XLVIII - Unleashing Madness
Sabi nila kapag nakuha na natin ang nakatadhanang katapusan natin, humihinto na lang ang lahat– ang oras, ang mundo at ang sakit. Wala na raw ibang matitira kung hindi kapayapaan na lang.
Hinihiniling ko na sana ay totoo iyon.
Ipinagdadasal ko na kung gaano katahimik at kapayapa ang gabing ito, ay ganoon din ang nararamdaman ni Raven ngayon kung nasaan man siya. Sana katulad ng kung paanong sumisilip ang buwan mula sa likod ng mga ulap, ay sumisilip din ang mapaglarong ngiti sa kanyang labi. Nawa'y hindi na nababalot ng kahit anong kadiliman ang puso niya, katulad ng kung paanong pansamantalang nawala ang dilim nitong lugar dahil sa mga torch light sa paligid. Kasing payapa sana ng labi niyang nakahimlay sa flower bed ang isipan at damdamin niya, kung nasaan man siya ngayon.
"Hey, do you want to eat or drink anything?" Tanong agad sa akin ni kuya Travis paglapit na paglapit niya sa tabi ko. Ang mga mata niya ay nakatuon din sa dulo ng dock, kung nasaan nakalagay ang flower bed na inihanda nila kanina para paglagyan ng katawan ni Raven. Umiling naman ako, at binalingan na lang si Melissa na nasa gitna ngayon ng Mommy at Daddy niya. Nakatayo lang sila sa may paanan ng labi ng kapatid niya, tila sinusulit ang ilang minutong natitira na mapagmamasdan nila ito.
Anumang oras ay sisikat na ang araw... at kailangan na naming tuluyang pakawalan si Raven.
Hindi ko alam kung gaano kami katagal na umiyak kanina, pero alam kong sa nangyari ay mas lalong rumehistro sa aming lahat na wala na talaga si Raven. Sa buong oras din ay inaalo lang ni Mommy si Mallory, halos hindi na kasi ito matigil sa pag-iyak. Hindi na rin kami ni Cass umalis sa tabi ni Melissa, at alam kong nag-aalala rin sa kaniya si Kuya Yohan sapagkat maya't maya itong nagtatanong kung may kailangan ba siya o wala. Sinamahan lang din ni Daddy si Alfred nang mas pinili nitong manatili sa tabi ni Raven.
Pansamantala ring umalis sila Vivienne, Shawn, Axel, Kuya Jarvis at kuya Travis kanina upang libutin ang paligid at siguraduhing walang panganib na sisira sa gabing ito. Hindi kasi namin kakayanin kung may biglang hindi magandang mangyayari. Ang iba naman sa amin, katulad nina Aunt Celestia, ang Lolo at Lola ni Vivienne, ay tahimik lang na naka-upo malapit sa may lawa, nag-aalay ng sa tingin ko ay isang dasal. Si Kuya Hendrix naman ay sinilip ang mga wala pang malay na kasamahan namin sa loob, sinusubukang gamitin muli sa kanila ang kanyang Ability upang mas mapabilis ang paggaling nila.
Sa buong gabi ay walang may kahit sinong lakas upang magsalita sa amin. Para bang mas pinili na lang din naming damhin ang sakit na dala ng gabing ito, at bigyan ng oras ang mga sarili namin upang alalahanin ang mga memoryang iiwan ni Raven.
Alam ko ring kailangan kong sabihin sa kanila ang tungkol sa naging engkwentro namin ng Powerful Being, pero maipagpapabukas ko iyon. Bilang respeto kay Raven, hindi ko muna dadagdagan ang mga gumugulo sa isip nilang lahat.
Sinungaling din ako kung sasabihin kong tuluyang gumaan ang pakiramdam ko sa narinig ko sa mga Pierce kanina, pero aaminin kong nabawasan nito ang takot na bumabalot sa aking puso.
"Kuya, sa tingin mo kailan matatapos ang lahat ng ito?" Mahina kong tanong na alam kong kumuha ng atensyon ni kuya Travis, sapagkat naramdaman kong napalingon siya sa akin.
