V - Fear On Fire
"You seriously need to calm down, Sunshine." Tugon ni kuya Hendrix kaya bumuntong hininga nalang ako at humarap sa kanya.
Andito kami ngayon sa may sala at kanina pa ako hindi mapakali. Naaalibadbaran na rin siguro sa akin itong kapatid ko dahil kanina pa ako palakad-lakad dito.
Paano ba naman kasi ay kanina pa nag-uusap sila kuya Jarvis at kuya Yohan sa opisina, at hindi ko maiwasang kabahan. Natatakot akong baka isumbong ako ni kuya Jarvis at magalit nanaman sa akin si kuya Yohan.
"If Jarvis already told Kuya and Mom, you wouldn't be standing there." Napa-upo nalang ako at napangalumbaba. May punto naman si kuya at alam kong tama siya. Dahil kung gusto talaga akong isumbong ni kuya Jarvis ay sana kagabi palang, pagdating na pagdating namin, ginawa na niya. Pero ewan ko at kinakabahan pa rin ako, lalo pa't galit na galit din si kuya Jarvis kagabi.
Hays.
Ipinikit ko nalang ang mga mata ko at sinubukang pakalmahin ang sarili ko, kaso sa ginawa ko ay naalala ko lang ang nangyari.
"What were you thinking, Alexandria?!" Hindi man nakatingin sa akin si kuya dahil hindi niya maalis ang mga mata niya sa daan ay ramdam na ramdam ko naman ang galit niya.
Pagdating na pagdating namin ni Raven sa bahay ni Mama Rianne ay pinasakay ako agad ni kuya Jarvis sa kotse niya. Noong una ay gusto pa niyang awayin si Raven sa pag-aakalang may kinalaman ito sa ginawa kong pagsisinungaling, mabuti nalang ay napaki-usapan ko siya. Hindi na rin ako nakahingi ng paumanhin kanila Lola Clarissa dahil pinaandar agad ni kuya Jarvis ang sasakyan. Si kuya Damon naman ay sumunod nalang din sa amin.
Ilang minuto na ang lumipas simula nang maka-alis kami doon pero ngayon pa lang nagsalita itong kapatid ko. Ni hindi ko alam kung anong isasagot.
"Kung hindi pa ako pumunta sa bahay na iyon para ayain kang kumain sa labas ay hindi ko pa malalaman." Napakagat nalang ako sa ibabang parte ng labi ko at napayuko. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil balak niyang ayain akong kumain... at ngayon lang iyon mangyayari sana sa loob ng tatlong buwan. O kung maiiyak ako dahil ramdam ko ang pait sa bawat salitang binitawan niya.
"I've been feeling guilty for making you feel neglected these past few months, only to find out that you've been lying to us." Tumaas na ang boses ni kuya Jarvis at napapalo pa siya sa steering wheel kaya napapikit nalang ako.
Alam ko namang maling-mali talaga ang ginawa ko, at naiintindihan ko ang galit niya... pero nasasaktan din ako. Pakiramdam ko ay sobrang laki ng kasalanan ko.
"Gusto ko lang makatulong kasi–" Umismid naman si kuya Jarvis kaya hindi ko na natapos ang nais kong sabihin.
"How is lying helping, Alexandria? What were you even doing out there and where did you go? What if something happened to you?" Sunod-sunod ang naging tanong niya.
Bumuntong hininga naman ako bago sumagot. "Hinanap ko lang si Arianne, gusto ko lang tu-" Pero bago pa ako makapagpaliwanag ay sumabat na agad si kuya Jarvis.
"Don't. Don't try to help again, Alexandria. Because every time you do, things only get worse." Nagulat naman ako sa tinuran ni kuya Jarvis lalo pa at may diin ang bawat salitang binitawan niya. Hindi ko alam kung anong mararamdaman sa sinabi niya..
Ngayon, nakumpirma ko... na katulad ni kuya Yohan... ay galit din siya sa akin. Napapikit nalang ako at napatikom ng bibig.
