XVI - Fear the Absence

       Ang iba't ibang uri ng mga Ability ay nahahati, at naiiba-iba depende sa elementong kinabibilangan nito. Kapag nagkaroon ng mali, at nagloko ang elements, asahan mong maapektuhan ang mga Ability sa ilalim nito.

       Dalawa ang pupwedeng mangyari kapag nangyari iyon. Una, maaari mong magamit ang mga Ability o Abilities mo ng hindi mo sinasadya, o ginusto. Animo'y kinakain ka nito ng buo. At ikalawa, pwede kang maging alipin nito, mamanipula at mawala ang sarili mo sa kapangyarihang mayroon ito.

       Bakit hindi ko naisip iyon?

       "Si kuya Yohan... sinasabi mo bang wala siya sa sarili ngayon?" Umiling agad si Melissa sa tanong ko.

        Dahil sa mga sinabi niya kanina ay agad kong ikinuwento ang nangyari kahapon. Katulad ng inaasahan ay nagulat siya, hindi makapaniwala. Ayon din sa kanya ay may naramdaman siyang kakaiba kahapon, hindi nga lang niya lubos maisip na ganoon pala kalala ang nangyari.

       "Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag Alexandria... pero uhm... ay oo parang gano'n. Parang wala siya sa sarili niya ngayon." Aniya at napatampal pa sa noo niya kaya napa-iling nalang ako.

       Melissa talaga.

       Magtatanong na sana ako ulit upang mas maliwanan, pero inunahan na niya ako. Agad na siyang nagpaliwanag kaya tahimik nalang akong nakinig, iniintindi ang bawat salitang binibigkas niya.

       "Kahit home-schooled lang ako, marami-rami naman akong natutunan sa mga naging History teacher ko. May pagka-writer kasi 'yon, parang mas madami pa siyang alam kesa sa libro." Napakunot naman ang noo ko sa tinuran niya, pero hinayaan ko nalang siyang magpatuloy.

       "So ayon nga, marami siyang masabi pero iku-kwento ko nalang sa'yo yung explanation ng nangyayari kay Yohan." Nanatili nalang akong tahimik habang inaantay siyang magpaliwanag... talaga.

       "Diba may walong elements tayo? Dati lima pero ngayon walo na.. alam mo 'yon diba?" Tumango nalang ako sa kanya, at sinuklian naman niya ako ng isang ngiti.

       "Yung walong elements na 'yon Alexandria, sila ang nagpapanatili sa balance. Lahat ng elements na mayroon tayo ay may kanya-kanyang role sa mundo para masiguro ang pagkakapantay-pantay ng lahat. Dati yung Powerful Being kasi taga-bantay ng Elements, pero dahil matagal na siyang wala... lagot na."

        "Bakit? May mangyayari bang hindi maganda kapag walang naiwan na taga-bantay ng elements?" Mabilis na bumakas ang pag-aalala sa mukha niya at nawala ang kaninang ngiti rito.

       "Syempre! Magsisimula kasing magkaroon ng mga pagbabago sa elements na 'yon, pwedeng sumapaw yung isang element sa iba... tapos pwedeng mawala sa ayos."

        "Wala akong maintindihan, Melissa." Pag-aamin ko sa kanya.

       Para kasing alam ko kung ano ang ipinupunto niya, pero para ring mas lalong gumugulo? Kasi kung ang mga Elements ang nagpapanatili ng balance, bakit kailangan pang bantayan ang mga ito?

       Kung ang mga Elements ang nagpapanatili ng kaayusan sa mundo, bakit kailangang magulo ito? Naguguluhan na ako.

        Ipinatong naman ni Melissa ang kanang siko niya sa lamesa, bago ipinatong ang mukha niya sa kanyang kanang palad. Ngumuso rin siya bago niya pinasingkit ang mga mata niya, at diretso akong tiningnan.

