XLVII - Gift Of Hope
Ang mawala ang isang bagay na mahalaga sa'yo ay lubos na nakakadismaya... Ngunit ang mawala ang isang taong mahal na mahal mo– paano ba maipapaliwanag ang pakiramdam na iyon? Tila ba hindi kayang isalin sa salita ang pakiramdam na iyon.
Kahit anong terminolohiya ang gamitin ko, hindi iyon sasapat upang mailarawan ang nangyari.
Pwede ko bang gamitin ang salitang magnanakaw upang ilarawan ang kamatayan? Paano ay kayang kaya nitong kuhain at ubusin ang kahit anong kasiyahang nararamdaman ng isang tao. Maaari rin siguro itong matawag na sandata, sapagkat ang sugat na kayang idulot nito ay nag-iiwan ng lalim na tila walang kalutasan.
Marahil ay mas angkop kung tatawagin itong bangungot– isang bagay na hindi mo ninais o hiniling, at bagay na gusto mong takasan...
...katulad ng ginawa ko.
Hindi ko alam kung ilang oras na akong nakahiga at nakabaluktot rito sa forest clearing, kung saan ko nakita at nakausap ang Powerful Being. Alam kong hindi ko na siya makikita at maaabutan dito, ngunit mayroong malaking parte sa loob ko na umasa pa rin na sana ay andito siya. Dahil kailangan ko siya... kailangan ko siya upang maintindihan ang nangyari. Kailangan kong malaman kung bakit pati si Melissa ay kailangang masaktan ng sobra sa pagkawala ng kapatid niya.
Lahat na lang sila kinukuha niya.
Naubos ko na lahat ng luha ko kakaiyak kanina, maging ang boses ko'y gamit na gamit na kakasigaw ng hinanakit ko. Pero wala pa rin akong napala na kahit ano. Sa halip ay para lamang akong sundalong nabahag ang buntot, pinili na lang magtago at umatras sa gyera– walang lakas upang harapin ang sakit na nangyari.
"Hindi ka karapat-dapat sa pagkakaibigan na binigay sayo ni Raven, Alexandria." Kanina ko pa ito paulit-ulit na sinasabi sa sarili ko, umaasa na matatauhan ako at babalik na sa cabin, pero hindi ko pa rin magawa.
Hindi pa rin ako makakuha ng lakas upang harapin silang muli, lalong lalo na si Melissa.
Nang tuluyang sumapit ang gabi, at bumagsak na ang katawan ni Raven, imbes na tumakbo upang damayan si Melissa ay mas pinili kong humakbang paatras. Sa bawat hagulhol na inilabas niya ay siyang hakbang na ginagawa ko rin palayo roon.
Pakiramdam ko pa ay nabingi ako sa pag-ikot ng mundo, at sa buong oras na iyon ay lumabo ang paligid at ang kilos ng bawat isa. Animo'y naging mahihinang bulong ang boses ng ibang tao, na ni hindi ko na napansin kung ano ang naging reaksyon nilang lahat, sapagkat tanging ang pagtangis ni Melissa ang rumerehistro sa isipan ko.
"Nakita ko na ito dati... Nangyari na ito... Alam ko na ang mangyayari..." Iyon ang mga salitang nasabi ko sa sarili ko nang mga oras na iyon. Mga sentimentong hindi ko alam kung saan nanggaling.
Alam ko na hindi iyon pwedeng gawing rason sa inasta ko. Kailanman ay hindi iyon magiging katanggap tanggap kay Melissa. Noong mga panahong pakiramdam ko ay mag-isa ako, hindi ako iniwan nina Raven. Pero ngayon... kung kailan ako naman ang kailangan ni Melissa, anong ginawa ko? Tumakbo ako palayo at paalis ng cabin. Habang ang lahat ay sinusubukang aluin ang pamilyang Pierce, pagtakas naman ang naging hakbang ko.
Anong klaseng kaibigan ako?
"Walang kang kwentang kaibigan!" Kasabay ng pagsigaw ko nito sa sarili ko ay ang siyang sunod-sunod na pagtulo ng luha ko. Sinundan din ito ng paglapat ng palad ko sa aking pisngi.