Mga ilang segundo naman muna siyang hindi sumagot nang lingunin ko rin siya. Nanatili lang siyang nakatingin sa aking mga mata, bago niya ako hinila sa isang mahigpit na yakap, at bumulong, "soon, baby A, soon."
"One day, we will all look back to all of these pain, and say that we made it." Dagdag pa niya kaya sinuklian ko na lang ang yakap niya, at pareho na kaming bumaling muli sa mga Pierce.
Naalala ko tuloy iyong hininging yakap ni Raven kagabi. Napansin kong may dinadala siyang kakaiba, pero ni hindi ko inasahan na ganito kalaki iyon. Kung alam ko lang, hindi ko na sana siya pinakawalan pa.
Hays.
Agad namang napalitan ng pagkunot ng aking noo ang buntong-hininga na pinakawalan ko. Bigla ko kasing naalala iyong pabor na hiningi sa akin ni Raven kagabi, kung kaya naman agad na akong nagpa-alam kay kuya Travis, at tumakbo na papasok sa cabin.
Dumiretso rin ako agad sa aking kwarto, at nagtungo sa may nightstand na nasa tabi ng aking kama. Mayroon itong isang drawer sa ilalim at dito ko itinago iyong journal na iniwan ni Raven.
Ang sabi niya kagabi ay kay Melissa ito, ngunit ngayon ay may kutob akong sa kanya talaga ito... pero kailangan at para ito sa Ate niya.
"...pwede mo ba yang ibigay sa Ate ko pagkatapos ng laban natin bukas? Kapag nakuha na natin si Arianne at nakabalik na tayong lahat dito ng ligtas?"
"Sweet Raven asked for everyone's happiness, he wanted to make sure that life will be a little less painful for everyone before his time runs out."
Kaya pala malakas ang tiwala niya na maliligtas namin si Arianne kanina, at makakabalik kaming lahat dito ng ligtas at buhay, ay dahil iyon ang huling kahilingan niya sa Powerful Being. Sa huli, mas inisip niya ang kalagayan ng lahat.
Hays.
Nagpakawala na lang ako ng isang malalim na paghinga, at humakbang na paalis ng aking kwarto, hawak hawak ko ng mahigpit ang huling bagay na iniwan ni Raven para sa kapatid niya. Paglabas ko naman ng kwarto at nakaka-ilang hakbang pa lang ako ay agad na akong napasinghap at napa-atras nang makaramdam ako ng kakaibang sakit sa dibdib ko. Parang may kung anong pumulupot sa puso ko at pinipiga ito. Hindi ko naman mabitawan ang journal ni Raven, kaya ang isang kamay ko lang ang naitukod ko sa pader upang maalalayan ko ang sarili ko. Baka kasi kapag hindi ko ginawa ito ay bigla na lang akong lumupasay dito sa sahig.
Mukhang wala namang silbi ang subok na pagkapit ko rito dahil bigla naman akong nakaramdam ng kakaibang sakit na namumuo sa aking kanang palapulsuhan. Para itong matalim na kutsilyong bumabaon sa aking balat, dahilan para tuluyan na akong mapabitaw sa pader. Napaupo na lang din ako sa sahig at napa-awang ang bibig nang makita ang kaparehong serpentine tattoo na namumuo rito sa aking palapulsuhan, kaparehong-kapareho ng serpentine tattoo sa kanang kamay ni Xenon.
Ang sign na nagpapatunay ng bond namin ni Xenon!
Anong ibig sabihin nito? Bakit ito nalipat sa akin?
Pakiramdam ko ay naubos bigla ang dugo sa aking mukha dahil sa reyalisyasyon na pumasok sa aking isipan. Mas lumakas din ang tibok ng puso ko dahil sa takot, at dahil mas sumasakit ito. Mas lalo tuloy nitong pinapatunayan ang iniisip ko na baka tuluyan ng may nangyari sa walang malay na si Xenon.
