CHAPTER 27
THE RUNAWAY BILLIONAIRE
CHAPTER 27
C O N A N
PANSAMANTALA muna akong mananatili rito sa condo unit ni sir Marcus. Aniya’y rito na muna ako habang hindi pa kami nagkikita ni sir Harrison. Nagpasalamat ako nang maihatid niya ako rito. Ibinigay niya sa akin ang key card at saka nagpaalam na aalis na dahil may pupuntahan pa siya. Hindi rin siya rito tumutuloy dahil ang condo na ito’y noong college pa lang siya. Binuksan ko naman ang condo at pumasok sa loob.
Kompleto sa gamit ang condo. May maliit na kusina kung saan kompleto rin sa kagamitan. Sofa, TV, at mga cabinet. Iisa lang ang kuwarto nito na kaagad kong pinasukan dahil gusto na ring magpahinga. Malinis at parang bagong-bago ang mga gamit dito. Inilagay ko sa gilid ang maleta ko at saka pumasok sa loob ng banyo.
Nang makatapos akong maglinis ay kumuha lang ako ng isang pares ng komportableng damit sa maleta at saka naupo sa kama. Inilibot ko ang paningin. Nag-iisa na naman ako. Tumingin ako sa cell phone ko, hanggang ngayon ay wala pa rin akong natatanggap na mensahe.
Bakit kaya hindi niya man lang ako matawagan o kahit sumagot man lang sa mga mensahe ko? May karapatan naman akong malaman iyon. Isa pa, nangako siyang ipapasyal niya ako rito bago mag-enroll sa susunod na linggo ngunit nasaan siya?
Ayokong mag-isip nang masama ngunit hindi ko maiwasan. Papaano kung ito na pala iyong araw na kinakatakutan ko noon? Na biglang nagising si sir Harrison sa katotohanang hindi kami puwedeng magkaroon ng relasyon. Nakatatakot din iyong kaniyang Tatay dahil sa seryoso nitong mga titig sa akin sa airport at alam kong pinag-aaralan na nito ang pagkatao ko. Pero kung ito man ang araw na iyon, hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko.
Hindi ko alam kung saan ako pupulutin. Dapat ba akong bumalik na lang sa Baguio? Hindi! Bukas ay magkikita naman kaming dalawa. Naniniwala ako at may tiwala naman ako kay sir Harrison na hindi niya ako bibiguin.
-
KINABUKASAN, maaga pa lang ay gising na ako. Tinungo ko ang kusina at tiningnan ang laman ng refrigerator. Inaasahan ko nang wala itong laman dahil ayon kay sir Marcus, matagal na siyang hindi tumutuloy rito pero nagulat ako dahil punong-puno ito ng sa tingin ko’y mga bagong biling groceries. Nagkibit balikat na lang ako. Marahil ay ganito talaga kapag mayaman, ayaw nilang nauubusan sila nang makakain kahit hindi naman nila iyon mauubos lahat.
Kumuha na lang ako ng easy-to-cook dahil bilin sa akin ni sir Marcus ay maaga kaming aalis ngayon upang puntahan si sir Harrison sa kaniyang kompanya. Kinakabahan ako nang hindi ko alam ang dahilan pero ipinagsawalang bahala ko na lang iyon at naghanda na nang makakain. Ayaw kong malipasan ako ng gutom katulad nang nangyari sa akin kahapon.
Pagkatapos kong kumain ay ang sarili ko naman ang inihanda ko. Mabilis lang akong naligo at nagpalit ng damit. Tumingin ako sa wall clock na malapit sa pinto. Nakaturo ang maliit na kamay ng orasan sa alas-siyete. Saktong may nag-doorbell kaya mabilis akong lumabas at tinungo ang main door. Bumungad sa akin si sir Marcus, suot ang corporate suit niyang bagay na bagay sa kaniya.
“Are you ready?” tanong niya. Tumango lang ako.
Isinarado ko lang ang pinto at saka sumunod sa kaniya patungong elevator. Na sa ika-sampo kaming palapag nitong condo building. Ilang minuto ay nasa parking lot na kami. Pinagbuksan niya ako ng pinto at ilang sandali lang ay umalis na kami roon sakay ng kaniyang kotseng itim.
“Nakausap mo na ba si Harrison?” tanong niya pagkaraan ng ilang minutong byahe. Nakatingin siya sa daan.
Kinuha ko ang cell phone sa aking bulsa at muli itong tiningnan. “Hanggang ngayon wala pa rin po,” sagot ko sa kaniya nang makitang kahit isang mensahe ay wala akong natanggap.
“Maybe he’s busy with work. You know how he loves hard work.”
Iyon na lang ang inisip ko habang kami ay nasa byahe dahil noong nasa Baguio pa lang kami, madalas ay nakikita ko si sir Harrison na nakatutok lang sa kaniyang laptop. Nagtitipa. Nagtatrabaho kahit na nasa malayo. Busy siyang tao, alam ko iyon.