       "Yung walong elements, para silang students sa isang classroom. Tapos yung Powerful Being, siya yung teacher. Lahat ng estudyante may kanya-kanyang galing at kakayahan, at kailangan iyong gamitin sa tamang paraan. So ang teacher dapat bigyan sila ng role, at bantayan sila habang ginagawa ang tungkulin nila. Tapos yung role nila, iyon lang ang gagawin nila dahil nakabase iyon sa kakayahan nila. Sa ganoong paraan, natural na mapapanatili ang balanse. Pero kung mawala ang teacher ng sobrang tagal, sa tingin mo ba mapapanatili yung kaayusan sa loob ng classroom? Hindi. One way or another, may isa sa walong estudyante ang mapapagod sa task na binigay sa kanila. May isa sa kanilang gugustuhing gumawa ng iba, sumubok ng ibang bagay. Magsisimula silang umayaw sa ginagawa nila, o pwede ring magsisimula silang sumapaw sa iba at umastang lider... Pupwedeng mag magaling ang isa o dalawa sa kanila. Anong mangyayari sa pagkaka-pantay pantay? Mawawala, diba?"

       Napa-awang nalang ang bibig ko sa paliwanag niya, at dahan-dahan akong napatango. Tila isa-isang pinoproseso ng utak ko ang mga salitang narinig ko.

       Iyong walong elements... Matagal ng wala si Alessandra kaya nagsisimula na silang magkagulo. Nagsisimula ng mawala ang balanse sa mundo, at magsisima na ring maapektuhan ang mga bagay bagay.

       Hindi pa ako nakakasagot kay Melissa pero muli na siyang nagsalita, kaya nakinig nalang ako ng mabuti.

       "Ang Darkness Element, Alexandria... Nagsisimula na siyang umalma sa role na ibinigay sa kanya. At kapag nagulo ang isa sa mga elemento, asahan mong susunod na ang ibang mga elemento. Iyong nangyayari kay Yohan, simula lang iyon." Hindi naman nakatakas sa mga mata ko ang mabilis na paglitaw ng kalungkutan at pag-aalala sa mukha niya. Pag-aalala hindi dahil sa nangyayari... pero pag-aalala para sa kapatid ko.

        Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong hininga, at napayuko nalang. Isang mahabang katahimikan ang namayani sa aming dalawa.

       Hindi ko pa magawang magsalita dahil sa nalaman ko, at alam kong alam iyon ni Melissa. Hinahayaan niya lang muna akong tanggapin ang nalaman ko.

       "Heart of darkness..." Inangat ko ang tingin ko at tinitigan si Melissa, binabasag ang katahimikan na namagitan sa aming dalawa. Kitang-kita kong napakunot ang noo niya.

       "Anong ibig mong sabihin sa sinabi mong iyon, Melissa?" Alam ko namang ang nais niyang sabihin ay nasa sentro si kuya ng lahat ng pagbabagong ito, o pwedeng siya ang sentro ng pagbabagong ito... pero bakit?

       Bakit kailangan ang kapatid ko pa?

       "Bakit si Kuya?" Hindi pa nakakasagot si Melissa ay sinundan ko na ang aking katanungan. Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya sa'kin bago siya nagpakawala ng buntong hininga, at sumandal sa sandalan ng upuan niya. Tumingin din siya sa labas ng glass walls kung saan makikita ang madilim na field. May kakaiba sa mga mata niya, animo'y hindi kadiliman ang nalapatan ng kanyang paningin.

       "Tinatanong ko rin 'yan sa sarili ko." Agad na napataas ang isang kilay ko sa sinabi niya, ngunit bago pa ako makasagot ay muli na siyang nagturan.

       "Kapag nagkaroon ng pagbabago ang isang Element, natural na apektado ang mga Abilities sa ilalim nito. Kaonti lang ang alam kong may Darkness Ability, pero kung iisipin pwedeng hindi rin ganoon kalaki ang epekto." Kunot noo niyang sabi.

       "Sabihin nating... sapat na ang manghina? Mawalan ng kontrol sa Ability? Kaya kinabahan talaga ako kasi tulad nga ng sinabi ko, at base sa kinuwento mo... malaki ang epekto kay Yohan." Naramdaman ko nanaman ang takot. Mas lalo rin akong kinabahan at naguluhan, kaya pinag salubong ko na lang ang dalawang kilay ko.