Hindi ko alam kung gaano katagal akong naka-upo lang sa labas ng kwarto ko, at namimilipit sa sakit. Ramdam na ramdam ko rin ang namumuong malamig na pawis sa aking noo. Panandalian ding natigil iyong pananakit ng aking dibdib, at akala ko ay doon na natatapos iyon, subalit nagkamali pala ako. Sapagkat sinundan naman ito ng kakaibang sakit na tila dumaloy sa buong katawan ko. Para akong sinaksak ng isang dagger na naglalaman ng libo-libong boltahe ng kuryente sa kamay ko, tapos ay mula rito ay kumalat siya sa aking sistema.
Masyado na akong nasasakop ng pakiramdam na iyon, at alam kong kaonti na lang ay bibigay na ang aking katawan. Kung kaya naman kahit ayaw ko sanang isigaw ang kinikimkim kong sakit na ito, dahil alam kong makakasira lamang ito sa pagluluksa ng lahat, sa tingin ko ay wala na akong mapagpipilian.
Ang kaso... hindi ata ako pwedeng humingi ng tulong. Sapagkat nang ibinukas ko ang aking bibig para sana humingi ng saklolo ay agad naman akong nakaramdam ng kakapusan ng paghinga. Napapapadyak na rin ako at napahawak sa aking leeg nang makaramdam ako ng tila pagkalunod, kasabay ng tila isang saksak sa aking dibdib.
Hindi ko alam kung nagkakaroon na ba ako ng hallucinations, o talagang makatotohanan lang masyado ang nangyayari. Pero pakiramdam ko ay nakakita ako ng dugo na lumalabas sa dibdib ko, at para akong nakalubog sa ilalim ng rumaragasang tubig. Ngunit agad din naman itong nawala nang kumurap ako.
Sana nga pati iyong pakiramdam ay nawala rin, kaso hindi. Sa halip ay mas lalo pa itong lumala, animo'y naging triple pa ang nararamdaman ko.
"T-t-tu...l-long" Iyon ang pilit kong sinambit sa gitna ng nangyayari, kahit na ba wala nang makakarinig nito sa sobrang hina. Maski ako ay nagdududa kung sinabi ko nga ba talaga iyon, o sa isip ko na lang nawika ang bagay na iyon.
"Alexandria?" Nanghihina man ay pilit ko pa ring nilingon ang pinanggalingan ng boses na iyon. Kung dati ay hindi ako nakakaramdam ng kahit ano kapag nakikita siya, ngayon ay inaamin kong nagagalak ako sa pagdating niya.
Vivienne...
Gulong-gulo siyang nagmadaling lumapit sa akin. Agad din siyang lumuhod sa harapan ko para siguro tanungin ako kung ano ang nangyayari, pero tanging pag-iling lamang ang nagawa ko.
Hindi ko alam kung paano, pero sa tingin ko ay naintindihan bigla ni Vivienne ang nangyayari. Sa tingin ko ay may naramdaman siyang kakaiba sapagkat bigla na lang nagkulay clear green ang kanyang mga mata, senyales na balak niyang gamitin ang water ability niya na matagal niyang itinago sa kanyang sarili.
Pansin ko rin ang mga water droplets na tila naglalaro sa palad niya nang inilapit at iniharap niya ang kaliwang kamay niya sa akin. Dahil dito ay unti-unting nawala ang pagkalunod na nararamdaman ko. Medyo nabawasan din ang sakit ng dibdib ko, kaya siguro bigla akong nakaramdam ng kakaiba nang magtama ang mga mata namin.
"But if death comes again to thee, from the depths her gifts shall be free..."
Sa katunayan ay inaasahan ko ang mga salita na iyon na marinig sa aking isipan. Pero nakakagaan ng loob na makarinig pa rin ng isang kumpirmasyon.
The Water Element is awake. Four more to go...
Ngunit ang isang bagay na nagpakunot ng aking noo, at talagang gumulo sa isip ko ay ang mga sumunod na boses na narinig ko.
"The Water Element Ability is a gift to Vivienne. I don't know who gave that to her, but it wasn't a present you'd like to receive, Travis."
"Why, Cass? What's wrong with that gift?"
"It's a cursed gift."
Ano iyon?
