XI - One Who Sees The Future

       Minsan, kahit nahihirapan... kailangan pa ring magpatuloy.

       Nang kumalma na ako kanina, at umayos na ang lagay ni kuya Hendrix ay agad na kaming naghapunan. Sinubukan nila akong tanungin kung ano ba ang nangyari, pero tanging pag-iling lang ang nagawa ko. Paano ko ipapaliwanag sa kanila, kung ako mismo hindi ko maintindihan?

       Sa huli, wala rin silang nagawa kundi tumango nalang. Hindi na nila ako pinilit magsalita, lalo pa't sinasabi rin ni kuya Hendrix na hayaan muna ako. Minsan napapa-isip talaga ako– kinu-kwestyon ko ang sarili ko kung deserving ba akong maging kapatid siya. Masyadong mabuti ang puso niya– literal na Light in Darkness.

       Tapos, sila kuya Travis at kuya Jarvis din masyadong nag-aalala. Gusto pa nila umuwi na kami ng Hillwood, pero mabilis akong tumutol. Oo at mabigat pa ang loob ko sa nangyari, pero hinding-hindi ko sasayangin ang pagod nila. Hindi ako papayag na uuwi kaming walang napala, lalo pa't alam at ramdam ko ang pangamba ng kapatid ko. Maging ako ay hindi mapapakali pag nagkataon. Dahil sa bawat araw na lumilipas, at sa nangyari sa akin, mas lalong lumalakas ang kutob ko na may hindi magandang nangyayari kay Arianne.

       Syempre, wala na ring nagawa sila Kuya. Alam din naman nilang hindi nila mababago ang isipan ko, kaya pumayag nalang sila. Mayroon nga lang kondisyon: kapag may hindi ulit magandang nangyari sa akin, sa ayaw o sa gusto ko, anong oras man iyan, uuwi at uuwi kami ng Hillwood.

       At dahil masyadong mapanuri rin ang tingin nila, sinisigurado ko talagang makikita nilang ayos lang ako.

       Pataas kami ngayon ng lounge, o reception, o main cabin ng La Maison para lumabas. Mag-iikot kasi kami sa paligid ng Circle o sa mga karatig na baranggay nito upang magbaka sakali. Ang kailangan ko lang naman ay maramdaman si Arianne, at sana tumalab. Bukas ng umaga naman, pagsikat ng araw, pupunta kami sa mga kabahayan na nasa dulo na ng Girdwood. Dahil katulad ng sinabi ko, hindi kami uuwi ng walang napapalang kahit ano.

       Katulad kanina, ngiting-ngiti rin kaming binati ng mga staffs kaya bumati rin kami pabalik. Agad kaming dumiretso sa reception desk para humingi ng mapa ng lugar lalo pa't hindi naman kami pamilyar sa Girdwood, at wala naman kaming ibang kakila rito.

       "Good evening Sir, what can I help you with?" Magalang na tanong ng staff nang kinuha ni kuya Jarvis ang atensyon niya. Sila kuya Hendrix at kuya Travis naman ay lumabas na para ihanda ang sasakyan.

       "Do you have a map of Girdwood we can borrow?" Diretsuhang sagot ng kapatid ko. Tinanguan naman siya ng receptionist. "Wait a second, I'll just get it." Aniya bago tumalikod, at dumiretso sa isa sa mga cabinet sa kanyang likuran.

       Ang kasama naman niyang staff ay napatingin sa amin, nakangiti at tila naninibago sa aming mukha. "Ipagpaumanhin niyo po, pero bago po kayo dito, ano? Bumibisita lang po ba kayo?" Tila nahihiya niyang tanong sa akin.

       "May hinahanap lang po kami." Sinagot ko nalang siya. Wala naman akong nararamdamang kakaiba sa kanya. Marahil ay nagtataka lang siya kung ano ang ginagawa namin dito, lalo pa't maliit na bayan lang ang Girdwood at magkakakilala lang din ang mga– Sandali!

       Agad na nanlaki ang mata ko nang may mapagtanto ako. Mabilis din akong lumipat sa tabi ni kuya Jarvis para mas mapalapit ako sa staff, na siya namang ipinagtaka niya at ng kapatid ko.

