CHAPTER 30
THE RUNAWAY BILLIONAIRE
CHAPTER 30
C O N A N
DAHIL sa kuryusidad at sa takot na biglang bumalot sa akin nang harangan ako nitong dalawang lalaking doble ang laki ng mga katawan sa akin. Wala akong nagawa kundi ang sumama sa kanilang dalawa. Tinalikuran nila ako at naglakad papalayo. Isang metro ang layo nila’y hindi pa rin ako humahakbang ngunit tumigil ang mga ito at lumingon sa akin. Kaya mabilis akong kumilos at sumunod sa kanila.
Isang itim na kotse ang hinintuan namin. Wala akong makita sa loob dahil itim na itim din ang tint ng bintana nito. Dumoble ang kaba ko. Baka nagsisinungaling lang sila na hindi ako sasaktan? Pero ang totoo’y ibebenta nila ang lamang loob ko?
Ano’ng gagawin ko? Sabihin ko kayang may nakahahawa akong sakit? Pero maniniwalay kaya sila?
Ngunit bago pa man ako makapagsalita para sana’y magdahilan na may nakahahawa akong sakit at hindi ako puwedeng lapitan ng kahit na sino, bumukas ang pinto ng kotse sa passenger’s seat. Tumingin ako sa lalaking nagbukas nito, wala siyang sinabi pero ang tingin niya’y tila ba nagbabanta. Mabilis akong kumilos at pumasok doon.
Walang tao roon kaya mas lalo akong kinabahan sa mga nangyayari. Napasinghap ako nang isarado ng lalaki ang pinto. Sumunod naman ay sabay silang pumasok, isa sa driver’s seat at sa tabi nito. Pinaandar nito ang makina at tahimik kaming umalis sa parking lot.
Heto na ba ang katapusan ko?
Bigla kong naalala iyong mga masasayang alaala ko sa Baguio. Noong bata pa lang ako hanggang sa hindi ko namalayang nag-iisa na lang ako rito sa mundo. Bumuhos ang mga luha ko. Tahimik akong umiyak sa back seat at mukhang hindi naman nila ako napapansin dahil madilim din dito.
Kung ito man ang katapusan ko. Masaya ako. Nanghihinayang lang ako dahil hindi ko man lang napasalamatan si sir Harrison at hindi man lang ako nakapagpaalam sa kaniya nang maayos. Galit ako, oo, dahil sa mga pagpapaasa niya sa akin, pero marunong naman akong tumanaw ng utang na loob. Marami siyang naitulong sa akin at gusto ko siyang pasalamatan.
Tumigil ang kotseng sinasakyan ko sa isang restaurant. Mabilis kong pinunasan ang mga luha at nagtatakang tumingin sa harapan ngunit bumukas na ang pinto ng back seat. Hindi na ako nagtanong dahil baka pakakainin na muna nila ako bago kunin ang mga lamang loob ko. Lumabas ako at sumunod dito. Pumasok kami sa loob ng restaurant. Kahit kinakabahan at nagtataka sa mga nangyayari, nagawa ko pa ring pagmasdan ang paligid at namangha sa mga palamuti.
May mga chandelier na nakasabit sa mataas na ceiling. Puno rin ng mga golden lights ang paligid at may iilang sculpture sa bawat sulok nitong restaurant. Sumisigaw na ang puwede lang kumain dito ay mayayaman.
Dahil sa kakamasid ko sa paligid at hindi ko napansing tumigil na pala iyong lalaking sinusundan ko kundi lang ako nabangga rito. Umalis siya sa harapan ko dahilan para mas lalong kabahan nang makita kung sino ang nakaupo sa puwestong hinintuan namin.
“Have a seat, Mr. Dimaamo,” aniya gamit ang baritonong boses. Nakakatakot. Napalunok ako.
Umiwas ako ng tingin dahil hindi ko kayang makipagtitigan sa kaniya. Sinunod ko rin ang kaniyang gusto. Nakaka-intimidate ang kaniyang mga titig kaya hindi ako mapakali sa kinauupuan.
“Calm down.” Mahina siyang tumawa. “I’m not going to eat you. Mag-uusap lang tayong dalawa,” sabi niya.
Muli na naman akong napalunok. Pakiramdam ko’y lalabas sa dibdib ko itong puso ko. Tumingin ako rito. Kausap niya ang waiter at hindi ko maintindihan ang kaniyang sinasabi dahil pabulong lang iyon. Umalis ang waiter pagkatapos nitong tumango at sumulyap sa akin ang kaharap ko.
Hindi ko siya kilala ng lubos ngunit base sa mga kwento ni sir Harrison ay napaka-strikto ng kaniyang ama. Ang lahat ng sumusuway sa kaniya’y hindi niya pinapatawad. Kaya heto ako, natatakot. Kung alam ko lang na siya ang gustong kumausap sa akin, kanina pa sana ako tumakbo papalayo.
