng bahay, malapit sa fields. Ito iyong motorsiklong ginamit namin noong itinakas namin si Dana.
Mayroon din isa pang motorcycle sa tabi nito, at nakatayo rito si Kuya Damon... na kapatid pala ni Sir Saturn. Naabutan namin siyang nagsisiksik ng boot knives sa combat shoes niya kaya napangiti nalang ako. Mukhang seryoso sila sa sinabi nilang pagiging handa, at sa seguridad namin.
"Sir, naka-ready na po ang ibinilin niyo." Matikas na tugon ni Kuya Damon kay Sir Saturn. Tinanguan lang siya nito, at kinuha na ang helmet. Kahit magkapatid sila ay grabe sila gumalang pagdating sa trabaho... kaya hindi ko akalaing...
"Come here, Princess." Mukha ring masyado akong nalibang sa kanila, at hindi ko napansing nagsuot na pala ng helmet si Xenon. Kinailangan pa tuloy niyang kuhanin ang atensyon ko para suotan din ako ng helmet.
Nang pareho kaming handa na ay napansin ko ring handa na rin sila Kuya Damon. Nakasakay na rin sila pareho sa motorsiklo, tila inaantay nalang kami. Kaya hindi na rin ako nagpatagal pa. Sumakay na rin ako agad nang alalayan ako ni Xenon.
Nang masigurong naka-upo na ako ng maayos at kumportable ay agad na ring nagpa-andar si Xenon. Mabilis din sila parehong humarurot palabas. Medyo nagulat pa ako nang mapansing kumonti ang security personnel sa gate, pero naisip ko ring kagagawan iyon ni Sir Saturn. Baka may inutos siya sandali sa mga nakabantay, para hindi malaman ng iba ang paglabas ko.
Sa loob ng mahigit isang oras ay nanahimik lang ako. Nakayakap lang ako kay Xenon habang siya naman ay seryoso at tahimik lang na nakatingin sa daanan. Mabilis ang pagtakbo ng motorsiklo na sinasakyan namin, mas mabilis pa ito kung ikukumpara noong pinatakas namin si Dana. Mabuti nalang din ay walang masyadong sasakyan sa dinadaanan namin, at maingat naman si Xenon kaya hindi ako nag-aalala. Sila Sir Saturn at Kuya Damon naman ay nakasunod sa amin, at minsan ay dumidikit sila sa amin.
Napakunot ang noo ko nang mapansing papunta ng Oakwood ang daan, kaya buong akala ko ay lalabas kami ng Hillwood. Ngunit mali ako, dahil lumiko bigla si Xenon sa isang hindi pamilyar na daan. Para itong papasok sa isang pribadong lugar...
At tama ako. Dahil hindi nagtagal ay narating namin ang dulo.
Agad kong pinasadahan ng tingin ang paligid, at napakunot ang aking noo... Parang pamilyar ang lugar na 'to?
Huminto naman bigla ang pagtakbo namin, kaya ibinalik ko ang tingin sa harapan. Napansin kong nasa harapan kami ngayon ng isang itim na grill-gate, at nakasara ito. Bumusina si Xenon ng dalawang beses, animo'y nagbigay siya ng signal dahil may lumapit biglang guard dito, at binuksan ito.
Tinanguan din kami noong guard nang pumasok kami, kaya tumango si Xenon sa kanya pabalik. Pagpasok na pagpasok din ng gate ay sinuri ko agad ang paligid. Ang lugar na ito...
"Xenon..." Iyon na lang ang naibulalas ko nang mapagtanto ko kung nasaan kami. Agad ko ring inalis ang helmet ko upang mas mapagmasdan ang lugar, at ang bahay na hinintuan namin sa harapan ko.
Hindi ako maaaring magkamali.
Nagmadali rin akong bumaba ng motorsiklo, at nakita ko pa sa gilid ng mga mata kong ganoon din ang ginawa nila Sir Saturn. Agad na napukaw ang atensyon ko ng dalawang sasakyang naka-parada sa may bandang gilid. Ang isa kasi rito ay iyong sasakyang ipinagamit namin noon kay Dana... noong pinatakas namin siya.
"Xenon... Itong lugar na ito..." Isang tango at ngiti naman ang ibinigay niya sa akin– isang tango at ngiti na nagkukumpirma ng iniisip ko.
Ito ang vacation house nila Tita Xierra na pinuntahan namin sampung taon na ang nakakalipas. Ang vacation house kung saan kami sinugod, at kung saan ako nawala.
Binago lang ang disenyo ng bahay, baka dahil nasira ito dati, pero ito iyon. Sa pamamagitan din ng Enhanced Senses Ability ko ay naririnig ko ang tunog ng agos ng talon sa dulo.
"Are you not comfortable here?" Bakas ang pag-aalala sa boses niya nang lumapit siya sa akin, kaya umiling ako agad at ngumiti.
Oo nga't hindi maganda ang nangyari rito dati... Pero tapos na iyon. Hindi na pwede, at ayoko ng ibalik ang masamang alaala na iyon. At isa pa, hindi hamak na mas importante ang rason na ipinunta namin dito ngayon.
"Ayos lang ako. Mas importante ang ngayon." Tinanguan naman niya ako at nginitian, bago siya bumaling kanila Sir Saturn at Kuya Damon na palinga-linga rin sa paligid. Mukhang napagtanto rin nila kung nasaan kami.
"Let's go, Dana's inside." Apat na salita lamang iyon, pero iba ang kabang dala sa akin ng mga sinabi ni Xenon... Ni hindi ko alam kung bakit.
Hindi ko alam kung anong mararamdaman at iisipin ko. Matutuwa ba akong andito pala siya, at hindi talaga siya ang nakalaban namin kanina? O matatakot dahil may ibang tao ang nagpapanggap na siya... sinisira ng tuluyan ang buhay at pagkatao niya, ang relasyon niya kay Cassandra.
Bakit nga ba hindi ko naisip iyon?
Bakit hindi ko agad napagtantong ang totoong Dana ay hinding-hindi gugustuhing mapahamak ang anak niya. Dapat naisip ko iyon... Noong nagkita kami sa bahay ni Mama Rianne, at noong pinatakas namin siya... Ilang beses niya sa aking sinabi, at ipinaramdam kung gaano niya kamahal si Cass. Ilang beses kong nakita kung gaano ka-importante sa kanya ang anak niya, na handa siyang isakripisyo ang sarili niya para lang sa best friend ko... Bakit nga ba ako nadala sa nangyari kanina? Bakit hindi sumagi sa isipan ko ito?
Sa bawat paghakbang ko papasok ay mas lalong gumagana ang Enhanced Senses ko... at rinig na rinig ko ang tibok hindi ng puso ko, kung hindi ay ang tibok ng puso ni Sir Saturn. Hindi ko rin mapigilang maramdaman ang nararamdaman niya ngayon. Pinaghalong takot at saya.
Takot sa kung anong kapalaran ngayon ang nag-aantay kay Dana, at saya sa katotohanang makikita na niya ito.
Tahimik ang buong bahay, walang mga security personnel at walang ibang tao. Marahil ay ganito talaga dito, para mas masigurong hindi matutunton si Dana.
Dumiretso kami sa isang kwarto, sa dulo ng hall malapit sa sala. Ang dilim din dito, ang isang ilaw lang sa hallway ang nakabukas kaya hindi ko mapasadahan ng tingin ang lugar. Nakabukas din ang pinto ng kwarto, kaya nakadagdag din ng liwanag ang ilaw na nanggagaling dito.
Habang papalapit kami ng papalapit ay mas lalo namang humihigpit ang hawak ko sa kamay ni Xenon. Ni hindi ko alam kung bakit tila kinakabahan ako. Para kasing may mali...
"Dana!"
"Shit!"
Agad akong napabitaw sa kamay ni Xenon at napasinghap. Gamit ang dalawang kamay ko ay napatakip ako sa bibig ko nang pagpasok na pagpasok namin ay sumigaw si Sir Saturn. Napamura rin si Xenon. Naabutan kasi namin si Dana na nakasalampak sa sahig, may hawak na dagger, dahan-dahan itong itinututok sa sarili niya habang nakatingin sa kawalan, animo'y wala sa sarili.
Walang pag-aalinlangang ginamit ni Xenon ang Ability niya para maagaw ang dagger. Si Sir Saturn naman ay napatakbo papalapit kay Dana at napayakap dito. Tila naalerto rin si Kuya Damon at agad niyang sinuri ang buong kwarto, tinitingnan kung may ibang tao ba rito. Para naman akong nabato sa kinatatayuan ko sa nakikita ko...
Si Dana...
Ang lalim ng mata niya at sobrang putla niya, wala ng kulay ang labi niya. Kitang-kita ko rin dito sa kinatatayuan ko ang pamumuo ng pawis sa noo niya, at ang panginginig ng kamay niya na kanina lang ay may hawak na dagger.