       Mukhang nabasa ni Melissa ang ekspresyon ng aking mukha, kaya hindi pa ako nakaka pagtanong ay may sagot na siya agad. "Una kong naisip na si Xenon, pwedeng walang epekto iyon sa kanya... dahil protektado siya ng bond mo. Ako naman, sabi ko nga sayo kanina, ligtas ako sa changes. Pero ang Kuya mo..."

        "Ang Kuya mo ang pinaka-apektado dahil nasa sentro siya ng lahat ng pagbabagong ito. Kung paano nangyari iyon, at kung bakit... iyon ang hindi ko pa alam, Alexandria." Napabuntong hininga na lang kami pareho ni Melissa, at ipinikit ko na lang din ang mga mata ko. Gusto kong pakalmahin ang sistema ko, para mas maging klaro sa isipan ko ang lahat ng nalaman ko.

       Mukhang pati si Melissa ay naguguluhan sa nangyayari. Ang alam lang namin ngayon... kung ano man ang nangyayari sa kapatid ko... hindi niya ginusto ang lahat ng iyon. Maging si Kuya Yohan paniguradong nahihirapan din. Siguradong hindi niya alam ang mga pinaggagawa niya, at kailangan ko siyang iligtas mula sa sarili niyang Ability. Pero paano?

       Bakit puros problema nalang ang dumadating sa akin? Hindi ko na alam kung alin ang una kong sosolusyunan.

       "Hindi mo ba alam kung anong dapat kong gawin para matulungan si Kuya?" Agad kong dinilat ang mga mata ko at muli kong hinarap si Melissa. Isang malungkot na ngiti ang iginawad niya sa'kin bago siya umiling. "Wala pa akong ideya sa ngayon. Never pa naman kasing nangyari 'to dati kaya medyo natatanga rin ako." Aniya at ngumuso kaya napa-iling na lang din ako.

       Simula kagabi ayokong harapin sila Mommy, at ang mga kapatid ko. Pakiramdam ko nga kung hindi kinailangan ni Mommy umalis ulit kaninang umaga, dahil sa isang meeting, baka kakagising ko pa lang kanina ay pinatawag niya na ako. Pilit ko silang iniiwasan dahil nagtatampo rin ako sa nagawa ni Kuya. Maging sila Kuya Hendrix malaki ang inis sa panganay naming kapatid... Lahat ng ito dahil hindi namin alam ang nangyayari sa kanya.

       Paano kung sa ibang mga kapatid ko mangyari rin ito? Paano kung– sandali!

       Agad na nanlaki ang mga mata ko, at napasinghap ako nang may mapagtanto ako. Kunot noo naman akong nilingon ni Melissa, marahil ay nagtataka sa biglaang pagkagulat ko.

       "Kung sinasabi mong simula lang ito... at susunod ng magkaroon ng pagbabago ang mga Elements... Ibig sabihin malaki ang posibilidad na may mga mangyayari rin sa iba pang... tao?"

       Pwedeng pati sila Kuya, na nabibilang din sa iba't ibang elemento, at lahat ng tao.. pwedeng may mangyari rin sa kanila?

     Tumango naman agad si Melissa kaya agad akong ginapangan ng pangamba. "Hindi lang malaki ang posibilidad... malaking malaki."

       Napa-awang naman ako agad ng bibig hindi dahil sa sagot niya, kung hindi ay dahil bigla kong naramdaman ang tila pagbabago ng hangin. Tila niyakap ako nito ng sobrang higpit.

       Si Mommy... may nangyayari.

      "Oo nga pala, kagabi ba ginamit mo Ability mo sa'kin? Kasi–" Agad akong tumayo kaya naputol ang pagsasalita ni Melissa. Halata ring nagulat siya sa ginawa ko.

       "Pasensya na Melissa. Mamaya nalang ulit tayo mag-usap, may kailangan akong gawin." Hindi ko na siya inantay pang makasagot at nagmadali na akong naglakad paalis, bitbit ang gamit ko.

       Nang makalabas din ako ng library ay mas lalo ko pang binilisan ang lakad ko. Hindi ako pu-pwedeng magkamali. Ramdam na ramdam ko iyon, sigurado ako.