"Wala kang kwenta, Alexandria." Paulit-ulit kong sinasampal ang aking sarili upang matauhan ako, pero pakiramdam ko ay lalo lamang akong namanhid.
"Stop it." Para naman akong naibalik sa reyalidad nang naramdaman kong may humawak sa palapulsuhan ko, at pinigilan ang pananakit ko sa aking sarili. Hindi pa agad na rumehistro sa isipan ko ang boses ng nagsalita dahil nasa malayo ang diwa ko, kaya naman binalingan ko na lang ng tingin ang taong andito ngayon.
Kuya Hendrix.
Kalmado ang kanyang mukha, pero kitang-kita ko ang pag-aalala sa kanyang mga mata. Nang nakita niya ring nasa kanya na ang atensyon ko ay unti-unti na niyang binatawan ang kamay ko, at tinulungan na akong maka-upo. Lumuhod din siya sa harapan ko para siguro magkasing lebel kami.
"Stop hurting yourself, Sunshine." Apat na salita lang... Apat na salita lang pero may kung anong tinamaan iyon sa loob ko, dahil sunod ko na lang na nakita ang sarili kong nakayakap ng mahigpit kay kuya Hendrix, inilalabas lahat ng luha na akala ko'y naubos ko na.
"S-si M-melissa... K-kuya, p-paano na s-si Me-melissa... A-ayaw– H-hindi–"
Gusto kong sabihin ang nararamdaman ko, ang naiisip ko, pero hindi ko magawa dahil pinapangunahan ako ng aking pag-iyak. Naramdaman ko namang mas hinigpitan ni kuya Hendrix ang pagyakap niya sa akin, at hinahaplos niya ang likod ko upang pakalmahin ako.
"Ssshh, it's okay. Just let it out." Aniya na mas lalong nagpahagulhol sa akin.
Hindi ako makahinga dahil sa mga bagay na pumapasok sa isipan ko, mga takot na namumuo sa puso ko, at paghihina na tila yumakayakap sa buong pagkatao ko. Siguro, kung wala rito ngayon si Kuya Hendrix, hindi ko na alam kung anong nagawa ko sa sarili ko.
"H-hindi k-ko ma... ma-ipaliwanag, k-kuya." Kasabay ng pagsambit ko sa mga salitang ito ay ang siya namang pagpasok ng ilang alaala sa isipan ko. Mga memoryang mas lalong nagpa-igting ng kakaibang emosyong bumabalot sa bawat parte ng kaluluwa ko.
"If I didn't befriend you, I would still have my parents and my brother!"
"Kung hindi mo sana pinatakas si Dana, sana nasa kulungan na siya ngayon! Sana walang gulo, at sana buhay pa ang pamilya ko! At sana walang namatay ngayon! All of these people– their deaths are in your hand!"
"It's your fault, Alexandria! It's you who killed them!"
"You're nothing but a destruction in this world!"
Iyong pagkamatay nila baby Anthony...
Iyong sakit na dinanas ni Arianne...
"Leave, Alexandria. Don't ever come back."
"I never want to talk to you again."
Iyong kataksilang naramdaman ni Cassandra noong nalaman niya ang pagtulong ko kay Dana...
Pati na rin iyong mga panahong halos mawalan na ng pag-asa si Kuya Jarvis kakahanap kay Arianne...
Yung mga araw na hindi maipinta ang mukha ni kuya Travis sa sobrang pag-aalala kay Cass...
"Don't even think of having friends again when all you can do is hurt them."
"No, Alexandria. It's not just because of one simple mistake. All of these? Everything that's happening? They're all your fault!"
"From the beginning of time until now, everything's in disarray because of you!"
"Everything went wrong when you existed, Alexandria!"
Tama si kuya Yohan noon sa mga sinabi niya... Wala akong naidudulot na maganda sa buhay ng mga taong mahal ko.
Una si Arianne, tapos si Cassandra... Ngayon, pati si Melissa...
"Please, Alexandria, I beg you. Save my son's life."
