CHAPTER 29
THE RUNAWAY BILLIONAIRE
CHAPTER 29
C O N A N
NANG gabing iyon ay wala akong ibang ginawa kundi ang umiyak lang nang umiyak. Nag-iisa sa isang tabi habang ang mga luha'y patuloy lang sa pagbuhos. Hinayaan ko ang sariling magpakalunod sa sakit at inaasahan na kapag napagod na ako'y mawawala rin iyon ngunit mali ako. Mali ako dahil nang magising ako kinabukasan, muli na namang bumuhos ang mga luha ko.
Ano ba'ng nagawa kong mali bakit ganito kung maglaro ang tadhana sa akin? Una ay ang mga magulang ko ang nang-iwan sa akin at ngayon ay ang taong mahal ko, ang unang nagpatunay na kahit isa akong bakla ay may magmamahal pa rin sa akin.
Pinunasan ko ang mga luha nang mapagtantong kailangan kong bumangon. Pinilit ko ang sariling bumangon kahit pa nanghihina ako't wala akong gana. Plano ko nga pa lang maghanap ngayon nang mauupahan at trabaho. Ayokong iasa sa kaniya ang lahat. At kapag nanatili pa ako rito'y mas lalo lang akong masasaktan.
Pagpasok ko sa banyo at pagharap sa salamin, nanibago ako sa aking itsura. Tila ba ang mundo'y tinalikuran na ako at lahat ng sigla sa aking katawan ay lumayas din. Mugto ang mga mata. May natuyo pang luha sa aking pisngi. Magulo ang buhok. Sinubukan kong ngumiti ngunit napaluha na lang dahil pakiramdam ko'y pati ang saya'y hindi na rin sumasang-ayon sa akin.
"K-Kaya mo 'to, Conan. K-Kinaya mo nga ang lahat," pagbibigay lakas sa sarili. Kahit pa alam kong hindi ko kaya. Nakalimutan kong ihanda ang sarili ko noon dahil masyado akong nabulag na hindi darating ang araw na ito – na iiwan niya akong walang malinaw na dahilan.
Naghilamos lang ako at muling lumabas ng banyo. Lumabas ako ng kuwarto at tinungo ang kusina nitong condo. Naghanap ako ng puwedeng kainin kahit pa wala akong gana'y kumain pa rin ako dahil kailangan ko ng lakas. Nakalimutan ko ring kumain kagabi dahil sa kirot ng puso ko. Pagkatapos kong mag-almusal ay kaagad akong bumalik ng kuwarto upang ihanda ang sarili sa paghahanap ng trabahong babagay sa akin.
--
ILANG fast food, coffee shop, at restaurant na ang napuntahan ko upang magtanong ng trabaho ngunit lahat sila'y hindi pa hiring sa ngayon. Ibinigay ko naman ang number ko dahil baka sakaling magbago ang isip nila't tawagan ako kahit malabo. Sa mga ganitong trabaho lang din kasi ang alam kong babagay ako pero ni isa'y wala man lang hiring.
Ngunit hindi ako nawalan nang pag-asa. Naglakad ako nang naglakad hanggang sa makakita ako nang malaking signage ng mass hiring sila. Mabilis akong lumapit sa guard.
"Kuyang Guard, maaari po ba akong magtanong?" Tumingin siya sa akin kaya kaagad kong sinundan ang sinabi ko. "Totoo po ba iyong signage? May mass hiring po rito?"
"Bakit, 'toy, ano ba'ng natapos mo sa kolehiyo?" balik niyang tanong.
Nawala iyong panandalian kong sigla. "Ano po kasi, magkokolehiyo pa lang po ako. Nagbabakasakaling makahanap ng part-time po rito."
"Ah ganoon ba? Puro college graduate hanap nila, e."
"Ganoon po ba?" Tumango lang siya. "Sige po, marami po—"
"Hoy! Ikaw kuyang Guard, fake news ka lagi!" Napatingin ako rito. Ganoon din ang Guwardiya. Isang binata, hindi, bakla rin tulad ko, na nakapamewang habang nakataas ang kaniyang kilay na mukhang kakaahit pa lang. "Nanggigigil ako sa 'yo, alam mo ba iyon? Kaka-social media mo 'yan kaya kung ano-anong fake news pinapakalat mo rito!"
Napayuko ang Guwardiya. "P-Pasensiya na po, sir. I-Iyon po kasi ang narinig ko sa HR."
"Tse! Susumbong talaga kita sa asawa ko," anito at saka siya umirap sa Guwardiya't tumingin sa akin. "Naghahanap ka ng trabaho?" Nakababa na ang kaniyang kilay at nakangiti sa aking nakatingin.
May asawa siya? Pero ang lambot niyang kumilos? Hindi ko siya masisisi. Ang lalaki ay puwedeng kumilos sa kung ano'ng nakapagpapasaya sa kanila. Puwedeng maging feminine at maging manly. Walang mali roon. Ang mali ay ang pag-isipan sila nang masama. Mali na husgahan sila, ganoon din sa isang babae.
Napangiti na rin ako. "Opo, sana, kaso—" Pinigilan niya ako.
