XVII - A Fire's Foe
Huwebes.
Dalawang araw– dalawang araw na ang nakalipas simula nang bumalik si Arianne sa Academy. Dalawang araw na rin mula nang malaman namin ang nangyayari kay Kuya Yohan.
Katulad ng inasahan ko, sobrang nasaktan si Mommy sa nalaman niya. Gulat na gulat din sila Kuya, lalong lalo na si kuya Hendrix, dahil akala nila ay talagang kagustuhan ni kuya Yohan lahat ng nagawa at nasabi niya.
Dalawang araw na rin kaming nangangapa kung paano kikilos para maiwasang magkagulo nanaman. Nagpresenta akong umiwas muna sa pagpunta sa dorm, at kay Kuya Yohan, kung sa ganoong paraan naman ay matatahimik siya. Sila Mommy naman ay nagsimula na ring maghanap ng impormasyon tungkol sa nangyayari. Hindi madali lalo pa't pare-pareho kaming may kanya-kanyang klase at training. Tapos si Mommy naman ay maraming responsibilidad sa Academy at sa Council, pati na rin sa mga negosyo. Idagdag mo pang nasa amin pa rin palagi ang mga mata ng Council kaya mahirap pa ring gumalaw ng malaya.
Sa loob ng dalawang araw, mas lalo ring uminit ang pangalan nila Arianne, Axel, Shawn at Aliea sa buong paaralan. Mas lalong pinag-usapan ang paglipat nila. Bukod kasi sa mula sila sa may kayang pamilya at galing sila sa Girdwood, palaisipan din sa lahat kung ano ang koneksyon ni Arianne sa tatlo.
Maging ako rin naman sobrang napapa-isip.
Noong nakatulog sila Kuya at Mommy pagkatapos nilang malaman ang tungkol kay kuya Yohan, saglit akong pumasok ng Director's Office. Alam kong mali iyong ginawa ko, pero nais ko lang naman makita ang files nila Axel, nagbabaka sakaling may malalaman ako tungkol sa kanila. Kahit anong impormasyon lang na makakatulong sa akin upang alamin kung mabuti ba ang pagdating nila rito, o hindi.
Kaso... wala akong nahanap.
Lampas isang oras din akong naghanap sa office ni Mommy, lahat ata ng folders doon natingnan ko na. Wala talaga akong nahanap na files ng tatlo, ni wala ring transfer files kaya napaisip ako lalo.
Kinaumagahan, sinubukan kong tanungin sila kuya Travis at kuya Hendrix pero tanging "don't mind them" lang ang sinasabi nila pareho. Para bang ayaw ng dalawa kong kapatid na pag-usapan ang tatlo. Hindi ko rin matanong si Kuya Jarvis dahil alam ko namang hindi siya kumportable. Isa pa nga iyong ikinakabahala ko sapagkat ni hindi siya pumupunta lagi ng cafeteria, iniiwasan sila Arianne. Gustuhin ko mang puntahan siya sa dorm, hindi pwede kaya si kuya Travis nalang lagi ang sumasama sa kanya. Sa tuwing may klase o training din ay mabilis siya laging umalis pagkatapos. Nakakapag-alala dahil lagi nalang siyang nasa dorm kapag wala silang schedule.
At ngayon, andito ako sa cafeteria at mag-isang kumakain. Tanghalian ngayon pero may tinatapos si Melissa sa isang subject niya. Ang mga kapatid ko naman ay nasa dorm, may mga pinapagawa raw sa kanila si kuya Yohan. Si Raven naman ay wala pa rin sa Academy, mukhang nagbakasyon nga talaga iyon. Ayos lang naman sa'king mag-isa, tutal ay medyo sanay na rin ako sa mga bulong-bulungan at mga matang laging nakatitig sa akin.
Hindi ko nga lang masabing nakakagana kumain ng mag-isa, lalo pa at hindi ko rin maiwasang sumulyap-sulyap kay Cassandra at Victoria. Tahimik silang kumakain sa may dulo ng cafeteria, malapit sa may balkonahe. Nagagawa kong pagmasdan si Cass dahil nakatalikod siya sa akin, samantalang ang sama naman ng tingin na ipinupukol sakin ni Victoria. Andito kasi ako sa mesang inuupuan namin dati... noong maayos pa ang lahat, kaya parang magkaharap kami kahit malayo.
Pinagtataasan ko na lang siya ng isang kilay, pero hindi ko rin binabawi ang tinging binibigay ko. Mas lalo tuloy na nahahalata ang inis niya sa akin dahil sa ginagawa ko. Kung nakakapaso nga siguro ang pagtitig baka kanina pa ako naging abo rito. Wala naman akong pakialam, bahala siya sa buhay niya. Hinahayaan ko lang naman siyang magmaldita dahil kailangan siya ni Cass.