"I'm sorry, Kuya." Iyon nalang ang din sinabi ko kasabay ng pagtulo ng luha sa mga mata ko. Diniinan ko nalang din ang pagkakakagat sa ibabang parte ng labi ko para mapigilan ang sarili kong humikbi. Hinayaan ko nalang ding bumagsak ang buhok ko para maharangan ang mukha ko.
Nasasaktan ako... pero alam kong kasalanan ko ito.
Sa buong byahe kagabi ay hindi na nagsalita si kuya, kaya nanatili nalang din akong tahimik. Kahit nang makauwi kami ay hindi niya ako kinibo o nilingon man lang, at dumiretso nalang siya sa kwarto niya.
Hindi ko na siya sinundan dahil alam kong galit siya, kaya pinuntahan ko nalang si Kuya Damon para kamustahin siya. Dahil sa akin ay mukhang napagalitan siya at mas lalo pang malalagot kapag nalaman nila Kuya Yohan at Mommy. Humingi ako sa kanya ng paumanhin ngunit paulit-ulit niyang sinasabi na ayos lang daw, kaya mas lalong bumigat ang loob ko. Nagi-guilty ako ng sobra.
Nagtaka pa sila Mommy kung bakit umuwi ako, pero sinabi ko nalang na sumama ako kay kuya Jarvis pabalik. Hindi na rin sila nagtanong pa at hinayaan nalang ako pumanik sa kwarto para makapag pahinga. Akala ko ay hindi na nila ako tatanungin pa pero nagulat ako nang kumatok si kuya Hendrix.
Hindi ko naman kayang magsinungaling pa sa kanya at alam kong hindi siya titigil hangga't hindi nakukuha ang sagot... kaya sinabi ko na.
Katulad ni kuya Jarvis ay nagalit din siya. Naiintindihan ko iyon dahil alam kong mali ang ginawa ko, at nag-aalala lang siya. Hinanda ko na rin ang sarili ko kung sakaling may bibitawan din siyang masasakit na salita pero nagulat ako nang niyakap niya lang ako.
Nakakatawa kasi dapat masaya akong hindi siya nagalit ng sobra, pero kabaliktaran pa ang nangyari. Ni hindi ko alam kung bakit humagulhol ako sa nang sinabi niya sa aking ayos lang at naiintindihan niya ako. Pakiramdam ko nang mga oras na iyon... nakahanap ako ng taong hindi ako sinisisi sa kahit anong bagay. Pinaramdam sa akin ni kuya Hendrix na ayos lang magkamali.
Hindi niya ako iniwan kagabi hangga't hindi ako nakakakalma dahil natatakot din akong anumang oras ay pupuntahan ako nila Kuya Yohan at Mommy, na baka alam na nila o baka nagsumbong na si kuya Jarvis. Sa tingin ko nga ay ginamit na lang sa akin ni kuya Hendrix ang Ability niya para lang gumaan ang loob ko, at makatulog ako.
Sa sobrang takot ko, nagising pa ako ng maaga. Nagpalipas nalang din ako ng oras sa back garden at nakipaglaro kay Aria para malibang at mawala sa isipan ko ang nangyari. Pero lahat ng iyon ay bumalik din nang mag-almusal kami ng sabay sabay at wala pa ring imik si kuya Jarvis.
Pagkatapos kumain ay balak ko na sanang lumapit sa kanya, at humingi ulit ng tawad, pero hindi ko nagawa. Bago pa ako makapagsalita ay tinawag na ni kuya Jarvis si kuya Yohan, at sinabing may kailangan siyang sabihin. Tila tumigil ang mundo ko at napako ako sa kinatatayuan ko, kaya pinanood ko nalang silang umalis at pumunta sa office.
Trenta minutos na ang lumipas pero nasa loob pa rin sila at nag-uusap. Hindi ko na nga alam kung gaano katagal na akong palakad-lakad dito sa sala.
