IV - Find You

       "Kuya Damon, tara na po." Agad na napalingon sa akin ang security personnel namin at tinanguan ako. Pinagbuksan niya rin ako ng pintuan ng sasakyan kaya sumakay na ako dito, at dumiretso na rin siya sa driver's seat.

       "Nagpa-alam na po kayo kay sir Yohan, Miss Alexandria?" Tumango naman ako bilang sagot sa tanong niya kaya agad na niyang pinaandar ang sasakyan.

        Sa totoo lang ay nahirapan pa akong magpa-alam kay Kuya noong una dahil natatakot akong baka hindi niya ako payagan. Walang problema kay Mommy pero si Kuya kasi, ang higpit. Mas pinagbuti ko nga ang training buong araw para masigurong papayagan niya ako, at nagbunga naman ang pagod ko. Sulit na sulit.

       Sabado ngayon at papunta kami ni kuya Damon sa bahay ni Mama Rianne. Simula noong nabunyag na ako si Alexandria, napunta na rin sa akin ng buo ang bahay ni Mama. Pinapayagan naman ako nila Mommy na bumisita doon tuwing Sabado.

       Nalaman ko rin na umuupa lang pala sila Lola Clarissa kaya napagdesisyunan kong sa bahay nalang ni Mama Rianne sila patirahin. Tuwing sumasapit ang weekend, lagi akong naeexcite na makapunta sa kanila at makipag-kwentuhan kay Lola. Tapos ang saya saya pang makalaro ni Rianne, pakiramdam ko nawawala panandalian ang problema ko. Pakiramdam ko bumabalik ako sa dati... Iyong panahong hindi pa ako si Alexandria at simple lang ang buhay ko.

       Si kuya Damon ang lagi kong isinasama dahil magaan din ang loob ko sa kanya. Isa pa ay pinagkakatiwalaan ko talaga siya at parang nakakabatang kapatid na rin ang turing niya sa akin. Lagi niya rin akong tinutulungan sa mga trainings ko at kapag nagkakamali ako ay hindi niya ako isinusumbong. Yung iba kasing security personnel, masyadong tapat kay kuya at isang mali ko lang ay ipinapa-alam agad nila. Saka napalapit na rin ang loob ni kuya Damon kanila Lola at ganoon din sila sa kanya. Minsan nga ay binibiro ko si kuya Damon na parang anak na ang turing niya kay Rianne at tumatawa lang siya dahil wala naman siyang girlfriend.

       "Kuya, Plan B po ako ngayon." Napalingon naman sa akin si kuya Damon nang marinig ang tinuran ko pero mabilisan lang dahil nagmamaneho siya.

       "Miss Alexandria.." Halata ang pag-aalinlangan sa boses niya na para bang gusto niyang tumutol pero nginitan ko na lang siya. Alam kong nag-aalala siya, pero kaya ko naman ang sarili ko.

       "Mag-iingat po ako, huwag na kayong mag-alala. Hindi ko ipapahamak sarili ko." Isang buntong hininga na lang ang pinakawalan niya at hindi na nagsalita pa. Alam din naman niyang desidido ako sa desisyon ko at wala siyang magagawa para pigilan ako.

        Ang ganitong mga lakad ko tuwing Sabado ay palaging nahahati sa dalawang plano. Plan A kapag pupunta lang ako kanila Lola Clarissa at makikipag-kwentuhan sa kanila, doon din ako natutulog sa dati kong kwarto. Ang sunod na Sabado naman ay Plan B... iyong planong hindi ako pumupunta talaga sa bahay at si kuya Damon lang ang pinapapunta ko. At ako? Nagpapababa nalang ako sa malapit na istasyon ng tren para masimulan ko ang paghahanap... Ang sariling paghahanap ko kay Arianne.

       Alam ko na ginagawa ni kuya Jarvis ang lahat para lang makita siya, pero gusto ko pa rin siyang tulungan. Hindi ako sumasama kay kuya dahil baka hindi magustuhan iyon ni Arianne kapag nakita niyang kasama ako ng kapatid ko, kaya gusto ko nalang hanapin siya sa sariling paraan ko. Baka sakaling sa ganoong paraan ay hindi na madamay ang kapatid ko sa galit niya sa akin.