Ang sabi ni kuya Travis ay ganoon pa rin ang kalagayan ni Cassandra. Hindi pa rin bumabalik ang visions niya... at ngayon, masasabi kong parang mas lalong lumalala ang Aversion niya. Mula kasi rito sa kinakaupuan ko ay parang mas lalo siyang namayat. O baka mali lang ako...
Hindi ko masabi dahil hindi ko pa siya nakaka-usap ng maayos.
Simula noong pinuntahan niya ako sa dorm, noong Lunes ng gabi, ay hindi ko na siya nakausap. Pagkagising ko ay wala na siya, at kapag nakakasalubong ko siya ay tinitingnan lang niya ako. Nginingitian ko siya pero ganoon pa rin, wala pa rin siyang reaksyon kaya hinayaan ko nalang muna. Alam kong hindi pa rin siya handa, pero nagpapasalamat akong may puwang pa rin ako sa puso niya.
Gumaan din ng sobra ang loob ko nang naramdaman ko ang yakap niya, at ang pag-aalala niya noong gabing iyon. Dahil doon ay sobra akong nagpapasalamat sa kanya, at kung kailangan niya pa ng mas mahabang oras na malayo sa akin, ayos lang. Aantayin ko pa rin namang bumalik siya, at ang pagkakaibigan namin.
Sana lang ay maging maayos din sila ni Arianne balang araw. Simula kasi noong dumating ang apat, parang hindi ko rin madalas na nakikita si Cass. Tuwing tanghalian ko lang siya nakikitang nasa cafeteria. Mukhang katulad ni kuya Jarvis ay iniiwasan niya rin sila Arianne.
Hays.
Ibinaling ko na lang ang tingin ko sa pagkain kong hindi pa nababawasan. Magsisimula na sana akong kumain ng kaonti mula rito, pero hindi ko na nagawa nang maramdaman ko bigla ang isang pamilyar na presensya.
Agad akong lumingon sa kanan ko nang mapagtantong uupo siya sa tabi ko. Ramdam ko rin ang paglakas ng bulong-bulungan ng mga kapwa namin estudyante sa paligid, pati na rin ang mga tingin nila sa amin, pero hindi ko nalang ito pinansin. Ayokong alisin ang tingin ko sa lalaking naka-upo ngayon sa tabi ko.
"Why are you eating alone?" Tanong niya habang nakatingin sa mga mata ko. Sinulyapan niya rin ang pagkain kong wala pang kabawas-bawas bago ako muling tiningnan. "I suppose the right question is 'why are you sitting here alone?', since you haven't even took a bite from your food."
"Anong kailangan mo?" Mukhang nagulat naman siya sa tono ng pagtatanong ko. Ang inaasahan niya siguro ay sasagutin ko ang katanungan niya, pero nagkakamali siya.
"Your answer." Prente niyang sagot at nagkibit-balikat pa kaya pinaningkitan ko siya ng mata. Naguguluhan ako sa inaasta niya...
"Hindi ko naman kailangang sagutin ang tanong mo, Axel." Nagulat naman ako nang tumawa siya bigla, dahilan para mas makuha niya ang atensyon ng lahat. Ngunit hindi iyon nagtagal dahil biglang sumeryoso ang mukha niya, at binigyan ako ng isang tila nang-aasar na tingin. "I haven't allowed you to call me by first name yet, Montecillo." Napakunot naman ang noo ko sa tinuran niya, pero hindi ko nalang ipinakitang nagulat din ako.
Anong... problema niya?
"Hindi rin naman kita binigyan ng permisong umupo sa tabi ko, kaya wala kang pakialam kung babanggitin ko ang pangalan mo." Iyon na lang ang isinagot ko sa kanya at binigyan ko siya ng isang matamis na ngiti. Mukhang siya naman ang nagulat sa inasta ko pero ngumiti rin siya pagkatapos, animo'y batang masyadong mababaw ang kasiyahan.
"Wow, so you can be really scary, huh?" Pinagtaasan ko naman siya ng isang kilay hindi dahil sa sinabi niya. Napataas ang isang kilay ko sapagkat bakas na bakas ang totoong pagkamangha sa kanyang boses nang sabihin niya iyon... isa pang bagay na hindi ko talaga maintindihan.
Pinagtitripan ba ako ng lalaking ito? Asaan ba ang mga kasamahan niya?
Sasagutin ko na sana si Axel pero hindi ko na nagawa. Parehas kasi kaming napalingon nang may magsalita sa likuran namin.
