CHAPTER 7

THE RUNAWAY BILLIONAIRE
CHAPTER 7

C O N A N

Pagkatapos ko ngang mabasa ang isinulat ni Sir Harris sa sticky note na idinikit niya sa may pinto ng refrigerator, kaagad ko iyong sinunod. Ngunit bago ako nagluto nang marami ay nag-almusal na muna ako dahil may nakahanda na ring mga pagkain sa mesa kung saan tinakpan lang ang mga ito. Fried eggs na medyo half cooked ang yolk nito, sinangag, at mayroon ding egg sandwich na kasama. Ewan ko ba, pakiramdam ko'y niluto iyon ni Sir para sa akin.

'Yon ang tumatakbo sa isipan ko, e. Hindi ko maiwasan.

Naglinis din muna ako saglit dahil araw-araw namang malinis ito at once a week lang din ang general cleaning. Pagsapit ng alas-diyes ng umaga ay kaagad kong sinimulan ang pagluluto ng mga pagkain. Inuna kong pakuluan na muna ang karne ng baka dahil balak kong magsinigang. Malamig dito sa Baguio at magandang hinihigop ang sabaw ng mainit-init na sinigang. Paborito ko rin ito dahil specialty ito ni Tatay noong nabubuhay pa siya. Sa tuwing may maliit na piging sa baryo namin ay si Tatay ang tinatawag ng mga kapitbahay upang magluto. Marahil ay sa kaniya ko minana ang hilig ko sa pagluluto dahil na rin madalas ko siyang panoorin sa tuwing siya'y nagluluto.

Napangiti ako nang mapakla dahil sa mga alaalang iyon na kahit gustuhin kong balikan ay hindi na mangyayari pa.

Inabot ako ng dalawa't kalahating oras sa paghahanda ng mga pagkain. Mag-isa lang din kasi ako. Tatlong putahe ang aking naluto. Hinugasan ko rin ang mga strawberries at inilagay 'yon sa hapag. Napangiti ako nang makita kong natapos kong gawin ang ipinapagaw ni Sir sa akin na hindi ako nito naabutan. Matutuwa kaya siya sa aking ginawa?

Pagkatapos kong ligpitin ang mga ginamit ko'y saktong narinig ko ang busina ng kotse sa labas ng bahay. Dali-dali akong lumabas at mabilis ko ring binuksan ang tarangkahan ng bahay, at tumambad sa akin ang isang itim na kotse. Ito iyong kotse na sinakyan namin ni Sir Harris kahapon nang kami ay mamasyal. Tumabi ako at kaagad din namang pumasok ang kotse. Isinarado ko pagkatapos ang tarangkahan. Pagharap ko sa bahay ay isang matangkad, naka-cargo shorts, puting polo na bukas ang tatlong butones sa itaas, nakasuot ng sun glasses, at nakangising lalaki ang nakatingin sa akin.

Siguro siya ang tinutukoy ni Sir na kaibigan nito. Pero bakit siya nakangisi?

Sumunod namang lumabas si Sir sa driver's seat at doon natuon ang pansin ng lalaki habang si Sir ay bigla ring napatingin sa akin.

"Dude, hindi mo sinabing may cute ka pa lang kinakasama rito." Sabay lingon nito sa akin at pinagmasdan ako mula ulo hanggang paa. Hindi ko matukoy kung ako ba ang sinasabihan nito o may nakikita pa ba siyang ibang tao maliban sa amin.

Lumapit si Sir sa akin at tumayo sa harapan ko. "What are you wearing, Mr. Dimaamo?"

Bigla akong kinabahan. Hindi ko maintindihan pero sa tingin ko'y galit ito sa akin. Napatingin ako sa aking sarili at ngayon ko lang napansin ang suot-suot ko. Isang pastel pink na apron na may nakasulat na, 'I'm cute while cooking' sa gitnang bahagi nito.

Pero 'di ko maintindihan, may mali ba rito? Muli akong tumingin kay Sir ngunit kaagad ding napaiwas dahil magkasalubong na ang mga kilay niya.

"P-Pasensiya na po. S-Sige, m-mauuna na po akong pumasok," mahina kong sabi at mabilis itong nilampasan. Napansin ko pang pareho silang nakasunod ang mga tingin sa akin ngunit 'di na ako lumingon pa dahil baka tuluyan nang magalit si Sir.

Sa tingin ko'y kailangan ko nang itapon itong apron at 'di na muling isusuot pa. Paborito ko pa naman itong apron na 'to. Sa tingin ko'y itatago ko na lang kaysa itapon o 'di kaya'y ibibigay ko na lang sa iba.

Imbes na dumiretso ako sa kusina'y pumunta ako sa aking kuwarto at doon hinubad ang apron. Itinago iyon sa pinakasulok-sulokan ng aking cabinet. Hinayaan ko na lang na marumi iyon. Pumasok ako sa banyo at mabilis na naligo.

--

Naabutan ko sina Sir at 'yong kasama niya sa sala. Napatingin si Sir Harris sa akin at mabilis siyang tumayo.

"Have you prepared food for lunch already?" tanong nito.

Sasagot na sana ako ngunit naunahan ako ng kasama nito. "Why don't you introduce your friend first, Harrison to this cute thing you have."

