CHAPTER 7
NAPAKUNOT NOO si Niel habang pilit na iminumulat ang kanyang mabibigat na mga mata. Hindi niya mawari kung nasaan at kung ano ang nangyari.
Ang tanging alam niya lamang ay masakit ang buo niyang katawan. Ni pagmulat ng kanyang mga mata ay hindi niya magawa na para bang nakatahi ito. Nakaririnig siya ng mga taong nag-uusap ngunit hindi iyon masyadong klaro sa kanya na para bang napuno ng tubig ang kanyang tainga.
Hindi niya malaman ang dahilan kung nasaan siya. Para siyang nilulunod ng maalat na agos ng tubig. Ang tanging alam at natatandaan niya lamang ay mayroong apoy at usok sa kanyang paligid. Mga ingay o iyak na hindi niya masyadong maintindihan.
Ngayon naman ay nakahiga siya sa isang komportableng kama ngunit sa malambot niyang higaan ay para bang nararamdaman niya na tila inaanod-anod siya ng tubig. Para siyang maduduwal sa kanyang iniisip.
Para siyang nalulunod at hirap sa paghabol ng kanyang hininga. Ramdam niya ang pamumuo ng butil-butil niyang mga pawis at doon ay may basa ngunit maligamgam na bimpo ang ipinatong sa kanyang noon. Ramdam niya rin ang pagpunas-punas sa kanyang buong katawan.
May naririnig siyang boses na tila kinakausap siya ngunit hindi niya ito maintindihan. Wala siyang maintindihan sa mga sinasabi nito na animo ay para bang may tabon ang kanyang mga tainga.
Gusto niyang umungol sa sakit ngunit walang boses na lumalabas sa kanyang bibig. Lihim na lamang siyang nagdasal hanggang sa lamunin na lamang siya ng kadiliman.
KINABUKASAN nagising na lamang siya na sobrang sakit ng kanyang ulo na animo ay mabibiyak ito.
Malat na malat ang kanyang lalamunan at naghahanap siya ng tubig upang maibsan ang kanyang uhaw.
Tatayo na sana siya nang mapansin niyang tila gumagalaw at umiikot ang kanyang buong paligid.
Hindi siya makatayo ng maayos. Babagsak na sana siya nang bigla namang bumukas ang pinto at inuluwa nun ang ama ni Ligaya, si Don Miguel.
Dali-dali naman itong pumanhik sa loob at agad siya iginiyang maupo sa gilid ng kanyang kama. Kumuha naman siya ng isang basong maligamgam na tubig ngunit hindi ito kapunuan.
Mainam iyon upang hindi mabigla ang kanyang katawan sa pagpasok ng tubig sa kanyang sistema.
"Basain mo na muna ang iyong labi at namnamin mo nang paunti-unti ang tubig. Huwag mong biglain ang iyong katawan dahil galing ka sa dagat nang makita kita. Dahan-dahan lang," wika niya at tumango naman ang binata at sinunod ang utos nito.
Hindi niya pa man kilala ang lalaking nasa kanyang harapan ay ramdam niyang mapagkatitiwalaan niya ito at kung tama siya ay ito mismo ang sumagip sa kanya.
Ngunit ang hindi niya maintindihan ay kung bakit parang may mali sa kanya. Ramdam niya iyon na tila ba may pagbabago sa kanya.
"Anong nangyari sa 'yo? Anong pangalan at saan ka nakatira? Para matawagan namin agad ang mga kamag-anak mo," tanong ni Don Miguel dahilan upang mapatingin lamang sa kawalan.
"Niel," mahinang sambit niya na para banh hirap na hirap pa siyang banggitin iyon. Hindi niya alam kung bakit iyon ang kanyang naging sagot ngunit tila gumalaw na lang mismo ang kanyang mga labi.
Sumasakit ang kanyang ulo sa kaiisip kung ano ang isasagot na para bang kahit ni isang salita ay hindi mabigkas o kung papaano bigkasin.
Tinitigan niya lamang si Don Miguel at tila naintindihan naman nito ang nais niyang ipahiwatig. Tinapik-tapik na lamang siyabsa kanyang braso at tumango.
"Halika sa labas at para makapagpahangin. Maigi rin sigurong lumabas ka na muna dahil mukhang isang malagim na trahedya ang sinapit mo. Binendahan at ginamot ko na rin ang iilan mong mga sugat. Hindi basta-basta ang mga sugat mo na para bang natalsikan ka ng mga bildo o babasaging salamin. Ano ba talaga ang nangyari sa iyo?" tanong ni Don Miguel na kahit siya ay naguguluhan sa sinapit ng binata.
Gustuhin mang magsalita ng binata ay hindi niya magawa. Hindi niya rin alam kung ano ang isasagot sa mga katanungang iyon.
Kinapa-kapa niya ang kanyang sarili at nakapa niya ang tila matigas na tela na nakabalot sa kanyang bandang tiyan. Ni hindi man lang niya ito naramdaman kanina.
Para siyang isang manhid na walang maramdaman at ni walang maalala.
Dahan-dahan naman siyang iginiya ni Don Miguel patayo sa kanyang kinauupuan at akay-akay niya naman ito hanggang sa makalabas silang dalawa ng kwarto.
Sinalubong naman ng malamyos na hangin at ingay ng agos ng dagat ang binata. Nakaramdam siya ng pagkakalma lalo pa at ngayon ay nakikita niya na ang kanyang paligid. Isang matiwasay at tahimik na lugar.
Habang ipinapasyal at binubusog ng binata ang kanyang mga mata ay biglang napukol ng kanyang pansin ang isang babae nakasuot ng puting bestida at ang mahaba nitong buhok na para bang inaalon-alon ng hangin.