        Nakasalubong ko pa sila Arianne, na mukhang kakalabas lang ng cafeteria, pero hindi ko nalang sila pinansin. Tinakbo ko nalang din ang pag-akyat ko sa hagdan dahil nagsisimula nanaman akong balutin ng pag-aalala.

        Noong pinatawag ako ni Mommy kanina ay nasa Director's Office siya, kaya paniguradong andoon lang din siya ngayon. Sana nga. Dahil kung totoong may hindi magandang nangyari, at wala siya roon... huwag sana.

       Hindi ko alam kung gaano ako kabilis na naka-akyat sa ikatlong palapag. Hindi ko rin mawari kung ano ang nararamdaman ko sa bawat paghakbang ko. Ang alam ko lang, pagtaas ko agad ng third floor ay walang pag-aalinlangan akong pumasok sa dorm.

       "Stop it." Nanlaki ang mga mata ko at agad akong napatakip sa bibig ko dahil sa bumungad sa akin. Para rin akong tinamaan ng kung anong pwersa dahil sa lakas ng hangin na naramdaman ko.

       Ang kaninang pangamba na baka may nangyari sa Mommy ko ay napalitan ng takot, takot sa galit niyang mararamdaman sa buong lugar.

       Mula rito sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko ang pag-iba ng kulay ng mga mata ni Mommy, at ang seryoso niyang mukha. Walang mababakas na galit dito, pero iba ang takot na pinapadala niya sa sistema ko. Nakatayo siya may sala at kaharap niya si kuya Yohan.

       Katulad kay Mommy ay naka-Ability mode na rin si Kuya Yohan, pero kung ikukumpara, tanging galit at pagkamuhi lang ang makikita sa kanyang mga mata.

       "You're going to take her side, Mom? Really?" Para akong nastatwa sa kinatatayuan ko nang mapagtanto kung ano ang nangyayari. Kitang-kita ko rin ang pagpipigil ng tatlo ko pang kapatid habang nakatayo sa gilid. Halatang gustong-gusto na nilang sagutin si kuya Yohan, pero hindi nila magawa. Marahil ay pinagsabihan sila ni Mommy.

       "Yohan, stop." Sobrang hina lang ng pagkakasabi ni Mommy ng dalawang salita na iyon, pero tila mas ramdam mo ang bigat nito sa bawat pagbigkas niya. Mukha ring hindi pa nila napapansin ang presensya ko.

       Hahakbang na sana ako para lumapit, ngunit umismid si kuya Yohan. Matalim din ang titig na ibinigay niya kay Mommy, at walang pakundangan niyang binitawan ang mga sumunod na salitang nagpasinghap sa Ina namin. "You're not just Alexandria's mother, Mom. I am your son too, and you're also my Mother. Don't pick favorites! You're making me feel like you don't love me at all!"

       Lahat sila ay nagulat sa pagsigaw ni Kuya Yohan. Lahat sila ay nasaktan sa sinabi niya, at alam kong iniisip nilang totoo ang mga tinuran niya.

       Maging ako naririnig ko ang pagkabasag ng sarili kong puso, hindi dahil nasasaktan ako sa sinabi ni Kuya Yohan. Ngunit dahil sa nakita kong pagtakas ng isang luha sa mga mata ni Mommy, at ang sakit sa mga mata niya. Idagdag mo pa ang pag-aalala ko sa kapatid ko. Baka kapag nagpatuloy pa ito, tuluyan na niyang mawala ang sarili niya sa kadiliman.

       "Yo–"

       "Kuya Yohan, hindi totoo 'yan. Mahal ka nila Mommy, alam mo 'yan. Mahal ka namin." Napansin ko ang namumuong galit sa mukha ni kuya Hendrix, at bago pa siya makapagbitaw ng salitang maaari niya ring pagsisihan ay nagsalita na ako.

