XV - Heart Of Darkness

       Kapag nagbago ang mga bagay, natural din na magbabago ang mga tao sa paligid natin. Lalo na iyong mga taong sobrang apektado ng puno't dulo ng mga naging pagbabagong ito.

       Alam ko naman iyon, pero tila nawala pa rin sa isipan ko. Masyado akong natuwa nang makita ko ulit si Arianne kanina. Nakalimutan kong malaki nga pala ang kasalanan ko sa kanya.

       Hindi ko siya masisisi kung bakit niya ako itinulak kanina. Dapat nga inasahan ko na iyon, kaso nabigla lang din talaga ako. Parang noong isang araw lang kasi ay namomroblema ako kung saan siya hahanapin, tapos kanina nasa harapan ko na siya... at mukhang babalik na siya ng Montecillo Academy.

       May parte sa aking natutuwa, pero mayroon ding hindi– hindi ko mailagay sa salita ang nararamdaman ko.

       Bumuntong hininga na lang ako at binitawan ang tinidor na hawak ko. Ibinaling tuloy agad ni Melissa ang tingin niya sa akin. Andito kasi kami sa cafeteria, sa pwestong nakagawian namin.

       "Gusto kong sabihin na 'wag mong pilitin ang sarili mong kumain kung wala kang gana, kaso feeling ko kailangan mo talaga mag-almusal." Aniya at napanguso. Kitang-kita ko rin ang pag-aalala sa mga mata niya kaya binigyan ko nalang siya ng isang tipid na ngiti.

       Kanina kasi ay nais ko na lang na bumalik ng dorm, kaso ay pinigilan niya ako. Ayaw niyang pumayag na hindi ako kakain, dahil para sa kanya ay mahina ako ngayong araw. Hindi ko iyon maintindihan, pero pumayag at nagpatianod na lang ako. Pakiramdam ko rin kasi ay malaki ang kasalanan ko sa kanya dahil hindi ko siya nasamahan sa pagkain kagabi.

       "Ayos lang ako, huwag kang mag-alala. Nasaan pala si Raven?" Sinubukan ko nalang na ibahin ang usapan lalo pa't hindi ko pa rin talaga nakikita ang kapatid niya. Madalas naman kasi ay magkasama silang mag-almusal, o kaya ay makikita ko siyang pagala-gala agad sa campus pero ngayong umaga ay wala siya. Nakakapanibago lang.

       "Umuwi." Nanlaki naman ang mata ko sa sinabi niya at napa-awang ng konti ang bibig ko. Mukhang napansin iyon ni Melissa dahil natawa siya ng mahina.

       "Ba't parang gulat ka naman d'yan? Namimiss mo kapatid ko 'no? Sabi ko sa'yo ligawan mo na siya, ayaw mong makinig. Ngayon hinahanap-hanap mo siya." Binigyan niya pa ako ng isang nang-aasar na ngiti at kumindat pa siya kaya napangiti nalang ako at napa-iling.

       Saan ba niya napagkukuha ang mga naiisip niya?

       "Alam mo, baka ikaw ang kailangang mag-almusal." Natawa naman siya ng malakas sa sagot ko kaya napalingon ang ilang estudyante sa gawi namin. Sinamaan ko tuloy siya ng tingin para tumigil na siya.

       Ayoko muna talaga sa kahit anong atensyon ngayong araw, kaso kanina pa lang ay marami na ako agad na nakuha. Malamang sa malamang ay nakita nila ang nangyari pagdating ni Arianne, lalo pa't rinig na rinig ko rin ang mga bulungan nila. Isa iyon sa dahilan kung bakit wala akong ganang kumain. Mas lalo akong napapa-isip.

       Natigil naman agad si Melissa sa pagtawa pero hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kanyang labi. Pabiro ko nalang siyang inirapan bago ako muling nagsalita. "Nagulat lang naman ako. May problema ba sa inyo kaya siya umuwi?" Martes pa lang kasi, at may pasok pa. Siguradong hindi siya papalabasin ng campus... depende na lang kung may emergency na nangyari.

       Umiling-iling naman agad si Melissa. "Walang nangyari. Umalis lang siya agad kaninang umaga kasi mamamasyal daw sila nila Mommy at Daddy ng isang linggo." Napakunot naman agad ang noo ko sa tinuran niya.