"Huwag mo pansinin iyan si Koya. Fake news spreader 'yan. Hilig ding maniwala sa spliced videos sa social media," aniya at saka ako hinila papasok sa loob. Nakatingin sa amin ang iilang mga tao rito sa loob pero wala siyang pakialam doon. Pumasok kami sa elevator.
"H-hiring po kayo kahit hindi college gradute?" tanong ko, habang nasa loob kami ng elevator.
"Oo naman! Basta open minded ka. Open minded ka ba?" ngumisi siya. Bigla akong kinabahan. "Char! Hindi ito networking, ah. Ang ibig kong sabihin, kung masipag ka at mapagkakatiwalaan, push natin 'yan."
Ang ligalig niyang kausap. Kaya nawala iyong kaba ko. Ilang minuto lang ay nagbukas muli ang pinto ng elevator at lumabas siya. Kaya sumunod ako rito. Nakarating kami sa isang rainbow na pinto. Napangiti ako. Hindi na nakapagtatakang dito ang kaniyang opisina.
Pumasok siya roon kaya sumunod na rin ako. Nagulat ako nang pagpasok namin ay mayroon pa lang tao. Nakatayo ito at nakatalikod habang may kausap sa cell phone.
"Ehem!"
"Yeah. Sure. Goodbye."
Humarap ito sa amin nang maibaba nito ang cell phone at maipasok sa bulsa. Nanlaki ang mga mata ko. Napakurap-kurap pa kung talaga ba'ng totoo ang nakikita ko. Ang tangkad niya tapos ang guwapo rin. Tumingin ako sa mesa kung saan nakalagay ang pangalan niya.
HENRY FIN ALCANTARA
PRESIDENT
Siya ang may-ari nitong kompanya? Ang nakakagulat ay iyong pinto nitong opisina niya na rainbow. Bakla siya? Pero ang guwapo niya?
"Sino iyong kausap mo? BABAE MO, 'NO?!" Napabalik ako sa reyalidad nang magsalita itong nanghila sa akin dito.
"What? No. He's just my client."
"Weh? Naku lang talaga, Henry! 'Pag nalaman kong may babae ka, wala kang uuwiang bahay at 'di ka makakasisid sa akin."
Hindi ko alam kung tama bang nandito ako. Naguguluhan ako sa mga nangyayari. Sino ba sila? Tapos itong lalaking ito'y isang Alcantara. Kaapelyedo ni sir Harrison. Kapatid niya ba ito? Si sir Hunter lang ang kilala ko pa lang na kapatid niya.
"You can't do that, I know. Alam kong hindi mo rin ako kayang tiisin, Andrei."
"Tse! Ewan ko sa 'yo!" At parang kiti-kiti itong nagpapadyak pero bigla ring umayos nang siguro'y napansin ako. "Ah nandito ka nga pala. Pasensiya na kung iniinggit kita pero 'yang lalaking 'yan nga pala'y asawa ko. Tutulungan ka niyang makapasok sa kung ano'ng trabahong gusto mo. 'Di ba, Hon?"
Mag-asawa sila?
"Yeah. Just let me know what can you do," segunda naman ni sir Henry.
--
NANG matapos ako roon sa kompanya kung saan ay sa susunod na Lunes na ako magsisimula sa trabaho ay kaagad na rin akong umalis. Nagpasalamt ako kay sir Andrei at sir Henry dahil binigyan nila ako ng trabaho. Roon mismo sa kompanya, sa canteen nito, bilang isang assistant chef.
Kaya ngayon ay uupahan naman ang hahanapin ko. May pera naman ako para sa pagbabayad ng renta at advance. Kahit maliit lang dahil mag-isa lang naman ako.
"Ate, may available pa po bang kuwarto?" tanong ko sa isang kaedad lang ni Nanay Elsa, nakatambay sa labas ng isang bahay paupahan.
"2000 pesos, down-payment at one month advance. Sa labas ang banyo at libre na kuryente."
Hindi na ako nagdalawang isip pang kunin iyong nang makita ko ang kuwarto. Malinis naman. Sakto lang para sa iisang tao. Kaagad akong nagbayad ng renta at advance payment. Sinabi ko rin kung kailan ako lilipat. Sakto pang malapit ito sa kompanya ni sir Henry at sa isang Unibersidad. Hindi ko pa alam kung saan ako mag-aaral at kung ano'ng kursong kukunin ko. Gusto kong mag-culinary arts pero sa sitwasyon ko ngayon, mukhang mahirap yatang ipagpatuloy iyon.
Umalis na ako roon. Madilim na pala at nakararamdam na ako ng gutom. Kaya naisipan kong maghanap na lang ng puwedeng makainan. Nakarating ako, gamit lang ang mga paa ko, sa isang fast food restaurant. Ito lang kasi ang malapit sa boarding house na tutuluyan ko.
Papasok na sana ako nang may humarang sa aking dalawang malalaking mga lalaki. Nakasuot ng itim na suit habang may sun glasses pa.
"Sumama ka sa amin. Gusto kang makausap ni Boss," ani ng isa.
Kinabahan ako. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko. Tumingin ako sa paligid. Maraming mga tao at may guwardiya sa harap ng fast food kaya kung sisigaw ako'y mapapansin ako. Ngunit hindi ko nagawa nang muling magsalita ang isa sa kanila.
"Hindi ka namin sasaktan. Nais ka lang makausap ng amo namin, iyon lang."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top