        Isang maliit na bayan ang Girdwood at magkakakilala ang mga tao rito. Kung ganoon, may posibilidad na kilala niya si Arianne o kahit nakita man lang niya. Wala namang masama sa pagbabaka sakali, hindi ba?

       "Ate, matagal na po kayo rito? Ibig sabihin po, kilala niyo halos karamihan ng mga tao rito?" Ngiting-ngiti kong tanong. Napakunot naman ang noo niya, halatang nagtataka, pero tumango rin siya. "Medyo po. Pare-parehas lang din po kasi ang nagiging customer namin sa isa pang trabaho ko." Oh?

       Agad akong humarap kay kuya Jarvis para kuhanin ang cellphone sa bulsa ng kanyang hoodie. Nagulat naman siya sa ginawa ko.

       "What are you doing, baby A?" Takang-takang tanong niya. Pinanlisikan ko naman siya ng mata, na para bang sinasabi kong magtiwala lang siya sa akin, kaya bumuntong hininga nalang din siya.

       Nang hindi na siya umangal ay agad kong binuksan ang cellphone niya, at kinalkal ang pictures dito. Hindi ko nga maiwasang mapangiti kasi halos walang pagmumukha ng kapatid ko... pero mukha ni Arianne? Napakadami.

       Agad ko rin itong ipinakita sa staff na kausap ko, na halatang nagtataka sa amin ni kuya Jarvis.

       "Kung ganoon Ate, pwede niyo po bang sabihin sakin kung namumukhaan niyo ang babaeng ito?" Pinasingkit naman niya ang kanyang mga mata, upang mas matitigan ang mukha ni Arianne.

       Sa totoo lang, hindi naman ako umaasa. Pero nang lumiwanag ang kanyang mukha at sumilay ang ngiti sa labi niya ay agad din akong nakaramdam ng kakaibang saya.

       "Ah si Miss Arianne!" Masaya niyang sabi kaya napa-awang ang bibig namin ni Kuya pareho. Napatingin din kami sa isa't-isa, parehong nanlaki ang aming mata, parehong hindi makapaniwala.

       Akala ko biro lang yung magkakakilala ang mga tao rito, hindi pala... Wow.

       "How did you know her?" Gusto kong matawa kasi bakas na bakas ang gulat sa tono ng pananalita ng kapatid ko, pero hindi rin maipagkakaila ang kasiyahan sa kanyang mga mata. Kailan ko ba huling nakita ang sayang iyan?

        Ngumiti naman ang staff bago sumagot. "Alam niyo po yung coffee shop sa harap?" Agad naman akong tumango sa tanong niya dahil nakita ko nga iyon kanina. Dumating na rin iyong staff na kumuha ng mapa, pero nanatili muna siyang tahimik dahil napansin niyang nag-uusap kami.

       "Dyan po ang trabaho ko sa umaga, at palagi pong nagpupunta dyan si Miss Arianne. Minsan naman salitan ang araw ng pagpunta niya, pero kahit ganoon ay regular customer na siya namin. Hindi nga lang siya palasalita, pero mabait siya at malaki magbigay ng tip." Ewan ko pero nakaramdam ako ng lungkot nang sabihin niyang hindi palasalita si Arianne– sobrang kabaliktaran iyon sa babaeng nakilala ko.

       "Pero nitong linggo hindi pa siya nagagawi sa coffee shop, o kahit sino sa mga estudyante ng Girdwood High. Ang alam ko po kasi ay nagkaroon ng selebrasyon sa paaralan, kaya hindi nagagawi ang mga mag-aaral dito sa Circle nitong mga nakaraang araw." Kung ganoon, nagtransfer pala si Arianne sa paaralan dito...

       "Ay tamang-tama po pala ang dating ninyo!" Napakunot naman ang noo namin pareho ni Kuya Jarvis nang sumingit ang staff na kumuha ng mapa kanina. Magtatanong pa lang sana ako kung anong ibig niyang sabihin, pero inunahan na ako ng kasama niya.

       "Ay oo nga, ngayon nga pala yung Annual Party ng Girdwood High."

       "What's that?" Takang tanong ni kuya Jarvis.

       "Iyon po yung Party ng mga estudyante kapag tapos na ang school celebration nila. Dito lang po sa tabing lote yung venue nila, sa Sunset Bar sa baba. Baka andyan po ang hinahanap niyo dahil puros mag-aaral ng Girdwood High ang andyan ngayon." Ang staff na una naming nakausap kanina ang sumagot.