       "Bakit hindi ka kasama?" Nagtataka kong tanong na agad naman niyang sinagot. "Correction Alexandria, hindi ako sumama. O ang ganda ba ng bago kong expression? Narinig ko 'yan sa classmate ko kahapon." Tila proud pa siyang ngumiti pero hindi ko nalang iyon pinansin.

       "Bakit ayaw mong sumama?" Napalitan naman agad ng isang pagnguso ang ngiti niya, at agad na nagkibit-balikat.

       "Ayaw ko lang..." Gusto ko pa siyang tanungin kasi pakiramdam ko ay may bumabagabag sa kanya ngayon... pero hindi ko nalang ginawa. Kinagat ko nalang din ang ibabang parte ng labi ko para pigilan na ang sarili kong mag-usisa.

       Noong sinabi kong hindi ko pa rin mahulaan ang mga iniisip at nararamdaman niya ay totoo iyon. Pero sa tagal ko na rin siyang nakaka-usap at nakakasalamuha, may isang bagay na akong napansin. Iyon ay hinding-hindi siya magku-kwento o magsasalita kapag ayaw talaga niya.

        Kailangan kong intindihin iyon.

       Ibinaling ko nalang muli ang tingin ko sa aking pagkain, at balak ko sanang dito nalang magpokus. Ngunit hindi ko iyon nagawa nang magsalita ulit si Melissa.

        "Oo nga pala Alexandria, may itatanong ako sa'yo." Napakunot naman ang noo ko nang marinig ang sinabi niya, mayroon kasing pangangamba sa kanyang boses.

       Tatanungin ko na sana siya kung ano iyon, pero hindi ko na nagawa. Parehas kasi kaming napalingon dahil sa isang pagsigaw.

       "Baby A!" Mukhang hindi lang ang atensyon naming dalawa ang nakuha ng masiglang boses na iyon, kung hindi ay pati na rin ang atensyon ng mga estudyante sa cafeteria.

       "Ang eskandaloso rin pala ng kapatid mo, 'no?" Napangiti naman ako ng tipid sa ibinulong sa akin ni Melissa. Ang mga mata niya'y nakatutok kay kuya Hendrix na ngiting-ngiting naglalakad palapit sa amin. Nakasunod sa kanya sila kuya Travis at kuya Jarvis na tahimik lang na nag-uusap.

       Natural naman na makakuha sila ng atensyon... at ako kapag magkakasama kami, pero mas dumoble ata ngayon. Wala sanang kaso sa akin, kaso ayoko talaga ng mga mapanuring titig ngayong araw.

       So much for not wanting attention.

       "Pinapakain ka rin siguro ng megaphone ni Alexandria, 'no? Lakas ng boses mo kasi, daig pa yung mga nakasabit na speaker dito sa cafeteria." Agad naman na napa-awang ang bibig ko nang marinig ko ang sinabi ni Melissa, pero napalitan din iyon ng isang tagong ngiti. Samantalang kumunot naman ang noo ni kuya Hendrix pagka-upong pagka-upo niya, animo'y gulong-gulo sa kanyang narinig.

       "Huh?" Napa-iling nalang ako sa dalawa. Nakakatawa kasi ang inosente ng mukha ni Melissa, na para bang sobrang nagtataka talaga siya, tapos si Kuya naman ay sobrang naguguluhan.

        Ginulo naman ni kuya Travis ang buhok ko nang makalapit na sila at nagtama na ang mga mata namin. Umupo rin sila agad ni kuya Jarvis sa aking harapan, nasa kanan ko kasi si kuya Hendrix at napapagitnaan nila ako ni Melissa.

       "Are you okay, baby A?" Mukhang nakuha ng tanong ni kuya Jarvis ang atensyon ni Melissa dahil napatingin agad sa kanya itong katabi ko.

       "Ay buti natanong mo 'yan, hindi kaya siya okay! Parang walang kinakain, hindi ba kayo nagbibigay ng baon kay Alexandria? Ang yaman yaman niyo di niyo pa magawa magbigay baon. Buti pa ako mayro'n kaso paubos na rin agad kasi bili ako ng bili ng pagkain." Tumawa pa ng mahina si Melissa at napakamot sa likuran ng ulo niya kaya napangiti nalang ako. Sila Kuya naman ay tila naguguluhan sa pinagsasasabi niya.

       Kahit naman ganyan iyang mga 'yan alam ko namang sanay na sila sa ganito.

      "I'm sure that wasn't what Jarvis meant... but... is your allowance not enough for you, baby A?" Umalpas na ang isang mahinang tawa na kanina ko pa pinipigilan nang marinig ko ang tanong ni kuya Travis. Nababalot ito ng isang sinserong pag-aalala kaya napapa-iling nalang ako.

      "Huwag mong pansinin 'yan si Melissa, Kuya." Kung tutuusin nga ay sobra sobra pa ang ibinibigay nila sa akin. Hindi rin naman ako nawawalan ng makakain sa dorm, dahil madalas ay nag-iiwan ng pagkain si Xenon doon. Nagugulat na nga lang ako minsan.

       "Then tell me, Alexandria. How are you feeling?" Napalunok naman ako bigla nang sumeryoso ang mukha ni kuya Hendrix. Mababakas rin ang otoridad sa kanyang boses, animo'y sinasabi niyang hindi pwedeng hindi ako sumagot.

       Mukhang napansin din ni Melissa ang pagbabago ng tono ng kanyang pananalita, kaya maging siya ay natigilan sa pagkain. Kunot noo rin siyang napatingin sa akin, kaya bumuntong hininga na lang ako.

      Ramdam na ramdam ko ang mga mapunuri nilang mata kaya yumuko nalang ako, bago sumagot ng mahina. "Hindi... hindi ako okay." Pag-aamin ko.

       Kahit siguro magsinungaling ako, malalaman pa rin ng mga kapatid ko ang totoo. Hindi naman din iyon makakatulong.

       "May nangyari bang hindi maganda?" Takang-takang tanong ni Melissa. Napakagat naman ako sa aking labi at hindi pa rin inaangat ang aking tingin. Hindi nga pala niya alam ang nangyari kahapon...

       Walang sumagot sa mga kapatid ko. Wala sa kanila ang nagtangkang magsalita o sumagot. Alam kong nananatili silang tahimik hindi dahil si Melissa ang nagtatanong, kung hindi ay dahil ayaw nilang banggitin ang pangalan ng panganay namin kaming kapatid. Alam ko... dahil nararamdaman ko iyon.

       Tingnan mo ang nangyayari sa amin. Tila ba nagkakawatak-watak kami dahil sa akin.

       "Hmm, ayos lang kung ayaw niyong sabihin. Pero nasaan nga pala si Yo–" Hindi na natuloy ni Melissa ang nais niyang itanong dahil agad nang sumingit si kuya Hendrix, kaya inangat ko rin ang tingin ko upang tingnan siya.

        "Don't ask about him." Strikto ang kanyang boses habang matalim ang titig niya sa kawalan, nakahalukipkip ang kanyang kamay sa kanyang dibdib.

       "Ha? Pero kasi kagabi–" Kinabahan ako bigla dahil mabilis na lumingon si kuya Hendrix kay Melissa, dahilan para hindi niya maituloy ang sasabihin sana niya. Hinawakan ko nalang agad ang braso ng kapatid ko kaya napalingon naman siya sa akin. Isang ngiti na lang ang iginawad ko sa kanya.

       "Masama lang ang pakiramdam niya. Huwag nalang muna natin siyang pag-usapan, Melissa." Ako nalang ang sumagot sa kanya. Kitang-kita ko ang pagkunot ng noo niya, at alam kong sobra na siyang nagtataka sa nangyayari. Sasabihin ko rin sa kanya pero mamaya nalang, kapag kaming dalawa na lang ang magkasama.

       Nasisiguro kong hindi na natutuwa si kuya Hendrix sa mga tanong ni Melissa tungkol kay kuya Yohan, at ayoko namang silang dalawa ang mag-away. Masyado ng magulo ang lahat at hangga't maaari, ayoko na sanang may dumagdag pa sa lahat ng iniisip ko. Isa pa, alam kong hindi rin nila nanaising magkagulo.