"Yes, she is scary. And if you don't stop, you'll regret that you approached her." Walang kaemo-emosyon niyang turan habang diretsong nakatingin sa lalaking katabi ko. Hindi niya na rin kailangang tingnan ng masama si Axel, dahil sa bawat pagbanggit palang niya ng mga salitang binitawan niya ay nararamdaman ko ng hindi siya natutuwa.
Hindi ko alam kung magugulat ba ako o mapapangiti sa nilalabas na presensya ni Xenon. Halata kasing naiinis siya na andito si Axel, kahit na prente naman siyang nakapamulsahan. Maaaring sa mga mata ng ibang tao ay ito ang normal niyang reaksyon, at wala talaga siyang pakialam... pero ako, hindi iyon ang nakikita ko.
Xenon, kilala na kita.
Nagpakawala naman ng isang mahinang tawa si Axel at nagkibit-balikat bago sumagot. "Chill, I was just chatting with her." Sobrang relaxed ng pagkakasabi niya no'n at nagawa pa niyang sumandal sa mesa, habang ang kanyang siko ay nakatukod dito. Para bang sobrang lalapit namin sa isa't-isa kung umasta siya.
Ganito ba talaga ang lalaking ito?
Hindi naman siya sinagot ni Xenon, pero hindi niya rin inalis ang mga mata niya kay Axel. Gano'n din naman ang ginawa nitong katabi ko kaya ngayon ay tila nagsusukatan sila ng tingin. Ako naman ay pabalik-balik ang tingin sa dalawa, nagtataka.
Maya maya lang ay bumitaw na si Axel sa staring contest nila. Dahan-dahan na rin siyang lumayo sa'kin hanggang sa tumayo na siya ng tuluyan. Hindi ko naman maiwasang mapakagat nalang sa labi ko para pigilan ang sarili kong matawa. Paano kasi ay sinusundan ni Xenon ng tingin ang bawat galaw ni Axel, animo'y inuutusan niya itong umalis gamit lang ang tingin niya.
Hay nako Montreal.
Walang nagsasalita sa aming tatlo, pero hindi mo masasabing nababalot kami ng katahimikan. Paano ba naman ay rinig na rinig ko ang bulungan ng ilang estudyante. Ewan ko ba sa kanila at tinuturing nilang palabas lagi ang ilang mga pangyayari. Bakit ba hindi na lang sila magpokus sa pananaghalian nila?
Tsk.
"I'll leave you two to eat. It was nice talking to you, Alexandria." Sa wakas ay binasag ni Axel ang awkwardness na nabuo sa pagitan nila ni Xenon. Binigyan niya rin ako ng isang tila mapaglarong ngiti, pero hindi ko na lang siya sinagot at pinansin. Inismiran naman siya ni Xenon, ngunit imbes na magpasindak ay napangiti lang ito lalo. Napa-iling iling na lang ako sa isipan ko.
Akma namang aalis na si Axel, pero hindi na niya nagawa. Paano ay nangibabaw na ang isang malakas na sigaw sa cafeteria.
"Hey Xenon!" Pareho naman kaming napalingon sa tumawag sa kanya, at nakita si Aliea na tumatakbo papalapit sa pwesto namin. Nakasunod din sa kanya si Arianne at Shawn na tahimik lang na naglalakad.
Masyadong naging mabilis ang pangyayari, at bago pa makaiwas o makapag-react si Xenon ay naikulong na siya ni Aliea sa isang yakap... dahilan para mapakunot ang noo ko.
Mukha ring hindi lang ako, at ang mga estudyante rito, ang nagulat sa ginawa ni Aliea. Maging si Axel at si Arianne ay napa-awang ang bibig. Samantalang wala namang reaksyon si Shawn, at nagawa pa nitong humikab.
"Xenon! I finally caught you!" Tili bigla ni Aliea kaya napataas na lang ang isang kilay ko. Hindi naman ako nainform na magkakilala pala sila, at may yakapan pang routine kapag nagpapang-abot.
Tinapunan naman ni Shawn ng tingin ang dalawa bago ito umirap, at naglakad paalis. Kita mo, mukhang hindi lang ako ang nairita sa nangyayari sa harapan ko. Wala pa nga kasi akong kinakain pero wala na akong gana. Naiintindihan ko kung iniiwasan din ni Shawn mawalan ng gana, mukha pa namang gutom na siya.
Mukha ring nakabawi na si Arianne sa pagkagulat. Nagkatinginan kasi kami saglit nang sinundan ko ng tingin si Shawn, pero inirapan niya lang din ako– bagay na inasahan ko na rin naman. Katulad din ni Shawn ay agad siyang tumalikod, tapos sumunod dito. Dumiretso sila pareho sa isang bakanteng mesa na para bang may sarili silang mundo.