       Sunset Bar? Sa tabi? Iyon ba yung nakita kong wooden gate kanina? Posibleng andyan si Arianne?

       "Kung gusto niyo rin pong puntahan si Miss Arianne sa mismong bahay niya, ang alam ko po sa may Bloomfields Height siya nakatira. Hindi ko nga lang alam yung mismong bahay, pero pwede niyo naman po itanong sa mga tao roon. Yun po yung subdivision sa likod nitong La Maison, medyo may kalayuan lang dahil kailangan niyong umikot." Suhestiyon ng staff na nakakakilala kay Arianne. Agad naman itong tinanguan ni kuya Jarvis.

       "Pwede niyo bang ituro sa'min ang daan?" Tumango naman ang staff na may hawak ng mapa at inilapag niya ito sa reception desk, para siguro ipakita kay kuya Jarvis kung saan ito. Nanatili nalang akong nakatayo at nanonood lang sa kanila.

       Kahit hindi ko gamitin ang Ability ko alam na alam ko ng sobrang saya ngayon ni Kuya. Pinagsisigawan na ito ng kanyang mga mata.

       Nagtama rin saglit ang mata namin ng staff na nakakakilala kay Arianne, kaya nginitian ko nalang siya. Aaminin ko, medyo nakakatakot yung halos alam ng lahat ng tao dito ang tungkol sa isa't isa... pero hangga't wala naman sigurong nangyayaring masama ay ayos lang. Isa pa, malaki ang naitulong niya sa amin ngayon.

        Matapos ang ilang minutong pag-uusap ni Kuya Jarvis, at ng staff ay agad na siyang tumayo ng maayos. Pinasalamatan niya rin ang dalawa bago siya lumingon sa akin, at inaya akong lumabas na. Nilingon ko rin naman muna ang dalawang receptionist at pinasalamatan sila, bago ako tumalikod at naglakad palayo.

       Ngunit bago ako tuluyang makalabas, gamit ang Ability ko, ay narinig ko pa ang naging pag-uusap nila.

       "Kilala mo talaga ang hinahanap nila?"

       "Oo naman, regular customer iyon sa shop."

       "Akala ko nag-imbento ka lang."

       "Gaga, hindi! Sigurado akong si Miss Arianne iyon."

       "Hindi ko nga lang siya namukhaan agad noong una dahil ang laki ng ngiti niya sa picture. Hindi man lang kasi yun ngumiti kapag nasa shop, pero siguradong sigurado ako na siya iyon."

~ × ~

        "Is this some sort of night club?" Bulong ni kuya Travis sa tainga ko, halatang naguguluhan. Hindi ko tuloy maiwasang matawa ng mahina.

       "Ngayon ka lang ba nakapunta sa ganito, Kuya?" Idinikit ko rin ang labi ko sa tainga niya. Ang lakas kasi ng tunog ng musika sa paligid, kaya kailangan pa naming magbulungan. Walang pag-aalinlangan naman siyang tumango kaya napangiti ako.

       "Don't tell me you've been to a place like this?" Hindi makapaniwala niyang tanong, kaya muli akong natawa. Pero agad din naman akong umiling.

       "Hindi pa ako nakakapunta sa club o kahit sa bar man lang, pero may alam naman ako sa ganito." Sa Oakwood pa lang ang dami dami ng ganito. Noong doon pa kami nakatira, palagi kong nakikita ang ilang kapitbahay naming umaalis sa gabi. At dahil hindi ako mabilis makatulog, sa tuwing sumisilip ako sa bintana noon ay nakikita ko rin silang umuuwi. Tapos kinaumagahan ay nalalaman kong nagpunta sila sa 'club' o 'bar'.

       "What should we do here, then? I don't think they're even sober enough to answer any of our questions." Kunot noo niyang turan at bumuntong hininga pa. Napa-iling nalang ako at napatingin sa paligid.

       Mukha ngang sobrang lasing na ang mga tao rito. Ang 'wild' na nila. Halos lahat ay tila nababaliw na kung makasayaw sa musika. Kabi-kabila ang mga inumin at mga taong... masyadong dikit sa isa't isa. Hindi ko nga alam paano pa sila nagkakarinigan sa sobrang lakas ng tugtog.