       Sa nakaraang tatlong buwan ay halos nagalugad ko na ang buong Hillwood at Oakwood. Hindi ako tumitigil sa paghahanap kay Arianne simula Sabado ng hapon hanggang sa sumapit ang Linggo ng umaga. Ang alam nila Kuya at Mommy ay nasa bahay lang ako ni Mama Rianne, pero hindi. Kaya sinisigurado ko namang palagi akong handa at hindi ako malalagay sa kapahamakan. Isa pa, isa rin itong magandang training sa akin para mas lalo kong maensayo ang paggamit ng Abilities ko at ng Enhanced Senses ko.

       Ngayon, may bago akong gustong puntahan. Girdwood.

       Tutal naman ay naghanap na ako ng naghanap sa Oakwood at Hillwood, oras na para mas paglawakin ko ang paghahanap. Isa pa, may kakaiba talaga akong nararamdaman sa lugar na iyon noong nakita ko ito sa overlooking cliff kagabi. Gusto ko sanang ayain si Xenon dahil hindi ako pamilyar sa lugar na iyon, pero ayokong istorbohin pa siya. Kailangang kailangan niya ang pahinga matapos ang nangyari sa kanya kagabi.

       "Dito nalang po ako bababa." Agad namang inihinto ni kuya Damon ang sasakyan sa tabi nang itinuro ko ang istasyon. Pupwede sana akong sa istasyon nalang malapit sa amin bumaba pero base sa nakuha kong impormasyon nang nagsaliksik ako kanina ay mahihirapan akong pumasok sa bayan ng Girdwood kung sa tren ako sasakay. Mas madali raw kung dito ako sasakay at bababa ako sa ikalawang station, mayroon kasing terminal doon ng mga bus papunta sa main entrance ng Girdwood.

       Mahigpit pala ang seguridad sa bayan na iyon dahil shortcut na rin siya papuntang Central. Kakailanganin ko pang kumuha ng clearance sa may entrance. Kapag sa train naman ay haharangin ka pa at matagal kang mag-aantay bago ka patuluyin. Wala akong mahabang oras kaya sa mismong entrance ng Girdwood nalang ako didiretso.

        Itatanong ko nalang sana kay Xenon kung saan siya dumaan noong pumunta kami ng Girdwood para itakas si Dana, kaso naalala ko na mas humigpit lalo ang seguridad sa bundok na parteng iyon dahil sa nangyari. Isa pa ay malalaman niya ang balak ko, at sigurado akong hindi siya papayag na mag-isa lang akong pupunta. Magpupumilit siyang sumama at ayoko no'n. Mas gusto kong magpahinga siya ngayon.

       "Miss Alexandria, mag-iingat po kayo. Tawagan niyo ako agad kapag kailangan niyo ng tulong." Isang ngiti naman ang ibinigay ko kay kuya Damon.

       "Kailan po ba ako hindi nag-ingat?" Napa-iling nalang siya sa sagot ko pero napangiti rin. Ganyan na talaga siya, palaging nag-aalala sa akin. Pero sinisigurado ko naman talagang hindi ako mapapano, lalo pa at ayoko rin namang malagot siya kanila Kuya.

       "Ikamusta niyo nalang po ako kanila Lola Clarissa at Rianne. Babawi ako sa kanila sa susunod." Iyon nalang ang tinuran ko bago ko isinuot ang itim kong baseball cap at bumaba. Ramdam ko ang pagsunod ng tingin sa akin ni kuya Damon hanggang sa makapasok ako ng istasyon pero hindi ko na siya nilingon.

       Bumili nalang din agad ako ng ticket para umabot na ako sa tren na paalis na. Medyo madami ang tao ngayon kumpara noong mga nakaraang linggo, pero sanay naman na ako. Mas mabuti nga iyon, para mas hindi nila ako mapansin.

        Tahimik nalang din akong nakatingin sa labas habang hawak ko ang kwintas ko. Hinding-hindi ko na talaga ito inaalis lalo pa at ito ang nagsisilbing proteksyon ko sa ganitong panahon na mag-isa akong lumalakad.

        Hindi naman ganoon kalayo ang istasyong bababaan ko, at mabilis naman ang takbo ng tren kaya wala pang tatlumpung minuto ay  narating ko na ang destinasyon ko. Una ko namang napansin ang papalubog ng araw pagkalabas na pagkalabas ko ng istasyon.

       Agad akong napatingin sa relo ko at napakagat ng labi nang makitang mag-aala sais na ng gabi. Ito lang ang mahirap talaga sa ginagawa ko, sobrang limitado lang ng oras na mayroon ako... Hays.

       Iniling ko nalang ang ulo ko at nagsimula ng maglakad papunta sa direksyon ng bus terminal.

       Napakunot naman agad ang noo ko nang mapansing ang tahimik ng lugar, na animo'y abandonado ito dahil sa konti ng tao. Nasa may liblib bang parte ito? Nagkibit-balikat nalang ako at pinagpatuloy nalang ang paglalakad. May ilan akong mga nakasalubong, pero bukod sa kanila ay ang tahimik na ng lugar.

       Nagkamali ba ako ng binabaang station?

       Lilingon na sana ako at babalik sa istasyon para makapagtanong-tanong, pero natigilan ako nang makaramdam ako ng maraming presensya– presensyang may kaakibat na panganib. Pinagana ko agad ang Enhanced Senses Ability ko para mas malaman kung nasaan ang mga ito at agad akong napangisi nang makaramdam ng isang throwing knife na papalapit sa direksyon ko.

       Walang pagdadalawang isip akong lumingon sa likod at sinangga ito ng isang fire shield dahilan para agad itong maging abo. Kitang-kita ko rin ang gulat sa mukha ng lalaking nagbato nito kaya hindi ko maiwasang makaramdam ng saya.

       Itinagilid ko nalang ang ulo ko at tinaas ang isang kilay ko bago ako magsalita. "Lumabas kayo dyan, walang silbi ang pagtatago niyo." Hindi ko pa rin inaalis ang mga mata ko sa lalaking nakatayo sa harapan ko kaya hindi ko maiwasang mas mapangisi nang magsalubong ang dalawang kilay niya.

       Kitang-kita ko rin sa gilid ng mga mata ko ang sunod-sunod na paglabas ng mga naka-abang sa aking kaaway. Humikab nalang ako at nag-stretching.

       "Hindi talaga napapagod iyong nag-uutos sa inyong pasundan ako, 'no?" Hindi naman sila sumagot pero inaasahan ko naman iyon.

       Infairness, hindi nauubusan ng utusan ang kaaway ko. Sa loob ng tatlong buwan na patago akong naghahanap kay Arianne, palagi nalang may bagong kalabang nag-aabang sa akin, at palagi rin naman silang natatalo. Masyado kasi nila akong minamaliit. Porke't ba mag-isa lang ako ay hindi ko sila kakayanin?

        Pero kung tutuusin, hindi hamak na mas marami sila ngayon. Dapat ba akong makaramdam ng kaba?

       "Ngayon, huli na 'to dahil totoong katapusan mo na." Umirap nalang ako nang marinig ko ang sinambit ng isa. Ilang beses ko ng narinig iyan.

        Magsasalita palang sana ako pero naramdaman ko na ang sunod-sunod na pag-atake nila at pagbato sa akin ng throwing knives. Bumuntong hininga nalang ako at agad na itinaas ang kamay kong nakayukom. Tumigil naman ang mga kutsilyo sa ere dahilan para mapasinghap sila. Ngunit agad din silang nahimasmasan at walang pagdadalawang isip na sumugod sa akin. Sabay-sabay din silang bumunot ng poisoned dagger mula sa knife pocket na suot nila.