Nagkibit-balikat nalang ako. Bahala nga sila d'yan.
Tatalikod na sana ako, at magpopokus na lang din sa pagkain ko, kaso nahagip ng mga mata kong tinanggal ni Xenon ang kamay ni Aliea. Bahagya niya ring itinulak ito palayo sa kanya. Lihim tuloy akong natuwa.
"Hey! Didn't you miss me? I missed you a lot!" Napansin ko namang umiling-iling nalang si Axel sa sinabi ni Aliea. Base sa reaksyon niya ay parang gusto nalang niyang mapatampal sa kanyang noo. Paano ba naman kasi ay ang arte ng pagkasabing iyon ni Aliea, at ngumuso pa siya na parang bata.
Akala ko lalambot ang ekspresyon sa mukha ni Xenon. Simula kasi nang dumating siya ay hindi pa nagbabago ang reaksyon niya. Mukha namang malapit sila ni Aliea, kaya inaasahan ko talagang ngingiti ito o tatango man lamang.
"I don't care." Pero laking gulat ko nang walang pakundangan itong sumagot at tumalikod, sabay upo sa tabi ko. Halata ring gulat na gulat si Aliea sa ssgot na nakuha niya sapagkat napasinghap ito. Tinawanan naman siya ni Axel ng malakas saka tumalikod para puntahan sila Arianne.
Agad naman akong tumalikod na bago pa magtama ang tingin namin, baka kasi hindi ko mapigilan ang sarili ko at matawa rin ako. Hindi ko na rin napagtuunan pa ng pansin ang naging reaksyon niya, pero naramdaman kong padabog itong umalis. Nagawa pa nga niyang umismid bago sumunod kay Axel, pero wala namang reaksyon itong katabi ko. Sadyang wala lang talaga siyang pakialam.
"Stop staring people, the show is over." Nagkatinginan naman kami ni Xenon nang biglang nagsalita si Aliea. Ang lakas lakas ng pagkakasabi niya no'n at bakas na bakas ang inis dito.
Tila mga bubuyog ding mabilis na nagbulungan ang mga estudyante sa paligid, pero iniwas na rin naman nila mga tingin nila. Napa-iling na lang ako.
"You haven't eaten anything." Puna ni Xenon sa plato ko kaya natahimik ako bigla. May pagbabanta kasi sa tono ng boses niya, senyales na hindi siya natutuwa.
Sasagot pa lang sana ako pero hindi ko na nagawa, sapagkat muli siyang nagturan. "Do you want me to feed you?"
Sumilay ang isang nang-aasar na ngisi sa labi niya, dahilan para manlaki ang mga mata ko. Nakakahiya naman yung gano'n, masyadong agaw-pansin.
"Ayaw..." Halos pabulong kong sagot na sinabayan ko pa ng pag-iling iling. Mas lalo namang lumapad ang ngisi ni Xenon. "Do you want to feed me, then?"
Napakunot naman ang noo ko sa tanong niya, pero umiling din ako. Gusto ba niyang magpapansin dito?
Hindi ko na lang sana siya papansinin, ngunit laking gulat ko nang bigla siyang natawa. Mas lalo tuloy akong nagtaka.
"Bakit ka tumatawa?" Wala naman kaso sa akin ang pagtawa niya, dahil isa iyan sa mga paborito kong bagay. Hindi rin naman ganoon kalakas ang tawa niya, sapat lang para marinig ko... kaso napapatingin pa rin ang mga tao sa amin.
Marahil ay masyado silang nagulat. Nasanay siguro ang karamihan na laging sila Kuya lang ang kasama ko, o kaya naman ay sila Melissa. Kung tutuusin kasi hindi pa naman kami nakitang magkasama ni Xenon na kami lang dalawa. Tapos ngayon makikita nalang tumatawa siya sa tabi ko, talagang magtataka sila.
"H-hoy." Mahina kong sita rito sa katabi ko. Bukod sa hindi pa niya sinasagot ang tanong ko, ang pula pula na rin ng mukha niya kakatawa. Parang kanina lang ang sungit sungit niya ha...
Hindi ko na lang inalis ang tingin ko sa kanya hanggang sa lumipas ang isang minuto, at natigil na siya sa kakatawa. Ni hindi ko alam kung anong rason at parang ang saya saya niya.
Nang matigil na siya ay bumaling na siya sa akin at ngumiti. Inaasahan kong ipapaliwanag niya kung bakit siya tumawa, pero dalawang salita lang ang lumabas sa bibig niya.
"It's nothing." Aniya at kinuha ang apple na nasa plato ko, sabay kagat dito.
Napa-awang nalang ang bibig ko habang takang nakatingin sa kanya. Tahimik lang siyang kumakain habang nakatingin sa kawalan, pero hindi pa rin naaalis ang ngiti sa labi niya.
"Princess, if you don't want me to make a scene and feed you, eat." Para naman akong natauhan nang sabihin niya iyon. Hindi niya ako nilingon man lamang, pero ramdam ko naman kung gaano siya kaseryso sa binitawan niyang pagbabanta. Napalunok nalang ako at agad kong inalis ang tingin ko sa kanya.
Walang pagda-dalawang isip akong kumain, animo'y bigla akong nakaramdam ng gutom. Mukhang napansin iyon ni Xenon dahil natawa siya ng mahina. Napanguso na lang tuloy ako.
Naging tahimik ang mga sumunod na minuto sa pagitan namin. Pareho kasi kaming naging abala sa pagkain. Saka mukhang malalim ang iniisip nitong katabi ko, kaya hinayaan ko na lang.
Patapos na akong kumain nang matigilan ako. Nakita ko kasi sa gilid ng mga mata kong napatingin sa akin si Xenon, at ramdam na ramdam ko rin namang may gusto siyang sabihin, kaya sandali ko siyang hinarap. Bigla naman siyang napanguso na parang batang nagpapa-awa, kaya napakunot ang noo ko.
Hindi ko na rin siya kinailangang tanungin kung anong problema, dahil agad na siyang nagsalita. "Should I be thankful that you're not with Melissa or with your brothers, and I have you beside me today... or be sad that you were alone? Why didn't you call me?"
Halata ang pag-aalala sa kanyang mga mata, kaya gustuhin ko mang mapangiti dahil ang cute cute niya ay hindi ko magawa. Alam kong ako lang ang inaalala niya. Madalas man niyang sabihin sa akin na palagi nalang sila Melissa ang kasama ko, alam ko namang pagbibiro lang iyon. Sa katunayan ay nagpapasalamat nga siya sa magkapatid dahil sila ang lagi kong nakakasama sa tuwing wala sila Kuya, at wala siya.
Isa pa, hindi man niya aminin ay malakas din ang kutob kong hindi siya natutuwa kay Axel. Noong nakausap ko kasi si Xenon noong Martes ng gabi, pagbalik ko sa dorm, agad niya akong sinabihan na mag-ingat sa kanila pagkatapos niya akong kamustahin. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon nalang nila Kuya at ni Xenon kaayaw sa mga bagong kaibigan ni Arianne, pero sigurado naman akong may rason kung bakit. Aantayin ko nalang silang magkwento, sapagkat alam ko ring hindi sila magsasabi kapag pinilit ko sila.
"Akala ko kasi busy ka sa training, kaya hindi na kita inostorbo." Isang ngiti nalang ang binigay ko sa kanya para naman mapanatag siya. Sumimangot naman siya, kaya mas lumapad ang ngiti ko.
"The word busy doesn't exist in my vocabulary when you need me." Seryoso niyang tugon. Umiling nalang ako dahil hindi ko alam ang isasagot ko sa kanya. Bumaling na lang din ako muli sa pagkain.
Aaminin ko, sobrang nakakalambot ng puso ang mga katagang binitawan niya. Pakiramdam ko nga ay ang pula na ngayon ng pisngi ko. Tsk, Xenon kasi.
Kahit hindi ko siya tingnan ay alam ko ring nakangiti nanaman siya ngayon. Tuwang-tuwa at proud nanaman siyang wala akong maisagot sa kanya. Alam niyang malaki ang nagiging epekto niya sa'kin palagi, at mukhang gustong-gusto niya iyon.
Nagpatay malisya nalang ako at nagpatuloy nalang sa pagkain. Mukhang kusa ring nag-aactivate nanaman ang Enchanced Senses ko sapagkat naririnig ko nanaman ang mga mahinang usapan sa paligid ko.
Katulad ng lagi kong ginagawa ay hindi ko nalang ito binigyan ng pansin. Iba-block ko na rin sana muna ito, pero bago ko pa magawa ay narinig ko na ang boses ni Arianne.
"You're so weird, Samantha." Agad na napataas ang isang kilay ko sa narinig ko, pero hindi ako nagpahalata kaya nagpatuloy lang ako sa pagkain.
Sino si Samantha?
"And why am I the weird one here?" Sunod kong narinig ang pataray na sagot ni Aliea. Dahil dito ay napagtanto kong siya ang tinutukoy na Samantha ni Arianne.
Oo nga pala, Aliea Samantha Kincaid nga pala ang buong pangalan niya. Mukhang Samantha ang tawag sa kanya ni Arianne.
"Wait here, I'll buy you a new apple." Narinig ko namang nagpa-alam si Xenon bigla, at naramdaman ko rin ang pagtayo niya kaya tinanguan ko nalang siya. Masyado akong abala sa pakikinig sa dalawa, at ayokong maputol ang koneksyon namin.
"Because you're desperate for Xenon's attention, when it's obvious naman na hindi ka niya gusto." Kamuntik na akong mabulunan nang marinig ko ang isinagot ni Arianne, kaya agad akong uminom ng tubig. Sinundan naman ito ng isang pag-ismid mula kay Aliea.
Kung ganoon, may gusto pala siya kay Xenon. Hmm.
Paano ba sila nagkakilala?
"Says who, Arianne? Kaibigan ng parents ko ang Dad niya, 'no? We've meet each other's family a lot of time already. Plus my Mom said I can marry Xenon if I want to." Bigla naman akong nakaramdam ng bitterness nang marinig ko ang sagot ni Aliea, kaya padabog ko nalang na inilapag ang baso ng tubig na hawak ko. Mabuti nalang at hindi ito nabasag, mahirap na.
Anong kasal kasal ang sinasabi nito? At sino ang nagsabi? Mom niya? Bakit? Ang Mom ba niya ang humahawak ng buhay at mga kagustuhan ni Xenon? Saka basehan ba ang pagiging magkaibigan ng mga magulang nila? Kasi kung oo, nakakasiguro naman akong mas malapit sila Mom at Dad kay Tito Jace.
Tumawa naman bigla si Axel kaya medyo nahimasmasan ako sa inis ko. Halata kasing si Aliea ang tinatawanan nito.
"Are you okay, Aliea? The Montreals and the Montecillos are way more close than your parents and Xenon's Father. And in case you haven't heard, Alexandria and Xenon has a bond. They're meant for each other." Napakagat ako agad sa labi ko nang marinig ko ito para pigilan ang sarili kong mapangiti. Hah.
Ang kaso lang, mukhang hindi talaga magpapatalo itong si Aliea. Nagawa pa rin kasi niyang sumagot sa isang mayabang at tila nanghahamon na tono. "Ano naman? Sigurado akong hindi magpapadala si Xenon sa isang walang kwentang bond para magdesisyon siya, 'no? He'll wake up from his delusions someday and turn to me. Kung hindi, aagawin ko siya. No one can resist my charm."
Napabuga nalang ako ng hangin at napa-upo ng maayos. Hindi ko na nagugustuhan itong mga naririnig ko.
Gusto ko sanang sagutin si Aliea, pero hindi na kailangan. Ang mga kaibigan na kasi niya ang mismong nanampal sa kanya ng katotohanan.
"It's you who needs to wake up from your delusions, Aliea." Kung hindi lang siguro ako nagpipigil ng sarili baka natawa na ako ng malakas sa sinabi ni Shawn. Ngayon ko lang siya narinig makisama sa usapan nila, at sumagot, pero mukhang nagugustuhan ko na siya. Siya lang ata ang maayos-ayos sa tatlo.
"Wh-" Akmang sasagot na muli si Aliea, pero agad na nagsalita si Arianne at pinutol ang kung ano mang nais niyang sabihin.
"Ang tanga mo, Samantha girl. Pero may tama ka naman sa part where you said that Xenon's decisions won't be affected by their bond. If you look closely kasi, Xenon likes Alexandria not because of their bond but because he really does. And I'm pretty sure na kahit anong mangyari, hindi magche-change yung feelings niya."
Dahil sa narinig ko ay agad na akong napangiti. Gustuhin ko mang marinig pa ang isasagot ni Aliea ay hindi ko na nagawa. Naputol na kasi ang koneksyon ng Ability ko sa kanila nang maramdaman ko bigla ang paghawak ni Xenon sa magkabilang balikat ko. Nakatayo siya ngayon sa likuran ko at dahan-dahan niyang inilapit ang mukha niya sa tainga ko.
Sunod-sunod na bulungan ang narinig ko, pati na rin ang mga tinginan pero wala akong pakialam. Pakiramdam ko kasi ay tumalon na papunta sa kung saan ang puso ko nang marinig ko ang ibinulong niya sa akin.
"Arianne's right."
Natawa nalang ako ng mahina.
~ × ~
Marami akong kailangang alamin, at sa tingin ko ay oras na para isa-isahin ko ang mga ito.
Andito ako ngayon sa dorm room ko. Kanina ko pa tinititigan itong mga notes ko tungkol kay Gabriel Morte, umaasang himala nalang na lilitaw ang mga kailangan ko pang impormasyon sa harapan ko. Pero syempre, hindi gano'n ang buhay.
Kung tutuusin pwedeng isantabi ko nalang ito, o kaya ay magpatulong na ako... pero may nagtutulak sa aking huwag magtiwala sa Council. Malakas kasi ang kutob kong mababaliktad ang lahat, at baka kami pa ang mapasama rito.
Nag-aalala ako kay kuya Yohan, kay Arianne, Cassandra at pati na rin kay Xenon. Nababahala rin ako sa kung ano man ang nag-iintay na kapalaran sa amin nila Raven... pero sa tingin ko ay mas dapat ko itong gawing priority. Habang tumatagal kasi na wala kaming alam, mas lalo kaming mapapahamak. At sa bawat paglipas ng araw na hindi ko alam ang dahilan sa mga pinaggagawa ni Gabriel... o ni Tito Stephen, mas lumalaki ang chance niya para magtagumpay.
Isang malakas na buntong hininga na lang ang pinakawalan ko, at sumalampak nalang ako sa kama ko. Tinanggihan ko ang pag-aaya ni Melissa ng dinner dahil gusto ko talagang i-review ulit itong files ni Gabriel, kaso wala naman akong nakuha. Binalik-balikan ko na lahat ng impormasyon niya na naipon ko, pero wala pa rin akong patutunguhan. Nakakaramdam na rin ako ng gutom.
Ipinikit ko nalang ang mga mata ko, at pinakiramdaman ang paligid. Muling bumabalik sa akin ang mga alaala ko sa nangyari noong Hillwood Day...
Si Dana...
Alam kong si Dana ang susi sa lahat ng katanungan kong ito, pero alam ko ring mahihirapan akong makakuha ng impormasyon mula sa kanya. Ni hindi ko nga alam kung may sasabihin ba siya na kahit isang salita man lamang...
Padabog akong tumayo sa pagkakahiga at napatingin nalang sa orasan na nakapatong sa nightstand ko. Isang buntong-hininga ang ginawa ko nang mapagtanto ang isang bagay.
Oras.
Ang dami dami ng oras sa mundo, pero natatakot akong iyon ang wala kami sa panahon ngayon. Natatakot akong tanggapin ang katotohanan na kahit ayaw man nating ipilit ang ilang bagay ay kailangan na natin iyong gawin, dahil wala na tayong sapat na oras.
Parang sa isang iglap ay kailangan kong makipagkarera, at habulin ang oras.
Muli akong bumuntong-hininga at tumayo na. Agad na rin akong naglakad palabas ng kwarto, pagkatapos kong itago ang files, para puntahan si Melissa sa cafeteria. Panigurado kasing andoon pa rin iyon.
Isa pa, kailangan ko ring kausapin si Xenon. Maliit man ang tyansa na magpapasalita namin siya, mukhang kailangan pa rin naming gawin.
Kailangan na naming maka-usap si Dana.
Isang tahimik na hallway ang sumalubong sa akin, isang bagay na inaasahan ko naman na dahil oras ngayon ng hapunan. Malamang sa malamang ay nasa cafeteria ngayon ang karamihan sa mga estudyante.
Nakaka-ilang hakbang pa lamang ako nang mahagip ng mga mata ko si Arianne. Naglalakad siya sa may kabilang dulo at mukhang papunta siya sa sarili niyang kwarto.
Hindi ko na sana siya papansinin, lalo pa't alam kong tatarayan niya lang ako, kaso ay may naalala ako. Agad akong tumakbo para maabutan ko siya bago pa siya makaliko sa kung saan.
"Arianne!" Natigilan siya sa paglalakad nang sinigaw ko ang pangalan niya, kaya mas binilisan ko ang pagtakbo ko. Dahan-dahan din niya akong nilingon at binigyan ng isang naiinip na tingin.
Naabutan ko si Arianne sa dulo ng hallway, at mukhang paliko siya sa kanan. May dalawang hallway din kasi dito sa may dulo, papunta sa kanan at kaliwa kung nasaan ang iba pang mga kwarto. Pinagkrus niya ang kanyang dalawang kamay sa kanyang dibdib at pinagtaasan ako ng isang kilay nang tiningnan ko siya.
"What do you need?" Iritado niyang tanong. Humugot naman muna ako ng isang buntong hininga bago ko siya tinapunan ng isang seryosong tingin. Sana ay mapansin niyang punong-puno ako ng pagtataka at katanungan. Sana ay makita niya ang lahat ng iyon sa mga mata ko para hindi ko na kailangang itanong pa.