       Nang makalabas kami ni Kuya Jarvis kanina ng La Maison, agad naming ibinahagi kanila kuya Hendrix ang nalaman namin. Maging sila ay hindi makapaniwala sa nakuha naming impormasyon. At dahil dalawa ang lugar na pwedeng kinaroroonan ni Arianne, napag-desisyunan naming maghiwalay.

       Sina Kuya Hendrix at kuya Travis ang pumunta sa Bloomfields Heights, at kami naman ni kuya Travis ang nagtungo dito sa Sunset Bar. Mas mabuti raw kung malapit lang kami ni Kuya sa La Maison para kapag may hindi raw ako magandang naramdaman ay makakapagpahinga ako agad.

       Pagpasok na pagpasok namin dito ay sinubukan ko agad na gamitin ang Ability ko, kaso masyadong maraming tao. Nahilo lang ako sa dami ng presensya kaya tinigil ko nalang. Mukhang mahihirapan din akong hanapin si Arianne, kung andito man siya, dahil maghahalo-halo ang mga enerhiyang mararamdaman ko. Mahirap na...

       "Just stay with me, okay baby A?" Rinig kong bulong sa akin ni kuya Travis. Umiling naman ako agad kaya kumunot ang noo niya.

       "Kuya, mas mapapadali kung maghihiwalay tayo. Mas marami tayong mapagtatanungan." Dahil sa sinabi ko ay agad siyang sumimangot. Base palang sa reaksyon niya ay alam kong tututol na siya. Kaya naisipan kong unahan siya...

       "Maghihiwalay tayo para mas mapadali ang paghahanap kay Arianne. Hindi ka na tututol, Kuya. Okay?" At hindi ko alam kung anong pumasok sa isipan ko, o kung anong nangyari. Basta sunod ko nalang na naramdaman ang malakas na paggana ng Ability ko nang sabihin ko iyon.

       Napakurap-kurap naman siya pero agad ding tumango. Tapos ay walang imik na tumalikod na sa akin, at naglakad paalis hanggang sa humalo siya sa dami ng tao.

       Himala ata at hindi siya umangal pa? Napanguso na lang ako at napakibit-balikat. Di bale na.

       Naglakad nalang din ako papunta sa kabilang direksyon. Nakita ko rin ang bar counter sa may dulo kaya naisipan kong doon muna dumiretso, para makapag-isip ng mas maayos.

       Habang naglalakad ay may mangilan-ngilan akong nakakasalubong at isa-isa ko silang tinatanong kung kilala nila si Arianne, pero mukhang tama si Kuya Travis– masyado na silang lasing para masagot ako. Hays.

        Nang marating ko ang bar counter ay agad naman akong umupo sa isang wooden stool. Walang masyadong mga tao rito dahil nag-aalisan din sila agad pagkatapos makakuha ng maiinom. Iyon namang bartender ay nasa kabilang dulo, at abalang makipag-usap sa isang babae.

       Bumuntong hininga nalang ako at inilibot ang paningin ko. Wala na ba talagang hindi lasing dito? Kakainis naman.

       Tatayo na sana ako, upang magtanong-tanong na ulit, pero hindi ko nagawa nang may babaeng lumapit sa akin.

       "Hello!" Masayang bati niya. Hindi ko naman maiwasang pasadahan ng tingin ang kabuuan ng itsura niya.

       Ang kanyang buhok ay nakapuson ng magkabilaan. At kahit nakasuot siya ng malaking salamin ay kapansin-pansin pa rin ang ganda niya. Kumpara rin sa ibang mga babae rito ay siya lang ang tila may maayos na suot– isang oversized hoodie at pants. Karamihan kasi sa mga babae rito, kung hindi nakasuot ng maikling dress ay naka-skirt naman.

       Nainip ata siya nang hindi ako nakasagot agad, dahil muli siyang nagsalita. "Gusto mo bang magpahula?" Napa-awang naman ang bibig ko sa tanong niya kaya natawa siya.

       Magpahula?

       "Sorry, nabigla ka ba? Ang Ability ko kasi ay Pre-cognitive Clairvoyance. Iyon ang kakayahang makakita ng future, naisip ko lang baka gusto mong malaman ang future mo. Hulaan kita." Ha...

