Prologo

ALETHEIA

Book 3 of Adrasteia

~This story is a work of fiction. The characters, names, scenes and places are pure imagination of the author. Any resemblance to actual person, living or dead is purely coincidental.

Genre: Paranormal

Thank you Nheczxo sa napakagandang book cover.

Written by: cgthreena

Date started: June 7, 2019
Date posted: June 3, 2020

Date finished: ---

——————————————————————————

Prologo

Sa isang maliit na bayan ng Amissa, nagkukubli ang mga iba't ibang nilalang na gumugulo sa buhay ng mga taong naninirahan doon. Sa tuwing pumapatak ang dilim, ang lahat ng tao ay nagtatago na sa kani-kanilang tirahan sa takot na mapahamak dahil sa mga pagala-galang mga engkanto. Hindi na yata mabilang ng mga tao roon kung ilang uri ng engkanto ang naninirahan sa kagubatan na siyang malayang naglilibot sa kanilang bayan tuwing nababalot na ng kadiliman ang buong paligid. Nauubos na ang mga tao sa maliit na bayan ng Amissa dahil pinipili ng mga ito na lisanin ang bayang kanilang kinagisnan para sa kaligtasan ng kanilang pamilya ngunit hindi lahat ay may kakayahan upang gawin ito dahil sa kakulangan sa pera at piniling manatili sa Amissa sa kabila ng pagiging delikado nito.

Humahangos na nagtungo ang isang ginang sa tirahan ng mga Necessario, pamilya ng mga albularyo na siyang matapang na hinaharap at kinakalaban ang mga kakaibang nilalang.

"Mio, Mio!" hinihingal na sigaw ng ginang.

Lumabas ang isang lalaking may mahabang buhok at balbas na ngayon ay kulay puti na dala ng katandaan.

"Bakit, Esmeralda?" kalmadong tanong nito.

"Ang anak ko! Tulungan mo ang anak ko! Sa tingin ko ay natipuhan ng isang engkanto ang aking dalagita," paliwanag nito.

Agad na pumasok si Mang Mio at kinuha ang kanyang mga gamit saka lumabas at nagtungo sa tirahan nina Esmeralda. Nang makarating ay nadatnan niya ang anak nitong natutulog na nakatali ang kamay at paa sa kama nito. Maputla na ang kutis at labi ng dalaga at mayroon din itong mga galos sa iba't ibang parte ng katawan. Ang ibaba ng mata nito ay nangingitim na.

"Galing siya sa sapa roon sa kagubatan upang maglaba at pagbalik niya ay sabi niya sa akin nahihilo siya at nanghihina sa 'di niya malamang dahilan. Hindi ko naman siya madala sa kabilang bayan upang maipagamot dahil wala kaming pera kaya nagbaka sakali ako na baka na-engkanto siya," salaysay ng ginang.

Sinimulan ni Mio ang kanyang orasyon. Kumuha siya ng hindi makilalang halaman at ibinabasbas ito sa katawan ng dalaga habang bumubulong ng mga dasal. Napatakip sa bibig si Esmeralda nang biglang magwala at magpumiglas ang katawan ng kanyang anak habang unti-unting lumalakas ang dasal ni Mio.

"Lubayan mo ang katawan ng dalagitang ito!" sigaw ni Mio habang nakapikit at hinahampas-hampas ang binti ng dalagita dahilan upang mapasigaw ito sa sakit kahit na halaman lang naman ang hinahampas rito.

"HINDI! SA AKIN SIYA!" sigaw ng dalagita sa malalim na boses habang nakapikit.

Muli ay taimtim na nagdasal si Mio at lalong pinahihirapan ang engkantong sumapi sa dalaga. Hahawakan na sana ni Esmeralda ang kamay ng kanyang anak dahil awang-awa na siya rito ngunit may kumatok sa kanyang munting tirahan. Tumayo siya at pinagbuksan niya ito, bumungad sa kanya ang kaisa-isang dalaga ni Mio.

"Naririto ka pala, Amari, ano ang kailangan mo?" tanong niya sa dalaga.

"Isinunod ko lamang ang mga puting bato na gagamitin ni itay sa pagpapaalis sa engkantong sumapi kay Kriselda," aniya dahilan upang agad na pinapasok siya ng ginang.

Nagtungo si Amari sa kanyang ama saka nagtungo sa mga gamit nito at nang makita ang pangpino ay agad niyang nilagay ang puting bato rito at dinurog ito. Nang matapos ay nilahad ni Mio ang kanyang palad sa anak na siyang agad na nilagyan ni Amari ng nadurog puting bato.

"Sa ngalan ng maharlikang tagapangalaga ng kagubatan, umalis ka sa katawan ng dalagang ito at huwag na huwag nang babalik!" sigaw ni Mio at isinaboy ang durog na puting bato sa katawan ng dalaga.

Isang napakalakas na sigaw ang pinakawalan ni Kriselda, kasunod no'n ay ang paglabas ng itim na usok sa kanyang balat. Sinundan ito ng tingin ni Amari hanggang sa makita niyang unti-unting lumisan ang usok palabas sa bahay. Naging kalmado na ang katawan ni Kriselda. Pawis na pawis ito at ang kanyang ina na nasa pinto lamang ng kanyang kwarto at nanonood ay agad na lumapit sa kanya at pinunasan ang kanyang mga pawis.