Ang mga tanong na ibabato ko kay Arianne... Malakas ang kutob kong hindi niya magugustuhan ang lahat ng iyon. Pwede niyang masamain ito, kahit na hindi naman ganoon ang nais ko. Ayoko mang gawin ay kailangan, dahil kung sakaling may nangyayaring hindi maganda... hindi ako papayag na magiging parte siya no'n.
"Naalala mo ba noong nagkita tayo sa Girdwood?" Mukhang tama nga ako... Ito palang ang itinatanong ko pero kumunot na agad ang noo niya, at sinamaan ako ng tingin.
Hindi naman sumagot si Arianne, kaya sinundan ko nalang ang tanong ko. Alam ko namang alam niya kung ano ang tinutukoy ko.
Iyong araw na muntik na niyang masaktan si kuya Jarvis gamit ang pinakawalan niyang isang malaking fireball. Iyong araw na natagpuan namin ang sandamakmak na bangkay– mga walang buhay na tao na ninakawan ng Abilities.
"Nakita kita Arianne... Ang daming patay... at alam ko kung anong ikinamatay nila. May–" Bago ko pa matapos ang sinasabi ko ay agad na akong pinutol ni Arianne nang maramdaman ko ang paggana ng Ability niya sa akin.
Napasinghap nalang ako nang maramdaman ko ang mahigpit na paghawak niya sa leeg ko, at ang malakas na pagtulak niya sa akin. Tumama sa may kanto ang likod ko pero ininda ko nalang ang kirot dahil mas nangibabaw ang pagkapasong naramdaman ko sa leeg ko.
"A-a-arianne..."
Nagsisimula na akong hindi makahinga kaya nanlaki nalang ang mga mata ko. Unti-unti ko na ring nararamdaman ang mas paglalim ng burn na ginagawa niya sa leeg ko, kaya nagsimula na akong magpumiglas. Kaso masyado talaga akong nagulat, at ang lakas lakas niya kaya mas nagawa pa niyang idiin ang kamay niya sa akin.
Nanlalabo na rin ang mga mata ko dahil sa kawalan ng hangin na pumapasok sa katawan ko. Paniguradong maya maya lang ay ikakapahamak ko na ito, kaya agad ko ng tinawag ang isang pangalan sa isipan ko...
"Xenon" Ang pangalang alam kong hinding-hindi ako bibiguin kapag kailangan ko siya.
"I'll only say this once, kaya remember this. Don't ever dig up the things that does not concern you, dahil sa susunod na tanungin mo ako tungkol dito hindi lang ito ang aabutin mo, A girl." May diin at pang-aasar ang tono niya nang banggitin niya ang pangalang itinatawag niya sakin dati, kaya napaluha nalang ako.
Inasahan ko namang hindi niya ikakatuwa ang tanong ko... pero ito... Ito ang pinaka hindi ko inaasahan sa lahat.
"Ar..ianne" Sunod sunod na ang naging pagtulo ng luha ko, at ginagamit ko na rin ang natitirang lakas ko para itulak siya. Ngunit mas lalo lang niyang dinidiin ang kamay niya sa leeg ko.
Nang akala ko ay tuluyan na akong mawawalan ng malay, nawala na ang kamay na pumapaso sa akin. Hinang-hina ako sa nangyari kaya bumagsak nalang ako sa sahig habang sapo-sapo ang dibdib ko, hinahabol ang paghinga at tinitiis ang sugat na iniwan ng isang kaibigan.
Sunod ko nalang din na narinig ang pagdaing ni Arianne at ang tunog ng nabasag na vase. Mukhang tumilapon siya at tumama sa isa sa mga indoor plants. Sinabayan din ito ng isang galit na tinig.
"I only classify people into two categories, Arabella. Friends are those who treat my loved ones well, and foes are the people who hurt them. You know where you belong." Gusto ko mang pigilan ang galit ni Xenon ay hindi ko magawa. Isang malungkot na ngiti nalang din ang naigawad ko sa kanya nang nilapitan niya ako at binuhat.
Mas lalo namang umigting ang panga niya nang makita ang paso sa leeg ko, kaya't agad na siyang naglakad paalis doon. Pero bago pa kami tuluyang makalayo, at bago ako mawalan ng malay ay narinig ko pa ang sagot ni Arianne.
"It's fine with me. Just know this though: I bring hell to my enemies."
Sa nangyari ngayon, dalawa ang nalaman ko.
Una, ang bumalik na Arianne sa amin ay hindi na ang Arianne na kilala at minahal namin. Hindi na siya ang Arianne na kaibigan ko.
At ikalawa, kung sino man iyong kasama ni Arianne noong araw na iyon... andito na rin siya sa Academy.
Kung sino man iyon sa tatlo niyang kaibigan, iyon ang kailangan naming alamin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top