       Bago pa ako sumagot ay lumapit na siya sa akin, at bumulong. "Wag kang mag-alala, mura lang naman. Saka magaling akong Clairvoyant." Ngiting-ngiti pa siya matapos sabihin iyon kaya napanguso nalang ako.

       Gusto kong sumagot na alam ko kung ano ang Pre-cognitive Clairvoyance, pero hindi ko magawa. Hindi kasi ako sa bagay na iyon nagugulat– mas nagugulat ako sa katotohanang napagkakakitaan pala ito?

       Sabagay, rare ability nga naman ang Pre-cognitive Clairvoyance... Pero... Seryoso ba?

       Dahil hindi ako makapagsalita, nanatili nalang akong nakatingin lang sa kanya. Nakatulala lang ako sa mukha niya, at siya naman ay pakurap-kurap lang. Hanggang sa maya-maya lang ay itinagilid niya ang kanyang ulo tapos ay napahawak siya sa baba niya.

       "Ang ganda ng mga mata mo 'no? Parang punong-puno ng misteryo..." Ako naman ang napakurap dahil sa sinabi niya. Bigla rin akong napaisip kung naka-Ability mode ba ang mga mata mo, kaya agad kong pinakiramdaman ang sarili ko. Nakahinga naman ako ng maluwag nang mapagtantong hindi naman.

       Muli ko nalang ibinalik ang tingin ko sa kanya, at nagulat naman ako ng bigla siyang ngumiti nang nagtama ang mga mata namin. "Ay alam mo, libre nalang sa'yo. Parang gusto kong makita ang future mo." Aniya at napahagikhik pa.

      Masyado namang mabilis ang sunod na nangyari, at nagulat nalang ako nang agad niyang kinuha ang mga kamay ko. Dahil sa ginawa niya ay agad akong napatayo at napa-atras, pero inilingan at nginitian niya lang ako.

       Pakiramdam ko bigla ay ang lamig ng kamay ko habang hawak hawak niya ito. Lalo na nang pumikit na siya. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong napalunok dahil sa hindi maipaliwanag na kaba...

       Sa loob ng halos isang minuto na nakapikit lang siya, ay hindi ko naman maalis ang mga mata ko sa kanya. Ang lakas din ng tibok ng puso ko, mas rinig na rinig ko pa nga ito kumpara sa malakas na musika.

       "Weird." Nagulat naman ako nang bigla siyang nagsalita at napadilat ng mata. Agad ko ring binawi ang kamay ko, at kitang-kita ko ang pagsalubong ng dalawang kilay niya.

       "I see nothing. Parang hindi ata gumana Ability ko sayo?" Takang-takang tanong niya. Napakawalan ko naman ang paghingang kanina ko pa pala hawak hawak nang marinig ko ang sinabi niya.

       Mabuti nalang. Hindi kasi ako handang malaman kung ano ang sasabihin niya... kung sakali ngang makita niya ang future ko.

        Bumuntong hininga naman siya ng malakas kaya muli niyang nakuha ang atensyon ko. Binigyan niya rin ako ng isang tipid na ngiti, bago siya nagkibit-balikat. "Hmm, pagod na ata ako. Anyway, salamat sa pakikipag-cooperate."

       Akmang aalis na siya, pero agad ko siyang pinigilan nang may maalala ako. Mabilis naman siyang napalingon, at napatingin sa kamay kong nakahawak sa braso niya, kaya agad ko itong binawi. "Sorry, may gusto ko lang sana akong itanong." Nakaramdaman ako bigla ng hiya kaya iniwas ko ang tingin ko, baka kasi nagulat ko siya sa ginawa ko.

       Ngunit naiangat ko rin agad ang tingin ko nang marinig ko siyang tumawa ng mahina. "Well, aren't you cute? Sure, ano bang itatanong mo? Ask away."

       Tumikhim naman muna ako bago ako muling humarap sa kanya. Nakalagay ang dalawang kamay niya sa bulsa ng kanyang hoodie habang nag-aantay ng itatanong ko.

       Humugot muna ako ng isang malalim na buntong hininga bago nagsalita. "Gusto ko lang sanang itanong kung kilala mo ba si Arianne? Arianne A–" Hindi ko na natapos ang tanong ko dahil agad na siyang sumabat.