Hindi ko alam kung totoo ba ang mga narinig ko, o kung pinaglalaruan lang ako ng aking isipan. At kung totoo man, paano ko naman iyon narinig? Sigurado akong si kuya Travis at Cassandra iyong narinig kong nag-uusap, pero wala naman akong narinig na ganito mula sa kanila tuwing magkakasama kami. Nababaliw na ba ako?
"Alexandria?" Tila nabalik naman ako sa wisyo nang maramdaman ko ang paghawak ni Vivienne sa magkabilang balikat ko. Napakurap-kurap din ako nang maramdamang tuluyan ng nawala iyong kakaibang pasakit na naranasan ko kanina.
"Sa-salamat, Vivienne." Medyo nanghihina pa ang pakiramdam ko, pero sa tingin ko'y dapat ko siyang pasalamatan. Tumango lang naman siya, bago tumayo. Iniabot din niya ang kamay niya sa akin para tulungan ako, kaya hinawakan ko na lang ito.
"What happened?" Hindi si Vivienne iyong tipo ng tao na ipapakita palagi ang pag-aalala niya. Medyo ilag din siya sa mga tao, pero kahit ganyan ang tono ng pananalita niya, kahit kasing lamig iyan ng yelo, hindi naman naitatago sa mga mata niya ang emosyon niya. Pilitin man niyang itago ay sumisilip pa rin ito paminsan-minsan.
"Si Xe–" Sa pag-aalala ko naman dahil sa nangyari kanina ay hindi ko na natapos ang isasagot ko sana sa kanya. Inunahan na ako ng takot at kaba, kaya naman agad na akong tumakbo papunta sa kwarto ni Xenon. Ramdam ko ring sumunod si Vivienne, pero hinayaan ko na lang siya.
Mahimbing pa rin ang tulog nina Tito Jace at ng anak niya pagpasok ko sa kwarto, kaya naman napakawalan ko na ang paghingang hawak hawak ko pala. Nilapitan ko rin agad si Xenon, at kinuha ang kamay niya upang pakiramdaman ang kanyang pulso.
"Hindi ko alam pero kanina... pakiramdam ko ay may nangyari kay Xenon. Baka dahil sa bond namin. Sa tingin ko naapektuhan ako dahil wala na akong Ability." Turan ko nang alam kong nasa likod ko na si Vivienne. Hindi ko rin maiwasang suriin ang palapulsuhan ni Xenon habang sinasabi iyon. Naramdaman ko pa naman iyong pulso niya, ang kaso ay napansin kong tila ba naglalaho na ang serpentine tattoo sa kanyang balat.
Mali ba ako?
"What are you going to do?" Mahinang tanong naman ni Vivienne habang nakatingin din kay Xenon. Ibinaba ko na lang ang kamay niya, at ipinatong ito muli sa higaan, bago ako sumagot at lumingon sa kasama ko.
"Hindi ko alam... pero pwede bang huwag mo munang banggitin kahit kanino, lalong lalo na sa mga kapatid o magulang ko ang nangyari? Ayos naman na ako. Isa pa, gusto ko muna silang hayaan magluksa." Binigyan niya lang ako ng isang mahabang katahimikan, walang naging pagbabago sa reaksyon niya, pero halata ang kagustuhan niyang magtanong. Ganunpaman ay tumango na lang siya, at nauna ng tumalikod upang lumabas ng kwarto.
"If you want to act like you didn't just experience a soul-shattering pain, then start moving and go back outside. The sun will be rising soon." Iyon ang huling mga salitang binitawan niya bago siya tuluyang makalabas ng pinto. Bumuntong hininga na lang din ako, at tinapunan muli ng tingin ang payapang mukha ng natutulog na si Xenon, saka sumunod na kay Vivienne.
Hindi na kami nag-usap pa hanggang sa makalabas kami ng cabin, at makabalik sa may lawa. Dumiretso na lang din siya sa tabi ng Lolo at Lola niya, at sinalubong naman ako ni kuya Travis. Nagtatanong ang kanyang mga mata, marahil ay nagtataka kung bakit kami magkasama, kaya nginitian ko na lang siya at nilagpasan.