       Sabay-sabay namang napatingin sa akin ang mga kapatid ko nang maglakad na ako papalapit sa kanila, pero si Mommy ay tila windang pa rin sa narinig. Diretso lang ang tingin niya kay kuya Yohan, habang ang kanang kamay niya ay nakatakip sa kanyang bibig, animo'y pinipigilan ang sarili niyang humikbi. Ang kaliwa naman niyang kamay ay nasa dibdib niya, na para bang sobrang itong naninikip dahil sa sakit.

       "What do you need? Ready to get killed this time, Alexandria?" Galit na tanong ni Kuya Yohan, halatang hindi pinansin ang sinabi ko. Napakagat nalang ako sa ibabang parte ng labi ko at napa-iling.

       "Yohan, stop it, please." Pakiusap ni Mommy sa isang mahinang tinig kaya mas lalo akong nasaktan. Kung para sa akin mabigat na makita ang mga kapatid kong nag-aaway, paano pa kaya sa kanya na Ina namin?

       Kaso mukhang hindi papapigil si kuya Yohan, dahil imbes na manahimik ay sarkastiko pa siyang tumawa. "Make this girl leave then, Mom. Show me that you're not really choosing a side here."

       Sunod ko namang narinig ang malakas na kulog at kidlat kaya nilingon ko si kuya Jarvis. Ang talim ng tinging itinatapon niya kay kuya Yohan, animo'y gustong-gusto na niyang patulan ito.

       Kita ko ring mas lalong nasaktan si Mommy sa mga salitang binitawan ni kuya Yohan, at sa naging reaksyon ni kuya Jarvis.

       Papakiusapan ko pa lang sana silang huwag ng patulan si Kuya Yohan ay hindi ko na nagawa, sapagkat agad ng nagsalita si kuya Hendrix. Hindi na siya nakapagtimpi pa. "Tumatalas ata masyado ang dila mo, Yohan. Gusto mo bang putulin na natin?"

       Si kuya Travis naman ay walang reaksyon lang sa gitna ng dalawa, pero naka-Ability mode ang mga mata niya. Base sa pagpipigil na ipinapakita niya, mukhang ginagamit niya ang Ability niya para pigilan pa ang dalawa naming kapatid. Siya ngayon ang nagsisilbi nilang taga-kontrol ng kanilang mga emosyon.

       Binigyan ko siya ng isang malungkot na ngiti bago ko inilingan sila Kuya Jarvis at kuya Hendrix. Sumagot pa muli si kuya Yohan, pero hindi ko inalis ang tingin ko sa mga kapatid ko.

       "Can you shut up and get lost, Hendrix? I'm not afraid of you but you're fucking irritating."

       Napansin kong gustong sumagot nila kuya Jarvis, pero inilingan ko nalang sila. Mukhang nakita din ni kuya Hendrix ang pakiusap sa mga mata ko kaya sinamaan nalang niya ng tingin si kuya Yohan, at hindi na sumagot pa. Huwag namang pati sa harapan ni Mommy ay mag-aaway sila.

       "Yohan, anak, let's stop this please. I just want to know why you're being like this with your siblings, and with me." Tanong ni Mommy at hindi nakaligtas sa pandinig namin ang pagkabasag ng kanyang boses. Pero mukhang wala talagang pakialam si kuya Yohan kung nasasaktan na niya si Mom, dahil pasigaw pa ang naging sagot niya habang masama ang tingin sa akin.

       "I want Alexandria out! Out of this dorm, this school and out of our lives!"

       Hindi ko na inantay pa at pinansin ang mga reaksyon nila. Bago pa makakilos at makapag salita si kuya Yohan ay agad na akong lumapit sa kanya, at niyakap siya ng mahigpit.

       "Baby A–" Narinig ko pa ang pag-aalala sa boses ni kuya Travis, pero hindi ko nalang ito binigyan ng atensyon.

       "Let go!" Katulad ng inasahan ko ay nagpumiglas nga si Kuya, pero hindi ako nagpatinag. Sa halip ay mas lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa kanya, kasabay ng pagbabago ng kulay ng mga mata ko.

       Nararamdaman ko rin ang pag-iba ng mga emosyon nila, pero di ko nalang ito inisip at nagpokus nalang.

