Chapter 23
Chapter 23
KEI'S P.O.V
Ang kaninang luha na pinipigilan kong tumulo, bumagsak na. Nagtago ako sa gilid ng elevator nang makita kong natataranta siya sa pagtakbo habang buhat niya ang kapatid ko.
Naninikip yung dibdib ko. Hindi ko na nga alam kung paano ako nakakahinga ng maayos gayong alam kong sobrang layo na niya sa akin. Sila naman talaga, 'di ba? Ekstra lang ako. Pagkatapos ng mga nalaman ko, alam kong wala akong karapatan para sa kanya. Dahil unang-una, hindi naman siya sa akin. Hindi ako ang babaeng matagal niya nang mahal— minahal niya lang ako dahil sa mukha ko.
Dahil kamukha ko ang totoong Kei.
Ayoko na sanang maalala yung nangyari, pero kusang nagpapaulit ulit sa isipan ko...
*
Pagkadating ko sa tapat ng gate namin, mabilis akong bumaba ng tricycle. Hindi ko dinala ang sasakyan ko dahil coding ito ngayon.
Narinig kong parang may nag-uusap sa loob kaya naman nagmadali akong pumasok sa loob.
Nadatnan ko sila Mama na may kausap na dalawang babae. Nakatalikod ang dalawang ito sa akin.
"Nakita ko na siya, hindi ko napigilan ang sarili ko na yakapin siya, Kristina." Napakunot ang noo ko dahil pamilyar ang boses na iyon, hindi ko lang maalala kung saan ko narinig.
Narinig ko lang ang paghikbi ni Mama.
"Sigurado akong masasaktan si Kei kapag nalaman niya ang totoo." Pag-aalala ni Mama.
"Ma?" Napatayo silang lahat ng marinig ang boses ko. Pero ang dalawang babae na nakatalikod sa akin nanatiling nakaupo.
Parang biglang bumigat ang dalawang paa ko, para bang may pumipigil sa akin na h'wag lumapit sa kanila, pero yung sistema ko hinihila ako palapit sa kanila.
Mabibigat na hakbang ang ginawa ko upang makalapit kela Mama. Niyakap ko sila ni Papa pati si Lolo. Napansin ko ang pag-iwas nila ng tingin sa akin.
"Ma? Bakit ka umiiyak?" Kinakabahang tanong ko. Pero imbis na sagutin niya ako ay niyakap niya ako. Kinakabahan ako dahil kahit kailan hindi ko nakitang umiyak ng ganito si Mama.
"Kei, hija." Narinig ko na naman ang pamilyar na boses na iyon, at kahit ayokong humarap sa kanila, pinilit ko ang sarili ko.
Hindi ko alam pero napakunot ang noo ko nang makita ko kung sino ang nasa harapan ko ngayon. Siya ang babaeng yumakap sa akin sa resto at nagbigay ng isang mamahalin na damit. Nakangiti siya sa akin kahit na patuloy na tumutulo ang luha sa mga mata niya.
Napatingin ako sa katabi niya, at halos manigas ako sa kinatatayuan ko nang makita ko ang sarili ko sa kanya. Para akong humarap sa salamin. Iisa ang hugis ng mukha naming dalawa, maging ang tindig at pangangatawan niya parehong pareho ng sa akin—ang kulay ng balat, ang buhok, maging ang maliliit na parte ng mukha niya ay katulad na katulad ng sa akin.
Umiling-iling ako at hindi ko namalayan na tumulo ang luha ko. Nanginginig ang kamay ko at namamawis ang mga ito. Naramdaman ko na lang na inalalayan ako ni Papa dahil bigla akong natumba sa pagkakatayo ko.
"A-anong ibig sabihin nito? Ma?! Pa?!" Pilit kong pinapatapang ang boses ko pero bigo ako, narinig ko ang sarili kong paghikbi.
"Kei, anak..." Narinig ko na naman ang boses ng babaeng nasa harapan ko.
Inalis ko ang pagkakahawak sa akin ni Papa at pinilit kong tumayo ng maayos.
"Anak?" Nanginginig ang boses ko sa pagsasalita.
Hindi na ako bata para hindi maintindihan kung anong ibig niyang sabihin. Umiling ako.
"Hindi mo ako anak. Hindi totoo 'to, nagbibiro lang kayo, 'di ba?? Ma!" Halos sigawan ko na sila pero walang sumasagot sa akin. Napatingin na naman ako sa babaeng kamukhang kamukha ko. Titig na titig siya sa akin na para bang sinusuri niya rin ang pagkakapareho naming dalawa.
Ang duwag ko! Iniwanan ko silang lahat sa baba. Narinig ko ang pagsigaw nilang lahat sa akin, pero hindi ko sila pinakinggan.
Sunod-sunod na pagkatok ang narinig ko sa pintuan ng kwarto ko.
"Kei anak! Ang Mama ito, buksan mo ang pinto mag-usap tayo!" Pakiusap ni Mama. Binuksan ko ang pintuan ko. Sobrang hilam na hilam na ang mata ko dahil sa luha, at mas lalong nag unahang tumulo ang luha ko ng yakapin ako ni Mama.
"Ma, hindi totoo yun, 'di ba? Sino ba sila?" Para akong bata na nagsusumbong sa kanya.
Humiwalay sa pagkakayakap ko si Mama. Inalalayan niya akong maupo sa kama ko. Hinawakan ni Mama ang mukha ko at kahit umiiyak siya, pinilit niyang ngumiti.
"Anak... alam mo naman na mahal na mahal kita, hindi ba? At kahit kailan hindi ko pinaramdam sa'yo na iba ka..." Lalo akong kinabahan sa sinabi ni Mama, e di totoo nga ang kutob ko? Hindi nga sila ang magulang ko? Yung luha ko parang ayaw na maubos! Yung dibdib ko naninikip dahil sa mga nalalaman ko ngayon.
"Mama naman... H'wag mo namang gawing teleserye ang buhay ko... Paskong-pasko naman, Ma..." