Chapter 1
Chapter 1
KEI'S P.O.V
Nagmamadali na ako dahil baka maiwan na ako nila Tita. Uuwi kasi kami ngayon sa Laguna. Pagbukas na pagbukas ko ng pinto sa condo ko bumungad kaagad sa harapan ko ang nakakainis na pagmumukha nitong stalker ko!
"What are you doing here?!" inis na tanong ko sa kanya. Pagkatapos nang ginawa niya kagabi, may gana pa siyang magpakita sa akin! Nilagay lang naman niya yung brief niya sa bag ko. Nakakadiri talaga! Sinong matinong lalaki ang gagawa n'on?
"Sasamahan ko lang naman ang kaisa-isang babaeng nagpapatibok ng puso ko!" nakangising aniya na siyang nagpanguso sa akin.
"Tumabi-tabi ka nga r'yan!" angil ko sa kanya.
"Kei, hija, hihintayin ko kayo ni Kyle sa baba," nakangiting ani ni Tita na nagpalaki sa mata ko. Paano niya nakilala si Kyle, samantalang ngayon lang nakapunta rito sa tinitirahan ko si Tita?
"Sinabi ko sa kanilang boyfriend mo ako. Akalain mo yun nagwapuhan sila sa akin!" aniya saka kumindat. Hinila ni Kyle ang dala kong bag pati ang kanang kamay ko. Pilit kong hinihila pabalik ang kamay ko pero sobrang higpit nang pagkakahawak niya sa akin. Wala na akong nagawa kundi magpatianod na lang sa kanya patungo sa elevator.
"Siguro naman hanggang parking lot ka lang?" angil ko saka hinila ko ang aking kamay sa mahigpit na pagkakahawak niya.
Narinig ko namang tumawa siya.
"No. Sasama ako sa'yo hanggang Laguna. Tutal naman ayaw mong dalhin yung brief ko, ako na lang ang dalhin mo," nakatawang sabi niya.
Alam niyo yung nakakainis? Yung ngiti niya! Ang lakas mang-asar, tapos pinaalala na naman niya yung brief niya! Ano ba? Nakakadiri talaga kapag naaalala kong nakalagay sa loob ng bag ko yun. Malay ko ba kung malinis o nasuot na pala niya yun. Kadiri talaga.
Saka ano raw? Sasama siya sa Laguna? Hah! Bahala siya! Tignan ko lang kung matiis niya ang init sa Aplaya! Malapit kasi sa dagat ang bahay ng Lolo ko, kaya mainit dun lalo na kapag tanghali.
Pagdating namin sa parking lot mas lalo akong nainis dahil pinaalis kaagad ni Kyle ang mga kamag-anak ko! Isang van lang dapat ang sasakyan namin eh.
Binuksan niya yung passenger seat ng kotse niya.
"Get in, my one and only Kei," nakangiting sabi niya. Tinignan ko lang siya nang masama. Hinila niya ang kamay ko at pilit akong pinasakay sa kotse niya. In fairness, ang bango ng kotse niya, mas mabango pa yata sa kotse ko. Dun ko lang napansin na may bag sa backseat, mukhang planado talaga niya ang pagsama sa akin.
Umikot naman siya sa harapan upang sumakay sa driver's seat, pero napapitlag ako nang ilapit niya ang kanyang mukha sa akin. Ngumiti siya. Shit. Hahalikan niya ba ako? Lumunok ako. Hindi ako ready, ano ba! Hindi ito ang unang pagkakataon na mahahalikan ako ng isang lalaki! Nagka-first kiss na kaya ako sa naging pangalawang boyfriend ko!
Ayan na, naaamoy ko na yung mabangong hininga niya. Ipinikit ko ang mata ko at ikinapit ko sa aking T-shirt ang mga kamay ko.
Napamulat ako nang marinig kong parang may nag-lock.