Naabutan kong nakasandal si Melissa sa balikat ni Cassandra, habang yakap yakap siya nito. Hindi pa rin siya umaalis sa tabi ni Raven, pero kahit papaano ay natutuwa akong andyan si Cass para sandalan niya. Sa gilid din ng aking mga mata ay pansin kong pina-upo muna nila Mommy si Mallory. Inaalo siya ni Alfred sapagkat nagsisimula nanaman siyang tumangis. Hindi ko siya masisisi lalo pa't nagbabadya na ang pagsikat ng araw.
"Melissa..." Pareho naman silang napalingon sa akin ni Cass nang tawagin ko ang atensyon nila, kaya agad ko ng iniabot ang hawak kong journal ni Raven. Napatingin naman dito si Melissa, marahil ay pamilyar sa kanya ito.
"Ibinilin 'yan sa akin ni Raven kagabi. Sabi niya ay sa'yo raw iyan." Muli nanamang namuo ang luha sa kanyang mga mata nang sabihin ko iyon. Pansin ko rin ang panginginig ng kanyang kamay habang kinukuha ang journal, kaya agad hindi ko maiwasang mag-alala lalo.
"Hindi naman akin 'to, e. Sinungaling talaga siya!" Kunwari ay naiirita niyang tugon, kahit na may tumulo ng luha mula sa kanyang mga mata.
Nagpalitan din kami ng tingin ni Cass nang agad na niyakap ni Melissa ang journal. Hindi maipagkakaila ang lungkot at awa sa mga mata namin.
"Melissa, do you want to sit down for a while?" Mahinahong tanong ni Cass habang tinatapik ng dahan-dahan ang likod nito. Umiling-iling naman agad si Melissa, at pinahid na lang ang mga luha niya gamit ang likuran ng palad niya.
"Sorry ha, hindi ko mapigilan umiyak. Pero ayos lang ako, medyo punong-puno lang yung puso ko kaya nilalabas ko na lang sa mata ko yung sobra sobrang emosyon." Pilit niya rin kaming binibigyan ng ngiti kaya tumango na lang kami ni Cassandra, at hindi na nagkomento pa. Pinokus na rin niya ang atensyon niya sa journal na hawak niya na ngayon, at hindi maiwasang mas lalong magsunod-sunod ang luhang lumabas sa kanyang mga mata nang makita kung ano ang laman nito.
Mga letters na mula kay Raven.
Kapansin-pansin na medyo luma na ang mga naunang pahina, nagpapahiwatig na ang ilan sa mga ito ay isinulat ilang taon na ang nakakaraan. Sa tingin ko'y mga espesyal na araw sa buhay nilang dalawa ang nakalagay na petsa. Mga sulat na inipon simula noon, hanggang ngayon.
Kaya naman pala gano'n na lang kakapal ang journal ni Raven. Koleksyon pala ito ng mga liham para sa kanyang kapatid.
"Tingnan mo 'yan, ang panget panget naman ng sulat niya, e. Ang sakit sa mata." Komento ni Melissa habang tinititigan ang isa sa mga pahina. Nagpakawala rin siya ng isang mahina at pilit na tawa, kahit na ang lakas na ng iyak niya, kung kaya't niyakap na lang namin siya ni Cassandra.
Minsan kapag sobrang sakit na ng isang bagay, sinusubukan na lang talaga nating idaan sa biro at tawa ito, umaasang mababawasan kahit papano ang bigat nito.
"Alfred, hindi ko pa kaya." Mula sa di kalayuan ay pare-pareho naman naming narinig ang paglakas lalo ng iyak ni Mallory. Agad tuloy na lumipat ang tingin ko sa kalangitan, at sa labi ni Raven. Nagsisimula ng sumikat ang araw... ibig sabihin ay oras na...
Unti-unti na ring lumapit sa amin sila Kuya na kanina ay tahimik lang na nakatayo sa gilid, pati na rin sila Shawn, Axel, Aunt Celestia at ang Lolo't Lola nj Vivienne. Si Mommy at Daddy naman ay nanatili pa rin sa tabi nila Mr. at Mrs. Pierce, pilit na pinapalakas ang loob nito.