"Tell me, why are you afraid? Dahil ba mapapagalitan ka nila Mommy?" Napatingin naman ako kay kuya Hendrix na ngayon ay naka-upo na sa tabi ko. Hindi ko namalayang lumapit pala siya sa akin at lumipat ng upuan. Malumanay lang ang boses niya at punong-puno ito ng pag-aalala. Umiling ako.
"Hindi. Matatanggap ko naman 'yon Kuya kasi alam kong mali iyon..." Hindi naman sumagot si kuya Hendrix sa sinabi ko, animo'y nag-aantay ng karugtong nito. Bumuntong hininga nalang ako at iniwas ang aking tingin.
"Ayoko lang madamay pa si kuya Damon, siguradong mapapagalitan din siya. Kasalanan ko naman..." Nag-hmmm lang naman si kuya Hendrix sa akin at hindi na sumagot.
Maaaring alam niya, o may ideya siya... Pero maaari ring wala. Ang alam ko lang, alam ni Kuya Hendrix na hindi iyon ang totoong rason. Alam kong alam niyang parte lang iyon ng isang kabuuan na ayokong isiwalat.
Dahil ang totoo, ang ikinakatakot ko ay iyong tuluyan ng lumayo ang loob sa akin ng pamilya ko. Kasi aminin man nila o hindi, iyon talaga ang nangyayari sa pagitan namin. Bakit nga naman hindi kung sa isipan nila ay kasalanan ko ang lahat ng ito? Maging sa sarili ko ay alam kong kasalanan ko itong lahat.
Minsan naiisip ko nga na baka mas maayos ang lahat... kung hindi ako bumalik at pumasok sa buhay ng bawat isa.
"Alexandria." Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ko ang boses ni kuya Yohan. Agad din akong napatayo nang makitang nakapasok na sa sala si kuya Yohan, at nasa tabi niya si Jarvis. Kita ko rin sa gilid ng mga mata ko ang tingin ni kuya Hendrix.
Walang mababakas na kahit anong emosyon sa mukha ni kuya Yohan kaya mas lalo akong nakakaramdam ng kaba. Alam na kaya niya?
"Bakit kuya?"
"Come with me, I need to talk to you." Bago pa ako makasagot at makapagtanong ay agad na siyang tumalikod at naglakad paalis, kaya napalunok nalang ako.
Pinasadahan ko rin ng tingin si kuya Jarvis, mga mata ko ay nangungusap, nagbabaka-sakaling sasabihin niya sa akin kung bakit gusto akong maka-usap ni Kuya Yohan. Pero umiwas lang siya ng tingin at dumiretso na rin sa pag-upo. Nilingon ko naman si kuya Hendrix pero isang ngiti lang ang binigay niya sa akin, animo'y pinapalakas ang loob ko.
Isang buntong-hininga nalang ang pinakawalan ko bago ako sumunod sa panganay naming kapatid. Dahil ang study ni Daddy ay naging opisina ni Mommy, pinaayos din ang bakanteng kwarto sa tabi nito upang maging opisina rin ni kuya Yohan, lalo pa at tumutulong siya sa pagpapatakbo ng mga negosyo.
Ang bilis niyang maglakad, at dahil sa takot ko ay ang bagal kong kumilos. Pakiramdam ko nga ay mahihimatay na ako sa takot habang naglalakad sa tahimik na hallway, kakainin na ata ko ng buo ng kabang nararamdaman ko.
Nang marating ko ang labas ng opisina ni Kuya Yohan ay kumatok lang muna ako ng tatlong beses bago ako pumasok. Naabutan ko siyang tahimik na naka-upo sa swivel chair habang pinaglalaruan ang isang ballpen sa kanyang kamay.
"Kuya... may problema ba?" Ako na ang bumasag ng katahimikan habang dahan-dahan akong naglakad papalapit sa mesa niya. Hindi naman siya sumagot at nakatingin lang siya sa bookshelves sa kanang bahagi kaya tinikom ko nalang din ang bibig ko.
