XLIX - The World We Made
Have you ever had that dream that felt like forever? The one that made you feel like everything is actually unfolding in front of your eyes? It's weirdly realistic, and yet it is also clear that it is nothing but a dream...
"See, I told you she's still sleeping."
"Ano ka ba, Cassy girl, she needs to gising gising na. There are so many things to do today kaya! We need to start our day agad, bright and early!"
Naalimpungatan ako ng kaonti nang marinig ko ang masiglang boses ni Arianne, pati na rin ang striktong boses ni Cassandra. Alam ko hindi pa ako gising na gising, pero ipupusta ko ang kotse ni Xenon para sabihin na sigurado akong nagtatalo nanaman ang dalawang ito.
"Hmm, I don't think that's it. You seem so happy today, and it's oozing from every inch of your skin. Dare I say it has something to do with a doe-eyed Montecillo who surprised you last night?"
Hindi ko maiwasang mapangiti nang marinig ko ang pang-aasar sa tono ni Cass. Mabuti na lang at nakatalikod ako sa dalawa, kaya alam kong wala pa silang ideya na gising na ako, at naririnig ko sila.
"OMG Cassy girl, you're such a maingay! Quiet ka lang, I'm shy kay A girl kasi I know she'll asar me agad kapag nalaman niya na Jarvis and I went on a date. Mamaya niya na lang alamin, I already have you who's more than enough para mang-tease sa whole day."
Akala ko ay mapipigilan ko pa ang aking sarili, pero nang marinig ko ang sagot ni Arianne ay tuluyan na akong natawa. Mabilis din akong umupo mula sa pagkakahiga at tiningnan ng diretso ang dalawa, na halatang gulat na gulat. Napa-atras pa si Arianne hanggang sa napa-upo na siya sa higaan ni Cass, ang dalawang kamay niya ay nakatakip sa kanyang bibig.
"Oh... My... Gosh?" Mas lalo akong natawa, lalo pa at namula ang kanyang mukha. Pati rin tuloy si Cassandra ay hindi maiwasang matawa sa reaksyon ng bestfriend namin.
"And now she knows, good luck." Napa-iling iling pa si Cass bago siya lumapit kay Arianne at ginulo ang buhok nito, kaya muli nanaman akong natawa.
"So... nag-date..." Sisimulan ko pa lang sana ang aking tanong ay mabilis nang umiling si Arianne. Aakalain mo ring mayroon siyang Enhanced Speed, sapagkat mas mabilis pa siya sa alas-kwarto kung makatakbo palabas ng dorm. Itinakip pa nga niya ang kanyang kamay sa magkabilang tainga niya kaya napangiti na lang ako.
"No, stop, di ako makikinig, hala I need to go!" Umalingawngaw pa ang sigaw niya bago siya tuluyang makalabas sa hallway kaya natawa na lang kami pareho ni Cassandra.
"Arianne never fails to amaze me." Ani Cass nang humupa na ang tawa namin, at natapos ko na ang pag-aayos ng aking hinigaan. Tumango naman ako sa kanya bilang pagsang-ayon. Didiretso na rin sana ako sa banyo para makapag-ayos na at para masundan na namin si Arianne, pero natigilan ako nang makita ko ang repleksyon ko sa salamin. Agad na napakunot ang noo ko.
"Cass... Bumalik na pala sa kulay brown ang mata at buhok ko?" Halos pabulong kong tanong habang pinagmamasdan ang aking sarili mula sa full-length mirror na nasa sulok ng aming dorm. Kitang-kita ko naman ang pagtataka sa mukha ng kaibigan ko, naaabot din kasi ang repleksyon niya sa salamin, kaya kahit di ako lumingon ay alam kong naguguluhan siya sa winika ko.
"What are you talking about? Your hair and your eyes has always been like that..." Walang pagdadalawang-isip niyang sagot kaya tuluyan na akong lumingon sa kanya. Seryoso ang kanyang mga mata at binibigyan niya ako ng tingin na animo'y nagtatanong kung ayos lang ba ako.
Napatapik naman ako agad sa aking noo, at napakagat sa ibabang parte ng labi ko nang mapagtanto ko ang isang bagay. Bumuntong-hininga na lang din ako bago nagsimulang maglakad papasok ng banyo upang makapag-ayos. Ramdam kong sinusundan ako ni Cass ng naguguluhang tingin, kaya pinasadahan ko na lang siya ng isang mabilis na sulyap.