"Esmeralda, ito ang puting bato na kinatatakutan ng mga itim o masasamang engkanto." Inabot ni Mio ang pulseras na may puting bato na ginawang palawit rito.

"Isuot lamang niya ito at huwag na huwag tatanggalin dahil nararamdaman kong hindi ito ang huling may engkantong magtatangkang umangkin sa kanya. Ligawin ang iyong anak, Esme," huling turan ni Mio saka niligpit ang kanyang gamit at tumayo nang diretso upang maghanda nang lisanin ang tirahan nina Esmeralda.

"Maraming salamat, Mio," ani ng ginang. Tumango lamang ang ginoo saka nilingon ang kanyang anak bilang hudyat na kailangan na nilang umalis.

"Mauuna na po kami," paalam ni Amari.

Tahimik lamang na naglalakad ang mag-ama. Nasa harapan si Mio habang nakasunod lamang ang kanyang anak na pinagmamasdan ang natirang puting bato. Nakakunot-noo niya itong sinuri at hindi mawari kung paanong ang simpleng bato na ito ay may kakayahang makapagpatakot sa isang engkanto.

"Saan po ba nanggaling ang batong ito, itay?" kuryosong tanong ng dalagang si Amari.

"Sa isang kaibigan," ani Mio nang hindi nililingon ang anak. Napataas ang kilay ni Amari at dali-daling sinabayan ang ama sa paglalakad at pumunta sa tabi nito.

"Sinong kaibigan? Ang tagal ko nang itinatanong sa 'yo ito, paslit pa lamang ako at ang laging sinasagot mo lang ay iyan. Kahit kailan ay hindi ko pa nakikilala ang kaibigan mong ito," puno ng kuryosidad na wika ni Amari.

"Sa takdang panahon. Siya mismo ang magpapakita sa iyo," ani Mio na mas lalong ikinataka ni Amari.

Nang makarating sila sa kanilang tirahan ay agad na gumuhit ang ngiti sa labi ni Amari nang makita ang matalik niyang kaibigan.

"Divina!" sigaw ni Amari habang patakbong lumapit dito at niyakap ito.

"Ang tagal nating hindi nagkita!" ani Amari nang bumitaw rito.

"Oo nga, napakalayo naman kasi ng bundok na pinuntahan namin ng inang,"sagot nito. Nang makalapit si Mio ay binati ito ni Divina na siyang tinanguan lamang ng ginoo at dumiretso na papasok sa kanilang munting bahay.

"Saan kayo nagmula? May sinapian na naman ba?" sunod-sunod na tanong ni Divina. Tumango naman si Amari.

"Oo, si Kriselda, natipuhan ng engkanto," ani Amari. Napapalatak naman si Divina.

"Naku, tama ako, lapitin nga iyong si Kriselda. Kung kaya'y hindi na ako magtataka kung natipuhan siya ngayon. Mayroon siyang presensyang nagpapabaliw sa mga engkanto," napapailing-iling na wika ni Divina.

"Aba'y talagang napakarami mo nang alam sa mga bagay na iyan," manghang wika ni Amari. Napangiti lamang si Divina at bigla na lamang napalaki ang mata nito nang may maalala.

"May ibabalita nga pala ako sa iyo! Kung bakit pagkauwing-pagkauwi palang namin ay dumiretso na ako rito sa inyo," maligayang sambit ni Divina.

"Ano iyon?" nakangiting tanong ni Amari.

"May magbabalik sa bayan ng Amissa!" galak na wika ni Divina na humawak pa sa magkabilang balikat ni Amari. Napakunot-noo lang si Amari dahil sa sobrang ligaya ng kanyang kaibigan kung kaya'y maging siya ay napangiti rin.

"Anong sinasabi mo?" nakangiting tanong ni Amari.

"Bukas ay uuwi na sa Amissa ang pamilyang Laxamana!" maligayang sambit ni Divina na siyang bumitaw na sa pagkakahawak sa balikat ni Amari at pinaglapit ang dalawa niyang palad na animo'y magkahawak-kamay saka tumalikod kay Amari upang itago ang lubha-lubhang galak na kanyang nadarama kahit na ba kanina niya pa ito pinakikita sa kanyang kaibigan.

"Makikita ko nang muli si Matteo," labi-labis ang tuwang sambit ni Divina.

Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Amari. Napatahimik siya dahilan upang lingunin siya ni Divina na may nagtataka at nagtatanong na mga mata. Napakurap-kurap siya at hinawakan ang kamay ng kaibigan.

"Bakit napatahimik ka? May problema ba?" nagtatakang tanong ni Divina. Dali-daling umiling si Amari.

"Hindi, wala," ani Amari.

"Hindi ka ba natutuwa sa pagbabalik ng mga Laxamana, Aletheia Maria?"

Napangiti si Amari nang marinig ang pagtawag nito sa buo niyang pangalan. Umiling si Amari at tinignan sa mata ang kanyang kaibigan.

"Ako'y nagagalak sapagkat makikita mo nang muli ang iyong pinakamamahal, aking matalik na kaibigan," ani Amari saka ngumiti dahilan upang mapayakap si Divina sa kanya.

"Bukas ang dating nila at bukas na bukas din ay magtatapat ako sa kanya!" maligayang sambit ni Divina habang nakayakap sa kanyang kaibigan.

Sa kabila ng saya at ngiting nakaguhit sa labi ni Divina ay siyang pait naman para kay Amari.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top