"Walang tao rito. Lalabas ako sandali para mag-check." Narinig ko si Kuya Damon pero hindi ko siya magawang lingunin, sapagkat hindi ko maalis ang tingin kay Dana. Naramdaman ko ring lumabas na siya ng kwarto kaya hinayaan ko nalang siya.
"Dana..." Humiwalay si Sir Saturn mula sa pagkakayakap sa kanya. Tiningnan niya ito ng diretso sa mata, at hinawakan sa mukha. Hindi ko kailangan gumamit ng Ability para masabing grabe ang pag-aalala niya, dahil kitang-kita naman ito sa mukha niya.
Tiningnan din siya ni Dana, pero walang reaksyon sa kanyang mga mata. Akala ko ay sasagot ito, pero nagulat nalang kami nang sunod-sunod na pumatak ang luha niya, kasabay ng mga salitang naglagay ng takot sa puso ni Sir Saturn.
"Sino ka?"
Dahil dito ay lalapitan ko sana sila, para alamin kung anong problema, pero hindi ko nagawa. Hinawakan kasi agad ni Xenon ang kamay ko, kaya napalingon ako sa kanya. Inilingan niya lang ako. May lungkot din sa mga mata niya habang nakatingin sa dalawa.
"When we helped Dana escape, I knew you were worried. I also knew that something bad might happen, so I decided to keep her here. I wanted to make sure that things won't go wrong." Ani Xenon kaya nabaling sa kanya ang buong atensyon ko.
"I will support you in everything you want and do. And by that, I mean I will also make sure you're safe." Hindi naman muna ako sumagot, at nakinig lang sa kanya.
"When we saw Dana earlier, I was scared. I thought that they got her, and she'd hurt you." Isang malungkot na ngiti ang sumilay sa labi niya. Naiintindihan ko ang takot niya, lalo pa't naramdaman ko rin iyon kanina...
"After what happened, I called Dad to ask if something happened... If Dana escaped. But what he said made me worried." Tugon niya kaya napakunot ang noo ko. Napansin ko ngang nawala siya kanina, ito... pala ang dahilan?
"Dana didn't escape, for Dad was here with her the whole time, securing her safety. During the time that the Academy was engaged in a battle, something was also happening to her." Nilingon ko si Dana nang marinig ang sinabi ni Xenon. Lumuluha pa rin siya, pero ganoon pa rin ang mata niya– walang karea-reaksyon, walang emosyon.
Binabantayan pala siya ni Tito Jace kanina. Inaalagaan pala siya dito, kaya pala wala si Tito...
"Anong nangyari sa kanya, Xenon?" Halos pabulong kong tanong. Hindi ko matanggap na ang Dana na nakikita ko ngayon sa harapan ko... ay isang Dana na tila nawalan ng pagkatao.
"Dad said she started shouting while holding her head, then it was followed by convulsions, until she lost consciousness." Ani Xenon sa isang malungkot na boses.
"When she woke up... her memories were gone, her skin pale, colors gone... As if a person who's just there, breathing but not alive." Parang sunod-sunod na boltahe ng kuryente ang kabang naramdaman ko sa sinabi ni Xenon. Hindi ko rin alam kung bakit bigla akong naluha habang nakatingin kay Dana at sir Saturn.
"And now, she's starting to hurt herself... Yet she doesn't even know it. She's turned weak... Like a puppet who needs someone's help in order to have a life."
Napatakip nalang ako sa bibig ko, at napakagat sa labi ko para pigilan ang sarili kong maiyak. Hindi ko alam kung alin ang mas gusto ko... ang pekeng Dana na nakita ko, o ang Dana na nasa harapan ko ngayon?
"Anong nangyari sa'yo?" Naluluhang tanong ni sir Saturn habang nakaluhod sa harapan niya. Tila hindi makapaniwala sa mga narinig at nalaman niya.
Pero isa lang paulit-ulit na isinasagot ni Dana, animo'y iyon lang ang alam niya. "Sino ka?"
Isang buntong hininga na lang ang pinakawalan ko nang maalala ang nangyari noong gabing iyon. Ang gabi ng Hillwood Day kung saan nalaman ko ang nangyari kay Dana.
Noong gabi rin na iyon ay dinala ni Xenon si Dana sa Montreal Manor, para mas mapangalagaan. Nalaman ko ring nauna na pala si Tito Jace sa Oakwood para masigurong hindi sila mapapansin ng Council, kaya hindi namin siya naabutan doon.
Umalis si Sir Saturn ng Hillwood na nag-aalala kay Dana. Umalis siyang natatakot na hindi na siya maaalala ng babaeng gusto niya, pero pinili pa rin niyang samahan si Daddy sa Central upang masiguro ang kaligtasan nito. Kaya ipinangako ko rin sa kanya... na gagawin namin ang lahat para bumalik si Dana sa dati.