"Alam mo, hanapin na natin si Arianne. May kailangan kayong malaman." Tinanguan na lang niya ako bago mabilis na lumabas ng dorm.
Siguradong hindi sila makakapaniwala sa sasabihin ko...
- - -
"Okay, so may food na tayo and we're now far from prying eyes and ears. Are you going to make kwento na ba?" Halatang nasasabik na tanong ni Arianne pagka-upo na pagka-upo agad namin sa may bench dito sa may field. Maging si Cassandra ay binibigyan na ako ng hindi mapakali na tingin, kaya kahit hindi siya nagsasalita ay alam kong nais na rin niyang malaman ang bagay na kanina ko pa gustong ikwento.
Humugot naman muna ako ng isang malalim na paghinga, bago ko sinimulan ang pag ku-kwento ko sa kanila.
"Nanaginip kasi ako, pero alam niyo yung panaginip na parang akala niyo totoong totoo? Gano'n yung nangyari sa'kin. Pakiramdam ko naranasan ko lahat. Hindi ko na masyadong maalala lahat ng bagay, pero may ilan doon na malinaw pa rin sa'kin." Nagsisimula pa lang ako ay halatang naguguluhan na sila Arianne, pero hindi naman sila sumabat at hinayaan lang nila akong magkwento habang binubuksan nila ang binili nilang sandwich.
"Sa panaginip ko, ibang-iba raw yung buhay nating tatlo. Magkaibigan tayo noong una, pero may nangyaring hindi maganda na naging dahilan ng pagkasira natin. Ang natatandaan ko ay nagpa-alam ka Cass dahil lilipat ka na sa ibang lugar, at ikaw naman Arianne nag-transfer ka sa Girdwood." Natatandaan ko pa nga na iba raw ang kulay ng aking buhok at mata, kaya medyo nanibago talaga ako kanina sa repleksyon ko. Ewan ko ba pero siguro ang sarap lang talaga ng naging tulog ko, kaya naman parang taon ang lumipas sa lahat ng nangyari sa aking panaginip.
"Hmm, ano pang iba?" Mahinahong tanong ni Cassandra habang sumisipsip sa binili niyang orange juice. Napanguso naman ako nang maalala ang isang bagay na ibang-iba sa reyalidad na kinabibilangan namin.
"Sa panaginip ko, anak ka raw ni Nichole Montecillo at pinsan mo sila Travis Montecillo." Muntik namang maibuga ni Cass ang iniinom niya sa narinig.
"Ooooh, juicy!" Nakapagbitaw din ng isang mahinang side comment si Arianne kaya napangiti na lang ako, lalo pa at hindi maipaliwanag ang reaksyon sa mukha ni Cassandra.
"That's a nightmare!" Matapos ang ilang segundo ay tila nahanap na niya ang mga salitang nais niyang sabihin, kaya natawa naman kami ni Arianne.
Kahit kailan talaga ay hindi niya kayang itago ang disgusto niya sa lalaking iyon. Ewan ko kung bakit ngunit simula noong una pa lang kaming magkakilala ay mainit na talaga ang dugo niya rito. Pare-pareho naman silang tatlo ni Arianne at Travis na magkakakilala na mula pa noong mga bata pa lang sila. Ang mga magulang nila ay laging nagkakasalamuha pagdating sa mga businesses at kung ano-ano pa, ngunit mukhang ilag talaga siya rito.
"Ano ka ba, Cassy girl, just be happy na lang it's just a dream... Unless you want that to happen?" May panunukso sa boses ni Arianne, at tinataas-baba pa niya ang kilay niya kaya napa-irap naman si Cassandra.
Imbes naman na sumagot ay ngumisi na lang si Cass, at bumaling sa akin. Pinakawalan din niya ang isang tanong na nagpa-singhap kay Arianne at nagpatahimik– ang kanyang mukha ay hindi na maipinta sa kaba.
"Tell us, does Arianne and Jarvis ends up together in your dreams?"
Napanguso ako at napakamot sa likod ng ulo ko bago sumagot.
"Sa totoo lang, noong una may crush ka rin kay Jarvis, tapos parang nagkamabutihan kayo? Pero bigla mo siyang iniwan... Tapos ayun, lumipat ka na sa Girdwood. Hindi na rin kayo nag-usap kahit kailan."
Katulad ng aking inaasahan ay agad na sumimangot si Arianne. Ibinaba rin muna niya ang sandwich na kinakain niya upang maihalukipkip niya ang kamay niya sa kanyang dibdib.
"I call bluff. I mean, obviously true yung part na magiging close us. But the aalis part? I'm telling you, that's not gonna happen!" Proud na proud niyang sabi habang nakangiti ng malapad kaya nginitian ko na lang siya.
Alam ko naman iyon.
"That's unfair. Arianne still gets to be with Jarvis in your dreams, meanwhile I'm stuck being Travis's cousin? Tell us more!" Hindi ko alam kung matatawa ba ako na inis na inis siya kay Travis, o mapapa-iling dahil halata namang iba ang nararamdaman niya sa lalaking iyon, hindi niya lang napapansin.
"Ay yes, tell us the details pa, A girl." Dagdag din ni Arianne kaya naman napatango na lang ako, at isinalaysay ko na sa kanila ang ilan pang mga detalye ng aking panaginip na natatandaan ko. Ang iba kasi ay malabo na o di kaya'y hindi ko na maalala.
Ikinuwento ko kanila Arianne at Cass iyong una naming pagkakilala, na nakakatawa sapagkat malayong malayo iyon sa katotohanan. Sa panaginip ko ay kami ni Cassandra ang magkasama sa isang dorm at unang naging magkaibigan, kahit na ang totoo ay sila ni Arianne ang mag best friend na simula bata pa lang. Late akong nag-enroll dito dahil nagkaroon kami ng financial problem at buong akala ko ay hindi na ako makakapag-aral. Kaya naman noong naayos na iyon ay saka lang ako nakapasok dito. Isang linggo na nga ang lumipas sa simula ng pasukan at wala na ring bakanteng dorm, sa katunayan ay mawawalan na ako ng pag-asa no'n, pero nagulat ako nang lapitan kami ni Cass bigla. Andoon din kasi siya sa faculty dahil siya ang Student Council's President. Inalok niya akong sa dorm na muna nila ni Arianne mag-stay hanggang sa magkaroon ako ng sarili kong dorm next year. Hindi ko nga alam noong una paano nila napapayag ang mga faculty na in-charge sa board and lodging, pero nang mas makilala ko na sila ay saka ko naintindihan na malakas pala ang kapit ng pamilya nila sa paaralang ito.
Masyado namang malaki ang mga dorms ng Montecillo Academy kaya kahit nagawang magdagdag ng isang kama rito ay hindi pa rin lumiit ang space. Sa katunayan ay sapat lang iyon para sa aming tatlo.
Nabanggit ko rin kanila Arianne at Cassandra na ibang-iba ang pamilya nila sa panaginip ko. Natawa pa nga si Arianne nang sinabi ko sa kanyang mayroon siyang kapatid, paano kasi ay iisang anak lang siya. Minsan na rin niyang pinangarap magkaroon ng kapatid, kaso masyadong busy ang mga magulang niya sa mga negosyo nila kaya hindi na niya ipinilit. Mas lalo rin namang sumimangot si Cass nang sabihin ko sa kanya kung gaano siya ka-close sa apat na magkakapatid na Montecillo. Aniya'y hindi niya matanggap na wala ang Mommy Dana niya sa buhay niya sa panaginip ko. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman namin king gaano siya ka-close sa mga magulang niya. Ang cute nga lagi nilang tatlo nina Tita Dana at Tito Saturn kapag magkakasama sila, e. Ang bait bait pa ni Tita Dana, palagi niya kaming sinasama ni Arianne kapag nagsa-shopping date silang mag-ina.
Bukod doon ay sinabi ko rin sa kanila na maraming masamang nangyari, katulad ng kaguluhang nangyari noong Hillwood Day. Kahit hindi na malinaw sa akin ang lahat ng mga naganap ay hindi pa rin ako makapaniwala sa napanaginipan ko. Ibang-iba kasi talaga iyon sa katotohanan. Sa dami ba naman ng Council Guards na nagkalat noong Hillwood Day, kahit katiting na kaguluhan ay wala talagang magtatangka. Tapos idagdag mo pa iyong parte ng panaginip ko kung saan namatay daw si Mama Rianne. Hindi ko masyadong matandaan, basta ang naalala ko lang ay nakita ko ang sarili kong nakatayo sa harapan ng puntod niya. Kapag naiisip ko iyon ay kinikilabutan ako ng sobra! Sa takot ko ay tinawagan ko si Mama kanina habang bumibili kami ng pagkain, gusto ko lang marinig iyong boses niya para gumaan ang loob ko kahit papaano.
"Ang dami daming masamang nangyari sa panaginip ko, tapos parang hindi ko na kilala sarili ko roon dahil sa mga problema." Sa tingin ko, ang pinaka-tumatak sa akin mula sa panaginip na iyon ay iyong takot at naramdaman ko roon. Kahit kailan ay hindi ko naranasan ang ganoon kabigat na emosyon, kaya talagang iba ang naging dala sa akin ng mga bagay na iyon.
Narinig ko namang bumuntong-hininga pareho sina Arianne at Cass bago nila ako pinagitnaan, at ikinulong sa isang mahigpit na yakap. Hindi ko maiwasang makaramdam ng tuwa sa simpleng presensya nila kaya hindi rin nagtagal ay naramdaman kong nawala ang tensyon na bumabalot sa akin kanina.
"Bad dreams can be really discomforting, and that's okay. From everything you have told us, it seems like you're afraid that we'll experience pain, loss and suffering. And I know how much you don't want that to happen. But don't worry, that's just it– it is just a bad dream. This is reality and from this reality, I am telling you that we're both okay. We're happy." Mahinahong wika ni Cassandra habang sinusuklay niya ang buhok ko gamit ang kamay niya.
Hinawakan din ni Arianne ang kamay ko ng mahigpit, at binigyan ako ng sinsero at masayang ngiti.
"Oo nga, A girl. I understand that it's scary, kahit naman kami we find it weird. We both know you love us, and ikaw din love namin, kaya don't worry kasi kapag something is bothering us we will let you know agad. But for now, believe us when we say that we're okay, and super masaya kami sa life nating tatlo ngayon."
Alam ko. Alam kong masaya silang dalawa, nakikita ko iyon sa kanilang mga mata. Ibang-iba ito sa matang nakagisnan ko sa panaginip ko kagabi. Ang kislap sa kanilang mga mata ngayon ay ang tuwang hinihiniling ko, ang sayang dapat na nararanasan nila.
Mabuti na lang... Mabuti na lang at ito ang totoong buhay namin.
"Promise niyo 'yan ha!" Muli naman nila akong niyakap kaya napangiti na lang ako ulit.
"Promise, Aria."
Aria... Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay tuwang-tuwa ako sa pangalan ko. Para rin akong nakaramdam ng paggaan ng aking loob.
Marahil ay iyon ang patunay na lahat ng iyon ay isang masamang panaginip lamang. Hinding-hindi mangyayari, at walang pag-asang magkatotoo. Ang malaman iyon ay sapat na para mapanatag ang loob ko.
Hay! Ang saya ng buhay!
- - -
"Sandoval!" Mabilis akong napalingon sa isang pamilyar na boses na tumawag sa akin. Hindi ko rin maiwasang mapangiti ng malapad nang makumpirma kung sino nga ito.
"Raven!" Prenteng-prente itong naglalakad papalapit sa akin habang ang kaliwang kamay niya ay nakalagay sa bulsa ng jeans niya, at ang kanang kamay niya ay inaalis ang suot niyang shades.
Sinalubong ko naman siya agad at binigyan ng isang mahigpit na yakap, na alam kong gumulat sa kanya. Pero kahit ganoon ay sinuklian naman niya ito ng mas mahigpit na yakap.
"Kung ano man ang nakain mo ngayon sabihin mo na agad. Bibili ako ng madami para iyon na lang ang kainin mo araw-araw." Tinawanan ko na lang siya sa biro niya at humiwalay na sa pagkakayakap. Pansin kong nakakunot pa ang kanyang noo habang pinagmamasdan ako, kaya mas lalo akong natawa.
"Bakit ganyan ka makatingin?" Ngumuso naman siya at namewang, bago sumagot. "Bakit iba ka umasta ngayon, ha? Sinasabi ko sa'yo hanggang kaibigan lang maibibigay ko, Aria. Hindi tayo pwede. Bukod sa malalagot ako kay Cassandra, maraming iiyak na babae kapag naging taken na ako." Inilingan ko na lang siya sa mga pinagsasabi niya at hindi ko mapigilang mas mapangiti. Hindi ko rin muna siya sinagot, sa halip ay ikinawit ko na lang ang kamay ko sa braso niya at niyaya na siyang maglakad.
"Sabihin na lang natin na masaya ako ngayon." At iyon din naman ang totoo.
Simula kanina ay nawala na iyong kakaibang pakiramdam na bumabalot sa akin dahil sa napanaginipan ko, kaya naman napag-isipan namin nila Cassandra na mamasyal dito sa Town Center. Sa ngayon ay sigurado akong nasa isang sikat na bilihan pa rin sila ng damit, humiwalay kasi ako saglit dahil gusto kong bilhin iyong libro na matagal ko ng pinag-iipunan. Sakto namang pabalik na ako at andito rin si Raven. Pakiramdam ko tuloy ay mas umayos ang araw na ito.
"Nakakatakot ka maging masaya ha." Umasta pa siyang kinikilabutan kaya pinalo ko na lang ang braso niya at sinamaan siya ng tingin. Mukha namang iyon talaga ang inaantay niyang reaksyon dahil natawa na lang siya. Tingnan mo talaga ang lalaking ito, kahit kailan nakakagigil.
"Ewan ko na lang talaga sa'yo. Bakit ka nga pala andito?"
"Bawal ba? Pag-aari mo ba 'tong Town Center, ha? Huling alam ko hindi ka naman Montecillo, kaya hindi sa'yo ito."
"Unang-una, public place ito. Kaya kahit si Mr. Nick Montecillo ang leader ng Hillwood, hindi ibig sabihin no'n ay sa kanila na ito. At ikalawa, huwag mo akong sagutin ng pabalang, hindi porket masaya ako ngayon ay hindi ka na malalagot sa'kin." Diniinan ko pa ang huling mga salitang binitawan ko na halatang ikinatakot niya, lalo pa't naramdaman kong hindi siya mapakali bigla. Lihim tuloy akong napangisi.
"Ikaw naman Aria, hindi ka na mabiro." Parang batang natatakot mapagalitan ang tono ng pananalita niya, kaya hindi ko na rin napigilang matawa. Sayang! Ang saya pa naman niya asarin ng ganito.
"Ayan, natuto ka ng pagtripan ako. Nasosobrahan ka na kakasama sa pinsan ko, tsk." Umiling-iling pa siya matapos sabihin iyon.
"Sasabihin ko kay Cassandra na sinabi mo iyan." Bigla naman siyang nataranta nanaman kaya mas lalo lang akong natawa.
Tingnan mo ang isang ito, ang bilis magbago ng mood. Si Cass lang naman pala ang katumbas niya. Paano kasi ay takot siya sa pinsan niya dahil ito ang laging nagsusumbong sa mga magulang niya ng kanyang mga kalokohan. Simula kasi noong nagtapos na ang Ate Melissa niya noong nakaraang taon ay sila na lang dalawa ang naiwang nag-aaral sa Montecillo Academy, kaya bawat galaw niya ay binabantayan ni Cassandra.
"Grabe ka manakot, Aria. Ganyan ba epekto ng pag-reject ko sa'yo? Akala ko pa naman kaya mong tanggapin ang nangyari, hindi pala. Nakakasakit ka ng damdamin." Umarte pa siyang nasasaktan dahil napahinto siya sa paglalakad, at napahawak sa kanyang dibdib. Inirapan ko na lang siya at nginitian.
"Ang arte mo ikaw naman nagsimula d'yan. Tinatanong lang naman kita ng maayos. Bakit ka nga ba andito kasi? Susunduin mo ba si Cass?" Dapat talaga nito dinidiretso para hindi kung saan saan napupunta usapan namin, e.
Mukha namang napagtanto niyang tapos na akong mang-asar, dahil sumagot na rin siya ng maayos.
"Hindi ko alam na andito rin pala si Cassandra. Nakita lang kita kaya tinawag kita, galing kasi ako ng pastry shop nila Arianne. Nautusan ako ni Ate na ibigay yung instructions niya sa kanila." Tumango naman ako sa kanya habang naglalakad kami paliko sa street kung nasaan yung shop na kinaroroonan nila Cass ngayon.
"Business related pala..." Ang alam ko kasi ay si Melissa na ang nangangasiwa ng ilang mga bagay sa negosyo nila simula nang nagtapos ito. Siguro rin ay may bago silang partnership ng mga magulang ni Arianne.
Hindi na sana ako magtatanong pa, pero natigilan ako nang muling sumagot si Raven. Napa-awang din ang aking bibig sa sinabi niya, hindi makapaniwala sa narinig ko.
"Hindi business related, Aria. Engagement related." Sa tingin ko rin ay nakita niya ang mga tanong sa aking mga mata, dahil kahit wala pa akong sinasabi ay muli na niyang dinugtungan ang tinuran niya.
"Engagement ni Ate at ni Yohan Montecillo."
"Wow! Omg!" Hindi ko mapigilang mapatili sa narinig. Minsan ko lang nakita at nakasama si Melissa, pero sa ilang pagkakataong iyon ay kasama niya si Yohan, ang panganay na kapatid ni Jarvis. Ayon kanila Arianne ay may relasyon na ang dalawa simula noon pa, at kitang-kita ko rin kung gaano sila kasaya sa tuwing magkasama sila. Minsan nga ay nagku-kwentuhan kami nila Cassandra kung gaano kabagay ang dalawa. Kaya ang marinig na engaged na sila, kahit na hindi naman talaga ako malapit sa kahit sino sa dalawa, ewan pero sobrang nakakatuwa.
Pakiramdam ko tuloy ako yung kapatid sa sobrang saya ko! Ang weird lang.
"Ikaw ba yung ikakasal? Tuwang-tuwa ka dyan. Pero kung gusto mo, siguro sa future pwede kitang pakasalan. Mag-propose ka muna ng maayos." Ngiting-ngiti niyang tugon sabay nauna ng maglakad palayo sa akin. Nagawa pa niyang humuni ng isang masayang tono dahil alam kong nararamdaman niyang ang sama nanaman ng tingin ko sa kanya.
Alam kong inaasar nanaman ako ng isang 'to. Kaya naman hindi na lang ako nagsalita agad, at bagkus ay humugot na lang ako ng isang malalim na hininga. Nang alam kong kumalma na ang pagka-asar ko sa kanya ay tumakbo na ako para unahan at lampasan siya.
"Kahit anong gawin mo, hindi mo masisira ang araw ko, bleh!" Inirapan ko pa siya kaya natawa nanaman siya at napa-iling na lang.
"You're bickering with each other again?" Saktong paghinto namin sa harapan ng shopping store ay bumukas ang pinto, kaya naman pareho kaming napalingon kay Cassandra at Arianne na may mga bitbit ng shopping bags.
"Raven, I'm telling you wala ka mage-gain sa kaka-tease mo kay A girl. You will be talo lang always." Walang pagdadalawang isip na dagdag pa ni Arianne na nagpa-simangot naman kay Raven. Umismid din siya kaya natawa na lang kaming tatlo.
"Kapag pinagtulungan niyo ako, hindi ko kayo ihahatid pabalik sa Academy." Tila pananakot ni Raven na lalo lang nagpalakas ng mga tawa namin. Tingnan mo ang isang ito, parang bata na nanakot pa.
"You really–" Sasagot na sana si Cass pero hindi na niya natuloy ang balak niyang sabihin, sapagkat natigilan siya bigla at napasimangot. Sinundan ko naman ang tingin niya at nagkatinginan kami ni Arianne nang makita kung ano iyon. Lihim din kaming napangiti.
Kotse ni Travis ang paparating, at saktong huminto pa ito sa harapan naming apat.
"My day just got ruined." Inis na bulong ni Cassandra na nagpatawa lang sa aming tatlo, lalo pa at sinabi niya iyon habang bumaba ng sasakyan si Travis... pati na rin si Vivienne Montclair.
Nagpalitan lang kami ni Vivienne ng isang ngiti at tango nang magtama ang mga mata namin. Hindi naman kami close, pero magkakilala na kami simula mga bata pa lang kami. Naging kaklase ko siya noong sa Central pa kami nakatira. Galing siya sa isang mayamang pamilya katulad ni Travis, at siya lang ang nag-iisang anak ng Mommy niya. Wala akong alam tungkol sa Daddy niya, o kahit sino siguro ay wala, pero hindi ko rin naman iyon kailangang alamin kaya ayos lang.
