Kabanata 2
Hi! Sorry, hindi ako nakapag-update last weekend kasi umalis ako. Subukan kong mag-update ulit bukas para maihabol. Salamat sa lahat ng nagbabasa!
-CG
***
Kabanata 2
Misteryo
***
Nakatitig lamang si Eton sa akin habang hinihintay ang isasagot ko. Maging si Dentrix ay nakaabang, tila kuryoso rin siya sa tanong ng binata. Ngumisi ako nang bahagya bago sagutin ang tanong nito na siyang ikinakunot ng noo niya.
"Hindi ba sinabi kong nakatakdang mamatay ang sinumang mahalin ng isang maharlikang diwata?" isang tanong ang sinagot ko sa tanong ni Eton na mas lalong ikinakunot ng kanyang noo.
"Diretsuhin mo na ako, Adrasteia," naiinip na wika ni Eton.
"Walang kakayahan si Sea na iligtas si Ezri noong mga panahong 'yon dahil nakatakdang mamatay si Ezri. Kaya nang mamatay na ang binata, saka lang siya nagkaroon ng kakayahan ngunit sa ibang dahilan na, sa paghihiganti," sagot ko kay Eton pero hindi niya pa rin maintindihan.
"Ibig bang sabihin ay pansamantalang nawalan ng kapangyarihan si Sea noong sinusubukan niyang iligtas si Ezri?" si Dentrix naman ang nagtanong. Napalingon si Eton dito at doon ay tila unti-unti na rin niyang naintindihan.
"Ang tadhana ang pumigil sa kapangyarihan ni Sea dahil kailangan maganap ang nakatakda," sagot ko at saka tinalikuran si Eton. Iniwan ko siya ro'n nang nag-iisip pa rin habang sumunod naman si Dentrix at sabay na kaming pumasok sa bahay.
Pagkapasok namin ay nagkumpulan ang mga duwende kay Dentrix saka kinuha nito sa bag nito ang kung anumang pinangako niya rito. Nakita ko naman si Kaps na paakyat na sa kanyang bahay kaya naman ako ay dumiretso sa upuan malapit sa pintuan ng bahay. Umupo ako ro'n at pinagmasdan lang ang paligid at nag-isip-isip. Nang mapansin ni Dentrix ang pagiging tahimik ko ay lumapit siya sa akin matapos siyang pagkaguluhan ng mga duwende.
"Totoo ba ang sinabi mo kay Eton?" tanong ni Dentrix. Nilingon ko siya at nadatnan ko lang ang mukha niyang nagdadalawang isip na maniwala sa sinabi ko kanina. Magaling talagang kumilatis si Dentrix, alam niya kung kailan ako nagsasabi ng totoo at hindi.
Umiling ako bilang sagot sa tanong niya. Tumango naman siya, hindi na nagtanong. Nanatili akong tahimik sa loob ng ilang minuto.
"Katunayan niyan, hindi ko alam ang sagot," panimula ko at nilingon ako ni Dentrix.
"Ang nakita ko lang noon na mangyayari ay ang ika-walong buwan ni Sea kung saan mananakit siya ng mga tao pero ang pangyayari bago 'yon ay hindi ipinakita sa akin. Kaya naman, hindi ko alam kung sinubukan ba ni Sea na gamitin ang kanyang kapangyarihan upang iligtas ang sarili niya at si Dentrix o hindi," dagdag ko.
"Kung ilalagay ko ang sarili ko kay Sea, gagamitin ko ang kapangyarihan ko kahit na malaman nila ang tunay kong katauhan. Kaya nakakasiguro akong sinubukan 'yon ni Sea," sambit ni Dentrix.
"Pero bakit? Bakit namatay si Ezri?" tanong ko. Hindi naman nakasagot si Dentrix.
"Wala pa sa kasaysayan ng mga diwata base sa mga napagtanungan kong mga diwata ang pansamantalang pagkawala ng kanilang kapangyarihan. Pero kung sinubukan nga ni Sea na gamitin ang kapangyarihan niya, baka nga may posibilidad na pansamantala siyang nawalan ng kakayahan dahil nakatakdang mamatay si Ezri," sambit ko. Napatango naman si Dentrix.