       "Arianne Arabella? Oo naman! Sinong hindi nakakakilala sa kanya?" Tila natatawa niyang sagot, kaya napakunot ang noo ko.

       "Anong ibig mong sabihin?"

       "Yung bagong transfer student na maganda, mayaman at matalino. Kaya kahit kakalipat pa lang niya ay napasama na agad siya sa grupo nila Axel? Kung hindi mo siya kilala, kailangan mo na talagang makibalita minsan." Sino naman si Axel?

       Mukhang hindi naman niya napapansing wala akong kaide-ideya kung anong pinagsasabi niya, kaya dire-diretso lang din siya sa pagsasalita. Napakagat nalang tuloy ako sa ibabang parte ng labi ko, at nakinig nalang sa mga lumalabas sa bibig niya.

       "Pero alam mo? Gandang-ganda ako sa kanya. Halatang galing talaga sa mayamang pamilya. Kaya siguro nagustuhan siya ni Axel, ano? Sa tuwing nakikita ko sila sa campus, kinikilig ako. Sobrang protective kaya ni Axel sa kanya!" Nanlaki naman ang mata ko nang napatili na siya sa bandang dulo ng pangungusap niya, animo'y kilig na kilig.

       Mas lalo tuloy akong nagtataka at napapaisip... Sino ba iyang Axel na 'yan?

       "Hays! Na kay Arabella na ang lahat. Sabi nga ng iba, Arianne is living the life. Napaka-swerteng babae. Maiinggit ka nalang talaga, kaya nga marami galit sa kanya." Napangiwi naman ako sa tinuran niya. Hindi ko alam kung anong mararamdaman sa huling sinabi niya.

       Wala ba silang alam tungkol sa nangyari kay Arianne?

       Minsan, nakaka-inis din talaga ang mga taong mabilis magpadala sa nakikita ng kanilang mata, ano? Porke't may kung sinong Axel sa buhay ni Arianne, may nagagalit na sa kanya? Bakit? Alam ba nila kung ano ang pinagdaanan niya? Alam ba nila kung anong sakit ang inabot niya?

       Masaya akong malaman na nakahanap agad siya ng mga kaibigan dito, dahil kahit papaano ay may nakaramay siya. Pero hindi ko rin talaga maiwasang mainis sa narinig ko. Hindi deserve ni Arianne ang makatanggap ng galit at inis dahil lang sa kung sinong Axel man iyan.

       Huminga nalang ako ng malalim upang ikalma ang sarili ko. Balak ko sanang magpa-alam na sa babaeng kaharap ko, pero hindi ko na natuloy dahil natigilan ako sa sunod niyang sinabi.

       "Sayang nga lang kasi umalis na sila noong isang araw. Kung hindi sana, andito sila ngayon sa Annual Party."

       "Umalis? Anong ibig mong sabihin?" Mukhang nagulat naman siya sa biglaang pagtaas ng boses ko, pero agad din naman siyang sumagot.

       "As in nag-drop sa school? Umalis sa Girdwood? Nag-disappear, gano'n? Kasi wala namang nakaka-alam saan sila pumunta?" Dahil sa sinabi niya ay napa-upo nalang ulit ako sa stool. Parang nanlambot ata ang tuhod ko sa aking narinig.

       "Sinong sila ang tinutukoy mo?" Walang kabuhay-buhay kong tanong. Hindi ko kasi talaga alam na kung anong mararamdaman ko.

       Pumunta kami rito para hanapin siya, matapos ang ilang buwan saka lang kami nagkaroon ng lead sa kanya... Tapos malalaman kong umalis na agad si Arianne, ng wala man lang iniwang bakas... At ngayon, hindi nanaman namin alam kung nasaan siya, o kung saan kami magsisimula.

        Nakakapanghina.

       Bumuntong hininga nalang ako at tumayo na. Aalis na sana ako pero muli pang sumagot ang Clairvoyant na kausap ko. "Sila– sila ni Axel." Hindi ko maiwasang mapa-ismid.

       Puros Axel, hindi ko nga kilala ang taong iyon. Ni hindi ko alam kung malinis ba ang intensyon niya sa kaibigan ko, o kung ipapahamak niya lang ito.