"You're all here." Pansin niya kanila Cass, Arianne at Raven na tinanguan lang din siya. Hindi na rin naman siya nagsalita pa, at sa halip ay nilingon na lang niya si Travis na prenteng nakasandal sa kanyang kotse.
"Mauuna na ako sa loob, Travis." Tinanguan naman siya nito at pumasok na.
"Awkwaaard." Bulong sakin ni Raven nang makaalis na si Vivienne, kaya agad ko siyang siniko. Nakakahiya kasi, baka marinig pa siya. Kahit naman tama siya ay hindi naman nararapat na mag-komento pa rito.
Pansin naman kasi talaga ng lahat na kapag nagkakasama sila Cass, Vivienne at Travis sa isang lugar ay kakaiba ang tensyong namumuo sa tatlo. Ewan ko ba, pero hanggang ngayon ay hindi talaga kami sanay kapag nagkakaharap harap sila.
"Happy to see me again, aren't you?" Pero kung kakaiba ang tensyon sa tatlo, mas kakaiba naman kapag si Travis at Cassandra na lang ang naririto. Lalo pa at halatang-halata sa boses ni Travis na inaasar nanaman niya si Cass, na apektadong-apektado naman sa presensya niya. Pakiramdam ko ay may lalabas ng usok sa ilong niya dahil sa inis sa lalaking kaharap niya.
"You're. So. Annoying!" Gigil pa na sagot nito kaya mas lumapad ang ngiti ni Travis. Sa gilid din ng mga mata ko ay pansin kong pati si Arianne ay ngiting-ngiti na pinapanood mag-sagutan ang dalawa.
"Sure, Miss President, let's keep on pretending that you hate me when we both know you're actually into me." Pumito pa si Travis nang sabihin niya iyon, tapos ay nagsimula na siyang maglakad papasok ng shopping store. Ngunit nang nasa harapan na siya ni Cass ay huminto siya saglit, at nagturan. "Don't worry, I'm also into you."
Naiwan naman si Cassandra na naka-awang ang bibig, at pulang-pula ang mukha. Si Arianne na nasa tabi niya ay hindi na naiwasang mapatili at mapahawak sa braso niya dahil sa kilig.
Sinasamaan na rin ako ni Raven ng tingin dahil nahahampas ko na ang braso niya sa kakapigil ko ng tawa at kilig. He's into her daw! Grabe, kinikilig ako!
"Stop it!" Tanging nasabi ni Cass bago tumakbo paalis at papunta sa pinagparkingan ng sasakyan niya. Naiwan tuloy kaming tumatawa ng malakas.
Hays, ang saya maging in-denial.
"What's got you laughing so hard?" Natigil naman agad ang aking pagtawa nang marinig ko ang isang boses na talagang na-miss ko. Hindi na rin ako nagdalawang isip pa na lingunin ito, at ganoon na lang kalapad ang aking ngiti ng makita kung sino ito.
"Xenon!" Kasabay ng aking pagbanggit sa pangalan niya ay ang siya ring pagyakap ko sa kanya ng mahigpit. Sinuklian niya naman ito agad, tapos ang sarap pang pakinggan ng kanyang mahinang tawa sa aking tainga.
"Namiss kita." Pag-amin ko nang humiwalay ako sa pagkakayakap sa kanya. Hindi ko rin maiwasang mapanguso kaya mas lalo siyang natawa.
Imbes naman na asarin ako ay hinalikan na lang niya ang aking noo, at tinuran ang mga salitang lalong nagbigay ng galak sa puso ko.
"I missed you more, Princess."
"Ehem, andito pa kami." Narinig pa namin ang pekeng pag-ubo ni Raven matapos niyang sabihin iyon, pati na rin ang tawa ni Arianne, pero hindi na lang namin sila pinansin.
Hindi lang sila ang may masayang lovelife, ano. Kami rin.
Ang sarap talagang gumising sa araw-araw lalo na kung alam mong masaya ka at ang mga mahal mo sa buhay. Hay, salamat sa buhay na ito.
Kung panaginip man ito, hindi ko na hihilingin pang magising...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top