"Save me, Alexandria."
Humihingi sila ng tulong sa akin. Humingi ng tulong sina Mallory at Raven. Sinabi ko na hindi ko hahayaang may mangyari kay Raven... pero ano ang nangyari ngayon...
Hindi ko nanaman nagawa ang dapat.
Paulit-ulit ang mga ito sa aking isipan. Animo'y mga bubuyog na nag-uunahang bumulong sa akin. Hindi sila nangangagat, pero kakaiba naman ang sakit na idinudulot nila.
Natatakot ako.
Natatakot akong harapin ang mga Pierce. Anong mukha pa ang ihaharap ko sa kanila? Kung ang tanging bagay na hiniling nila sa akin ay hindi ko naman nagawa.
"W-wala na... W-wala na si R-raven. H-hindi k-ko siya na- h-hindi ko s-siya n-natulungan, K-kuya."
Kung pwede lang isuko ko na lang ang buong pagkatao ko, o maski ang buhay ko, maayos lang ang lahat... Maibalik lang sa normal ang lahat, gagawin ko. Hindi ko na alam kung hanggang saan pa ba dapat umabot ang mga paghihirap na ito?
Sino naman sa susunod? Isa sa mga kapatid ko?
Hindi ko na kaya. Pakiramdam ko, bawat hangin na hinihinga ko ay nababalot ng takot at pighati. Anong gagawin ko...
"A-anong g-gagawin ko, k-kuya?"
Dahan-dahan namang humiwalay si kuya Hendrix sa pagkakayakap sa akin. Nang tuluyan niya akong maharap ay binigyan niya rin ako ng isang maliit na ngiti, tapos ay pinunasan niya ang mga luhang tumakas sa mata ko gamit ang kamay niya.
"Nothing, Sunshine. Just allow yourself to grieve. You can feel any emotion you want to feel, I can't stop that... And I won't. I will not tell you what it is that you need to do, because no one should."
Isa-isa rin niyang tinanggal ang mga kumapit na tuyong dahon sa buhok ko, tapos ay umupo sa aking tabi. Nagpakawala rin siya ng isang buntong-hininga bago dahan-dahang ipinatong ang ulo ko sa kanyang balikat.
Sunod ko na lang ding naramdaman ang pagtapik niya sa aking likod, bago minutahi ang mga salitang naging rason kung bakit ako mas naging emosyonal.
"I know you're scared of something... but it's not my place to point out that fear. So just allow yourself to cry, let yourself feel until you're ready to face the world again. Until then, I'll just be here to be your safe space... Let it all out, Sunshine."
Tanging tango na lang ang naisagot ko sa kanya. Sapagkat tuluyan nang natabunan ng pag-iyak ang mga salitang gusto ko sanang sabihin.
- - -
Hindi ko alam kung gaano katagal kaming nawala ni kuya Hendrix. Sa tingin ko ay ilang oras din kami– ako– Ilang oras din akong nagtago roon sa forest clearing... Kung pwede ko lang sanang takasan ang araw na ito ay gagawin ko, pero hindi. Dahil alam kong tama ang kapatid ko.
May takot akong kailangan harapin at reyalidad na kailangan balikan. Hindi ko pwedeng takasan ang isang bagay dahil lang sa hindi ko ito matanggap, o natatakot ako rito. Kasi kahit anong gawin ko namang pagtakbo, paniguradong mahahanap at maabutan pa rin ako nito.
Isa pa... Hindi ko maaaring bastusin ng ganito ang alaala ni Raven. Kailangan matapos na ang lahat ng ito.
"Alexandria..." Si Cassandra ang sumalubong sa amin ni kuya Hendrix. Matiyaga at tahimik lang siyang nakatayo sa may porch, animo'y kanina pa niya kami inaantay at alam na alam niya na pabalik na kami.
Umaayos na siguro muli ang kaniyang vision. Sana nga ay gano'n. Mabuti kung gano'n.
