I - Missing Piece

       "It's okay, Sunshine. Just don't mind them." Tumango na lang ako kay kuya Hendrix at pilit nalang na ipinokus ang tingin ko sa harapan. Randam na ramdam ko ang tingin sa akin ng mga estudyanteng nadadaanan namin, pero pinipilit ko nalang itong balewalain. Hinigpitan ko nalang din ang hawak ko kay kuya habang naglalakad kami papunta sa bagong main building.

       Tatlong buwan na ang lumipas. Tatlong buwan ding kinailangang ayusin ang Academy dahil sa pinsalang natamo nito. Kahapon pa lang nagsimulang magsibalikan ang mga estudyante, at ngayon lang kami pumasok para sana hindi sumabay sa dami ng tao... kaso ang dami pa rin pala nilang nasa labas.

       Bumuntong hininga na lang ako. Dati naman ay sanay na ako sa tinging tinatapon nila, pero ngayon parang sobrang nakakapanibago. Dahil ba sa katotohanang alam na ng lahat na ako si Alexandria Montecillo? Kaya pakiramdam ko ay iba na ang mga tinging ibinabato nila sa akin?

       Hays.

       Binilisan nalang namin ni kuya Hendrix ang paglalakad namin mula sa parking lot, para makapunta na kami agad sa bagong dorm nila, sa bagong main building.

       Mas malaki na ang main building at mas maganda. Ang cafeteria ay nasa kaliwa pa rin, pero mula rito sa malayo ay kitang-kita na namin ang loob nito. Glass walls na ang pader na ginamit sa buong building. Mas lumaki ang cafeteria, at mayroon na rin itong parang mini-balcony sa tabi, sa labas, kung saan may mga mesa at upuan din. Malalaki rin ang mga chandelier na ginamit sa buong cafeteria. Para itong isang mamahaling restaurant.

       Sa kanan naman, kung saan nakalagay dati ang Grand Hall, ay naroon na ang Library. Dahil nasa unang palapag na rin ito, kitang-kita rin namin ang dami ng bagong book shelves na nakalagay sa loob dahil sa glass walls. Parang mas dumoble ata ang dami ng libro sa library, pati na rin ang mga upuan dito. Mas lumaki rin ang lounging space dito at parang mas naging cozy ang itsura dahil sa mga bagong couch at bean bags na inilagay.

        Nang marating namin ang main building ay pumanik kami agad sa taas. Ang glass walls naman sa ikalawang palapag ay tinted dahil andito pa rin ang mga office ng Faculty. Kung dati naman ay nasa kaliwang banda ng second floor ang school clinic ngayon ay inilipat na ito. Wala na sa main building ang clinic at pinalitan nalang iyon ng isang malaking conference room na konektado sa Director's Office sa itaas.

       Hindi pa kami nakakapasok dito kaya hindi ko alam kung ano ang itsura nito pero ang sabi ni Mommy ay sobrang nag-improve ito.

       Kung dati ay sa gitna ng second floor ang daan papunta sa third floor,  ngayon hindi na. Ipinalipat iyon ni Mommy sa gilid ng conference room para mas masiguro raw na wala talagang ibang maglalabas pasok dito. Para itong nakatago sa unang tingin dahil hindi talaga mahahalata ang spiral stairs. Nakatulong din iyon para mas lalong lumaki ang space sa second floor, kaya naman mayroon ng lobby o waiting area rito. Para daw ito sa mga estudyante o parents na balak bumisita sa Faculty Office pero kailangan munang mag-antay.

       Pagtaas ng hagdan ay hindi agad bubungad ang third floor, kung nasaan ang Director's Office at kwarto nila Kuya. May pass code kasi ang pintuan at piling tao lang ang nakaka-alam nito.

       Ininput agad ni Kuya Hendrix ang pass code at bumukas ang pintuan. Sobrang nagbago din ang interior ng third floor.

       Kumpara sa una at ikalawang palapag, hindi hamak na sobrang mas tinted ang glass wall ng third floor. Kung mula sa labas ay wala kang makikita, kapag nasa loob ka naman ay kitang-kita ng malinaw ang lahat ng nangyayari sa labas. Kaya kahit walang balcony ay para ka na ring may magandang view sa buong campus.