       Naiinis ako. Nasasaktan nanaman ako, pero hindi para sa akin kung hindi ay para kay kuya Jarvis. Ano? Makikita ko nanamang mawala ang saya at pag-asang namuo kanina sa mga mata niya? Makikita ko nanamang nasasaktan ang kapatid kong mahal na mahal ko? Kailangan nanaman niyang magdusa ulit? Umiyak ng paulit-ulit? Hanggang kailan ba ganito? Kailan matatapos ang lahat ng ito?

       "Hindi ako makapaniwala..." Napabuga nalang ako ng hangin at napapikit saglit. Agad din akong humakbang paalis nang dinilat ko ang aking mata.

      Ang tanging nasa isip ko lang sa ngayon ay kailangan kong hanapin si kuya Travis. Kailangan na naming umalis at puntahan sila kuya Jarvis.

       Masyado na nga ata akong gulong-gulo dahil hindi ko na nabigyang pansin ang babaeng kausap ko kanina lang. Ni hindi ko na nagawang humingi ng paumanhin nang masagi ko siya gamit ang braso ko pagdaan ko. Kaya naman nang maramdaman ko ang paghawak niya sa pala-pulsuhan ko ay handa na sana akong mag-sorry. Agad ko siyang nilingon, at nanlaki ang mata ko nang magtama ang tingin namin.

       Diretso ang tingin niya sa akin, at naka-Ability mode ang kanyang mga mata, animo'y tinitingnan niya ang kaibuturan ng kaluluwa ko. Hindi ko rin maiwasang makaramdam ng sunod-sunod na takot at kaba, lalo na nang banggitin niya ang pangalan ko.

       "Be prepared, Alexandria. And know this, my dear child– the bond that gave life shall also end one. And the gift can be a curse, so choose to be good or worse."

       Pakiramdam ko ay ginapangan ang katawan ko ng bolta-boltaheng kuryente. Dala rin siguro ng gulat kaya agad kong binawi ang kamay ko. Akala ko ay babalik na sa normal ang mga mata niya, kaya nagulat ako nang muli siyang magsalita.

       "However, afore peace they will suffer. And their path shall be rougher."

       Pagkatapos ay agad na nag-iba ang kulay ng kanyang mata, na para bang nahimasmasan siya. Takang-taka rin siyang napatingin sa akin, at may pangambang namumuo sa kanyang mukha.

       Kumunot din ang kanyang noo, bago muling nagturan. "I-I saw your fu-future..." Nauutal pa siya habang nagsasalita kaya dahan-dahan na akong napaatras. Pakiramdam ko ay unti-unti na rin akong nilalamon ng takot.

       "It's pure darkness. Only darkness." Napa-iling nalang ako at napatakip sa tainga ko kasabay ng mabilis kong pagtakbo paalis sa lugar na iyon, palayo sa kanya.

       May mga nabubunggo akong tao dahil sa bilis ng pagtakbo ko, at nagsisimula nanamang magloko ang Ability ko, kaya ramdam na ramdam ko ang emosyon at presensya nila. Nakakalunod. Nakakapanghina. Nakaka-ubos ng hangin sa sistema.

       Mas lalo ko nalang na minadali ang pag-alis sa lugar, habang lumilinga-linga, at sinusubukang hanapin si kuya Travis. Bakit ko ba sinuhestiyong maghiwalay kami? Ang tanga tanga ko.

        Sa kakalingon ko, hindi ko napansing nasa baba na pala ako ng hagdanan. Ito yung parang mismong entrance ng Sunset Bar, at dito kami naghiwalay ng landas ni kuya Travis kanina. May naka-usling bato rito kaya nadapa ako. Muntik na ring dumausdos ang mukha ko, pero mabuti nalang ay naitukod ko agad ang dalawang kamay ko. Napakagat nalang din ako sa labi ko upang pigilan ang sarili kong sumigaw nang maramdaman ko ang isang sugat sa tuhod ko.

         Ilang beses na lang akong huminga ng malalim, iniipon ang lakas ko para makatayo ako, nang maramdaman ko ang dalawang kamay na humawak sa braso ko. Agad ako nitong tinulungang tumayo, kaya inangat ko ang tingin ko.

       Nang magtama ang mga mata namin ay napasinghap na lang ako.

       "Vivienne..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top