Tipid na ngiti naman ang isinukli ko sa kanya na sinalamin niya rin. Pinasadahan niya rin ako ng tingin mula ulo hanggang paa, tila ba sinusuri ang madumi kong kasuotan. Bakas ang pagtataka sa kanyang mga mata, at alam kong gustong-gusto niyang magtanong, kaya nagpapa-salamat akong mas pinili na lang niyang hindi magkomento.
"Let's get you cleaned up." Para bang wala akong lakas na tumutol o sumagot man lang, kaya hinayaan ko na lang din siyang hilahin ako papasok ng cabin, at diretso sa kwartong tinutuluyan ko. Napansin ko ring sinenyasan niya si kuya Hendrix, dahil bago kami tuluyang makapasok sa kwarto ay napansin ko pa ang pag-iba ni Kuya ng direksyon. Wala rin akong ibang nakasalubong sa cabin, at sobrang tahimik pa kaya napabuntong hininga na lang ako.
Sa tingin ko'y may ideya ako sa kung ano man ang nangyayari ngayon.
Pagkapasok ng kwarto ay tinulak ako ni Cass papasok ng bathroom, na sinunod ko lang. Hindi siya nagsalita buong oras, kaya nanahimik na lang din ako.
"Tita Scarlett left this for you..." Pagkalabas na pagkalabas ko naman ng banyo ay agad na nakumpirma ang hinala ko nang abutan ako ni Cass ng isang black lace dress, hanggang tuhod ang haba nito. Napansin ko ring nagpalit na ng damit si Cassandra, at ngayo'y naka-itim na rin siyang off-shoulder jumpsuit.
"The... Pierce family, or my aunt, uncle and cousin, I guess, they uh... They want to uh... let Raven go before the sun rises..." May pag-iingat sa boses niya, marahil ay iniisip kung paano ba niya dapat ito sasabihin sa akin. Pilit din niyang itinatago, pero lumilitaw sa kanyang mga mata ang lungkot na nararamdaman niya sa pagkawala ni Raven. Kaya naman hindi na ako nagdalawang isip na yakapin siya agad, na sinuklian niya rin ng mas mahigpit na yakap.
"I don't know how to act, Alexandria. I literally pushed them away a lot of times. I acted mean towards them when I found out about Dana, even though all they did was protect me. And now, Raven's gone... I didn't even get to thank him." Ramdam na ramdam ko ang lubos na panghihinayang at pagsisisi sa boses ni Cass. Alam ko ito, dahil malaki rin ang parte sa akin na ganoon din ang nararamdaman.
"Alam kong alam niya na nagpapa-salamat ka sa kanya, Cass." Alam ko iyon, dahil ilang beses ng nabanggit sa akin ni Raven noon ang isang bagay na hinihiling niya– ang mapalapit kay Cassandra.
Mahal ni Raven ang kaisa-isang pinsan niya... At palagi niyang sinasabi na alam niyang isang araw, magiging magkalapit rin silang tatlo nina Melissa at Cass. Malaki ang tiwala niya na kapag umayos na ang lagay ni Cassandra ay magiging kumportable rin siya sa kanilang magkapatid. Ni minsan, kahit isang beses, ay hindi ko siya narinig na magsalita ng kahit anong pagdadamdam dito. Kaya alam ko na alam ni Raven ang mga gusto niyang sabihin, kahit na hindi niya nagawa.
"How do you know?" Humiwalay naman ako sa pagkakayakap mula sa kanya, at pinahid ko ang tumulong luha sa mga mata niya. Binigyan ko rin siya ng isang sinserong ngiti, bago ako sumagot.
"Kasi gano'n si Raven." Hindi lang siya puro pang-aasar at pagyayabang. Madami siyang pagmamahal sa loob niya.
Tumango naman si Cass at humugot ng isang malalim na bunting-hininga, bago pinunas ang ilan pang mga luhang tumulo mula sa kanyang mga mata. Tumingin din siya sandali sa itaas para siguro patigilin ang sarili niya sa pagtangis, kaya naman kinuha ko na lang ang ibinibigay niyang damit at pumasok muli sa banyo para makapag-isa muna siya kahit ilang saglit lang.