Humiwalay na rin kami ng yakap kay Melissa upang hayaan siyang lumapit sa tabi ng bangkay ni Raven. Sa laking gulat ko ay sinundan siya ni Kuya Yohan. Wala siyang sinambit na kahit ano. Ipinatong niya lang ang kanang kamay niya sa kaliwang braso ni Melissa, at sapat na iyon upang lingunin siya nito. Agad din siyang ikinulong ni kuya Yohan sa isang mahigpit na yakap, na mas lalong nagpa-igting ng kanyang pagtangis.
"Heddwch veniet ichwi... A heddwch vos autem derbyn." May narinig akong ibinulong ni Cassandra sa hangin habang nakapokus ang atensyon niya kay Raven, pero hindi ko na ito masyadong napagtuunan ng pansin dahil mas nangibabaw sa akin ang malalim na kalungkutan na bumalot sa bawat isa.
Magang-maga na rin ang mga mata nila Melissa, lalong-lalo na ng kanyang mga magulang. Maging si Mommy ay napansin kong hindi na mapigilan ang luha habang hawak hawak niya ang kamay ni Mallory, inaalalayan itong maglakad papalapit sa kinaroonan ni Raven. Naka-alalay din si Daddy kay Alfred, hindi na kasi maipagkakaila na nanghihina na rin ito habang pinagmamasdan ang pagtangis ng kanyang mag-ina sa nawala niyang bunso.
Pakiramdam ko– pakiramdam naming lahat ay ang mga sumunod na minuto na ang pinakamalungkot na pagsikat ng araw na nasaksihan namin. Mula sa kakaibang katahimikan ng paligid, ni ibon ay hindi mo maririnig na humuni, hanggang sa pagtangis nina Mallory habang yakap yakap ang labi ni Raven. Tila nabalot ng pighati ang buong lugar, maging ang araw ay nagluluksa, sapagkat ni hindi mo makikita rito ang madalas na nakakaganang kulay ng paparating na umaga, bagkus ay dala pa nito ang kadiliman na nagmula sa gabing lumipas.
Tuluyan na rin akong napayakap muli kay Cassandra nang unti-unti ng binuhat nila Kuya Jarvis ang ginawa nilang flower bed ni Raven, at dahan-dahan na itong ipapaanod sa lawa. Dito ay aantayin nilang tangayin siya ng payapang tubig, hanggang sa kapag may sapat ng distansya ay saka sisimulan ang pagpana nang umaapoy na palaso sa kanyang himlayan.
Nakakamanhid. Nakakabingi. Parang kahit anong tunog at iyak ay hindi rumerehistro ngayon sa utak ko, kahit na nakikita kong napaluhod na si Melissa habang hawak hawak siya ni Kuya Yohan, pilit na inaabot ang papalayo niyang kapatid. Tila anumang oras din ay mawawalan na ng malay si Mallory dahil sa pagtangis niya, maging si Alfred ay hindi na mapigilan ang paghagulhol ng malakas.
Nakakadurog ng puso ang nasasaksihan naming lahat.
"Sabi ko na nga ba mamimiss mo ako, Peppermint."
Hinayaan ko na lang ding tumulo ng tuloy tuloy ang luha ko nang nagsisimula ko nanamang marinig ang boses ni Raven sa isipan ko.
Mamimiss talaga kita, Raven. Ilang oras pa lang ang nakakalipas, pero hinihiling ko na agad na sana ay andito ka pa rin...
"No can do, dearest child, I need to bring him to Dea Dabria now."
Bigla naman akong kinilabutan nang marinig at makita ko sa aking isipan ang Powerful Being. Nagawa pa niyang umismid, at alam ko– alam kong hindi iyon gawa gawa lamang ng isipan ko lalo pa't isang malaking pruweba ang sunod na nangyari.
