CHAPTER 10

DALAWANG TAON na rin ang nakalipas at magdadalawang taon na rin nang mawala ang ama ni Ligaya ngunit hindi siya nito kinalimutang habilinan na mag-isip ng mabuti at ang tinutukoy nito ay walang iba kung hindi ang tungkol sa pag-ibig niya sa binata, si Niel.

Nagkaibigan si Niel at Ligaya sa mga taong iyon samantalang si Christian naman ay mas piniling lumayo-layo dahil sa hindi makayanan ang sakit nang makita umiibig ito ng husto sa binata.

Nahulog nang husto si Niel kay Ligaya at ganoon na rin ang dalaga sa kanya. Lahat ng ari-arian ng ama ni Ligaya ay napunta lahat sa kanya. Siya na rin ang namamahala sa mga bukirin kung saan nagtatanim ng mga palay pati na rin ang kanilang hacienda. Masyadong malaki ang kanyang hinahawakan ngunit sa kanila noon ay tinutulungan siya ni Niel.

Natigilan naman siya sa kaiisip nang biglang may nabasag na tila pinggan dahilan upang mapatingin siya sa direksyon kung saan nanggaling ang ingay. Dali-dali naman siyang tumakbo papasok ng kusina dahil wala namang tao roon maliban sa kanilang dalawa ni Niel.

Pagkapasok nang pagkapasok niya sa loob ay kitang-kita niya si Niel na nakahandusay sa sahig at tila walang malay.

"Niel!" sigaw niya na nangangatog ang mga labi.

Agad siyang tumakbo patungo sa kanyang direksyon na nanginginig ang mga kamay at nanlalamig. Kinakabahan siya ng husto dahil minsan na niyang nakausap ang doktor ng binata.

Pinaalalahan siya nitong huwag masyadong makampante dahil darating din ang araw na babalik at babalik din ang memorya ng binata. Hindi nga makapaniwala ng husto ang doktor na kung bakit tila napakatagal ng pagbalik ng memorya nito ngunit marahil ay pinipigilan ito mismo ng binata sa hindi malamang kadahilanan. Darating din daw ang araw na ilang beses itong mawawalan ng malay o mahihilo at iyon na ang araw na unti-unting babalik ang memorya nito.

'Ligaya, anak, malapit na rin ako sa iyong Papa at noon pa man ay matalik ko na siyang kaibigan at ngayon na wala na siya ay gusto lang sana kitang paalalahanan. Ang lahat ay may katapusan Ligaya, at siguro ay alam mo kung sino ang tinutukoy ko. Hindi ko gusto na manghimasok ngunit sa ngalan ng iyong ama ay pinapaalalahan kita. Darating ang araw na malilimutan ka rin niya at hindi makikilala. Babalik at babalik din siya sa kung saan siya nanggaling. Huwag mo sanang gawin ito sa sarili mo Ligaya. Kung tutuusin ay mas malayo pa ang mararating mo kaysa rito. Sana isang araw din ay magising ka sa panaginip mo.' Iyon ang mga katagang binitawan ng doktor sa kanya.

Mahirap man aminin sa kanyang sarili ay tama ito ngunit tumataliwas naman mismo ang kanyang puso. Naniniwala siya na kapag dumating man ang araw na iyon ay maalala niya pa rin at may parte na siya sa puso ng binata. Alam niyang hindi siya nito malilimutan at sasamahan niya ito sa kung saan man siya mapunta.

Parang nangangabayo sa kaba ang dibdib ng dalaga dahil sa mga naalala niyang bilin sa kanya ng doktor. Ganoon din ang sabi ng kanyang ama bago ito pumanaw ngunit tila hindi natuturuan ang puso at pinili niya pa ring pumunta sa apoy.

Nagmamahalan ng husto sina Ligaya at Niel, sa katunayan pa nga ay ikakasal na sila sa makalawa kaya abala rin si Ligaya sa preparasyon ng kanilang kasal. Wala na rin siyang pakialam kung may naiwan mang pamilya ang binata dahil ipinusta na niya ang kanyang puso at buhay dito.

HALOS isang oras din ang lumipas bago magising si Niel at hindi umalis si Ligaya sa kanyang tabi. Tinulungan siya ni Aling Letty ang kanilang kapitbahay sa pag-aasikaso kay Niel. Tinawagan niya na rin ang doktor ngunit wala ito sa kanyang klinika ayon sa sekretarya nito dahil nagbakasyon muna ito kasama ng kanyang pamilya.

"Oh! Gising ka na pala iho, sandali at ipagkukuha kita ng maiinom," wika ni Aling Letty at doon naman naalimpungatan sa pagkakatulog si Ligaya.

Agad naman niyang tiningnan si Niel na may kab sa kanyang dibdib. "Niel," pabulong na tawag niya rito at ngumiti naman ito sa kanya hudyat na hindi pa bumabalik ang memorya nito.

Para siyang nakahinga ng maluwag ngunit may parte pa rin sa kanya na nangangamba. Hindi niya gustong makaramdam ng ganoon dahil para siyang nagtatago na may mabigat na kasalanan.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya at lumapit siya rito at ginantilan ng halik sa noo. Sinuklay niya ang buhok nito gamit ang kanyang mga daliri habang nakatitig pa rin sa mga mata ng binata.

"Medyo nahihilo pa ako pero ayos lang ako. Huwag ka masyadong mag-alala," ani nito saka piniid ang ilang hibla ng buhok ng dalaga sa tainga nito. "Hindi lang kasi ako nakakain ng agahan kanina kaya siguro nawalan ako ng malay," dagdag pa nito at hinilot ang kanyang sintido.