Sa totoo lang, pakiramdam ko, mas para sa akin ang ginawa ko. Kailangan ko lang huminga ulit ng kaonting minuto para huwag kong maisipan umatras at para mas lumakas pa ang loob ko sa dapat kong gawin. Alam ko kanina na kaya ko na, pero ang marinig pala sa ibang tao ang pangalan ni Raven ay mas lalong nakaka-duwag.
Kung sa harapan pa lang ni Cassandra ay nanghihina na ang tuhod ko, paano pa sa mismong harap nina Melissa at ng mga magulang niya?
Hays.
Agad na lang akong nagbihis, at inayos ang aking sarili. Hindi naman ako agad lumabas at nanatili lang akong nakatayo sa harapan ng salamin, nakatingin sa sarili kong repleksyon.
"Raven... Pahiram naman ako ng tiwala sa sarili, kahit saglit lang." Hindi ko maiwasang mapapikit na lang at mapasandal sa may pader. Umaasang makakaipon ako bigla ng lakas ng loob sa ginagawa kong ito.
"Kadiri ka naman Peppermint, pati ba naman sa banyo gusto mo akong tawagin?" Napasinghap naman ako at agad na napadilat nang marinig ko ang isang pamilyar na boses.
"Raven?" Inilibot ko agad ang paningin ko, umaasang makikita ko nga siya.
"Raven! H'wag mo akong biruin ng ganyan!" Alam kong napapasigaw na ako sa kawalan, lalo pa at kahit ilang beses kong tingnan ang paligid ay wala namang ibang tao rito. Ngunit kahit ganoon ay ang lakas ng hiling at dasal ko na sana... sana ay nagpakita na nga lang siya.
"Bakit naman kita bibiruin, Peppermint? Special ka ba?" Agad akong napatakip sa aking bibig nang muli kong marinig ang pagsagot niya. Alam ko na totoo ang narinig ko, alam kong hindi ako nagkakamali! Alam ko na hindi ko guni-guni iyon!
"RAVEN!" Wala na akong pakialam kung may ibang makarinig sa akin. Anong malay natin at baka may himala at baka bumalik nga siya? Diba? Hindi naman ito imposible, diba?
"Alexandria? What's happening?" Narinig ko namang kumatok bigla si Cass, marahil ay nag-aalala sa naririnig mula sa akin. Pero hindi ko siya nagawang sagutin dahil abala akong suriin ang paligid.
"Alexandria, are you okay? Just hold on! I'll just get the keys!"
"Raven!" Nagmamaka-awa ako, magpakita ka na lang sa akin. Parang-awa mo na...
"Ano ba, Peppermint? Huwag kang sumigaw, nakakahiya ka naman." Napa-iling naman ako at napatakip na lang sa aking tainga nang marinig kong muli siyang sumagot. Hindi ko rin maiwasang mapa-atras, dahilan para mapa-upo na lang ako sa sahig at muling mapatingin sa salamin.
At sa laking gulat ko ay hindi ang sarili ko ang nakita ko, kung hindi ang isang alaala na pamilyar sa akin. Isang alaala na sa tingin ko ay nagpaparamdam sa akin, upang hindi ko makalimutan ang isang importanteng bagay.
"Raven!" Inis akong napasigaw nang sinubukan kong buksan ang pinto, pero hindi ko magawa dahil may pumipigil nito mula sa labas. Alam ko namang siya lang ang gagawa nito.
Paano kasi ay huminto kami sa may terminal papuntang Girdwood para kumuha ng permit, at para mag-banyo. Gusto rin ni Raven na mamasyal pa raw kami sa paligid dahil may gusto siyang puntahan, pero tumutol ako dahil kailangan naming hanapin si Arianne. Kaya hindi na ako nagtataka na pinagti-tripan nanaman niya ako.
"Kadiri ka naman Peppermint, pati ba naman sa banyo gusto mo akong tawagin?" Umirap na lang ako, kahit alam kong di naman niya makikita.
"Raven kasi! Wag mo na akong biruin, sayang ng oras natin kaya." Sabi ko na nga ba mali na sasama pa siya ng Girdwood, e.