       "Magpahinga ka muna, Kuya." Bulong ko habang pinapakiramdaman ang Ability ko. Inilapat ko na rin ang mga kamay ko sa likuran niya at hindi ko ito inalis, hanggang sa maramdaman ko ang paglipat ng Ability ko mula sa palad ko hanggang sa likod niya. Wala pang ilang segundo ay bumigat na ang katawan niya kaya alam kong nawalan na siya ng malay.

       Dahan-dahan ko siyang pinasandal sa couch. Ramdam na ramdam ko rin ang mga gulat na tingin nila sa amin, kaya agad ko silang nilingon at nginitian. Lumapit din si Mommy sa ngayon ay payapang natutulog na si kuya Yohan, at sinuklay ang buhok nito gamit ang mga daliri niya.

       "Are you okay, Mom?" Tanong ni kuya Jarvis nang makalapit din siya sa amin. Tinnaguan naman siya ni Mommy kaya agad siyang yumakap na parang bata sa Nanay namin.

       Naramdaman ko rin ang kamay ni kuya Travis sa balikat ko kaya tinapik-tapik ko nalang ito. Napatingin naman kami kay Kuya Hendrix nang bigla siyang magsalita, noo niya'y nakakunot. "What is his problem?"

       Walang sumagot sa tanong ni kuya Hendrix, dahil wala sa kanilang may alam kung anong nangyayari. Hindi rin ako nakasagot pa dahil pinapakiramdaman ko pa ang nailabas kong Ability.

       "Don't worry, I'll talk to him when he feels better. Are you all okay?" Isa-isa kaming binalingan ng tingin ni Mommy, sinusuri kung ayos lang ba kami. Nang magtama rin ang mga mata namin ay agad niya akong binigyan ng isang ngiti, bago niya inabot ang kamay ko at hinawakan ito ng mahigpit.

       Siya itong kailangan ng comfort, pero ako pa ang binibigyan niya nito. Iba talaga ang pagmamahal ng isang Ina.

       Alam kong masasaktan siya sa sasabihin ko tungkol kay Kuya, pero hindi pwedeng hindi niya malaman. Kailangan nilang malaman para hindi na sila magalit sa kanya, at para makahanap kami agad ng solusyon. Isa pa, alam kong magagalit si Mommy kapag hindi niya nalaman ang nangyayari sa anak niya. Karapatan niya iyon at iyon ang dapat, masakit man sa loob kong sabihin ang masamang balita.

       "Mom..." Isang tawag ko pa lang sa kanya ay nakuha ko na muli ang atensyon niya. Bakas na bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.

       "Ano 'yon, anak? Are you hurt?" Umiling naman ako agad, kasabay ng agad na pamumuo ng luha sa mga mata ko.

       "Mom, may kailangan kayong malaman kay Kuya Yohan..." Maging sila kuya ay takang napatingin sa akin nang marinig ang sinabi ko.

       At kahit hindi sila sumagot, kitang-kita ko naman sa mga mata nilang nais nilang malaman kung ano man ang sasabihin ko.

       "Si Kuya Yohan, nanganganib po siya."

~ × ~

       Marami ang iba't ibang uri ng bagyo.

       May mga bagyong nagdadala ng malakas na pag-ulan. Minsan naman ay mayroon itong kasamang malakas na hangin. Syempre hindi rin mawawala ang malakas na pagkulog at pagkidlat.

       Nakatayo ako rito sa may veranda habang pinagmamasdan ang isang taong kilala kong kayang kontrolin ang kidlat. Ang isang taong alam ko kung gaano kalambot ang puso. Batid ko rin kung gaano siya kalakas.

       Hindi rin lingid sa kaalaman naming lahat kung gaano kaimportante para sa kanya ang mga taong mahal niya, at kung ano ang kayang mga gawin niya masiguro lang ang kaligtasan ng mga ito.

        Jarvis Montecillo, one who controls the Sky and the Lightning.

       Si Kuya... isa siyang sword at shield. Sword na handang pumaslang kung kinakailangan, at shield na laging andyan para pumrotekta.