Kahit nang makalapit na ako ay hindi pa rin nagsalita agad si Kuya. Tahimik lang akong tumayo sa harapan niya habang pinaglalaruan ang kamay ko sa aking likuran upang malibang ang sarili ko, at mabawasan ang kabang nararamdaman ko.
Hindi ko alam kung ilang minuto pa ang lumipas na walang nagsasalita sa aming dalawa. Nang tumikhim naman si Kuya ay napa-ayos din ako agad ng tayo at napatingin lang sa kanya. Diretso rin ang titig niya sa akin kaya mas lalong umigting ang kabang nararamdaman ko.
Akala ko ay magsasalita na si Kuya at papagalitan na ako, pero nagulat ako nang iniabot lang niya sa akin ang isang makapal na black folder. Mayroong dry seal ng Council logo sa gitna nito kaya hindi ko maiwasang mapakunot noo.
"You wanted to know more about Gabriel Morte, right? Here's his files." Nanlaki naman ang mga mata ko at napatakip ako sa bibig nang magsalita siya. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman at kung ano ba ang dapat kong maging reaskyon, kaya bago pa ako makapag-isip ay lumapit na ako agad sa kanya at niyakap siya.
"Thank you, Kuya!" Halatang nagulat siya sa ginawa ko pero sinuklian din naman niya ang yakap na iyon kaya tuluyan na akong naluha sa saya. Nakahinga ako ng maluwag.
Nang mahimasmasan ako sa ginawa ko ay agad na ring akong humiwalay sa pagkakayakap sa kanya, at kinuha na ang folder na binibigay niya. Hindi hamak na mas mabigat at mas makapal ito kumpara sa file na nakuha ko.
Sobrang makakatulong ito sa akin.
"Just don't do anything that will put you in danger, do you understand?" Napatango-tango nalang ako sa kanya dahil sa sobrang saya. Hindi ko alam kung anong sasabihin at kung ano ang iisipin. Bakit tila nag-iba ang ihip ng hangin? Buong akala ko ay papagalitan niya ako. Hindi ba ako isinumbong sa kanya ni kuya Jarvis?
"You can go now, Jarvis is waiting." Kumunot naman ang noo ko sa tinuran ni kuya Yohan. Napansin niya rin ata iyon dahil magtatanong palang sana ako ay inunahan niya na ako. "Aren't you coming with him today to look for Arabella? He said that you'll accompany him." Nang marinig ko ang sinambit niya ay agad na sumilay ang ngiti sa aking labi at tumango nalang.
"Sige, Kuya. Bye, salamat!" At bago pa siya makapagtanong muli ay nagpa-alam na ako, at lumabas ng kanyang opisina bitbit ang files ni Gabriel. Narinig ko pa siyang bumuntong hininga pero hindi ko nalang iyon pinansin.
Nagmadali nalang din ako sa pagtakbo pababa. Nang sumilip ako sa sala ay wala na roon sila kuya Hendrix kaya dumiretso nalang ako sa labas.
Hindi ko naman mapigilan ang mas paglapad ng ngiti ko, at ang excitement, nang makita si Kuya Jarvis na nag-aantay sa labas ng kanyang sasakyan. Hindi na rin ako nagdalawang isip na yakapin siya, pero tanging mahinang tawa lang ang sinukli niya.
"Thank you, Kuya." Tinapik niya lang din ang likod ko at hindi na sumagot, pero sapat na iyon. Sa ganoong paraan ay alam ko ng hindi na siya galit sa akin.
May nangyari ba sa mundo habang tulog ako? Parang nag-iba ata ang ihip ng hangin. Pero, hindi bale na. Ang importante, maayos na ang lahat.
"Let's go, baby A." Tinanguan ko nalang si Kuya nang pagbuksan niya ako ng pintuan ng sasakyan. Sumakay na rin siya sa Driver's Seat at ini-start ang makina.
"I don't know where to look for Arianne today, but let's try at the border of Hillwood and Oakwood." Inaayos ko ang seatbelt ko nang marinig kong nagsalita si kuya, kaya napalingon ako sa kanya. Bakas na bakas ang pagod sa kanyang mukha, pero naroroon pa rin ang pag-asa.