       Napakagat nalang si Melissa sa labi niya bago dahan-dahang tumango, at bumaling nalang ulit sa pagkain. Nanatili lang ding walang imik sila kuya Travis, tila ba tinitimbang din ang mga nangyayari.

       Isang buntong hininga naman ang pinakawalan ko bago ako tumingin sa mga mata ni kuya Jarvis. Katulad pa rin ito ng dati, wala pa ring nagbabago, malungkot pa rin.

       Base sa mga inaasta nila, mukhang hindi pa nila alam na andito na ulit si Arianne. May kutob akong alam ni kuya Yohan na magta-transfer na ulit siya dito, pero hindi na ako nabibigla kung hindi niya sinabi.

       "Kuya Jarvis..." Pagkukuha ko ng kanyang atensyon. Agad naman akong binigyan ni Kuya ng isang nagtatanong na tanong. Marahil ay nagtataka siya kung bakit may pangamba sa aking boses.

       Naramdaman kong natigilan din sa pagkain si Melissa. Alam kong alam niya kung ano ang nais kong sabihin, at inaantay niya rin kung ano ang magiging reaksyon ng kapatid ko.

       "May problema ba baby A?" Humugot naman muna ako ng isang buntong hininga, bago ako sumagot sa kanya.

       "Kuya, andito na siya." Apat na salita. Apat na salita lamang ang kailangan upang mapa-awang ang bibig ng kapatid ko– ng mga kapatid ko.

       Isa-isa kong binalingan ng tingin ang mga Kuya ko para lamang makita ang gulat sa kanilang mga mukha. Pero nangingibabaw pa rin ang reaksyon ni kuya Jarvis. Ang kanyang mga mata ay tila nabuhayan, tila nagkaroon ng pag-asa.

       Sumasakit ang dibdib ko sa katotohanang mapapalitan iyan ng kalungkutan mamaya.

       "Where is she?" Sabik niyang tanong at agad na napatayo.

       Sasagot pa lang sana ako pero hindi ko na nagawa. Sunod-sunod na ang naging pagbubulong-bulungan sa loob ng cafeteria. Animo'y lahat ng mga estudyante ay nagugulat, namamangha at nagtataka.

      "Hala diba–" Hindi ko kailangang lumingon sa kanila, o sa entrance ng cafeteria, para malaman kung ano ang pumukaw sa atensyon ng mga tao rito. Sabay ding napatayo at napalingon sila Kuya sa direksyong pinanggagalingan ng ingay, kaya napabuntong hininga nalang ako.

       "Arianne!" Bago pa namin mapigilan si kuya Jarvis ay agad na siyang tumakbo papalapit sa apat na taong pumasok sa cafeteria. Nangibabaw ang masaya niyang sigaw sa ingay ng lugar.

       Ipinikit ko nalang ang mga mata ko upang humugot ng lakas loob, bago ako tumayo rin at lumisan sa pwesto namin. Binalingan ko rin sila kuya Travis na halatang gulat, at alam kong sa mga mata ko pa lang ay alam na nila ang sagot.

       Hindi na siya ang Arianne na kilala ng kapatid namin. Hindi na siya ang Arianne namin.

       Napansin ko rin ang pagkunot ng noo ni kuya Hendrix, pero hindi ko nalang muna ito pinagtuunan ng pansin. Naglakad nalang ako papalapit sa pwesto nila Arianne.

       Sunod-sunod ang naging pagsinghap ng lahat nang tuluyang mayakap ni kuya Jarvis ang taong matagal na niyang hinahanap. Kung naiiba ang sitwasyon, masaya siguro ako ngayon para sa kanya.

       "Arianne, you're finally here." Ibinulong niya lang iyon sa tainga ng kaibigan ko pero dahil sa tulong ng Ability ko ay rinig na rinig ko ito.

       "Let go of me." Natigilan ako sa paglalakad nang magsalita si Arianne. Ang diin diin ng pagkakasabi niya ng bawat salita at rinig na rinig ito sa buong cafeteria. Natahimik ang lahat dahil sa talim ng kanyang pananalita, at maging si Kuya Jarvis ay agad na napabitaw sa pagkakayakap sa kanya.