"Si Sea lang ang makakasagot ng lahat. Kung tatanungin natin siya kung ano ang nangyari noong panahong 'yon, baka magkaroon tayo ng ideya sa misteryong bumabalot tunay na nangyari," sabi naman ni Dentrix at napatango ako.
"Kung nandito lang din si Ceres ay baka nga mas nasagot pa ang mga tanong natin," dagdag ko.
"Luluwas ako ng Maynila bukas. Dadaan ako sa puntod ni Kuya Noli at titignan ko kung nandoon si Ceres at babalitaan kita," sambit ni Dentrix.
"Sige," sagot ko habang may malalim pa ring iniisip.
Kinaumagahan ay nagtungo ako sa kweba. Tinanaw ko mula sa malayo si Sea na papasok sa kweba at may dala-dalang mga prutas. Hindi kalayuan ay nakita ko rin si Eton na nakatanaw rito at may dala na namang bulaklak. Napairap ako nang makita 'yon. Talaga nga namang baliw na baliw kay Sea ang binatang ito kahit na hindi na bumalik pa sa dati ang itsura ni Sea. Sinlaki pa rin siya ng isang tao at ang dating mala-paru-parong ginto niyang pakpak ay tila gintong pakpak ng paniki na ngayon dahil sa matatalim na tusok sa dulo at ugat na nakaumbok. Pero ang maamong mukha ni Sea ay nanatili pa rin, ang inosente at magandang ngiti niya lamang ang nawala.
Nang makapasok si Sea sa kweba ay mabilis na naglakad si Eton at iniwan ang dala niyang mga bulaklak sa bunganga ng kweba. Mabilis ding umalis ang binata. Kasunod no'n ay ang paglabas ni Sea at pagkuha sa bulaklak at tinanaw ang likod ni Eton na papalayo na. Napataas ang kanang kilay ko nang makita 'yon. Nagsimula akong maglakad papalapit kay Sea at nang makita ako ay bakas ang gulat sa mukha niya.
"Kumusta na, Astraea?" bungad ko sa kanya. Hindi siya makatingin sa akin ng diretso at hindi rin makasagot.
Nagtungo ako sa isang malaking bato saka umupo ro'n. Sinundan lang ako ng tingin ni Sea. Humalukipkip ako at binaling na lang ang mata ko sa may talon ni Ceres.
"Ang mga kaibigan mo, si Mellie, Misha at Gaspi ay magkakasama pa rin. Nag-aaral sila sa isang community college sa kabilang bayan. Si Eton ay gano'n din at mukhang alam mo na palang dinadalaw ka niya halos araw-araw," panimula ko. Dahan-dahang napasalampak si Sea sa lupa at napatitig din sa tubig na umaagos sa talon. Ilang minuto kaming nanahimik.
"Ang hirap palang mapag-isa, Ate Dia," panimula ni Sea. Hindi ko siya nilingon at nanatiling nakikinig.
"Magmula nang araw na 'yon, pinangako kong hindi na ako lalapit pa sa iba dahil baka hindi ko na naman ma-kontrol ang kapagyarihan ko at makagawa ng masama dahil magmula rin noon ay natakot na ang lahat ng engkanto sa akin. Sila na rin ang kusang lumalayo sa akin. Itinuturing nila ako gaya ng pagturing at pagkatakot nila kay Ceres," dagdag ni Sea.
"Pero nakakalungkot pala, Ate Dia pero hindi ko rin magawang lumapit sa inyo dahil mas nalulungkot ako sapagkat naalala ko ang walang buhay na katawan ni Ezri," sambit ni Sea at narinig ko ang kanyang paghikbi kaya nilingon ko siya.
"Bakit hindi mo ginamit ang kapangyarihan mo para iligtas si Ezri?" tanong ko kay Sea. Unti-unting gumuhit ang ngisi sa labi niya at natawa na tila nawawala sa sarili.
"Pinagtaksilan ako," natatawa niyang sambit.
"Pinagtaksilan ako ng sarili kong kapangyarihan," sigaw ni Sea na siyang ikinakunot ng noo ko.