"Huwag doon. Wala tayong mapapala sa lugar na iyon." Kunot noo naman siyang napalingon sa akin kaya hindi ko maiwasang mapangiti.
"How can you say so?" Nagtatakhang tanong niya. Hindi ko pa kasi nasasabi sa kanya kahapon kung saan ko naramdaman ang presensya ni Arianne.
"Sa tingin ko ay alam ko na kung nasaan siya, Kuya." Ang kaninang pagsasalubong ng kilay niya at pagod na mga mata ay agad na nagliwanag nang marinig ang sinabi ko. Sumilay din ang isang maliit ngiti sa kanyang labi kaya mas lalo akong nakaramdam ng tuwa...
Sa loob ng tatlong buwan... tila ba ngayon nalang ulit siya ngumiti ng ganyan. Oo nga at maliit na ngiti lang ito pero sobrang sapat na para gumaan ang loob ko. Sapat na para mapanatag ako na balang araw ay magiging maayos siya. Balang araw, sasaya ulit si Kuya Jarvis.
"Tara na sa Girdwood." At kasunod ng mga salitang iyon ay ang siya ring pag-alis namin palabas ng Mansion, at palabas ng Hillwood.
Arianne, sana makita ka na namin.
~ × ~
"Nakapunta ka na ba dito sa Girdwood, Kuya?" Kakapasok lang namin sa bayang ito at kakagising ko lang din. Hindi ko napansing nakatulog pala ako sa byahe, lalo pa at inabot din iyon ng lampas isang oras.
"Only once." Hindi inaalis ni kuya Jarvis ang tingin niya sa daanan kaya tumango nalang ako.
Ngayong mas nakikita ko na ng mabuti ang daanan dahil maaga, napansin kong bangin pala ang nasa baba Girdwood. May tag-isang lane lang kasi para sa sasakyan, at sa kaliwa ay ang bangin at mga kapunuan naman sa kanan. Bundok talaga ang kabuuan ng bayang ito. Nakakamangha ngunit nakakatakot din.
Tinikom ko nalang ang bibig ko para hindi na mag-ingay pa. Masyado kasing pokus sa pagmamaneho si Kuya. Kinuha ko nalang din ang folder na binigay sa akin ni Kuya Yohan. Sinadya ko talagang dalhin ito para mabasa ko sa byahe, sayang naman ng oras.
Katulad ng mga nabasa ko sa files na nakuha ko noong isang linggo, iyong mga basic informations lang din ang nasa mga unang pahina. Iyon nga lang ay parang mas detalyado ito kaya sinigurado ko ring wala akong malalampasang detalye.
Mas marami ang mga impormasyon dito tungkol sa mga magulang ni Gabriel. Namatay pala sila pareho sa isang... mission?
Hindi ko maiwasang mapakunot ng noo. Anong mission? Gaano iyon ka-delikado para maging kapalit ang buhay nila? At para kanino ang mission na iyon? Nagtatrabaho ba sila sa isang makapangyarihang pamilya o para sa Council?
Ipinagpatuloy ko nalang ang pagbabasa ko para mas lalong maklaro ang isipan ko. Mas dumadami ata ang mga katanungan sa aking isipan. At mas lalong lumalaki ang kagustuhan kong makilala pa lalo ang Gabriel na ito.
Sinasabi ritong sila Azrael Morte at Lilith Morte, mga magulang niya, ay isang... security personnel? Pero nakakapagtaka na walang impormasyon dito kung saan o kaninong pamilya sila nagta-trabaho. Bakit ganoon?
Dala ng aking kyuryusidad ay nilingon ko agad si kuya Jarvis para tanungin. Baka sakaling alam niya kung bakit ganito. "Kuya, bakit sa isang file ng isang dating security personnel walang nakalagay na impormasyon kung saan siya naglingkod? Pwede ba iyon?" Walang pag-aalinlangan namang tumango si kuya.