       Gawa sa kahoy ang sahig kaya bawat hakbang na ginagawa namin ay lumilikha ng tunog. Unang bumungad sa amin ang sofa set na nakaharap sa labas ng main building. Light blue ang kulay ng mga throw pillows at light gray naman ang mga couch. Mayroon ding isang circular glass coffee table sa gitna, at may isang maliit na vase dito. Sa gilid naman, malapit sa pader ay mayroong isang piano. May vase ding nakapatong dito at iyon lang ang nagsisilbing disenyo ng buong sala.

      Mula naman sa sala ay kitang-kita ang malaki at mas magandang fountain sa harapan ng main building. Tanaw din ang gate mula dito na pinalitan ng mas bago at mas malaking gate. Mas humigpit din ang seguridad sa buong Academy, at pinadagdagan ni Mommy ng mga Guards. Ginamit din nila Kuya ang mga Ability nila upang mas tumibay ang proteksyon ng buong school. Ang sinumang magtatangkang pumasok ng walang pahintulot ay mapapahamak.

       Sa tabi naman ng sala, sa tabi rin ng pintuan pagpasok ng third floor, ay isang kwarto. Ito na ang bagong Director's Office dahil lahat ng kwarto ay nakahilera sa kaliwa.

       Hindi na ako pumasok sa opisina dahil wala rin naman akong gagawin dito. Dumiretso nalang kami ni Kuya Hendrix sa may dulo, kung nasaan ang mas malaking dining area at kitchen. Mula rin sa dining area ay makikita ang bagong lecture building kung nasaan ang mga classrooms. Mas pinalaki rin ito at mas inayos ang mga classrooms. Hindi gawa sa glass walls ang mga pader nito para hindi madistract ang mga estudyante, pero mas pinag-improve ang exterior nito. May dinagdag ding mga study area sa harapan ng building. Mga mesa at upuan itong pwedeng tambayan ng mga mag-aaral kapag gusto nilang dito mag-aral o magpalipas ng oras. Kaya naman parang nagamit iyong mga bakanteng espasyo dati, pero sinigurado naman ni Mommy na walang naputol na kahit isang puno.

        Sa may kitchen naman, na kahilera ng mga kwarto, ay makikita ang field sa likod nitong main building. Hinayaan ko nalang si Kuya Hendrix na kumuha ng makakakain niya dahil hindi ko maalis ang tingin dito. Hindi na ipinaayos nila Mommy ang field na pinaghiwalay ko. Sa halip ay tinayuan nalang ito isang malaking bagong building para gawin itong training facilities ng mga estudyante, at mas lalong mapaghusay ang mga kakayahan nila.

       Tuwing ikalawang quarter ng pasukan, mas lalo raw nagpo-pokus ang Academy sa Ability Enhancement ng bawat estudyante nito, at tutal ay nagkaroon ng tatlong buwang pahinga, naisipan nilang ipatayo ito. Bawat pasilidad sa bagong building na ito ay dinesenyuhan sa naaayong Ability. Sa una at ikalawang palapag ay ang mga kwarto para sa basic ability training, at sa ikatlo naman ang mga Elemental Abilities at sa pang-apat na palapag ang mga Rare Abilities. Ang field naman sa baba ay gagamitin pa rin para sa mga combat trainings, pero ang mga kwarto sa bagong building ay para mas magamit at mailabas ng todo ng mga estudyante ang Abilities nila nang hindi nagdadalawang isip na baka may matamaan sila.

       Masyadong malaki ang bagong building dahil ang laki rin no'ng hating nagawa ko. Doon kasi ito itinayo sa pagitan ng dalawang lupa, at sa magkabilang gilid nito ay nilagyan ng dalawang matibay at malaking tulay. Hindi ito parang hanging bridge dahil ni hindi mo makikita ang nasa baba nito. Parang tuluyan nilang tinakpan ang bangin sa baba. Iyon sigurong mga wala noong hinati ko ang field ay iisiping walang nangyari sa lupa dito.

       Ang tulay naman ang daanan papunta sa isa pang bagong building, at iyon na ang magsisilbing Grand Hall. Kung dati ay malaki na ang Grand Hall, mas lumaki ito ngayon at nagkaroon pa ng ikalawang palapag. Ang back exit naman sa likuran ay tinakpan na ulit nila Kuya at bubuksan lang iyon kung magkaroon ulit ng... hindi magandang pangyayari. Huwag naman sana.