        Humugot nalang ako ng buntong hininga bago itinapat ang isang kamay ko sa gilid para gamitan ng isang malaking airball ang mga kaaway na magmumula sa kanan. Hindi ko sila kakayanin ng sabay-sabay kaya kailangan muna nilang maabala saglit.

       Napatadyak din ako sa lupa gamit ang kaliwang paa ko para mailayo rin sa akin sandali ang tatlong may Element Manipulation Ability na galing din sa kabilang gilid. Sinummon ko rin agad ang mga throwing knives ko para isa-isang ibato sa mga kaaway sa harapan na ngayon ay papalapit sa akin.

       Yumuko rin ako agad nang maramdaman ko ang papalapit na fireball sa likod ko, kasabay nang pagsummon ko ng dalawang Crusader Dagger ko. Mabilis din akong kumilos para sanggain ng dagger sa kanang kamay ko ang isang sword na gagamitin sana sa akin ng kalaban.

       Napangiwi nalang din ako nang mas lalo niyang idiin ito, kaya hindi na ako nagdalawang isip pang sugatan siya gamit ang dagger na hawak ko sa kaliwang kamay ko. Dahil sa ginawa ko ay agad naman siyang napaatras at nabitawan niya ang sword. Pinulot ko naman ito agad para gamitin laban sa isa pang kaaway na nakalapit na sa akin.

       "Alam niyo kayo, hindi kayo marunong madala." Ginamit ko rin ang ability ko para iangat muli ang mga throwing knives na sinubukan nilang ibato sa akin kanina. Tutal ay puros ito poison, gagamitin ko nalang sa kanila ang sarili nilang weapons. Wala akong oras para patagalin pa ang labanan na ito.

       Nang makita kong isa-isa ng natamaan ang mga kalaban ko ay lumingon naman ako ulit sa harapan dahil naramdaman ko ang ilang mga kaaway na papalapit sa akin, sila iyong hindi ko natamaan ng throwing knives ko kanina. Gagamitin ko na sana sa kanila ang Abilities ko para matapos na ito, pero natigilan ako bigla nang makaramdam ng isang pamilyar na presensya.

        Nilingon ko agad ang direksyon kung saan ito nanggagaling at nanlaki naman ang mga mata ko nang makita ang isang arrow na papunta sa direksyon ko. Agad itong tumama sa kalabang aatake sana sa akin mula sa gilid.

       "10 points for Peppermint!" Halos umalingawngaw ang boses ni Raven sa paligid dahil sa lakas ng sigaw niya kaya napangiti nalang ako.

       "Another 10 points, woohoo!" Sigaw niya ulit nang tumama sa dibdib ng kalabang nasa likod ko ang ikalawang arrow na pinakawalan niya. Inirapan ko naman siya at ginamit ko nalang ang hawak kong dagger para sugatan din ang dalawang kaaway na nakalapit na sa akin. Tinamaan din agad sila ng arrow ni Raven sa likod kaya hindi na sila nakapanlaban pa.

       Alam ko namang kayang-kaya na niyang ubusin sila lalo pa at prenteng prente lang siyang naka-upo sa hood ng Jeep Renegade niya habang isa-isang pinapatamaan ang mga kalaban sa paligid. Humarap nalang ako sa tatlong Element Manipulator na ginamitan ko kanina ng Ability para tuluyan na silang tapusin.

       "And.... VICTORY!" Napalingon naman ako kay Raven nang marinig ko ang malakas niyang sigaw kaya napa-iling nalang ako at natawa ng mahina. Pinasadahan ko rin ng tingin ang paligid at nakitang nakabulagta na sila sa lupa.

       "Ang ingay ingay mo." Tumawa naman siya sa tinuran ko at nagkibit balikat. Sinummon ko na rin pabalik ang mga weapons ko bago ako magsimulang maglakad papalapit sa kanya.