Una ko siyang nakita noon sa airport. Wala pa siyang sinasabi pero base sa mga tingin niya sa akin ay alam kong kinikilatis na ako nito. Papaano pa kaya ‘pag nalaman niyang nagkaroon ng pagitan sa aming dalawa ng kaniyang anak? Baka ipapatay niya ako. Mayaman sila, ako’y isa lang ulila’t dukha. May imahe silang iniingatan at kapag nalaman ng mga tao ang bagay na iyon, masisira ang imaheng iyon.
Pumasok sa isipan ko si sir Henry at sir Andrei. Isang Alcantara si sir Henry at may kinakasama siyang ‘tulad kong bakla. Ano ba talaga ang nangyayari?
“Sir, b-bakit niyo po pala ako gustong kausapin?” tanong ko, dahil hindi ko na alam ang mga nangyayari at nais kong maliwanagan.
Ngumiti siya. “We’ll talk about that later. Kumain na muna tayong dalawa. Pagod ako sa trabaho at gutom na rin,” mahinahon niyang sagot.
Hindi nagtagal ay dumating ang mga i-ni-order niyang pagkain. Sobrang dami. Hindi ko mabilang kung ilang putahe ang inilapag ng waiter. Pero dalawa lang naman kaming dalawa ang nakaupo rito ngayon. Tumingin ako sa paligid at nakita na nasa may kalayuang mesa iyong dalawang lalaking humarang sa akin.
“Let’s eat,” sabi ni Mr. Alcantara.
Kumalam na rin ang sikmura ko kaya sumunod na lang ako rito. Ang mahalaga ay busog akong mamamatay.
--
“Leave my son.” Katatapos ko lang uminon nang magsalita siya. Katatapos lang naming kumain. Mahina lang iyon ngunit sapat lang para marinig ko. “Matagal na akong nakamasid sa inyong dalawa. At alam kong ‘di ka scholar ni Harrison but you’re his lover. And I want you to end that and leave him,” dagdag niya. Mas naging malinaw sa akin.
Hindi na nakapagtatakang alam niya iyon dahil sa yaman nila, sa isang pitik lang ng mga daliri nila’y nalalaman kaagad nila ang lahat.
Iwanan ba? Siya nga itong unang nangbabalewala sa aming dalawa.
“Hindi niyo na po ako kailangang sabihan dahil wala na po kami ng anak ninyo,” sagot ko sa kaniya dahil iyon naman ang totoo. “At huwag po kayong mag-aalala, hindi ko na rin po siya lalapitan simula ngayon.” Hindi ko alam kung papaano ko ito nasasabi lahat nang hindi nauutal at hindi naiiyak.
“I know but Harrison will do everything just see you. Dahil sa ‘yo, naapektuhan ang imahe ng kompanya at ang trabaho ng anak ko. Ayokong sirain mo iyon. If you would do me a favor, leave the country immediately. ‘Wag kang mag-aalala, susuportahan kita kung pinansyal ang usapan.”
Dahil sa akin naapektuhan ang imahe ng kompanya nila at si sir Harrison. Hindi ako nakasagot.
May kinuha siya kaniyang bag. Isang Ipad. Iniabot ito sa akin matapos niyang buksan. Napalunok ako nang makita ang litrato naming dalawa ni sir Harrison. Walang kaduda-dudang kaming dalawa ang nasa litrato kung saan magkayakap kaming dalawa sa bakuran ng kaniyang bahay sa Baguio. Isang article ang ipinakita sa akin ni Mr. Alcantara kung saan nakasulat ang panghuhusga at epekto ng relasyon namin ni sir Harrison.
Ibinalik ko iyon sa akin.
“Naniniwala ka na ba?”
Marahan akong tumango. Kumirot ang puso ko dahil sa mga nalaman. Kasalanan ko ito. Kung hindi ako nagpatukso sa damdamin ay hindi masisira ng husto ang kanilang imahe.
“P-Pero maaari po ba akong magpaalam muna kay sir-”
“You can’t,” mabilis niyang sagot. Napabuntonghininga ako. “This is for your own safety,” dagdag pa niya pero hindi ko na iyon inintindi pa.
Pinunasan ko ang mga luhang bumuhos na naman at tumingin sa ama ni sir Harrison. “Papayag po ako sa iisang kondisiyon,” sabi ko at hindi ko na siya pinasagot pa dahil kaagad kong dinugtungan iyon. “Pakinggan niyo po si sir Harrison, at palakpakan sa lahat ng mga achievements niya; maliit man o malaki. Magpakaama po kayo sa kaniya dahil kayo ang tinitingala niya sa lahat ng bagay. Sana po maging proud kayo bilang ama niya.”
Hindi siya nakasagot at natahimik lang. “I-I will,” sagot niya pagkaraan ng ilang segundong pananahimik.
Tumango ako at nakipagkamay, senyales ng aming sinang-ayunan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top