       Iniling-iling ko nalang ang ulo ko upang alisin ang hindi magandang bagay na pumasok dito. Binaling ko nalang din ang tingin ko sa isang bago ring pasilidad sa may gilid ng field, malapit sa Training Building. Ito na ang bagong School Clinic, at mas ipinalapit ito ni Mommy sa bagong building upang kung sakaling may masugatang estudyante sa pag-eensayo ay mabilis din silang magagamot.

       "Do you want some, Sunshine?" Napatingin naman ako kay kuya at umiling. Tumango naman siya at pinagpatuloy na ang pagkain ng nachos nang umupo siya sa kanang tabi ko.

       Mahabang katihimikan ang agad na namayani sa pagitan namin. Si Kuya ay patuloy lang sa pagkain, at hindi ko naman inaalis ang tingin ko sa mga estudyante sa baba. Wala akong ibang magawa kung hindi pagmasdan lang sila sa mga ginagawa nila.

       Sa unang tingin, aakalaing bumalik na sa normal ang lahat. Maaari ring ganoon nga para sa iba– tapos na ang tatlong buwan na sa Modules lang idinadaan ang mga lesson. Tapos na ang tatlong buwang pahinga ng Academy, at ngayon, andito nanaman sila. Bukas ay balik nanaman sa dati ang lahat. Sana ay ganoon na lang para sa lahat. Napa-buntong hininga ako.

       Hindi ko alam kung anong pumasok sa isipan ko pero sumandal nalang ako sa balikat ni kuya Hendrix at yumakap sa tagiliran niya. Mukhang nagulat naman siya sa ginawa ko kaya natawa siya ng mahina.

       "What's wrong?" Rinig kong tanong niya na agad ko namang inilingan. Hindi dahil walang dahilan, kung hindi dahil hindi ko alam ano ang uunahin.

       "Nabo-bored lang ako, Kuya.." Pagrarason ko nalang. Hindi naman siya sumagot at tinapik-tapik nalang niya ang kamay kong nakayakap sa kanya.

       Gusto kong sabihing nalulungkot ako, at ang bigat bigat ng konsensya ko... Pero hindi ko magawa. Ayoko ng problemahin pa si kuya Hendrix sa mga bagay na ako naman ang may kasalanan.

       Sana ay pu-pwede ko nalang ibalik sa dati ang lahat. Sana ay hindi nalang nangyari ang lahat ng mga naganap. Sana... masaya pa kami.

       Napa-ayos na lang ako agad ng upo nang maramdaman kong nagsisimula nanamang bumigat ang pakiramdam ko. Napatingin tuloy sa akin si kuya Hendrix dahil sa biglaang kilos ko. Kunot noo rin siyang napatanong, "are you okay?" Nginitian ko naman siya agad upang mawala ang pag-aalala niya.

       "Ayos lang, inaantok lang ata ako." Nagkunwari pa akong humikab para maniwala siya. Ayoko na ring magtanong pa siya, dahil baka kapag ginawa niya ay hindi ko na kayanin. Tumayo nalang din ako at inayos ang sarili ko para maka-alis na.

       Hindi naman sumagot si kuya Hendrix at nakatingin lang siya sa akin, pinagmamasdan ang bawat galaw ko, animo'y nag-aantay na makita ang lungkot sa mukha ko. Pero marunong na ako...

       Sa loob ng tatlong buwan na sobrang laki ng ipinagbago ng lahat... at dami ng problemang kinaharap namin... ang tanging maitutulong ko ay huwag ng dumagdag sa alalahanin ng bawat isa sa kanila. Kaya inaral ko at agad kong natutunan kung paano pekein ang nararamdaman ko. Ngayon, kayang-kaya ko ng humarap sa kanila at ipakitang ayos lang ako kahit hindi naman talaga.

       "Kuya, pupunta lang muna ako ng dorm. Mag-aayos na lang ako ng gamit ko, ang boring kasi." Kunwari ay bagot kong turan, at ngumuso pa. Kokontra para sana siya pero agad kong sinundan ng isang biro ang sinabi ko para maiba ang usapan.

       "O kuya, hindi ko sinasabing boring kang kasama ha? Hehe, wala lang talaga akong magawa." Napakamot pa ako sa likuran ng ulo ko, at napanguso naman si kuya Hendrix nang ipinagkrus niya ang dalawang kamay niya sa harapan.