       "Sus Peppermint, kunware ka pa. Halata namang masaya kang makita ang gwapong mukha ko." Nag-pogi sign pa siya kaya natawa nalang ako ng tuluyan. Sasagot na rin sana ako pero naramdaman ko ang paggalaw ng kalabang nasugatan ko kanina sa tagiliran kaya nilingon ko na agad ito. Nakita ko rin sa gilid ng mga mata ko na balak siyang gamitan ni Raven ng bow at arrow niya pero sinenyasan ko siyang huwag.

       Nilapitan ko agad ang lalaki at inapakan ang kamay niya para hindi na siya makagawa pa ng kahit anong galaw laban sa akin. Dumaing naman siya sa ginawa ko kaya lumapit na sa amin si Raven.

       "Kung tatanungin mo ako kung sino ang nagpadala sa amin, patayin mo nalang ako dahil wala kang mapapala sa akin." Aniya na agad ko namang tinawanan.

       "Bakit naman kita tatanungin? Wala naman akong pakialam." Bakas naman ang gulat sa kanyang mukha nang marinig ang sagot ko kaya ngumisi nalang ako.

       Hindi ko siya kailangang tanungin dahil alam ko naman kung sino, pero hinding-hindi ko ipapaalam iyon. Hahayaan ko lang siyang isipin na wala akong ni katiting na ideya tungkol sa katauhan niya.

       Inalis ko na ang pagkaka-apak ko sa kamay niya, at dahil doon ay agad na siyang tumayo. Nagpalipat-lipat din sa amin ni Raven ang tingin niya, animo'y nag-iisip kung kaya niya kami kaya pinagtaasan ko lang siya ng kilay.

       "Umalis ka na sa harapan ko, at wag ka ng magpakita sa akin. Ikaw nalang din ang magsabi sa nagpadala sayong buhay na buhay pa rin ako, at hindi ako natatakot sa inyo." Pagkasabi ko no'n ay agad na rin siyang tumakbo paalis, at wala pang isang iglap ay nawala na siya sa paningin namin. Enhanced Speed pala ang ability niya.

       Naramdaman ko naman ang tingin ni Raven sa akin kaya nilingon ko siya. Mababatid ang pagtataka sa mukha niya lalo pa at nakakunot ang kanyang noo.

       "Bakit mo naman siya pinakawalan Peppermint?" Nagkibit balikat nalang ako sa tanong niya at naglakad na papunta sa sasakyan niya. Napakamot din siya sa likuran ng kanyang ulo pero kalaunan ay sumunod nalang din.

        Nang makasakay kami pareho ng sasakyan ay ginamit ko agad ang Ability ko para tuluyang burahin ang presensya namin sa lugar na ito. Mamaya lang ay may matatanggap ng report ang Council tungkol sa nangyari, at sa ilang beses kong nakaranas ng ganito, alam ko ng hinding-hindi ito gagawan ng ingay.

       Bakit nga naman ilalantad ng Council ang nangyari kung nasa kanila mismo ang kalaban?

       At ang ginawa kong pagpapatakas sa isang iyon? Iyon ang mensahe ko para sa kanya. Gusto kong malaman niya na kahit ilang beses niyang pagtangkaan ang buhay ko ay hindi siya magtatagumpay.

       Hindi porke't hindi ako nagsasalita ay wala akong alam. Minsan, may mga bagay lang talagang mas makakabuti kung itatago muna natin sa sarili natin. Dahil kapag naglalaro tayo ng baraha, hindi pwedeng pakita lang ng pakita ng cards. Kailangang maging mautak.

       Mag-antay lang siya. Malapit na ang tira ko. At kapag dumating iyon, gagamitin ko ang alas na ito ng walang pag-aalinlangan laban sa kanya.

~ × ~


       "Hoy Peppermint, ano bang balak mong gawin sa lugar na 'to?" Kanina ko pa naririnig ang paulit-ulit na tanong na iyan ni Raven pero hindi ko nalang siya pinapansin. Nanatili lang na nakatuon ang tingin ko sa labas.

       Nakalampas na kami ng entrance ng Girdwood, at nakakuha na rin kami ng clearance. Identification nalang ni Raven ang ibinigay niya para hindi na mabanggit ang pangalan ko. Mahirap na raw kasi.