       Ngunit ngayon, ni hindi niya magawang protektahan ang sarili niya mula sa taong binigyan niya ng sandata. Hindi niya kayang depensahan ang sarili niya mula sa paparating na sakit, dahil ang mismong tao na pinag-alayan niya ng dalawang bagay na ito... ngayon ay ginagamit para saktan siya.

        Gustong-gusto ko siyang lapitan, at aluin. Gusto ko siyang yakapin at patahanin, pero hindi ko magawa. Paano ko magagawang punasan ang kanyang luha, kung wala namang nanggagaling na pagtangis mula sa kalangitan?

       Bumuntong hininga na lang ako at napapikit, umaasang sa aking pagdilat ay babalik na ang saya sa mga mata ng kapatid ko. Sayang matagal ko ng hindi nakikita.

       Pero sa halip na iyon ang makita ko sa isipan ko, ibang mga salita ang narinig ko. Mga salitang nagpabilis ng tibok ng puso ko.

       “And thou shall feel the Lightning's fears”

 
     "His anger and pain is too strong, it was suffocating." Agad akong napadilat nang marinig ko ang boses ni kuya Travis. Tama nga ako, andito siya sa tabi ko at mukhang kakarating niya lang. Nakahalukipkip ang dalawang kamay niya sa kanyang dibdib, habang diretsong nakatingin sa kinatatayuan ni kuya Jarvis.

       "Ngayon Kuya? Hindi na ba?" Tanong ko nang muli ko ring ibinalik ang tingin sa kapatid namin. Nakita ko naman sa gilid ng mga mata ko ang kanyang pag-iling bago siya muling sumagot. "Pinutol ko ang koneksyon ko sa emosyon niya. I cannot take it anymore, baby A. It's only getting stronger every passing second."

       Bumuntong hininga nalang ako at napakagat sa labi ko. Sabagay kahit hindi gamitan ng Ability ay kitang-kita ko na rin kung ano ang ibig sabihin ni kuya Travis. Dahil ngayon ay nasisilayan ng mga mata ko ang pinaghalong galit at sakit na naipon sa loob ng kapatid namin.

        Hindi ko maiwasang isipin kung paano umabot ang lahat sa ganito. Nakakapagtaka... at nakaka-inis.

       Simula pa lang ay inayos na ang lahat. Sa umpisa pa lang ay nakahanda na ang bawat litrato, ang bawat senaryo at ang bawat pangyayari. Matagal ng isinakatuparan ang laro para masiguro ang panalo ng lahat sa huli, pero anong nangyari ngayon?

       Saan nagsimulang magulo ang plano? Saan lumiko ang sasakyan ng tadhanang kinabibilangan namin?

       "Are you ready, baby A?" Ni hindi ko kailangang tanungin si Kuya Travis kung ano ang ibig niyang sabihin. Agad na lang akong tumango sa kanya, at mabilis na pinasadahan ng tingin si Kuya Jarvis at ang kalangitan, bago ako tumalikod at nagsimulang maglakad.

       Marami ang iba't ibang uri ng bagyo.

       May mga bagyong nagdadala ng malakas na pag-ulan. Minsan naman ay mayroon itong kasamang malakas na hangin. Syempre hindi rin mawawala ang malakas na pagkulog at pagkidlat.

       Ngunit alam niyo ba kung ano ang pinaka-nakakatakot na bagyo sa lahat?

       Marahil ang isasagot ng karamihan ay ang uri ng bagyo kung saan hindi lang ulan ang malakas, pati na rin ang hangin at kidlat. Animo'y pinag-isa ang lahat sa isang panahon.

       Pero ang totoo, hindi iyon. For some people fears the absence of those elements more than the storm itself.

       Mas nakakatakot ang bagyo na walang pinapakitang galit, at hindi naglalabas ng luha. Dahil ito ang bagyong naipon ng matagal, at ang pagdating nito ay hindi mo aasahan at kakayanin. Ito ang bagyong hindi nanggaling sa kung anong elemento, dahil ito ang bagyong namuo sa puso.

       Marami ang iba't ibang uri ng bagyo.

        Ngunit alam niyo ba kung ano ang pinaka-nakakatakot na bagyo sa lahat?

        It's the storm that Jarvis Montecillo will bring.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top