Tumawa naman siya, bago sumagot. "Bakit naman kita bibiruin, Peppermint? Special ka ba?"
Napapadyak naman na ako sa inis at napapalo sa pintuan, bago muling sumigaw. "Raven, ano ba!"
"Ano ba, Peppermint? Huwag kang sumigaw, nakakahiya ka naman." Parang hindi naman siya nahihiya, lalo pa't halatang mas lalo siyang natatawa.
"Alam mong sanay akong pagtinginan ng mga babae, pero hindi naman sa ganitong paraan. Kaya sige, bubuksan ko na yung pinto pero magbilang ka muna ng hanggang sampu bago ka lumabas ha? Tatakbo muna ako palayo." Napa-iling na lang ako sa kalokohan niya, at kunwari ay pumayag na lamang.
Pero alam kong alam niya na hindi mangyayari iyon, kaya naman pagkabukas niya ng pinto ay lumabas na ako agad. Tawang-tawa naman siyang tumatakbo palayo, kaya napayuko na lang ako sa hiya. Nakuha na ata namin ang atensyon ng mga tao rito.
Raven talaga, naku!
"I'm sorry, Raven. I'm sorry." Hindi ko nanaman mapigilang mapahagulhol, mga kamay ko ay nakatakip sa aking tainga at naipatong ko na rin ang ulo ko sa aking tuhod. Tila sunod-sunod pa ang ilang mga memorya na nanunumbalik sa isipan ko, at mas lalo itong nagdadala ng kakaibang bigat sa dibdib ko.
"Live. Live for me."
"Raven, you can't die. You will live, and you will be my keeper. In dark times you shall protect me and in my bright days you will be my guide. When the time comes for the world to fall upon us, and all lives become endangered... come back to me. Come back to me, and give me back the power of protection."
"Kasalanan ko, Raven. Patawarin mo ako." Kung hindi ko ginawa iyon noong mga bata pa tayo, hindi ka sana magkakaroon ng bond sa akin. Ibang-iba siguro ang buhay mo. Hindi mo siguro ako nakilala... Buhay ka pa sana ngayon.
"Alexandria! What happened to you?" Alam kong narinig ko ang malakas na pagbukas ng pintuan nitong banyo, at ang mga yapak ni Cass. Maging ang pagsigaw niya, at paghawak sa magkabilang braso ko ay naramdaman ko, pero para sa isipan ko ay isa lang itong ingay na nagmumula sa ilalim ng tubig at unti-unting lumalayo sa akin.
Kailangan ko ng gawin ang dapat kong gawin, dahil hindi ko na kaya ito.
"Dalhin mo ako kay Melissa, please." Alam kong naguguluhan si Cassandra sa inaasta ako, at gano'n din ako. Sa totoo lang ay hindi ko na alam ang nangyayari sa akin, sapagkat sa mismong oras na ito ay tila naka-blur ang buong paligid ko at naka-pokus lang ang utak ko sa isang bagay.
Wala na rin akong ideya kung paano ako inalalayan ni Cass palabas ng banyo, at papunta sa kung saan. Ang tanging alam ko lang ay hinang-hina ang tuhod ko, bumibigat na ang paghinga ko at mas sumasakit ang dibdib ko.
Para akong nakalutang. Ramdam ko na dumami bigla ang mga matang nakatingin sa akin. May mga narinig din akong boses, at may naramdaman na presensya na lumapit sa akin, pero tanging sa isang bagay lang talaga nakatuon ang pansin ko. O mas marahil sigurong sabihin na sa isang pamilya lang.
Mukha silang napupunding kandila sa dilim na nakabalot sa akin. At alam kong kasalanan ko iyon.
Naririnig ko ang mga pagtataka at pag-aalala sa boses ng pamilya ko, pero para bang hindi ito rumerehistro sa isipan ko. Pakiramdam ko rin ay natataranta na sila dahil sa hindi maipaliwanag na ikinikilos ko, subalit ngayon ay mas mahalaga sa akin ang magiging reaksyon nila Melissa. Kaya naman nang magtama ang mga mata namin, pagkalapit na pagkalapit ko, ay walang pagdadalawang isip na akong lumuhod sa harapan nila ng mga magulang niya.