"Privacy and protection are the two most important things when it comes to being a security personnel, baby A. Kung security personnel siya ng isang makapangyarihan na pamilya, o ng isang miyembro ng Council, hinding-hindi iyon lalabas sa files niya." Napatango-tango naman ako sa sagot ni Kuya at napatingin muli sa files na hawak ko.
Kung ganoon, itong mga magulang ni Gabriel... posibleng security personnel sila ng isang powerful family sa Oakwood, o ng isang Council member. Pero sino? Hindi naman taga-Oakwood sila Arianne, kaya maaaring hindi sila konektado. Hindi rin naman miyembro ng Council sila Tita Aleece.
Maling Gabriel ba ang nakuha ko? Pero bakit ang lakas ng kutob kong may kakaiba sa kanya?
Naguguluhan na ako, pero mas nangingibabaw ang pagtataka sa akin kaya ipinagpatuloy ko pa rin ang pagbabasa. Andito na rin naman ito, isa pa ay baka may mas importanteng impormasyon akong makuha.
Ayon sa nabasa ko, malakas din ang mga magulang ni Gabriel at high-leveled security personnel sila. Pareho silang may Element Manipulation Ability. Nang mamatay sila ay napunta sa pangangalaga ng iba si Gabriel na siyang lubos kong ipinagtataka... hindi siya napunta sa kahit anong Foundation, kahit na iyon ang dapat dahil bata pa siya. Kaya hindi ako tumigil sa pagbabasa at baka sakaling isang kapamilya pala ang kumuha sa kanya. Gusto kong malaman, dahil doon sa huli kong nabasa ay wala naman siyang ibang kamag-anak o kahit kapatid man lang.
Nasa may dulo na ako ng ikalawang pahina, at malalaman ko na sana kung sino ang kumupkop sa kanya kaso paglipat ko sa sunod na pahina ay tungkol na ito sa ibang bagay. Sinubukan ko pang ilipat sa sunod pa pero wala... putol talaga ito. Nawawala ang ikatlong pahina.
Nagpakawala nalang ako ng isang malalim na buntong hininga at napapikit. Nakaka-dismasya pero mas lalo nitong pinag-iigting ang hindi magandang pakiramdam ko.
Anong mayroon sa iyo, Gabriel? Posible bang tama itong naiisip ko?
"What's the matter?" Rinig kong tanong ni kuya Jarvis kaya idinilat ko ang mga mata ko. Napansin ko namang kakalampas lang namin sa cafe na kakainan sana namin ni Raven kagabi.
"Wala naman, Kuya. Sumasakit lang ang ulo ko sa binabasa ko." Tumango nalang sa akin si Kuya Jarvis at hindi na sumagot, kaya itinuon ko nalang ulit sa binabasa ko ang aking atensyon.
Walang masyadong bago sa ikatlong pahina dahil parang mas detailed information lang ito nina Lilith at Azrael. Katulad ng aking inaasahan ay malakas nga sila, at hasang-hasa rin ang kanilang mga kakayahan. Hindi naman iyon nakakagulat lalo at mukhang mataas ang ranggo nila bilang isang security personnel.
Ililipat ko na sana sa sunod na pahina nang mapukaw ang aking atensyon ng isang impormasyon sa dulo. Nanlaki ang aking mga mata nang mabasa ito.
Noong una kong nabasa ang files ni Gabriel, walang nakalagay na impormasyon tungkol sa kanyang Ability. Doon nagsimula ang kutob ko sa kanya... pero ngayon... alam ko na ang Ability niya.
Darkness Manipulation. Ito ang Ability ni Gabriel... kapareho ng kay Xenon at kuya Yohan.
Kaya ba kahit mula lang sa isang average na pamilya si Gabriel ay protektado rin ang mga files niya? Dahil sa kanyang rare ability? Pwede rin bang iyon ang rason kung bakit hindi siya napunta sa isang Foundation?
At nasaan na ba siya ngayon?