       "Talaga?" Nakataas pa ang isang kilay niya nang magtanong siya, na para bang naninigurado talaga siya, kaya hindi ko rin maiwasang matawa. Ang cute talaga ni Kuya Hendrix, parang walang wala siyang ipinagbago mula noong bata pa kami hanggang ngayon.

       Tumango-tango na lang ako, at hindi ko pa inaalis ang ngiti sa labi ko. Nagbago na ang lahat, pero andito pa rin si Kuya Hendrix. Andyan pa rin siya sa tabi ko, at laging nagbibigay ng liwanag sa araw ko. Napaka-swerte ko sa kanya.

       "Fine, I'll let you go. Will you be okay going there unaccompanied?" Mas lalo naman akong natawa sa tanong niya. Ito talaga, masyadong overprotective.

       "Oo naman, hanggang tingin lang naman gagawin ng mga makakasalubong kong estudyante. Takot lang nila sainyo." Dahil sa sagot ko ay si kuya Hendrix naman ang natawa. Alam ko kasing iyon ang ipinag-aalala niya.

       Oo nga at hindi ako kumportable sa mga tinging itinatapon nila... Pero alam ko namang hindi nila ako sasaktan. Bukod sa wala naman akong nararamdamang panganib sa kanila, at alam kong nagtataka lang din sila kung paano ako... buhay... ay isa ring dahilan na takot talaga sila kanila Kuya.

       Sa huli ay wala ng nagawa si kuya kung hindi tumango nalang. Mas lalo tuloy lumapad ang ngiti ko nang makita kong sobrang napipilitan lang siya. Kaya bago pa magbago ang ihip ng hangin ay tumalikod na ako agad at nagsimula ng maglakad palayo.

       "Why can't you just stay here? You–" Malapit na ako sa may pintuan nang marinig ko ang pahabol ni kuya Hendrix. Pero bago pa niya matapos ang gusto niyang sabihin ay inunahan ko na siya at tuluyan ng lumabas. "Bye Kuya, see you later!"

       Narinig ko pa siyang napabuntong hininga at napamura ng mahina kaya natawa nalang ako. Pagbaba ko naman ng second floor ay may ilang mga teacher akong nakasalubong kaya binati ko nalang sila.

       Medyo nagtataka pa ako kung bakit andito na sila agad, kahit na Linggo pa lang, pero naisip ko ring baka kailangan nilang mag-ready. Simula bukas kasi ay mababago ang schedule ng lahat ng estudyante, at magiging alternate na ang Academics at Training. Nasa ikalawang quarter na kasi ng pasukan, kaya nga saktong-sakto na natapos na rin iyong ipinagawa ni Mommy na building.

       Pagbaba ko naman sa unang palapag ay may mga nakasalubong din akong mga estudyante. Nakaka-ilang na parang sobrang ilag sila sa akin pero hindi ko nalang iyon pinansin. Napayuko nalang ako at mas binilisan ko ang paglalakad papunta sa dorm.

       "Matatapos din 'to. Magsasawa rin sila sa kakatingin sa'yo at sa pagbubulong-bulungan, Alexandria." Paulit-ulit ko nalang itong sinasabi sa isipan ko para hindi ko na rin marinig ang mga usapan nila. Ito lang ang ayaw ko minsan sa Enhanced Senses ko, masyadong nag-improve at hindi ko na nakokontrol madalas. Hays.

       Alam kong hindi naman ganoon kalayo ang Main Building sa Dorms, lalo pa at hindi naman ni Mommy pinalipat ng pwesto ito. Pero pakiramdam ko ay ang tagal tagal bago ko narating ito. Kaya naman nang nasa dorm na ako ay agad na akong pumasok at pumanik sa dating dorm room ko.

       Halos wala namang nagbago kasi sa labas ng dorm. Mayroon pa ring mga bagong tanim na halaman. At bukod sa bago din ang building at mas matibay itong tingnan dahil parang isang mansion na kung tutuusin, ganoon pa rin naman ito– nagsisilbi pa ring tahanan para sa mga mag-aaral.

       Ang nag-iba lang siguro sa loob ay tila mas lalo itong nagmukhang marangya. Ewan ko ba. Hindi ko nalang ito papansinin, dahil ang importante lang naman sa akin ay inayos pa rin ang back garden sa dorm, at tago pa rin iyong secret garden sa likod. Kahit papaano may mababalikan akong pamilyar na lugar... Iyon ang magiging takas ko kapag hindi ko na kinaya ang lahat ng pagbabagong ito.

