CHAPTER 26

THE RUNAWAY BILLIONAIRE
CHAPTER 26

C O N A N

NAKAHANDA na ang lahat. Mula sa dadalhin kong gamit hanggang sarili ko. Maaga akong nagising kanina upang maghanda sa pag-alis. Muli kong tiningnan ang mga gamit ko. Isang maleta lang ito na binili naming dalawa ni sir Harrison nang minsan kaming namasyal bago dumating iyong araw na ito. Binilhan din niya ako ng mga bagong damit, na noong una’y inayawan ko ngunit ipinilit pa rin niyang bilhin.

Nang masiguro kong kompleto na ang gamit ko at hawak ko na rin ang ticket naming dalawa ni sir Harrison. Hinila ko na palabas ng bahay ang aking maleta. Saktong kararating lang ni Riley, ang inarkila ko upang ihatid ako sa airport.

“Naihanda mo na ba lahat?” tanong niya. Malungkot siyang ngumiti sa akin.

Tumango ako bago siya sinagot. “Naihanda ko na.” Napansin ko ang pagbuntonghininga niya. “M-may problema ba?”

Umiling siya. “Wala naman. Nalulungkot lang ako dahil aalis ka na rito. Papaano na itong bahay? Iyong mga pananim mo sa likod, sigurado akong malulungkot din sila ‘pag hindi ka na nila nakita.”

Napabuntonghininga rin ako. Tumingin ako sa rest house ni sir Harrison. Maliit lang ito ngunit napakalaki ng naging parte nito sa mga nabuo kong alaala na kahit saan man ako’y maalala ko. Dito ako unang natutuong mapag-isa, tumayo sa sariling mga paa, at dito ko unang naranasan ang pag-ibig na hindi ko inaasahan. Wala namang balak si sir Harrison na ibenta ang bahay dahil aniya’y puwede kaming magbakasyon dito kung kailan niya gusto.

Tumingin ako kay Riley at saka kinuha ang susi sa aking bulsa. “Nandito ka naman para alagaan ang bahay, ‘di ba?” Kumunot ang kaniyang noo kaya bago pa siya magtanong ay iniabot ko sa kaniya ang susi na ipinagtataka niya. “Sa ‘yo ko ipinagkakatiwala ang bahay,” dagdag ko.

Napangiti na rin siya. “’Wag kang mag-aalala, aalagaan ko itong bahay at ‘yong mga pananim mo.”

Tumango’t ngumiti lang ako. Mabilis naman siyang lumapit sa akin at niyakap ako. Ilang minuto lang nang maisara namin ang bahay ay kaagad na kaming gumayak ni Riley sakay ng kaniyang tricycle. Pagkalipas lang din ng isang oras mahigit ay nakarating kami ng airport. Tinulungan niya akong ibaba ang aking maleta.

“Tandaan mo iyong mga sinabi ko sa ‘yo. Palagi mong ingatan ang sarili mo roon,” aniya. At muli na naman niyang ipinaalala iyong bilin niya sa akin kanina habang kami ay patungo rito.

“Opo, ‘tay,” sagot ko na pareho naming pinagtawanan.

“Pero seryoso ako, Con. Kung gusto mong bumalik ulit dito, nandito lang kami… ako. Hihintayin ka namin dito.”

Napangiti ako. Bumagsak ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Sa mga nagdaang taon, sina Riley at ang pamilya niya ang naging kasa-kasama ko. Sa mga mahahalagang okasyon tulad ng pasko, birthday, at iba pa, nariyan sila para damayan ako. Malaki ang utang na loob ko sa kanila dahil itinuring nila akong parang pamilya lalong-lalo na si Nanay Elsa.

“Bakit mo ba ako pinapayak!” inis na sabi ko ngunit tumawa lang siya. Pinunasan ko ang mga luhang lumandas sa aking pisngi. “Maraming salamat. Sa ‘yo, kay Nanay Elsa at sa iba.”

Sa muli ay niyakap niya ako’t ganoon din ang ginawa ko sa kaniya. Niyakap ko siya nang mahigpit bago ako tuluyang pumasok sa loob ng aiport upang hintayin ang oras ng flight namin ni sir Harrison at para hanapin ko pa siya.

--

    Pero isang oras na lang ay paalis kami’t mag-iisang oras na rin akong nakaupo rito sa waiting area, ni anino ni sir Harrison ay hindi ko man nakita. Palipat-lipat ang tingin ko sa aking cell phone at sa aking paligid. Sinusubukan ko siyang tawagan ngunit hindi ko na makontak ang kaniyang cell phone.

Kinakabahan na ako. Ang huling mensahe niya sa akin ay rito na lang kami magkikita ngunit bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siya? May nangyari kaya sa kaniyang masama?

Sa kaiisip ko nang mga posibleng mangyari’y hindi ko namalayang oras na para pumasok na kaming lahat. Doble na ang kaba ko. Hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko. Nagsitayuan ang mga kapwa ko pasahero at sunod-sunod na silang pumila kung saan papasok upang makasakay na ng eroplano. Habang ako’y nanatiling nakaupo. Hindi ko alam ang gagawin ko dahil hanggang ngayon ay wala pa rin si sir Harrison.

Nang mag-vibrate ang cell phone ko’y mabilis ko itong kinuha. “I’m sorry. I have an emergency to attend to. I will wait you here,” basa ko nang mahina sa text message.