Simula rin noong napunta na sa Montreal Manor si Dana, ayon kay Xenon, ay tumigil na ito sa pananakit sa sarili niya. Pero mas lalong hindi na siya nagsalita. Hirap rin siyang tumayo at kumilos mag-isa... Parang tulad ng isang makina na nagloko, at hindi na gumagana ng maayos.
Ngunit kahit ganoon ay sinigurado nila Xenon na magiging maayos siya. Ni hindi bumabalik ng Hillwood si Tito Jace para lang mabantayan si Dana, at masigurong walang makaka-alam na naroroon siya. Hindi rin tumigil si Xenon sa paghahanap ng sagot sa kung ano bang nangyayari kay Dana.
Lumipas ang mga araw at linggong walang nagbabago sa estado ng kalagayan niya. Kahit subukang ipaalam ni Xenon sa kanya kung sino siya ay wala itong reaksyon at sagot. Hanggang sa isang araw ay naisipan ni Xenon dalhan si Dana ng gamit ni Cassandra, isa sa mga lumang gamit niyang naiwan sa Montecillo Mansion... at noong araw din na iyon ay nagsalita siya.
At ang kaisa-isang salitang lumabas sa bibig niya? Walang iba kung hindi ay 'anak'
Simula noon ay dinahan-dahan nila ang pagpagaling kay Dana sa pamamagitan ng pagpapakita ng pictures ni Cassandra sa kanya. Gustuhin man nilang madaliin ay hindi pwede, dahil baka hindi pa maganda ang kalabasan.
Ang dating isang salita ay napalitan ng dalawa, hanggang sa dumami pa. May iilang bagay na rin siyang naaalala, pero karamihan ay tungkol lang sa sarili niya– kung anong pangalan niya, sino si Cassandra, anong pangalan ng kapatid niya, nila Mallory at ng mga pamangkin niya, kung sino sila Xenon... at kung sino ako. Bukod doon ay wala ng iba.
Kahit noong kinausap ko siya kagabi ay wala akong nakuhang makakatulong sa akin. Wala pa rin siyang nababanggit tungkol sa nakaraan. Hindi ko pa rin alam kung anong binabalak ni Gabriel at anong kinalaman niya sa mga bagay bagay... Pero kahit papaano ay masaya akong makitang bumubuti na ang lagay niya. Nakakatuwa ring makita ang unti-unting pagbalik ng liwanag sa mga mata niya.
Noong naikwento ko kay Xenon ang tungkol sa mga Abilities na nabasa ko, agad niyang naisip na baka Psionic Inundation ang nangyari kay Dana.
Ang Psionic Inundation o Telepathic Torture ay hindi pala isang Ability, kung hindi ay posibleng isang atake. Hindi ito katulad ng Aversion na parang isang sakit. Ito ay ang pag-atake sa isipan ng tao, dahilan para masira o magka-damage sa utak niya at mawala ang kanyang mga alaala... Kung napasobra rin ang Psionic Inundation, pwede rin pala itong ikamatay ni Dana.
Mabuti nalang pala at may proteksyon si Dana– si Cassandra.
Ang naging proteksyon niya para unti-unting ng makaiwas sa ganitong atake ay hindi ang mismong best friend ko, kundi ay ang pagmamahal niya para rito. Nawalay man siya ng matagal kay Cass, wala pa ring makakapantay ng pag-aalala at pagmamahal na mayroon siya para sa best friend ko.
Hahayaan ko nalang muna siyang magpagaling ng tuluyan...
Ako nalang muna ang gagawa ng paraan para mahanap ang sagot sa mga katanungan ko... Katulad nalang ng... Sino ang nagpanggap na Dana noong araw na iyon?
Sino ang shape-shifter?
Marahil ay sinisisi ko pa rin ang sarili ko sa nangyari, at hindi ko pa rin maiwasan iyon. Pwedeng isipin ng ibang ginagawa ko ang lahat ng ito upang linisin ang konsensya ko, ngunit hindi. Dahil ginagawa ko ito upang bawasan ang problema ko.
Pagkatapos kong marinig kay Xenon kagabi ang mga sinabi niya, nagdesisyon na ako. Walang problema na ang pwedeng humarang sa daanan ko. Kailangan ng matapos ng lahat ng ito.
Tapos na akong makiramdam sa baraha ng kalaban. Oras na para ako naman ang tumira..
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top