        Agad din naman akong pumasok sa dorm room ko, at isinara ito. May mga estudyante rin kasi sa hallway at talagang nako-conscious na ako ng sobra sa mga tingin nila. Mas lalong dumami ang mga estudyante ng Montecillo Academy kaya kahit saan tuloy, pakiramdam ko, ay nakamasid sila. Simula nang malaman ng lahat kung gaano napaghuhusay ang kakayahan at Abilities ng mga estudyante rito, pati iyong iba na dati ay sa Oakwood pa nag-aaral, nagtransfer na rito. Hindi ko alam kung magandang bagay ba iyon, o ano.

       Pinakawalan ko na lang ang aking paghinga na kanina ko pa pala pinipigilan, at napasandal nalang ako sa saradong pintuan. Pinasadahan ko rin ang kabuuan ng dorm... mabuti pa ito ay hindi nag-iba.

       Hiniling ko kay Mommy na sana, ang maging disenyo ng interior ng dorm room ko ay pareho pa rin ng dating kwarto namin ni Cassandra... at iyon nga ang ginawa niya.

       Ngayong tinititigan ko na ito sa harapan ko, hindi ko alam kung matutuwa ba ako o mas malulungkot.

       Ganoon pa rin ang lahat sa kwartong ito simula nang huli ko itong makita... pero ang dating kasama ko dito, wala na.

        Hindi ko alam kung bakit ayaw na ayaw kong mabago ang dorm room na ito. Siguro kasi ito nalang ang natitirang pinanghahawakan ko? Ito nalang ang natitirang patunay na dati ay maayos pa ang lahat. Ito nalang ang kinakapitan ko– pruweba na pwede pa ring bumalik sa dati ang lahat, kahit na ibang-iba na ang mundong ginagalawan namin...

        Dumiretso na lang ako sa dating kama ni Cassandra at napahiga rito. Ewan ko, pero nang tumama ang katawan ko sa malambot na kama ay tuluyan na lang akong naiyak.

        Hindi ko matanggap na simula ngayon ay mag-isa na lang ako sa kwartong ito. Dito pa rin mag-aaral si Cassandra, pero tuluyan ng lumayo ang loob niya sa akin. Kahit anong gawin ko, ayaw na ayaw niya akong kausapin o tapunan man lang ng tingin.

       Noong una ay nasabik pa akong bumalik sa Academy, dahil kahit papaano ay kasama ko siya rito... pero nagulat ako nang malamang nagpalipat siya ng kwarto.

       Ayaw na niyang makasama ako dito. Ganoon na kalayo ang loob niya sa akin, at hindi ko siya masisisi.

       Nang malaman iyon ni kuya Hendrix ay pinilit niya akong sa dorm nalang nila mag-stay, dahil may kwarto rin ako doon. Pero tumanggi ako. At kahit malungkot dito, mananatili pa rin ako. Dahil paano kung isang araw ay gusto ng bumalik ni Cass? Siya naman ang magiging mag-isa at ayaw kong mangyari iyon.

       Aantayin ko siya at sisiguraduhin kong mayroon siyang babalikan kapag umayos na lahat, kahit na ba ang ibig sabihin no'n ay kailangan ko munang mag-isa rito. Kumpara naman sa nararamdaman niya, walang-wala ito.

       Ngunit aaminin ko... ang lungkot lungkot... Hindi ko kayang ipakita sa pamilya ko na nasasaktan ako, na nahihirapan ako, dahil alam ko na mas doble ang paghihirap nila. Alam kong mas nasasaktan sila... at ayoko ng dumagdag doon. Lalong-lalo na sa mga kapatid ko. Masyado na silang madaming ginagawa para problemahin pa nila ito. 

       Oo nga at nagawa kong pag-aralan kung paano maitago ang emosyon ko pero hindi naman ibig sabihin no'n ay bato na ang puso ko. Sadyang ayoko lang ipakita na hirap na ako– na gustong-gusto ko ng bumalik sa dati ang lahat. Kapag ganitong mag-isa ako, hindi ko nalang talaga napipigilan ang sarili ko.

        Miss na miss ko na silang lahat. Gusto ko na silang mayakap ulit... lalong-lalo na si Daddy.

       Simula noong araw na ipinatawag ng Council si Dad, hindi na namin siya nakasama. Hindi na siya pinayagan ng Council na umuwi sa amin, sa pamilya niya.