"Shut up, Marcus. He's not a thing." Tumawa ang kaibigan nito.

"Kidding," anito at lumapit sa aming puwesto. "Hi. I'm Marcus." Iniabot niya ang kamay niya, tanda nang pakikipagkilala.

Inabot ko rin 'yon at magaspang ang kamay nito kahit pa kung siya'y titingnan ay tila ba anak siya ng isang mayamang pamilya. "C-Conan po, Sir."

"Drop the 'po', hindi pa naman ako ganoon katanda. I think, Harrison is much older than me," sabi niya habang tumatawa.

"Tss. Let's eat. Gutom na ako sa tagal nang paghihintay sa 'yo. Sabi mo nasa airport ka na, hindi mo sinabing airport iyon nang Manila at alas-nuebe pa ang flight mo. How could you lie to your friend?"

Kanina pa ako palipat-lipat nang tingin sa kanilang dalawa. Hindi ko alam kung ano pa'ng ginagawa ko rito samantalang wala naman kaming dapat na pag-usapang tatlo. Mabuti na lang ay tawa lang ang isinagot ni Sir Marcus kay Sir Harris at nauna na ang mga itong pumasok sa kusina. Sumunod din naman ako pagkatapos kong bumuntonghininga.

"Wow!" 'yon lang ang naibulalas ni Sir Marcus pagkakita nito sa mga pagkaing nakahain sa hapag.

"I told you, he's good," ani Sir Harris.

"Ikaw ba ang nagluto ng lahat na ito?" Nakatingin na ngayon si Sir Marcus sa akin. Tumango at ngumiti lang ako bilang sagot. "Wow. I mean, you're small but you've done something like this. Incredible. Bigla tuloy akong nagutom."

Nag-init ang magkabila kong pisngi dahil sa kaniyang papuri. "M-Maraming salamat po. Kumain na po kayo, sabihan niyo lang po ako kung may kailangan kayon," sabi ko.

"Sasabay ka sa amin, Mr. Dimaamo," ani Sir Harris. "And no buts," dagdag pa niya.

Wala akong nagawa kundi ang tumango lang. Kaagad naman kaming pumuwesto. Nagulat ako ngunit 'di ko lang ipinahalata nang tumabi sa akin si Sir Harris habang kaharap naman namin si Sir Marcus na kaagad kumuha ng mangkok at nilagyan nang mainit-init pang sinigang.

"Fck, bro. This is perfect! Hindi ako makapaniwala na hindi ito galing sa isang mamahaling restaurant dito."

Tumikim din si Sir Harris at wala itong sinabi, bagkus ay kumuha ito nang maraming kanin at kaagad silang kumain. Natuwa ako dahil nagustuhan nilang dalawa ang aking mga niluto. Sigurado akong 'pag nakita ito ni Tatay ay matutuwa rin 'yon dahil nasasarapan ang mga taong kumakain sa kaniyang specialty. Kumain na rin ako.

Nag-uusap silang dalawa habang nilalantakan ang mga pagkain sa hapag. Hindi nga nila napapansin na nauubos na ang sinaing kong kanin pati na rin ang mga ulam. Ani Sir Marcus na kailangan niyang mag-register sa malapit na gym rito dahil baka tumaba siya sa rami ng kaniyang kinain at ganoon din si Sir Harris. Ngayon ko nga lang din natuklasan na madaldal pala si Sir Harris dahil noong dumating siya rito, 'di naman siya madalas kung magsalita. Mas madalas pa ito sa kaniyang laptop at doon lang nakatuktok maghapon.

Pinag-uusapan din nila kung kailan sila mamamasyal at magtitingin ng mga bahay bakasyunan dito dahil balak ni Sir Marcus na bumili ng sarili niyang bahay.

"We're here for work, not for fun. Remember that," ani Sir Harris nang sabihin ni Sir Marcus na lilibutin nito ang buong Baguio.

"Bro, I know." Tumawa pa ito. "Hindi mo pa rin pala nilulubayan ang trabaho mo? After what you've done? You still wanted his recognition? Tsk-tsk."

Nagulat ako nang biglang tumayo si Sir Harris. Tapos na rin naman itong kumain. Umalis ito ng kusina nang hindi nagpapaalam.

Bakit?

May masama kaya sa sinabi ni Sir Marcus? Parang kanina lang ay masaya silang nag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay? Ganito ba talaga mag-isip ang mga mayayaman.

"Don't mind him. Stress lang 'yon sa buhay. Can I ask you a favor?" biglang sabi ni Sir Marcus kaya sa kaniya ako napatingin. Sa muli, nakangisi na naman ito. Ngayon ko lang din napagmasdan ang mukha niya. Guwapo. Maputi. Mga natural na feature ng mga mayayaman. Mukha rin siyang badboy dahil sa hikaw niyang silver sa tainga na hindi mo mapapansin kung 'di mo siya nalalapitan.

"Ano po iyon?"

Tumawa siya na tila ba may naiisip na 'di maganda. At saka niya sinabi ang gusto nitong gawin ko. Hindi ko siya maintindihan dahil wala rin naman akong alam sa tinutukoy niya. Papaano? Pero napa-oo ako dahil maging sarili ko'y hindi ko na rin naiintindihan. Baliw na yata ako.

*****

Back on track na tayo. 1st sem done na yey!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top