Bago pa man makapagsalita si Ligaya ay ang siya namang pagsulpot uli ni Aling Letty dala-dala ang isang basong maligamgam na tubig. Tinulungan namang umupo ni Ligaya si Niel at ipinasandig ito sabay abot ng tubig.

"Maraming salamat po Aling Letty, naabala pa po kita," ani ni Ligaya at umiling naman ang ginang.

"Naku ano ka ba! Wala ito kumpara sa mga naitulong ninyo ng ama mo sa aming pamilya. Hala sige aalis na muna ako ha at magluluto na muna ako at dadalhan ko kayo rito mamaya't-maya dahil alam kong hindi ka pa nakapagluluto. May inihanda akong meryenda doon sa kusina ninyo kunin mo na lamang muna iyon at iyon na muna ang kainin ninyo ha," wika nito at kinuha ang kanyang sombrero saka inayos sa kanyang ulo. "Madali lamang iyong lulutuin ko para makakain kayo agad. Babalik din ako," dagdag pa niya at tuluyan ng umalis.

Nang makaalis na si Aling Letty ay ang siya namang pagkuha ni Niel ng kamay ni Ligaya at bahagya iyong pinisil. "Masyado ka yatang nag-alala sa akin. I'm sorry," ani nito dahilan upang umiling ang dalaga at hinaplos ang pisngi nito.

"Kaya mo bang maglakad?" tanong niya at tumango naman ang binata. "Halika at doon tayo sa labas para makalanghap ka ng sariwang hangin at doon na lamang tayo kumain ng meryendang ginawa ni Aling Letty," dagdag pa niya at ngumiti lang ang binata.

Nang makalabas sila ay doon naman tila nakahinga ng maluwag ang binata dahil na rin sa magandang hangin at tanawin. Hindi siya kailanman magsasawang pagmasdan ang karagatan sa kung nasaan siya.

Iginiya naman siya ni Ligaya na maupo. "Hintayin mo ako rito at kukunin ko ang pagkain," ani niya at tumango lamang ang binata.

Nasa loob na si Ligaya nang may tila narinig siyang tumatakbo papunta sa kanila. Nang tingnan niya ito sa bintana ay nalaman niyang sina Miriam at Almira ito mga nag-aaral pa sa kabilang bayan ngunit mga kaibigan niya ito.

"Ate Ligaya! Ate Ligaya!" sigaw nila at dali-dali naman siyang lumabas ng kusina habang nagpupunans ng kanyang basang kamay sa kanyang kamesita.

"Miriam? Almira? Bakit? Ano'ng problema? Bakit kayo tumatakbo?" tanong niya nang makasalubong na niya ang mga ito.

Tila nahahapo at nahihirapan namang huminga ang dalawa at hinayaan niya na muna itong makapagpahinga ng kaunti. "Ate, mayroong naghahanap kay Niel. Siguradong si kuya Niel ang hinahanap nila kasi may dala-dala silang litrato at kamukhang-kamukha talaga ni kuya Niel iyon. Sigurado akong siya iyon," wika ni Miriam nang makahugot ito ng lakas.

Nanlambot naman si Ligaya sa kanyang mga narinig at tila tumigil ang pag-ikot ng kanyang mundo. Dumating na nga ang araw na ikinatatakot niya at ito na iyon. Biglang namutla si Ligaya at napansin iyon ni Almira dahilan upang hawakan siya nito sa pag-aakalang mawawalan ito ng malay anumang oras.

"Sigurado ba kayo? Nasaan ang taong naghahanap sa kanya?" tanong niya at para bang nauutal siya sa mga salitang namutawi sa kanyang mga bibig.

Tumango naman si Almira at halatang nag-aalala ito sa kanya. Alam nilang mahal na mahal ni Ligaya ang binata at kahit na alam nilang masyadong maselan ang kanilang pagmamahalan ay wala naman silang karapatan na husgahan ito dahil mabuting tao si Ligaya. Sa katunayan nga ay isa silang iskolar ni Ligaya sa pinapasukan nilang paaralan hanggang sa mag-kolehiyo sila ay sagot iyong lahat ng dalaga.

"Tatlo sila, Ate. Isang hindi naman gaanong katandaang babae at lalaki at sigurado akong mga magulang ni Kuya Niel iyon dahil may pagkakahawig ito sa matandang lalaki. Nandoon sila ngayon sa bahay nila Aling Letty. May isa rin silang kasama dalaga pa at maganda. Para siyang artista at para na ring nakita ko na siya sa mga magasin," ani niya at halos hindi iyon lahat maproseso sa utak ni Ligaya.

Hindi niya malaman ang gagawin. Hindi niya naman pwedeng ilihim at magtago dahil paniguradong ituturo rin siya ng pamilya nina Aling Letty kung saan sila naninirahan. Marahil ay kailangan na niyang harapin ang kanyang kinatatakutan at hindi ito takasan dahil hindi habang buhay ay iyon ang kanyang gagawin. Pinili niya ito at ngayon ay kailangan niyang kaharapin ang kapalit ng kanyang pinili sa kabila ng mga paalala sa kanya ng kanyang ama. Kung ano man ang magiging desisyon o kung may makita man siyang laban ay ilalaban niya mismo ang pag-iibigan nila ni Niel.

"Kakaharapin ko sila."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top