       "Oh if it isn't one of the Montecillo brothers." Isang matamis na ngiti ang ibinigay ng babaeng kasama nila Arianne. Tumikhim naman si kuya bago tumingin sa kanya.

       "What are you doing here, Kincaid?" Pare-pareho naman kaming napatingin kay kuya Hendrix na ngayon ay nasa tabi ko na pala. Para siyang iritadong nakatingin sa babaeng tinawag niyang Kincaid. Umisimid naman ito bago sumagot. "Ah I see you're here as well."

       "You must be the infamous Alexandria, I didn't recognize you earlier. Pardon me." Napakunot naman ang noo ko nang biglang nagsalita iyong katabing lalaki ni Arianne– ang parehong lalaki na tumawag sa kanya kanina ng 'baby'.

       Axel.

       Agad siyang naglakad papalapit sa akin at inabot ang kamay ko. Nagulat naman ako sa ginawa niya kaya napa-atras ako at agad na binawi ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya. Mabilis ding humarang si kuya Travis sa pagitan namin, at itinago ako sa likuran niya, kaya napakapit nalang ako sa laylayan ng damit niya.

       "Don't touch my sister, Axel." Iyon lamang ang lumabas sa bibig ni kuya Travis pero mababakas ang pagbabanta rito. Isang mahinang tawa naman ang isinagot ni Axel bago siya nagkibit-balikat, at bumalik sa tabi ni Arianne.

       "I suddenly don't have the appetite na. Kayo nalang muna ang kumain and let's meet nalang mamaya." Hindi ko naman maiwasang mapangiti sa loob ko nang marinig ko ang tinuran ni Arianne. Hindi pa rin pala nagbabago ang ilang bagay tungkol sa kanya.

      Sumilip naman ako at nakitang tumalikod na siya, kasama si Axel. Pinanood lang sila ng dalawa nilang kasama bago sila bumaling sa amin.

       "Well, I'm hungry. Where's your table, Montecillo siblings?" Tanong ng babaeng tinawag ni kuya Hendrix na Kincaid. Inismiran lang siya ng kapatid ko bago tumalikod at bumalik sa mesa namin, kung saan tahimik lang na nanonood si Melissa sa nangyayari.

        Ibinalik ko naman agad ang tingin ko kay kuya Jarvis na tahimik lang. Nakatingin siya sa labas, kaya sinundan ko ito ng tingin. Pinapanood niyang maglakad paalis sila Arianne at Axel, na para bang sobrang malapit sila sa isa't-isa.

       "Aliea, I think it's not a good idea to share a table with them." Muli namang nakuha ng dalawa ang atensyon ko.

       Aliea pala ang pangalan niya.

       "Nonsense, Shawn. Can't you see that the cafeteria is full? Tara na." Bumuntong hininga naman ang lalaking kasama ni Aliea at umiling nalang pero sumunod pa rin ito. Isang tipid na tango nalang ang ibinigay niya sa amin ni kuya Travis nang lampasan niya kami.

       Sa kanilang apat, mukhang siya ang pinaka tahimik.

       Susunod na sana ako pero hindi ko na nagawa dahil naramdaman ko ang mabilis na paglisan ni kuya Jarvis. Nagkatinginan naman kami ni kuya Travis, at bakas ang pag-aalala sa mukha niya.

       "I'll go after Jarvis. Go back to your table and eat, I'm sure kuya Hendrix won't let something happen. Isa pa, hindi niyo naman kasama si Axel kaya ayos lang. He's the only one I don't like." Napakunot naman ang noo ko sa tinuran ni kuya pero isang ngiti lang ang ibinigay niya sa akin. Ginulo niya lang din ang buhok ko bago niya ako tinalikuran upang sundan ang kapatid namin.

       Bumuntong hininga nalang ako at naglakad nalang din pabalik. Hindi ko nalang din binigyang pansin ang tingin ng mga kapwa ko estudyante sa paligid..

       Bahala sila kung anong gusto nilang isipin. May mga tao akong kailangang kilalanin sa ngayon.

       Axel... Aliea at Shawn...

       Anong nagdala sa inyo rito sa Montecillo Academy?