Balingkinitan ito ay hindi niya maitatangging maputi ang dalaga dahil sa mga binti at braso nito.
Nang tawagin ni Don Miguel ang dalaga ay para bang bumagal ang takbo ng oras nang dahan-dahang lumingon sa kanilang gawi ang dalaga.
Halos mahagip ng binata ang kanyang paghinga nang magtama ang kanilang mga mata. Para siyang nilulunod nito at ang angkin nitong kagandahan ay hindi maihahambing sa iba. Para itong isang diyosa sa kanyang mga mata.
Ngunit sa kabila nun ay mayroong isang imaheng tila nakabinbin sa hitsura ng dalaga dahilan upang kumurap-kurap siya. Lihim na napakuyom siya ng kanyang kamay dahil sa sakit na pumipitik-pitik sa bandang likuran ng kanyang ulo.
Hindi nagpahalata ang binata at inismiran niya lamang ito at ibinaling ang kanyang atensyon sa kalmadong karagatan.
Dahan-dahan siyang naupo sa silyang ibinigay ng dalaga. Habang tinatanaw ay napapikit siya ng kanyang mga mata. Pilit niyang inaalala kung sino nga ba talaga siya at kung ano ang nangyari sa kanya. Bakit wala siyang maalala.
Ngunit kahit na ganoon ay hindi pa rin siya pinabayaan ng nasa itaas dahil napunta siya sa mga taong may mabubuting loob. Napakuyom siya ng kanyang palad dahil tila pakiramdam niya ay isa siyang inutil dahil sa kanyang sitwasyon.
HATINGGABI na ngunit hindi pa rin makuha-kuhang matulog ng binata. Pagod na pagod ang kanyang katawan na para bang bugbog sarado siya.
Nagpakawala siya ng mahabang hininga at hindi niya namalayang may luhang umagos sa kanyang mga mata at dali-dali niya naman itong pinunasan gamit ang likod ng kanyang kamay. Pakiramdam niya ay ngayon lamang siya lumuha ng ganoon na para bang walang pagkakakilanlan.
Bahagya naman niyang naalala sa walang oras ang dalagang nagngangalang Ligaya. Nagkasumbatan naman kasi sila kanina at tila nagulat siya sa inasta nito sa kanya. Hindi niya aakalain na sa likod ng mala-diyosa o mala-anghel nitong pagmumukha ay ubod naman ng sungit. Hindi niya naman ito masisi dahil una naman niya itong sinungitan.
Parang siyang tanga dahil kanina lamang ay nagpupunas siya ng kanyang luha ngunit ngayon naman ay may gumuhit na mga ngiti sa kanyang mga labi. Hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdaman ngunit mas maigi rin sigurong ipagpaliban niya ito dahil sa kanyang sitwasyon.
Hindi siya gaanong makatulog kahit na anong gawin niya. Napansin niya ang bintana sa kanang gawi niya. Napagdesisyonan niyang buksan ito at hayaang makapasok ang hangin at upang matanaw niya rin ang karagatan baka sakaling makatulong iyon sa kanyang pagtulog.
Dahan-dahan niyang binuksan ang bintana dahil ayaw niyang lumikha ng ingay. Nang buksan nga niya ito ay agad siyanh sinalubong ng malamyos na malamig na hangin.
Napakatiwasay ng kanyang pakiramdam para bang nakatira na siya roon ng ilang taon. Habang pinapasadahan ang karagatan ay nakita niya ang dalaga.
Bumilis naman ang tibok ng kanyang puso nang makita niya ito. Mabuti na lang din at nakatalikod ito sa kanya at tila ba nagpipinta ito.
"Anong oras na at naisipan niya pang magpinta?" bulong niya sabay tingin sa kung saan man ito paulit-ulit na nakatingin.
Doon ay napagtanto niyang isang nakalululang tanawin pala ang ipinipinta nito. Isang bilugang buwan na punong-puno ng mga bituin at sinag na sinag nito ang buong karagatan. Nagmistula itong parang isang mahika sa pelikula kung makikita.
Hindi niya namamalayang nawiwili na pala siya sa katatanaw sa dalaga nang magtama ang kanilang mga mata. Nakatingin na ito sa kanyang direksyon na hawak-hawak ang kanyang manipis na brotsa. Tila nagulat din ito at ganoon din naman siya.
Sa halip na isarado niya ang bintana at tumalikod na lamang ito at lumabas ng kwarto. Magmimistulang kukuha na lamang siya ng tubig.
Kahit papaano ay alam niya na rin kung saan kukuha. Mistula nga ring napakahiwaga dahil tila hindi man lamang siya galing sa aksidente dahil nakakakilos na siya ng maayos maliban na lang sa pagsakit-sakit ng kanyang ulo.
Nang makakuha na siya ng tubig ay agad naman niya itong nilagok. Hindi naman siya uhaw ngunit agad din naman niya itong naubos.
Muntik na niyang mabitawan ang baso nang may magsalita mula sa kanyang likuran at kahit hindi niya naman ito lingonin ay alam niyang boses iyon ng dalaga.
"Maayos na ba ang pakiramdam mo? Hindi ka pa dapat gaanong naglalakad-lakad. Bukas na bukas din daw ay mayroong doktor na titingin sa 'yo. Kung mayroon ka namang gustong ipakuha ay maaari mo naman akong sabihan at ako na ang kukuha. Hayaan mo at bukas na bukas din ay palalagyan ko ng palamigan diyan sa kwarto mo kahit na yung maliit lang para naman ay-" Hindi na nito natapos ang kanyang sasabihin ng biglang nagsalita ang binata.
"Don't treat me like a retard. Hindi pa naman ako lumpo," ani niya at inilapag ang baso malapit sa lababo saka umalis.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top