Hindi pa nakakalayo ang flower bed na hinihimlayan ni Raven, at wala pang kahit sino na nagpadala ng umaapoy na palaso rito ay pare-pareho na kaming natigilan at napasinghap nang nabalot ng kakaibang liwanag ang katawan niya. Tila umaabot ang liwanag na ito sa kalangitan, mas nakakabighani rin ito kumpara sa araw na papasikat na, at alam kong may pwedeng makakita no'n. Sa bawat segundong lumilipas ay mas lalong nagiging malakas ang liwanag na nanggagaling sa kanya, hanggang sa lahat kami ay nasisilaw na, kaya napaiwas na kami ng tingin.
Sa tingin ko'y mahigit isang minuto rin ang lumipas bago tuluyang humupa ang liwanag na iyon. Napatakip na lang din kami sa aming bibig nang pagtingin namin sa flower bed ay wala na roon si Raven. Nawala siya kasabay ng kakaibang liwanag na iyon, at ang tanging naiwan na lamang ay ang iba't ibang kulay ng begonia.
Napalitan din ang lahat ng bulaklak na inilagay namin doon, kahit saan ka tumingin ay talagang ang bulaklak na begonia lang ang makikita mo.
Begonia
Ang kaparehong bulaklak na nakita kong nakapalibot at nagsisilbing disenyo sa kasuotan ng Powerful Being. Ang parehong bulaklak na madalas kong makita noon sa hardin ni Mama Rianne...
Iyon din ang bulaklak na nakita ko noon sa back garden ng dorm namin. Ang bulaklak na ayon kay Vivienne ay nagpapahiwatig ng babala.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng kakaibang pait sa dibdib sa realisasyon na kahit saan at kahit kailan ay nariyan lang pala siya sa paligid. Subalit wala siyang ginawa kahit isa para matapos na ang kaguluhang ito.
"Alexandria, what's that?" Pansamantala namang naalis ang aking atensyon sa namumuong galit sa loob ko nang marinig ko ang pagtataka sa boses ni Cass. Parehas kaming nabaling ang atensyon sa kanina ay pinaghihimlayan ni Raven.
Wala na ang nakakasilaw na liwanag dito dahil puros bulaklak na lang iyon, pero may naiwang kakaibang energy ball sa may gitna. Unti-unti rin itong tinatangay ng hangin papunta sa kinatatayuan ni Melissa hanggang sa tuluyan itong tumigil sa harapan niya.
Isa-isa niya naman kaming nilingon, bakas ang pagtataka sa kanyang mukha kaya binigyan na lang namin siya ng tango at maliit na ngiti. Pansin ko rin na mas humigpit ang kapit niya sa braso ni kuya Yohan habang ibinibukas niya ang palad niya para tanggapin ang energy ball.
Sa ilang sandaling iyon ay pakiramdam ko pigil na pigil naming lahat ang aming paghinga. Animo'y bumagal din ang oras at parang nag-slow motion ang pagdaong ng energy ball sa palad ni Melissa, pati na rin ang unti-unti nitong pagliwanag hanggang sa magkaroon ng hugis at maging isang bagay ito.
Ang bagay na iyon... Nakikilala ko iyon. Nakikilala naming lahat ang golden bow and arrow ni Raven, ang kaisa-isang weapon na palagi niyang ginagamit. Ang parehong weapon na ginamit niya noon upang protektahan ako sa nanloob sa Academy.
Parang isang kulungan na tuluyang nasira ang mga pagtangis ni Mallory. Sapagkat nang makita niya ang weapon na iyon ay tuluyan na siyang bumigay, at nawalan na ng malay sa kakaiyak. Mabuti na lang ay naalalayan siya agad nila Mommy, at mabilis din na lumapit si Kuya Hendrix upang tingnan ang lagay nito. Tila naestatwa naman si Melissa habang nakatingin sa hawak niyang pana bago napagdesisyunang yakapin ito.
Hindi na rin kami nagdalawang isip na lapitan si Melissa nang makaalis na sila Mommy, Daddy at Alfred. Dinala na kasi muna nila si Mallory sa loob upang makapag pahinga siguro ito. Pansin ko namang sumunod na muna sina Aunt Celestia habang umalis din muna sila Shawn at Axel para iwanan kami.