       Noong sinabi ni Xenon sa aking puros bundok ang Girdwood, tama pala talaga siya. Lampas trenta minutos na ata nang makapasok kami sa bayang ito pero puros puno at bundok lang ang nadadaanan namin. Ang dilim pa sa labas dahil gabi na at wala naman kaming nadadaanang kabahayan kaya wala rin akong masyadong makita.

      "Yuhoo Peppermint, buhay ka pa ba?" Napailing-iling nalang ako sa ingay nitong kasama ko.

       Parang nagsisisi na akong nagpahatid ako sa kanya rito sa Girdwood. Ang usapan ay hanggang entrance lang naman niya ako sasamahan pero nagulat ako nang hindi siya huminto. Ayaw na niya kasing hayaang mag-isa lang ako dahil Protector ko raw siya, at mas madali raw kung gagamit kami ng sasakyan kaya pumayag nalang ako. Kung alam ko lang na magiging ganito siya kaingay, sana pala nag-isa nalang ako.

       "Peppermint?" Bumuntong hininga na lang ako at lumingon nalang sa kanya. Mukhang wala talaga siyang balak na manahimik hangga't hindi ako nagsasalita.

      "Ang daldal mo talaga." Tumawa lang naman siya bago sumagot, "ayos lang, gwapo naman."

       Hays.

      "Bakit ka nga pala andoon kanina?" Tutal ay puros kalokohan lang naman ang lumalabas sa bibig niya, naisipan ko nalang na ibahin ang usapan. Isa pa ay hindi ko pa siya natatanong tungkol doon kaya mas mabuti na siguro ang ganito.

      "Sinundan kita." Napakunot naman ang noo ko sa tinuran niya. Magtatanong na sana ako pero agad niya ring dinugtungan ang sagot niya kaya pinakinggan ko nalang ito.

      "Nakita kitang bumaba ng sasakyan niyo. Tatawagin sana kita kaso ang layo mo. Noong nakalapit naman ako ay nakasakay ka na ng tren kaya sinundan ko nalang yung tren. Parang nakipag karera lang ako, at alam mo bang mas mabilis ako magmaneho? Kaya nga naabangan ko ang mga bumababa sa bawat station, kasi baka kasama ka sa kanila. At may utang ka sa akin dahil ang dami kong nakitang magandang babae, pero hindi ko sila malapitan dahil hinahanap kita. Tapos mauuwi lang pala ako sa pagiging driver mo, tsk." Napa-awang nalang ang bibig ko dahil sa sunod-sunod at dire-diretsong pagsasalita niya. Sa unang pagkakataon ay parang gusto kong tawagin si Melissa para mabatukan niya itong kapatid niya.

       "Hindi kita pinilit maging driver ko ho–"

       "Wag na, wag ka ng magsalita. Naiintindihan ko. Mas maganda nga naman kung ang mukhang ito ang makikita mo habang nasa byahe, tingnan mo at parang mas excited ka at hindi bored dahil may inspiration ka." Itinuro pa niya ang kanyang sarili at ngiting-ngiti na para bang sobrang proud niya kaya napatampal nalang ako sa noo ko. Nagbitaw nalang din ako ng isang malalim na buntong hininga at napapikit.

       Ngayon ay naiintindihan ko na si Melissa. Ang hirap maging kalmado kapag ganito ang kasama mo.

       May narinig pa akong mga sinasabi ni Raven pero hindi ko nalang siya pinansin. Paulit-ulit ko nalang na pinapakalma ang sarili ko sa aking isipan para hindi ko siya masaktan o kaya ay matapalan ng tape sa bunganga. Hindi ko na kasi alam ang gagawin sa kanya para lang manahimik siya.

       Nagbago na ang lahat pero itong si Raven ganoon pa rin– gwapong gwapo pa rin sa kanyang sarili.

       Hindi ko alam kung gaano ako katagal na naka-upo lang, nakapikit ang mata at pilit na iniinda ang ingay ni Raven. Napadilat lang ako nang maramdaman kong huminto ang sasakyan kaya nilingon ko agad siya.