"Easy, hindi pa kita hinahalikan namumula ka na. H'wag kang mag-alala darating tayo r'yan, sa ngayon importante muna na safe ka. Para matuloy natin yang gusto mo," nakangising sabi niya matapos akong suotan ng seatbelt na nagpalaki sa mata ko. Mabilis ko siyang itinulak palayo sa akin!
Buong biyahe ay hindi naalis ang ngiti sa kanyang labi, para bang ligayang-ligaya siya sa buhay niya sa tuwing nakikita niyang naaasar niya ako. Hindi ko matandaan ang araw kung kailan ko siya nakilala, basta sa natatandaan ko lagpas na ang dalawang taon mula nang sumulpot siya sa buhay ko at asarin ako nang asarin. Hindi ko rin akalain na classmate ko siya noong kinder kami. Nakaka-amaze lang dahil siya tandang-tanda niya pa yung mga memories niya noong bata siya, samantalang ako hindi ko na maalala ang lahat.
Pagdating namin sa Laguna sinalubong na kaagad kami nina Lolo. Grabe na-miss ko sila, tatlong buwan din akong hindi nakauwi rito sa probinsya namin simula nang magkatrabaho ako. Oo, may trabaho na ako. Food server ako sa Brenz Hotel, at kahit 3-star hotel lang siya, okay na rin naman at least may trabaho ako bilang graduate ako ng Hotel and Restaurant Management.
"Lolo!" masiglang bati ko saka yumakap sa kanya.
"Hello po, Lolo!"
Napalingon ako kay Kyle. Hindi ako makapaniwala na alam niya ang papunta rito sa bahay namin sa Laguna.
"Aba! Sino ba itong makisig na lalaki na ito?" nakangiting tanong ni Lolo. Sus! Makisig ba 'yan?
Nagulat ako ng bigla akong hilahin ni Kyle at inakbayan niya ako.
"Boyfriend po ako ng maganda niyong apo, 'Lo! Kyle nga po pala! Kayo rin 'Lo makisig din kayo!" nakatawang aniya na nagpabusangot sa mukha ko.
"Hoy! Hindi kita boyfriend! Stalker kita!" sigaw ko saka inalis ang pagkakaakbay niya sa akin.
"Aba, may boyfriend ka na pala ulit anak," halos magkasabay na sabi ni Mama at Papa na nasa likuran ni Lolo.
"Ma! Hindi po!" Sunod-sunod na pag-iling ang ginawa ko upang itanggi iyon.
"Boyfriend niya 'yan, Kristina!" biglang sigaw ni Tita.
"Ganyan po talaga si Kei. Itinatanggi niya po na boyfriend niya ako. Ang gwapo ko pa man din." Napaka conceited talaga nitong lalaki na 'to!
Kahit anong gawin kong tanggi ayaw nilang maniwala na hindi ko boyfriend si Kyle. Nakakairita na nga eh! Panay ang panunukso nila sa akin.
Katatapos lang namin mananghalian. Enjoy na enjoy si Kyle kumain sa dahon ng saging. Grabe ang takaw niya. Sarap na sarap siya sa pritong kanduli saka sinigang ni Mama.
Dito ako pinanganak sa Laguna pero nung nag-highschool na ako noon sa Manila na ako nag-aral at tumira. Bali, umuuwi-uwi na lang ako kapag wala akong pasok. Simula nang magkatrabaho na ako bihira na akong makauwi rito, tapos yung condo ko sa Manila regalo sa akin ni Papa yun nung nag-18th birthday ako.
"Hahaha! Talo ka na naman, 'Lo!" sigaw ni Kyle. Magkasundo silang dalawa ni Lolo. Nakakainis, ako dapat ang kalaro ngayon ni Lolo mag-Tongits.
"Magaling ka, hijo! Magpustahan na kaya tayo?" nauubong sabi ni Lolo.
"Nako, 'Lo, h'wag na po. Baka maubos ang pera niyo, pati ang lupain niyo!" pang-aasar ni Kyle kay Lolo. Nagtawanan naman ang mga tita ko.