~ × ~


       Kung mayroon mga powerful families sa Oakwood, Hillwood at Central, mayroon din sa Girdwood.

       At iyon ay ang mga pamilya ng tatlong bagong kaibigan ni Arianne.

       Axel Aidan Carson, Shawn Nathan Sanders at Aliea Samantha Kincaid.

       Andito kami ngayon ni Melissa sa library. Abala siyang gumagawa ng homework niya, at ako naman ay abalang mangalap ng mga karagdagang impormasyon tungkol sa tatlo.

       Napag-alaman kong ang pamilya ni Axel ang nangunguna sa powerful families sa Girdwood, kasunod ang pamilya ni Shawn at Aliea. Pare-pareho silang may malalaking koneksyon kaya hindi na nakakapagtaka na kilala rin sila ng mga kapatid ko, lalo pa at mukhang nagkaroon na sila ng engkwentro dati.

        Sabay sabay na lumaki ang tatlo, at mukhang malapit na talaga sila sa isa't isa simula pagkabata.

        Wala pa rin akong masyadong alam sa kanila, pero base sa obserbasyon ko kanina... si Aliea ang mapaglaro sa tatlo. Siya itong ginagawang biro ang lahat ng nangyayari sa paligid niya, at masyado siyang chill. Mukhang para sa kanya ay isang adventure ang mga bagay bagay. Nalaman ko ring magkapareho sila ng edad ni kuya Hendrix.

       Si Shawn naman ang pinakatahimik sa tatlo. Tila hinahayaan niya lang mangyari ang mga bagay sa paligid niya, at hindi siya mangingialam kung hindi siya kasama sa apektado. Para nga lang siyang isang pader kanina– walang imik at walang kahit anong reaksyon.

       At si Axel... Hindi ko alam kung anong klase ng tao siya. Ang impormasyon mayroon ako ay galing lang sa mga pag-oobserba ko kapag nakakasalubong ko sila ni Arianne, na hindi man lang ako binabalingan ng tingin.

       Isa lang naman ang napansin ko... hindi siya umaalis sa tabi ng kaibigan ko. At palagi siyang nakangiti kapag kausap ito. Halos magkapareho rin sila ni kuya Jarvis ng tangkad at pangangatawan.

       Hays.

       Sa totoo lang, pwedeng-pwede naman akong pumanik nalang sa opisina ni Mommy para tingnan ang mga files nila. Pwede rin akong magtanong sa mga kapatid ko... pero hindi ko ginagawa. Simula almusal ay sinusubukan ko ang lahat maiwasan lang sila... pati na rin si Xenon.

       Ayokong makita ang mga nag-aalala nilang mukha. Mas lalo lang lumalaki ang konsensyang nararamdaman ko. Maging si kuya Jarvis ay masyadong nag-aalala sa akin, at ang bigat bigat sa pakiramdam ng katotohanang iyon. Sapagkat alam kong maging siya ay may sariling pinagdadaanan.

       Alam ko ring hindi ko naman sila maiiwasan ng matagal. Maging si Mommy ay pinapatawag na ako simula pa kanina pagdating niya. Hindi lingid sa kaalaman kong gusto niya kaming maka-usap, at na alam niya ang nangyari... pero gusto ko lang munang humingi pa ng kaonting oras lang. Hindi pa ako handang harapin si kuya Yohan.

       Hindi ko maiwasang magpakawala ng isang buntong hininga, kasabay ng pagpikit ko ng mga mata ko. Ipinatong ko nalang din ang ulo ko sa mesa.

       Sunod ko namang narinig ang buntong hininga rin ni Melissa, kasabay ng pagsarado ng librong hawak niya. Sinundan din ito ng tunog ng pagbagsak nito sa mesa.

       "Alam mo, hindi ko na kaya 'to." Aniya kaya dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Napangiti naman ako nang makita siyang nakapangalumbaba at nakanguso, tila ba ubos na ang pasensya niya.