Ibig sabihin ay nakaalis na siya? Hindi ko alam kung ano’ng mararamdaman ko, malulungkot ba dahil iniwan niya ako o matutuwa dahil kahit papaano’y walang nangyari sa kaniya nang masama? Pero hindi ko na iyon pinansin pa nang sa huling pagkakataon ay inanunsiyo na kailangan na naming pumasok sa loob. Kaya mabilis akong tumayo’t sumunod na rin sa pila ng mga pasahero.

--

    Isa’t kalahating oras ay nakarating ako sa Manila. Unang beses na makatatapak ako ritong mag-isa. Tinignan ko ang oras, mag-aala-una na at ngayon ko lang ding naramdaman ang gutom. Lumabas ako ng airport. Naghanap ako ng puwedeng mabilhan ng pagkain. Nang makabili ako’y bumalik ako sa waiting area para doon kumain.

Muli kong sinubukang tawagan si sir Harrison. Nag-r-ring na ito ngunit hindi niya sinasagot. Kaya ibinaba ko na lang dahil baka maka-istorbo pa ako. Baka nasa importante nga siyang meeting. Komportable na lamang akong umupo rito habang nililibang ang sarili sa pagtingin sa mga taong labas-masok sa loob ng airport.

Nag-message na rin ako kay sir na nakarating na ako’t kung nasaan ako ngayon. Ayaw kong umalis dito dahil hindi ko naman alam kung saan ako pupunta. Wala akong kilala ni isa rito upang magpasundo. Ngunit isang oras na ang nakalilipas. Nag-iinit na rin ang pang-upo ko’y wala pa rin si sir Harrison.

Isang oras hanggang sa naging dalawa at umabot ng lima. Unti-unti nang dumidilim sa labas, wala pa ring sir Harrison na nagpapakita o tumatawag man lang. Kumakalam na rin ang sikmura ko dahil sa gutom. Hindi sapat iyong biskwit na binili ko kanina. Pa-lowbat na rin ang aking cell phone pero wala pa rin siya. Ilang beses na akong tumawag at nag-message sa kaniya.

Hindi ko na rin alam kung ilang oras na akong nakaupo rito. Iilan na lang ang pumapasok sa loob ng airport. Pakiramdam ko’y hinang-hina na ako dahil sa gutom. Hindi ako nag-almusal dahil maaga akong umalis kanina. Tanging biskwit at tubig lang ang laman ng aking tiyan simula pa kanina.

“C-Conan?” Mabilis akong lumingon dito. Si sir Marcus at may kasama siyang lalaking kahawig ni sir Harrison ngunit mas matanda ito sa kaniya. “Ikaw nga! Why are you here? Where’s Harrison?” Tumingin siya sa paligid pero wala naman dito si sir Harrison.

Tumayo ako’t bigla na lang umikot ang paligid ko hanggang sa dumilim at hindi ko na alam kung ano’ng sumunod na nangyari.

-

    NANG magising ako’y puro puti ang bumungad sa akin. Inilibot ko ang paningin. Malaki itong kuwarto, may TV, may isa pang kama, at iilang kabinet ngunit mayroon din ditong oxygen at iba pang apparatus na makikita sa Hospital. Kaagad kong napagtantong nasa Hospital ako at doon ko rin naalalang hinimatay nga pala ako kanina.

Bumukas ang pinto at pumasok si sir Marcus. May bitbit siyang paperbag na inilagay niya sa bedside table. “How’s your feeling?”

“B-Bakit po ako nandito?” tanong ko imbes na sagutin siya.

“Hinimatay ka kanina sa airport dahil sa gutom. Bakit hindi ka kumain? Wala ka bang pera? Nah, nevermind.” Kinuha niya iyong paperbag. “Binilhan na kita. Kainin mo na ito para lumakas ka.”

Bumangon ako’t tinanggap ang paperbag na naglalaman ng pagkain. Kaagad ko iyong nilantakan dahil kanina pa talaga ako gutom.

“Ano pa lang ginagawa mo sa airport? Where’s Harrison?”

Napatigil ako. Tama! Baka hinahanap na ako ngayon ni sir Harrison! Mabilis kong kinapa ang cell phone ko sa bulsa at tiningnan kung may mensahe ba ngunit wala. Wala ring missed calls galing sa kaniya. Tumingin ako kay sir Marcus. Itatanong ko rin sana sa kaniya kung nasaan si sir Harrison pero hindi ko na lang ginawa, bagkus ay sinabi ko sa kaniya ang buong kuwento. Hindi ko rin alam kung bakit hindi niya alam kung nasaan si sir Harrison, samantalang magkaibigan silang dalawa.

“H-Hindi po ba niya kayo tinawagan na nandito na siya?” Umiling lang siya bilang sagot.

“He didn’t but I know he’s going home today and he wanted to talk to his father, that’s why I was in the airport with his father.” Tatay pala ni sir Harrison iyong kasama ni sir Marcus kanina. Hindi ko alam kung ano’ng isasagot ko sa kaniya. Maging ako’y naguguluhan din ngayon. “But don’t worry, I know he’ll be in his office tomorrow, you’ll see him there. May matutuluyan ka ba rito?”

Umiling ako at saka inubos ang pagkain. Sinabi naman ni sir Marcus na sa condo na muna niya ako tutuloy at nagpasalamat ako dahil siya ang nakakita sa akin. Dahil kung ibang tao, o hindi kaya’y wala, hindi ko alam kung saan ako pupulutin dito sa Manila.

*****

Ano kaya ang nangyari kay Harrison?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top