"Pang-ilang panalo mo na 'yan? Ang sabi mo hindi ka marunong. Isang beses lang kita tinuruan eh natalo mo kaagad ako. Nagsisinungaling ka ba sa akin, hijo? Baka marunong ka talagang maglaro niyan!" reklamo ni Lolo sa kanya pero kahit ganoon ay natatawa pa rin siya.
"Hindi ho, 'Lo! Hindi ako marunong magsinungaling. Hmm, minsan lang pala 'Lo haha!"
"Baka naman niloloko mo ang apo ko?" tanong ni Lolo. Tumingin naman sa pwesto ko si Kyle.
"Ang apo niyo, siya po yung tipo ng babae na hindi niloloko," seryosong sabi ni Kyle habang nakatingin sa akin. Nagsigawan ang mga tita at pinsan ko, at para namang nilalamon ako ng mga titig ni Kyle kaya naman nag-iwas na ako. Uminom ako ng tubig dahil bigla akong kinabahan.
Grabe hindi pa ba ako nasanay sa pang-aasar ng stalker na 'yan!
"Kyle, baka gusto mong sumama sa amin? Pupunta kami sa bukid namin, mangunguha kami ng bignay saka manga. Paborito kasi ni Kei 'yon!" sigaw ni AJ, pinsan ko.
"Sige!" pagsang-ayon ni Kyle. Nagpaalam muna siya kina Lolo. Akala ko lalabas na siya ng gate pero hinila niya ako sa aking kamay upang sumama rin sa kanila.
Nandito na kami ngayon sa bukid. Tirik na tirik yung araw kaya sobrang init. Pawis na pawis na nga si Kyle eh. Tumutulo yung pawis sa mukha niya, tapos yung T-shirt niya basing-basa na.
"Ano ba yung bignay? May ganun ba?" tanong ni Kyle.
"Laking Manila kasi kaya hindi alam ang bignay. Ayon yung bignay oh! Yung kulay pula na maliliit na bilog!" sigaw ko sabay tinuro yung mga bunga ng bignay.
"Ang taas ng puno ah."
"Hindi mo kayang akyatin yan," pang aasar ko. Eh, mukha naman talagang hindi niya kayang akyatin yan dahil wala namang ganong puno sa Manila, noh.
"Tingin mo? Pa'no ba yan, magaling yata mang-akyat ng bintana ang Papa ko. D'un niya dinaan ng ligaw ang Mama ko! Malay mo sa punong 'yan mapasagot kita," bulong niya sa tenga ko. Itinulak ko naman siya. Bintana? Wow ha, pati magulang niya ginawan niya ng kwento para lang makapang-asar siya.
"Sus! Hindi mo kaya yan," pang-aalaska ko. Pero nginitian niya lang ako. Nagulat ako nang hubarin niya sa harapan ko ang T-shirt niya!
Napatingin ako sa katawan niya. Bakit may abs siya? Natural, Kei! Ilang beses na ba niyang sinabi sa'yo na naggi-gym siya para sa'yo! Ano bang pinag iiisip ko? Yung pawis tumutulo sa abs niya pababa sa sa sa... Napalunok ako!
Natauhan ako nang hawakan niya ang kamay ko at ipinahawak sa akin ang... T-shirt niyang basang-basa ng pawis.
"Ayos ah. Hindi ko akalain na sa ganitong paraan ka matutulala sa harapan ko," panunuya niya sa akin.
"Ang kapal mo!" sigaw ko. Narinig ko naman ang tawanan ng mga pinsan ko dahil halatang namumula na ang mukha ko.
Hinila ni Kyle ang kamay ko at laking gulat ko nang halikan niya ang kaliwang pisngi ko. Nag-init ang mukha ko dahil sa ginawa niya.
"Para sa babaeng pinapangarap ko, aakyatin ko 'yang mataas na puno na 'yan, makuha ko lang ang gusto mo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top