       "Di ko alam kung dito ka pupunta pero pwede bang huminto muna tayo at kumain? Nagugutom na ako." Natawa naman ako ng mahina nang ngumuso siya na parang bata. Tiningnan ko nalang din ang itinuturo niya at nakitang isa itong kainan. Tinanguan ko nalang siya dahil nakakaramdam na rin naman ako ng gutom at anong oras na rin. Napasigaw pa siya ng "Yehey" kaya napailing nalang ako.

        Habang nagpa-parking si Raven ay hindi ko naman inalis ang tingin ko sa restaurant. Gawa sa kahoy ang maliit na kainang ito na kulay puti ang pintura at green naman ang bubong. May ilang mga tanim sa paligid nito na may disenyong fairy lights para siguro magbigay ng karagdagang liwanag. Nakita ko rin ang pangalan nito at napagtantong hindi ito isang restaurant, kundi ay isang cafe.

       Nang naitabi na ni Raven ang kotse ay sabay na rin kaming bumaba. May mga pebble stone sa daanan dahil medyo maputik ang paligid kaya dahan-dahan lang kaming naglakad. Napayakap din ako sa aking sarili nang maramdaman ang lamig dito.

       Naalala ko na nabasa ko dating malamig palagi sa Girdwood dahil madalas ang pag-ulan dito, na para bang iyon ang normal nilang panahon. Marahil ay iyon din ang dahilan kung bakit maputik ang daanan.

       "Hmm parang nakaka-amoy ako ng mabangong pagkain." Rinig kong bulong ni Raven kaya natawa nalang ako.

       Nang umabot kami sa pintuan at binuksan niya ito at tumunog ang wind chimes na nakakabit dito, nakuha tuloy namin ang atensyon ng ilang taong kumakain. Napatingin din sa amin ang dalawang waiter at sumilay ang isang ngiti sa kanilang labi, na para bang namamangha silang makakita ng bagong tao.

       Huwag nilang sabihing ganoon nga?

       "Bago kayo ha!" Napakagat naman ako sa ibabang parte ng labi ko nang lumapit sa amin ang isang babaeng staff. Maganda siya at sa tingin ko ay ilang taon lamang ang tanda niya sa amin.

       "Paano mo naman nasabi Miss... Pwede ko bang malaman ang pangalan mo?" Napatingin naman ako kay Raven nang magsalita siya at napa-iling nalang. Kita mo nga naman ang lalaking ito, mukhang may balak pang makipagkilala.

       Sasawayin ko na sana siya pero nagulat ako nang tumawa ng mahina ang waitress at sumagot sa kanya. "Sa gwapo mong iyan, paniguradong matatandaan ko ang mukha mo. Pero hindi, kaya alam kong bago lang kayo. Tara dito." Agad niya kaming iginaya papunta sa isang bakanteng mesa sa may dulo nitong cafe.

       Si Raven naman ay tuwang-tuwa ng nakipag-kwentuhan sa kanya kaya hinayaan ko nalang sila. Napokus din kasi ang atensyon ko sa mga customer na andito rin. Bawat mesa kasing nadadaanan namin ay napapatingin. Alam ko namang kaonti lang ang populasyon dito... pero hindi ko akalaing talagang magkakakilala lang sila?

        Bumuntong hininga na lang ako at umupo na agad nang makarating kami sa may dulo. Ang importante ay wala akong nararamdamang panganib kaya bahala na.

       "Kukuhanin ko lang sandali ang menu para sayo ha?" Nanlaki naman ang mga mata ko nang ngiting-ngiting napahawak ang babae sa braso ni Raven, at ang mokong ay tuwang-tuwa. Parang pahaplos pa niya itong binitawan bago siya umalis para kumuha ng menu.

       Napa-awang nalang din ang aking bibig nang binigyan ako ni Raven ng isang ngiting tagumpay. Ang lalaking ito talaga, pati ang bagong kakilala ay hindi pinalampas.