Tumingin na lamang ako sa labas kung saan nagtataasang buildings ang nadaanan namin. Hindi ko ito napansin kagabi nang ihatid ako ni sir Marcus sa kaniyang condo dahil sa pagod, at sa dami nang iniisip. Saglit kong nakalimutan ang ginagawang pambabalewala ni sir Harrison sa akin dahil sa mga nakikita ko. Hindi na ako makapaghintay na makapasyal dito sa lugar. Nakikita ko sa social media na maraming puwedeng pasyalan dito.
Mahigit kalahating oras din ang itinagal ng byahe namin ay nakarating kami sa isang napakataas na building. Pumasok kami sa basement kung saan ang parking lot nitong building. Nang makahanap ng puwesto ay sabay kaming bumaba sa kaniyang kotse. Nakasunod lang ako sa kaniya hanggang sa tuluyan kaming nakapasok sa loob ng kompanya. Sumakay kami ng elevator at ilang minuto lang ay nakarating kami sa pinakadulong palapag nitong building.
Kinakabahan ako. Sinisigaw ng isipan kong ‘wag ko na lamang itong ituloy ngunit ayaw namang umatras ng aking mga paa. Unti-unting bumukas ang pinto ng elevator. Isang hallway ang bumungad sa amin. Lumabas si sir Marcus kaya wala na akong nagawa pa kundi ang sumunod. Tumingin ako sa mga nakasabit na mga portrait hanggang pinakadulo kung saan may pinto. Binuksan ito ni sir Marcus. Bumungad sa amin ang office desk ni sir Harrison pero wala siya roon.
“Mr. Alcantara! Conan’s here!” malakas na sigaw ni sir Marcus. Tumingin siya sa akin at ngumisi. “Don’t worry, no one’s here except Harris.”
Bumukas ang pinto sa kabilang banda at lumabas ang isang babae, suot ang isang malaking T-shirt na puti. Magulo ang kaniyang buhok pero hindi nito naitatago ang maganda niyang mukha. Ngumiti siya sa amin.
“Hi, I’m Dolores. Harrison’s fiancé. How can I help you?” ngumiti siya sa amin habang nakasandal sa nakasaradong pintuan.
Nanigas ang buo kong katawan sa gulat. Fiancé? Mapapangasawa? Ayokong maniwala dahil hindi iyon galing mismo kay sir Harrison ngunit base sa nakikita kong pinagmulan niya at nandito pa siya sa loob ng opisina ni sir Harrison, suot ang sa tingin ko’y damit nito. Totoo ang kaniyang sinasabi. Pero bakit hindi iyon sinabi sa akin ni sir Harrison?
Biglang naninikip ang dibdib ko at pakiramdam ko’y bubuhos ang mga luha ko pero pinigilan ko iyon. Hindi ko na lang ipinahalata sa kanila dahil pareho naman silang walang alam.
“I-I didn’t know you’re here,” ani ni sir Marcus.
“You must be Conan Dimaamo?” Napatingin ako kay ma’am Dolores. Kilala niya ako. Ngumiti siya at tumayo nang matuwid at saka naglakad papalapit sa akin. “Harrison told me about you. Iyong scholar na papaaralin niya rito? Nice to meet you,” dagdag niya.
Scholar? Ngumiti ako nang mapait. “A-ah o-opo. Ikinagagalak ko rin pong makilala kayo.” Gusto ko nang umalis dito. Gusto ko na lang bumalik ng Baguio.
“Pasensiya na nga pala. Harris’ still asleep and I don’t want to wake him because he was tired last night.”
“Ayos lang po. B-babalik na lang po kami sa susunod,” ako ang sumagot at mabilis na tumalikod upang makaalis na roon. Mabuti na rin iyon dahil ayokong makita si sir Harrison at ayokong makita niya akong nagkakaganito; parang tangang umaasa.
“Hey!” Napatigil ako nang may humawak sa braso ko. Tumingin ako rito, si sir Marcus na malungkot na nakatingin sa akin. “It’s okay. Alam kong may paliwanag si Harris tungkol dito,” aniya.
“Ayos lang po. Gusto ko lang po talagang itanong sa kaniya kung saang eskwelahan ako mag-aaral,” pagsisinungaling ko.
“Don’t lie to me, I know the truth. Don’t worry, everything will be fine. Gusto mo samahan kitang mamasyal at mamili ng eskwelahan?”
Umiwas ako ng tingin. Siguro mabuti na rin ito na may nakakaalam. “S-sige po,” pagpayag ko dahil ayaw kong mapag-isa na naman.
Gusto kong libangin ang sarili ko kahit pa alam kong imposibleng maliban ako dahil sa mga nalaman ko.
Hihintayin kong si sir Harrison mismo ang magsabi sa akin. Kung darating man iyon, sana'y handa akong magdesisyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top