"Alexandria..." Natigil lang ako sa pag-iisip nang tawagin ni kuya Jarvis ang aking pangalan. Agad ko siyang nilingon at napansin kong sa akin pala nakatuon ang atensyon niya. Hininto rin niya ang sasakyan sa tabi kaya nagtaka ako bigla kung ano ang gusto niyang sabihin.
"Ano 'yon Kuya?" Isang malungkot na ngiti ang sumilay sa labi niya kaya napakunot ang noo ko. May problema ba? May nararamdaman ba siyang hindi maganda?
"Ayos ka–" Tatanungin ko palang sana siya pero inunahan niya na ako.
"I haven't apologized to you, yet." Natigilan naman ako sa tinuran niya at napatitig lang sa kanya. Bakas na bakas ang pagsisisi at sinseridad sa kanyang mga mata.
"I'm sorry for the things I said last night." Umiling naman ako agad at nginitian siya.
"Ayos lang. Naiintindihan ko." Kung ako rin ang nasa posisyon niya ay magagalit din ako. Anuman ang rason at kahit saang anggulo man tingnan, mali pa rin ang ginawa ko. Alam kong nag-alala lang si Kuya Jarvis.
"No, it's not okay." Yumuko siya kaya hindi ko maiwasang mapabuntong hininga. Alam ko namang hindi niya sinasadya ang mga binitawan niyang salita, pero hindi ko akalaing ganito iyon kabigat para sa kanya.
"I've been a bad brother to you these past few months, baby A. I was in pain, and I know that it doesn't justify the words I said and the actions I did, because you..." Inangat naman niya ang kanyang tingin sa akin. Ang lungkot lungkot ng kanyang mga mata kaya hindi ko rin maiwasang malungkot.
"You.. You were in pain, too. You were suffering more than any of us. And I made you feel like your feelings didn't matter. I'm so sorry." Nang binitawan ni kuya ang mga salitang iyon ay hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking luha at napayakap na ako agad sa kanya. Hindi ko maipaliwanag, pero ang saya ko.
"I'm sorry, baby A." Paulit-ulit pa iyong ibinulong sa akin ni kuya Jarvis nang sinuklian niya ang aking yakap kaya napa-iling nalang ako.
"I'm sorry din, Kuya." Pakiramdam ko ay nabawasan ng isang malaking tinik ang aking dibdib. Ngayon, mas kaya ko ng harapin lahat dahil alam ko... na hindi na galit sa akin si kuya Jarvis. Alam kong andyan na ulit siya sa tabi ko, at ganoon din ako sa kanya.
Pwede ba akong umasa na posible ng bumalik sa dati ang lahat?
Hinigpitan ko nalang ang yakap kay Kuya at di kalaunan ay humiwalay na rin ako sa kanya. Tinawanan pa niya ako nang makita ang ilang luhang tumakas sa mga mata ko kaya napanguso nalang ako. Pupunasan ko na rin sana ang mukha ko nang bigla kong maramdaman ang paggana ng Ability ko at pagbabago ng kulay ng aking mga mata.
"Baby A..." Pati si kuya Jarvis ay nagulat sa nangyari pero napalunok nalang ako dahil sa presensyang naramdaman ko. Lumingon din ako agad sa daanan.
"Si Arianne, Kuya... Malapit lang siya rito..." Dahil sa sinabi ko ay napasinghap ang kapatid ko pero agad din siyang umayos ng upo at pinaandar ang sasakyan.
Ramdam na ramdam ko ang bilis ng pagmamaneho niya pero hindi ko magawang alisin ang tingin sa harapan.
Alam ko at naiintindihan ko ang kakaibang sayang nararamdaman ni Kuya Jarvis... pero ako? Hindi ko magawang ngumiti.
Oo nga at ramdam na ramdam ko ang presensya ni Arianne. Sa wakas ay makikita na namin siya ulit... pero may mali.
Dahil kaakibat ng kanyang presensya ay ang malakas na pagpaparamdam din ng panganib... at sa pagkakataong ito ay hindi ko alam kung ano ang nag-aantay sa amin.
Huwag sanang mali ang iniisip ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top