Tanging katahimikan ang namayani sa aming walo, walang ibang maririnig kung hindi ang paghinga at tibok ng aming mga puso. Hindi iniiwan ni kuya Yohan ang tabi ni Melissa, na ngayon ay walang imik na nakatanaw sa lawa. Nasa likuran niya naman kami ni Cassandra, at nasa aking kaliwa si kuya Hendrix na katabi rin si kuya Jarvis. Nasa kanan naman ni Cass si kuya Travis at Vivienne, at halos makagawa na kami ng maliit na pabilog sa kinatatayuan nila kuya Yohan.
"Hey..." Alam ko at kitang-kita ko ang mahinang pagkuha ng atensyon ni kuya Yohan kay Melissa, pero sa parehong oras na iyon ay tila ibang boses ang mas nangibabaw sa aking isipan.
"At last, see the end of the fight with the help of his binding Light..."
Napapikit ako sandali para lang masigurong sariling boses ko nga ang narinig ko. Para kasi akong dinaluyan ng kakaibang lamig sa katawan dahil doon.
"Alexandria, sa tingin ko mas dapat ko 'tong ibalik sa'yo." Di naman nagtagal ang pakiramdam na iyon dahil muli akong nahatak sa pag-iisip ko nang marinig ko ang malumbay na boses ni Melissa. Nang idilat ko ang mga mata ko'y nasa harapan ko na siya, at iniaabot niya ang pana ni Raven.
"Pero Melissa, sa kapatid mo 'yan." Inilingan naman niya ako, at kahit kitang-kita ang lungkot sa kanyang mga mata ay bakas na bakas pa rin naman ang sinseridad sa maliit na ngiting ibinigay niya– isang bagay na tumunaw sa aking puso.
"Pansamantala lang. Ibinigay mo kasi yan dati para maprotektahan niya yung sarili niya, pero ngayon feeling ko mas gugustuhin ni Raven na ibalik ko ito sa'yo. Isa pa, hindi ko rin naman magagamit ang ability ng weapon na 'yan." Medyo naguluhan ako sa huling parte ng sinabi niya, pero hindi ko na nagawang makapagtanong dahil inabot na niya ang kamay ko, at inilagay dito ang weapon.
Napasinghap naman ako agad nang magtama ang weapon at ang balat ko, at hindi ko rin maiwasang mapa-atras dahil pakiramdam ko ay bigla akong tinamaan ng isang kakaibang energy ball. Nakakabigla, masakit at tila nakakalunod. Pareho ng naramdaman ko kanina, ngunit ngayon ay tila tumriple pa ang pakiramdam na iyon.
"AAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAH!" Sa sobrang lakas ng pakiramdam na ito ay hindi ko na maiwasang mapasigaw ng malakas. Mula rin sa gilid ng mga mata ko ay kitang-kita kong gusto sana akong hawakan nila Kuya, pero hindi na nila nagawa nang maramdaman at makita ko ang kakaibang kapangyarihan na bumalot sa akin.
Hindi ko maipaliwanag pero naramdaman ko rin ang tila pag-iiba ng kulay ng mga mata ko, at ang bawat pangyayari ay parang nanunuot lalo sa bawat parte ng katawan ko. Sa tingin ko'y hindi rin maganda ang nasasaksihan nilang pito ngayon... Sapagkat sa kanilang mga mukha ay kitang-kita ko ang gulat...
At lalong-lalo na ang takot.
Isa iyon sa huling nakita ko, bago nalipat sa kalangitan ang aking tingin at nakita rito ang kakaibang pagdilim ng buong mundo. Pakiramdam ko'y lumantad sa aking mga mata ang isang babala na masisira ang lahat...
At aaminin kong maging ako ay natakot... sa aking sarili.
Tuluyan na rin akong nawalan ng malay pagkatapos ng nangyari, pero rumehistro pa sa isipan ko ang isang boses at tawa na tuluyang sumira sa isipan ko.
"Thank you for waking up, iha. I can now unleash the darkness all of us will enjoy."
Gabriel... Hindi maaari!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top