CHAPTER 14
Hi! It's been a while :) sorry na, wag ka na magalit. Uwu! Char. Enjoy reading.
--
THE RUNAWAY BILLIONAIRE
CHAPTER 14
C O N A N
PAGKATAPOS naming mag-almusal ay siya ring pagsisimula ng kani-kanilang gawain. Nakatoka ako sa kusina kung saan abala akong naghuhugas ng mga pinggan at siya namang pagpasok ni Riley rito.
"May Juice ba kayo rito, Con? Nauuhaw ako," sabi niya at dumiretso na siya sa Refrigerator upang tingnan kung mayroong Juice.
"Kailangan ba talagang Juice para mapawi ang uhaw mo?" pagbibiro ko. "Dalhin mo na rin nga pala iyan sa labas para may mainom din ang iba," dagdag ko.
"Puwede ring pagmamahal. Uhaw na uhaw ako sa pagmamahal ng isang—" Hindi niya natapos ang sasabihin. Tumingin ako kay Riley at nakatingin naman siya sa pinto. Nakatayo roon si Sir Harrison. "Boss, makikiinom lang po ako ng Juice," biglang sabi ni Riley.
Tumingin si Sir Harrison sa akin at bigla akong kinabahan. Hindi ko alam pero may kakaiba sa mga titig niyang hindi ko mawari. Umiwas na lang ako pero napansin ko pa rin ang paglingon niya kay Riley at marahang pagtango. Inilapag lang nito ang basong pinagtimplahan ko ng kape kanina sa Mesa at kaagad ding lumabas ng kusina.
"Ano mayroon?" tanong ni Riley, kaya tumingin ako sa kaniya at nagkibit ng balikat. "Weh? Kitang-kita ko iyong tingin ni Sir sa 'yo, malamig. May ginawa ka sigurong masama?"
"Sira! Ikaw, kalalaki mong tao napaka-tsismoso mo. Bumalik ka na roon at baka hinahanap ka ng Nanay mo," sabi ko na lang sa kaniya at kinuha ang basong inilapag ni Sir Harrison sa mesa.
"Sige. Kapag may gusto kang ipatulong, sabihan mo lang ako." Hindi ko na siya sinagot dahil napatitig ako sa basong hawak ko. Lumabas na rin naman siya ng kusina.
Wala naman talaga kaming problema ni Sir Harrison. At saka, hinding-hindi ako magkaroroon ng problema sa kaniya dahil mabait siyang amo. Binigyan nga niya ako ng dalawang araw na day off sa loob ng isang Linggo pero sadyang ayaw ko lang mag-day off dahil wala rin naman akong gagawin. Pinapasahod niya ako ng tama kung saan dinagdagan pa niya, kaya malaki-laki na rin ang naiipon ko't sa susunod na school year ay makapag-e-enroll na ako.
Wala akong problema sa kaniya. Siguro nama'y ganoon din siya sa akin. Alam kong mabuti kong ginagawa ang trabaho ko, walang palya dahil wala pa akong naririnig na reklamo sa kaniya.
Bumuntonghininga ako. Sinabunan ko na ang baso at saka tinapos ang paghuhugas dahil tutulungan ko pa silang lahat, isa pa'y lilinisan ko rin ang kuwarto.
——
"Oh, ano'ng gagawin mo sa mga iyan, Conan?" tanong ni Manang Elsa, nang makita ako nitong may hawak na mop, walis, at iba pang panglinis. "Hindi ba'y day off mo ngayon?"
"Ah, lilinisan ko po ngayon ang aking kuwarto," sagot ko.
"Tutulungan na kita," ani Riley na abala sa pag-alis ng agiw sa kisame. "Ayan, tapos na ako rito."
"Tama. Mabuti pa ngang tulungan mo na itong si Conan," segunda naman ni Manang Elsa.
Wala na akong nagawa kundi ang tumango lang at pumayag pero bigla akong nakaramdam ng kilabot sa katawan dahil parang may masamang nakatingin sa akin, ngunit nang tingnan ko sila isa-isa ay si Riley lang naman nakatingin sa akin. Si sir Harrison ay abala sa kaniyang laptop at tahimik lang sa may sala. Hindi naman siya nakakaistorbo dahil tapos na nilang linisan ang puwesto niya.
"Ako na magdadala niyan," ani Riley na hindi ko namalayang nakalapit na pala.
"Hindi-hindi. Ako na, kaya ko naman ito," sagot ko at inilayo sa kaniya ang mga hawak ko.
"Ako na sabi, Con. Ang liit ng kamay mo, oh. Parang hindi mo na kayang dakmain," sabi niya't natatawang pinagmamasdan ang aking kamay.
"Sira! Malakas kaya ako. Halika na nga nang makatapos tayo kaagad," sabi ko at nauna nang maglakad.
Hindi ko alam kung guni-guni ko lang pero nahuli kong nakatingin si Sir Harrison sa akin. Nakatingin siya nang masama. Pero hindi ko na lang iyon pinansin at pumasok na lang sa kuwarto ko nang makarating ako. Sumunod naman si Riley sa akin.
Malinis naman ang kuwarto ko dahil araw-araw ko itong nililinis pero gusto ko kasing baguhin iyong pagkakaayos ng aking mga gamit dahil kahit na malinis, wala naman sa ayos ang kabinet at ang nag-iisang mesa rito.
Hinarap ko si Riley at iniabot sa kaniya ang walis. "Walisan mo na muna at aayusin ko lang ang kabinet, pagkatapos ay mag-mop ka na rin," utos ko.
"Yes, boss!" aniya at sumaludo pa siya bago niya kunin sa akin ang walis.
Natawa na lang ako at inilagay na muna sa tabi ang mop. Nilapitan ko naman ang kabinet ko. Iilan lang ang mga gamit ko. Hindi kasi ako mahilig bumili ng mga damit dahil iniisip ko na hindi ko naman sila kailangan pa dahil wala naman akong pupuntahan at isa pa, ayos pa naman lahat ng mga damit ko. Inilabas ko lahat ng mga damit ko pati na ang alkansiya ko't inilapag ang mga iyon sa aking kama.
Pagkatapos ay kumuha ako ng pamunas upang punasan ang loob ng kabinet. Maging ang pintuan nito'y pinunasan ko rin pero ang itaas ay hindi ko abot. Kinuha ko ang upuan na nasa aking mesa at sumampa rito, upang maabot ko ang ibabaw ng kabinet.
Sinusubukan kong abutin ang dulo nang hindi ko na ilalapit pa ang upuang sinasampaan, dahil nakakapagod nang bumaba tapos sasampa ulit. Ngunit hindi ko inaasahan na biglang bibigay ang upuang sinasampaan ko dahil sa kalumaan nito't plastik pa.
"Aaaahh!!" Naipikit ko ang mga ko at hinintay na lang ang pagbagsak ko sa sahig. Siguro ay kapag tumama ang ulo ko sa sahig ay katapusan ko na. Mabuti na rin iyon dahil makakasama ko na sina Mama at Papa, at makatatakas ako sa kanila.
Ngunit ilang segundo ang lumipas ay hindi matigas na sahig ang naramdaman ng aking likod kundi matikas na mga braso ang nakayakap sa aking katawan. Iminulat ko ang mga mata at si Riley, na nakatingin sa akin ang bumungad. Nasalo ako nito at ang higpit ng pagkakayakap niya sa akin.
Napatingin ako sa pinto ng kuwarto ko nang bumukas iyon at tumambad sa amin sina Manang Elsa at Sir Harrison, nakatingin sila sa amin.
"Ano'ng nangyayari dito? Conan, bakit ka sumigaw?" tanong ni Manang Elsa.
Dahan-dahan akong ibinaba ni Riley.
"Mabuti na lang po at nandito ako, baka sa sahig niya matagpuan ang sarili niya dahil sa kamuntikang pagkahulog," sagot ni Riley.
"Jusko po kang bata ka! Mabuti na lang at sinamahan ka ni Riley," ani Manang Elsa.
Napayuko lang ako dahil hindi ko kayang tumingin sa kanila, lalong-lalo na kay sir Harrison. Hindi ko mawari kung anong klaseng titig ang ipinapakita niya, galit ba siya o naaawa? Hindi ko alam. Ayaw ko ring alamin.
"P-Pasensiya na po. Ri, salamat," mahina kong sabi.
Nagulat ako nang akbayan ako ni Riley. "Ano ka ba, ayos lang iyon. Sabi ko naman sa 'yo, 'pag hindi mo kaya, sabihan mo lang ako."
"Oh siya, babalik na ako roon. Pasensiya na po sa abala, sir," ani Manang Elsa.
Umalis na rin ito pagkatapos ngunit naiwan naman si sir Harrison. Ni walang salita ang lumabas sa kaniyang bibig at nang tumingin ako rito at nakatingin din siya sa aming dalawa ni Riley. Dumako pa ang tingin niya sa kamay ni Riley na nakaakbay sa akin bago siya tumingin sa aking mga mata.
"Come with me. May iuutos ako," ani Sir Harrison at nauna na siyang lumabas. Kinilabutan ako dahil sa lamig ng kaniyang boses na kahit mahina lang iyon ay pumuno ito sa buo kong kuwarto.
Inalis naman ni Riley ang kamay niya. "Sige na, kaya ko na ito." Kumindat pa siya sa akin. "Good luck," dagdag niya habang may ngisi sa labi at hindi ko naintindihan kung ano'ng ibig niyang sabihin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top