       Dahil sa ginawa ni Daddy na pagtatago ng katauhan ko, iniisip ng Council na wala na siyang katapatan sa batas na ipinapatupad nila. Iniisip nilang balak baguhin ni Daddy ang lahat kahit hindi naman talaga. Ang tingin nila sa kanya ay isang threat...

       At upang ma-test ang katapatan niya, pinadala siya sa Council Central. Ni hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makapag paalam sa kanya, o makayakap man lang. Iyong mga huling salita na binitawan niya sa amin ang tanging nagsisilbing memorya namin sa kanya, sa nakangiti niyang mukha. Tunay ngang gagawin niya ang lahat upang maprotektahan kami, kahit na ang ibig sabihin no'n ay kailangan muna siyang mawalay sa amin.

       Ang daya daya nila. Hindi ko alam kung bakit kailangang ganito? Kahit makita siya o makausap ay ipinagbabawal. Gustong gusto ko ng makausap si Dad. Miss na miss ko na siya. Miss na miss na siya ni Mommy.

       Alam kong hirap na hirap na rin si Mom. Kinailangan niyang saluhin ang lahat ng responsibilad na naiwan ni Dad sa Hillwood. Siya na ngayon ang bagong School Director at kahit alam kong gusto niya ito noon, at kayang-kaya naman niya, ay nasasaktan pa rin ako. Kasi kitang-kita ko– ramdam na ramdam kong gustong-gusto na niyang makasama si Dad. Isa pa, halos wala na siyang pahinga.

       Si Mom ang nag-asikaso ng lahat ng pagpapa-ayos sa Academy, sa pagtulong sa mga tao, sa pagpapatakbo ng mga negosyo... at bukod doon ay inaasikaso niya pa kami. Kahit na ramdam kong gusto na niyang magpahinga mula sa nakakapagod na mga trabaho ay hindi niya pa rin ginagawa hangga't hindi niya nakakamusta ang araw namin, o nasisigurong maayos kami. Hangang-hanga ako sa galing at lakas niya, pero nakokonsensya rin akong hindi niya kasama ang isang taong mahal niya dahil sa akin.

       Maging si Kuya Yohan ay kinailangan ng humarap sa mga responsibilad. Siya ang naging kanang kamay ni Mommy pagdating sa negosyo. Siya ang naging katulong ni Mom sa pagbabantay at pagtingin sa amin. Hindi niya nakakalimutang i-train kami araw araw, at turuan ng lahat ng dapat naming malaman hindi lang sa pakikipaglaban, kung hindi pati na rin sa negosyo. Halos wala na rin siyang pahinga. At ang pinaka-masakit... tila hanggang doon nalang iyon.

       Pagkatapos ng araw-araw na leksyon at training ay iniiwan niya kami agad. Nagkakanya kanya agad ang mga kapatid ko. Sa tuwing sinusubukan ko siyang kamustahin o kausapin, ni hindi niya ako magawang tingnan sa mata. Hindi ko alam kung bakit. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Maging si kuya Yohan ay tila lumayo ang loob sa akin... sa amin.

       Dahil ba ito sa mga bagay na kailangan niyang akayin para sa pamilya namin? Mga responsibilad na kailangan niyang saluhin para sa amin?

       Hindi ko na alam...

      At si Kuya Travis... ipit na ipit na siya sa amin ni Cassandra.

      Alam kong hindi siya galit sa akin, pero hindi rin lingid sa kaalaman kong sobrang nasasaktan siya. Ramdam na ramdam niya ang paghihirap na nararamdaman ni Cass. Alam kong gustong-gusto niyang damayan ang best friend ko pero nagdadalawang isip siya sa mararamdan ko, kaya ako na mismo ang lumalayo... para hindi siya mag-alangan sa pagdamay kay Cassandra.

       Pero maging si Kuya ay nasasaktan na. Hindi lang dahil sa nangyayari sa pamilya namin, pero pati na rin sa pinagdadaanan ng best friend niya. Pagod na pagod na ang emosyon niya... at kahit pilit niyang itinatago ay kitang-kita ko.

       Hindi maililihim sa akin ng kanyang mga mata na parang kandilang nauubos na rin siya. Sa sobrang pagtatago niya ng emosyon, ni hindi ko na maalala kung kailan iyong huling beses na nakita ko siyang ngumiti sa harapan namin. Hindi ko na matandaan kung kailan ko siya huling nakitang masaya.