        Umiling-iling na lang ako, at inilibot nalang ang tingin ko sa loob ng cafe. Maliit lang ito at nasa gilid lang itong mga mesa at upuang kahoy, dahil ang nasa kabilang gilid naman ay ang counter. Sa totoo lang, ang interior niya ay parang nasa loob ka lang ng isang pribadong cabin. Simple, kumportable at magaan sa pakiramdam.

       "Menu para sa inyo." Nang makabalik ang waitress ay nakuha niya ring muli ang aking atensyon. Nginitian niya ako nang inabot niya sa akin ang isang laminated na papel kaya sinuklian ko rin iyon ng isang ngiti. Hindi naman iyon nagtagal dahil ibinaling niya kaagad muli ang atensyon niya kay Raven.

       "Alam mo, parang magaling kang magdesisyon. Bakit hindi nalang ikaw ang pumili para sa akin?" Muntik ko naman ng sipain si Raven sa ilalim ng mesa nang marinig ko ang sinabi niya sa babae, pero hindi ko nagawa dahil natawa ng mahina ang waitress.

       Napabuga nalang ako ng hangin at hindi nalang sila pinansin. Malalagot ito si Raven sa ate niya kapag sinumbong ko siya.

        Balak kong magpokus nalang sana sa Menu at huwag nalang pansinin ang dalawa, pero hindi ko nagawa nang nakaramdam ako ng isang pamilyar na presensya.

       Nanlaki ang mga mata ko at agad akong napatayo. Hindi rin ako nagdalawang isip na lumabas ng cafe dahil dito ko ito naramdaman.

       "Peppermint!" Narinig ko pa ang sigaw ni Raven pero hindi ko na siya pinansin. Tumakbo na kasi ako agad palabas.

       Agad naman akong napalinga linga nang tuluyan akong makarating sa labas. Napahawak din ako sa aking dibdib nang maramdaman ko ang lakas ng tibok ng puso ko.

       Ang presensyang iyon... Ang tagal tagal kong hindi naramdaman ang presensyang iyon...

       "Peppermint!" Kitang-kita ko naman ang gulat sa mga mata ni Raven nang maabutan niya ako at pilit na pinalingon sa kanya. Marahil ay hindi niya inaasahang makita ang pamumuo ng luha sa aking mata.

       "A-anong problema?" Nag-aalala niyang tanong pero napa-iling iling lang ako at napangiti, kasabay ng sunod-sunod na pagtulo ng luha ko.

       "S-si-... Naramdaman ko siya. A-andito siya..." Napatakip nalang ako ng bibig dahil hindi ko mapigilan ang paghikbi ko sa sobrang saya. Napakunot lang naman ang noo nitong lalaking kasama ko at napatanong. "Sino?"

       "Si Arianne... Andito siya. Alam ko. Ramd–" Hindi ko na natapos ang gusto kong sabihin dahil tumunog ang cellphone ko. Kinuha ko naman ito agad sa aking bulsa at nakitang si kuya Damon ito, marahil ay kakamustahin ako.

       Agad ko itong sinagot. "Kuya Damon mamaya nalang-" Sasabihin ko sanang mamaya nalang kami mag-usap pero hindi ko na naituloy nang ibang boses ang nagsalita sa kabilang linya.

       "Alexandria, where the heck are you?!" Napa-awang at napatakip nalang ako sa aking bibig nang naramdaman ko ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng kaba sa sistema ko. Napalunok nalang din ako.

        "Come back here. You are in a big trouble, baby A." Aniya sa isang madiin at galit na tono.

       "Ku-" Sasagot palang sana ako para magpaliwanag pero ibinaba na agad niya ang tawag.

       Napatingin nalang din ako kay Raven dahil sa takot na nararamdaman ko. Gulong-gulong ang reaksyon nitong kasama ko pero hindi ko maipaliwanag sa kanya. Hindi ko alam kung paano sasabihing tumatakas lang ako sa bahay para hanapin si Arianne... at ngayon ay mukhang nabuko na ako.

       Paano nalaman ni kuya Jarvis?

       Patay ako ngayon...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top