       "Siguro naman Alexandria pwede na yung isang araw akong nagbabantay sayo, maya't maya ay natatakot na mawalan ka ng malay, naaawa sayo kasi para kang lantang gulay, para sabihin mo na sa'kin kung anong nangyari? Hindi ko na talaga kayang hindi magtanong. Ako ba ang Nanay mo at sobra mo akong pinag-aalala?" Gusto kong matawa dahil ang cute ng pagrereklamo niya, pero pakiramdam ko ay kumirot lang ang puso ko. Hindi ko alam na pinag-aalala ko na pala ng sobra si Melissa. Hindi ko naisip na sobra ko rin siyang naaapektuhan sa nangyayari..

       Agad akong umupo ng maayos para matitigan siya ng diretso. Sa buong panahon ng pagkakakilala ko sa kanya, ni minsan ay hindi ko nahulaan kung ano ang tumatakbo sa isip niya... o kung ano ang nararamdaman niya. Pero ngayon, sa mismong oras na ito, tila ba naging bukas sa akin ang lahat ng pag-aalalang nararamdaman niya para sa akin.

       Mas lalo lang na kinukurot ang puso ko. Si Melissa ang kaibigang hindi ako iniwan, hindi tumigil sa pagmamasid sa akin kahit na mayroon din siyang sariling mga problema. Hindi ko alam kung anong magagawa ko kung pati siya ay masasaktan ko. At nasisiguro kong handang-handa akong ibigay sa kanya anuman ang bagay na hihilingin niya, para makabawi man lang ako sa lahat ng pagmamahal niya.

       Sandali kong pinakiramdaman ang paligid. Wala naman talagang masyadong tao rito sa library lalo pa't gabi na at oras na ng hapunan. Halos karamihan sa mga estudyante ay nasa cafeteria o nasa dorm nila. Isa pa ay andito rin kami nakapwesto sa dulo kaya mas lalong walang katao-tao. Pero kahit ganoon, nais ko pa ring maging maingat. Nang masiguro kong wala ng mga matang nakamasid sa amin ay napayakap nalang ako kay Melissa, at tahimik na napahikbi.

       Hindi ko rin alam kung saan nanggagaling ang mga luhang ito. Ang alam ko lang, pagod na pagod na ako at gusto ko na lang ilabas lahat ng sama ng loob ko. Gusto ko ring isigaw na ayoko na rin. Gusto kong ipangalandakang pasuko na rin ako, at hirap na hirap na akong magpanggap na malakas, matatag at okay. Hindi naman ako invincible. Tao lang din ako. May hanggangan lang din lahat ng kaya kong tanggapin.

       "Sabi ko na nga ba may nangyaring hindi maganda." Rinig kong bulong ni Melissa kasabay ng mas paghigpit ng yakap niya, kaya mas naiyak nalang ako. Masyado siyang mabuti sa akin, ano bang nagawa kong maganda sa kanya?

       "Sinong nagpa-iyak sayo? Tara awayin natin. Tatawagan ko si Raven para back-up natin, sigurado ako pupunta agad 'yon dito."

       Hindi nalang ako sumagot sa tinuran niya. Naramdaman ko nalang din ang paghaplos at pagtapik niya sa likuran ko, kaya medyo gumaan ang pakiramdam ko.

       Minsan kailangan lang natin iiyak ang ilang bagay. Ang mga emosyong hindi kayang maiparamdam gamit ang mga salita, naipapahiwatig nalang gamit ang pagluha.

       "Masyado ka naman kasing mabait, Alexandria. Nakalimutan mo na bang may karapatan ka ring magreklamo kapag hindi mo na kaya? Bakit ba ang laki ng puso mo?"

       May sinasabi pa si Melissa, pero hindi ko na ito maintindihan. Mas naririnig ko kasi ang paghikbi ko at ang hina ng boses niya, kaya hinayaan ko nalang.

       Hindi ko rin alam kung ilang minuto kaming nasa ganoong posisyon. Umayos lang ulit ako ng upo, at humiwalay mula sa pagkakayakap sa kanya nang tumigil na ako sa paghikbi. Inayos din niya ang nagulo kong buhok kaya natawa nalang kami pareho.

       "Alexandria... May kailangan ka nga palang malaman." Napakunot naman ang noo ko nang bigla niya iyong sabihin. Kitang-kita ko rin ang takot sa mga mata niya kaya lumakas bigla ang tibok ng puso ko.

       "Ano 'yon?"