       Pareho sila ni kuya Jarvis na tila nakalimot na kung paano ngumiti.

       Sa bawat pagkulog at pag-ulan gabi gabi, sa araw araw na pananahimik ni kuya Jarvis... ramdam ko– ramdam kong nasasaktan pa rin siya.

       Simula noong inilibing ang pamilya ni Arianne... nawala na rin siya at si Vivienne. Umalis na siya sa Hillwood, at hanggang ngayon ay hindi namin malaman kung nasaan siya. Ilang beses kong sinubukan gamitin ang Tracking sa kanya, para malaman kung nasaan siya pero hindi ito umeepekto. Patunay na sobrang layo niya sa amin.

       Araw-araw, pagkatapos ng training, laging umaalis si kuya Jarvis. Lagi niyang hinahanap si Arianne... nagbabaka sakaling matatagpuan ito.

      Sa sobrang pag-aalala ko kay kuya, naisipan ko siyang sundan isang beses. At pakiramdam ko ay napulbos ang puso ko nang makita ko siyang napa-upo na lang at napa-iyak ng tahimik sa labas ng bahay nila Arianne. Miss na miss na niya siya. Miss na miss ko na rin ang isa ko pang best friend.

       At kasalanan ko kung bakit siya lumayo.

       Tama si Arianne. Kung hindi ko pinatakas si Dana, sana hindi siya sumugod noong Hillwood Day. Sana buhay pa rin sina Tita Aleece, Tito Favian at Anthony. Sana hindi umalis si Arianne. Sana hindi nasasaktan ng ganito ang kapatid ko.

       Lahat ng pagdurusang nararanasan nila ngayon, lahat ng ito ay dahil lang sa isang maling desisyong nagawa ko. Desisyong tumapos ng buhay ng maraming tao, at sumira sa mga mahal ko sa buhay.

       Ang sakit sakit na. Alam kong pilit akong nagpapakatatag, pero ang hirap din pala, dahil alam ko sa sarili kong mali ako. Ako ang nagkamali. At kahit laging andyan si kuya Hendrix, ayokong ipaalam sa kanya ang nararamdaman ko. Sapagkat alam kong gagawin niya ang lahat ng makakaya niya, makita lang na maayos ako. Hindi ko na siya idadamay sa sarili kong emosyon at mga pagsisisi.

       Masyado na rin siyang napapagod tuwing patuloy at pilit niyang pinapagaan ang atmosphere sa amin. Kung pati ako ay po-problemahin niya, mauubos na rin ang liwanag niya... at hindi ko gagawin iyon sa kanya. Hindi ko hahayaang pati siya ay tuluyang maubos dahil lang sa akin.

       "Kakayanin ko ito", ito na lang ang iniisip ko araw araw. At babangon ako araw araw na itinatago ang lahat ng ito sa loob ko, kung ang ibig sabihin naman ay mas mapapagaan ang trabaho ng mga mahal ko sa buhay.

       Dahil nagbago na ang lahat.

       Kung dati ay para kaming isang boomerang na itapon mo man at ibato kung saan saan, babalik at babalik pa rin sa pinagmulan ng buo at maayos.

       Ngayon, tila isa ng puzzle na kulang ng isang malaking piraso ang pamilya namin. Nariyan lang, nakatigil, pero hindi buo. May distansya... may lamat.

       Hays.

       Ipinikit ko na lang ang mga mata ko, para sana itulog na lang ang lungkot na ito, ngunit agad akong napabangon nang maramdaman ko ang sobrang pagsakit ng dibdib ko.

       Napahigpit na lang ang hawak ko sa unang yakap ko kanina nang magsimula nanaman akong maghabol ng hangin. Hindi ako makahinga...

       Pero alam ko na hindi ito dahil sa akin. Ilang beses ko na itong naramdaman. Alam kong ayos lang ako... si Xenon ang hindi.

       Napapikit na lang ako at napaluha.

       Katulad ng kung paanong nagbago na ang lahat, nagsimula na ring magkaroon ng pagbabago sa kanya.

       Sa araw-araw na lumilipas, ramdam ko... alam kong may mali kay Xenon... at lahat ng iyon ay dahil sa bond namin.

       Natatakot ako... dahil malakas ang pakiramdam ko na si Xenon... malapit na siyang mawala sa akin ng tuluyan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top