Malaki ang parte sa akin na gustong-gusto na lumayo na lang, at huwag magpakita sa kanila. Ngunit alam kong kailangan kong harapin ang magiging galit nila. Alam kong kailangan kong tanggapin ang hinagpis nila. Iyon ang rason kung bakit kahit na ubos na ubos na ang lakas ng loob ko ay pinilit ko pa ring iangat ang mga tingin ko sa kanila.
Nanatili lang na tahimik sina Mallory at Alfred. Napakunot naman ang noo ni Melissa. Hindi ko na rin marinig ang ingay kanina sa paligid, o siguro ay tuluyan na lang din akong nabingi. Ganunpaman, nagpapa-salamat na lang akong walang makakagulo sa isipan ko, at matatanggap o maririnig ko ng buong-buo ang lahat ng sasabihin ng pamilyang Pierce.
"P-patawad po, h-hindi ko na... natulungan at nailigtas s-si Raven." Hindi ko na alam kung saan ako humuhugot ng kapal ng mukha, para sabihin ang mga salitang ito at para humarap sa kanila. Ang alam ko lang, nakiusap sa akin si Mallory na tulungan ko si Raven... At pinangakuan ko si Melissa na kapag dumating ang araw na kailangan niya ng tulong ko, lahat ay gagawin ko. Dalawang bagay na parehong hindi ko natupad. Isang pamilya na nadamay din sa gulo ng buhay ko, at nabigo ko ng tuluyan.
Kailangan ko itong gawin, hindi dahil ang bigat bigat ng pagkawala ni Raven. Ngunit dahil mayroon akong napagtanto nang makita at makausap ko si– ang Powerful Being...
Sa huli, ako pa rin ang puno't dulo ng lahat ng sakit na dinanas at dinaranas nila. Kahit ano pa ang parte ko sa lahat ng ito, hindi ko maipagkakaila sa sarili kong may kontribusyon din ako sa mga pighati ng mga taong mahalaga sa akin– at sa mga taong mahal nila.
Iyon ang isang bagay na kailangan kong tanggapin... at kailangan kong panagutan.
"Alexandria... Alam mo ba? Kung hindi dahil sa'yo–" Napakagat na lang ako sa ibabang parte ng labi ko nang marinig kong magsalita si Melissa. Hindi ko rin maiwasang mapayuko na lang at mapaiwas ng tingin, kasabay ng pagtulo ng luha ko.
Narinig ko ring huminga siya ng malalim nang hindi niya naituloy ang nais niyang sabihin. Handa na rin akong marinig ang kadugtong ng mga ito, ngunit sa gulat ko ay lumuhod din siya para magkasing pantay kami... at niyakap niya ako ng sobrang higpit. Isang yakap na animo'y hindi lang galing sa kanya, kung hindi ay galing din kay Raven.
"Kung hindi dahil sa'yo, mas maaga sana siyang nawala sa'min. Kung hindi dahil sa'yo, hindi ko sana nakasama ang kapatid ko. Kung hindi dahil sa'yo, hindi ko sana naramdaman paano maging masaya at maging Ate. Hindi kita papatawarin, kasi wala ka namang kasalanan." Aniya sa gitna ng kanyang pagtangis kaya napayakap din ako ng mahigpit sa kanya.
Sa gilid din ng aking mga mata ay napansin kong lumapit sa amin sina Alfred at Mallory. Kasunod din nito ay naramdaman ko ang pagyakap ni Mallory sa aming dalawa, at ang pagtapik ni Alfred sa kamay kong nakayakap sa anak niya.
Sabay sabay din nilang minutawi ang mga salitang lalong nagpahagulhol sa akin. Mga salitang taliwas sa aking inaasahan. Mga salitang nagparamdam sa akin ng pagmamahal, ilaw at pag-asa na hinabilin at iniwan ni Raven.
Isang pag-asa na regalo niya sa akin. Pag-asa na kakayanin ko ang mga susunod pang mangyayari.
"Thank you, Alexandria."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top