       "Ayoko pa sanang sabihin sa'yo para huwag ng makadagdag sa iniisip mo... pero feeling ko gugustuhin mo 'tong malaman." Hindi na ako umimik at nanatili lang akong nakatitig sa kanya, inaantay kung ano ba ang nais niyang ipaalam sa akin.

       "May napapansin ka bang kakaiba kay Yohan?" Napa-awang naman agad ang bibig ko nang marinig ang tanong niya. Hindi ito ang inaasahan ko pero hindi ko maipagkakailang tila dumoble ang kaba ko.

       "B-bakit?" Parang mawawalan ako ng boses nang sagutin ko siya. Napalunok nalang din ako, para kasing may nakabarang takot sa lalamunan ko.

       Humugot naman muna siya ng isang malalim na hininga, bago nagsalita. Bakas na bakas ang pangamba sa mukha niya– pangambang hindi ko alam kung saan nanggagaling.

       "Nararamdaman ko kasing may mali, Alexandria. May nangyayaring hindi tama sa element of Darkness." Aniya.

       "A-anong kinalaman ni kuya Yohan doon?" Isang mapait na ngiti ang iginawad niya sa akin, bago sumagot. "Kung ano man ang nangyayaring pagbabago, sobrang apektado ang kapatid mo doon."

       "Hindi ko maintindihan, Melissa." Pag-aamin ko. Hindi ko kasi talaga nakukuha kung ano ang ipinapahiwatig niya.

       Lumungkot naman ang mga mata niya bago siya bumuntong hininga. Inabot din niya ang dalawang kamay ko at pinisil ito, bago nagturan. "Kagabi kasi nakita ko yung naging epekto ng pagbabago kay Yohan. Masyadong malakas, at nakakatakot. Hindi iyon kaya ng kapatid mo, hindi niya kayang labanan yung pwersang nilalabas ng Element of Darkness. Kailangan mo siyang bantayan."

       Bakit ganito? Bakit tila palakas ng palakas ang tibok ng puso ko? Anong sinasabi ni Melissa?

       "Pag nawalan ka ng kontrol sa elementong kinabibilangan mo, pwede kang makagawa ng mga bagay na labag sa loob mo. Si Yohan, pwede siyang maging ibang tao sa paningin mo..." Makagawa ng mga bagay na labag sa loob?

       "Pero Alexandria, kung ano man ang gawin niya... tandaan mo na hindi si Yohan iyon. Anuman ang mga salitang bitawan niya, hindi siya iyon. Alipin lang siya ng pagbabago ng elemento... parang minanipula ng Darkness." Napa-awang nalang ang bibig ko at napasinghap ako nang marinig ang mga salitang binitawan niya.

       Lahat ng mga ito... Itong mga sinasabi ni Melissa.... lahat ng ito ay tila nangyari na. Alam kong hindi ito isang biro lang dahil nabibilang din ang Ability niya sa Element of Darkness. Imposibleng gawa gawa niya lang ito.

       "Melissa... kung ganoon ay hindi lang si kuya Yohan ang manganganib. Ikaw din at si Xenon." At kung sino pang may Ability din na may kinalaman sa Darkness Element.

       Umiling-iling naman agad siya sa sinabi ko. "H'wag kang mag-alala sakin, kayang-kaya kong mag-adapt sa mga nangyayari. Iyon ang Ability ko, diba? Tapos si Xenon, walang mangyayari sa kanya. May bond kayo kaya tingin ko ay ligtas siya."

       Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa narinig ko. Magpapasalamat ba akong ligtas sila, o mas matatakot na ang kapatid ko pala ang totoong nanganganib dito?

       "Bakit si kuya? Bakit kailangang apektado siya?"

       Nagpakawala naman siya ng isang malungkot na buntong hininga, bago binigkas ang mga salitang mas lalong nagparamdam sa akin ng takot. Mga salitang nagpa-intindi rin sa akin ng mga nangyayari.

       Ang mga sinabi niya ay ang siyang naglinaw at sumagot ng mga katanungan ko. Pero ito rin ang nagparamdam sa akin ng sobrang takot.

       "Alexandria, hindi mo pa ba narealize? Si Yohan... He's standing in the heart of the darkness."

       "Or maybe, he is the heart of the darkness."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top