"Tandang-tanda ko ang araw na pagsasamantalahan ako ni Peter, iniisip ko pa kung gagamitin ko ang kapangyarihan ko dahil hindi nila maaaring malaman kung ano ako pero sa huli ay nagdesisyon akong gamitin ito dahil nasa peligro na ang buhay ko pero para akong lantang gulay. Hindi ko maramdaman ang enerhiya ng aking kapangyarihan. Tinalikuran ako ng aking kapangyarihan. Hindi ko alam kung dahil ba ako ay bata pa at hindi ko pa alam gamitin ito o sadyang pinagtaksilan lang talaga ako ng sarili ko," salaysay ni Sea.
Tunay nga na sinubukan ni Sea na gamitin ang kapangyarihan niya pero bakit hindi ito gumana gayong sarili niya naman ang ililigtas niya at hindi si Ezri? Patuloy akong naguluhan nang marinig ang isinalaysay ni Sea.
"Kung hindi maagang dumating si Ezri ay tuluyan na akong napagsamantalahan ni Peter. Pero hindi ko pa rin magamit ang kapangyarihan ko para naman iligtas si Ezri kina Peter. Hindi ko maintindihan... bakit huli na nang lumabas ang aking kapangyarihan? Wala na si Ezri nang maramdaman ko ang pagbabalik ng enerhiya sa aking katawan at doon na nagsimulang madama ng kalikasan ang aking galit," umiiyak na sambit ni Sea.
Tumayo ako at lumapit kay Sea. Umupo ako sa harapan niya at pinagmasdan lamang ang mukha niyang punong-puno ng luha. Hinimas ko ang kanyang buhok saka siya niyakap. Alam kong ito ang unang beses na makatanggap siya ng yakap makalipas ang halos dalawang taon.
Patawarin mo ako, Sea dahil miski ako ay hindi alam ang sagot sa iyong katanungan. Ang alam ko lamang ay nakatakdang mamatay ang sinumang magmahal sa isang maharlikang engkanto gaya ng sinabi ni Ceres. Pero may mga bagay na ipinagtataka ko pa rin hanggang ngayon na narinig ko na ang sagot kay Sea.
Hindi rin nagtagal ay iniwan ko na si Sea at bago ako makalayo ay napansin ko ang pagkislap ng munting ilaw sa may kweba na siyang ikinataka ko kaya mula sa malayo ay pinagmasdan ko pa ang kweba nang wala nang ilaw na kumislap ay umalis na ako. Madilim na nang makabalik ako sa aking bahay, nadatnan kong nag-uusap-usap ang mga duwende sa kung anumang comics ang natapos basahin ni Enrique.
Tahimik lang akong umupo sa upuan ko malapit sa pinto ng aking bahay at pinagmasdan lamang ang mga duwende. Si Kaps ay kasalukuyang natutulog sa isang makapal na sanga. Matapos ang usapan sa comics ay napunta ang usapan ng mga duwende kay Sena pero hindi ko na sila pinakinggan pa dahil nagring ang aking cellphone at nakita ang pangalan ni Dentrix.
"Ano ang balita?" bungad ko.
"Hindi ko naramdaman ang presensya ni Ceres sa puntod ni Kuya Noli," sagot ni Dentrix. Napahinga naman ako nang malalim.
"Oo nga pala, magkikita kami ni Sena ngayon," sambit ni Dentrix sa maligayang boses. Napakunot naman ang noo ko.
"Pumayag na siyang makipagkita sa 'yo? Kinulit mo ba ulit?" sunod-sunod kong tanong.
"Nagulat nga ako dahil siya mismo ang tumawag sa akin at nakikipagkita. Excited na ako! Bagong mission na natin 'to. Balitaan kita mamaya pagkatapos naming magkita, tatawagan kita. Sige, bye, aalis na ako!" maligayang sambit ni Dentrix saka binaba ang tawag.
Napakunot ang aking noo. Sa loob ng halos dalawang taong pangungulit ni Dentrix kay Sena, bakit biglang kusa itong lalapit sa kanya ngayon? Bakit parang may nararamdaman akong hindi maganda? Napatayo ako at nagtungo sa picnic table kung nasaan ang mga duwende na nagkukwentuhan.
"Ano pa ang nalalaman mo sa soul mate, Enrique?" seryoso kong tanong sa duwende.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top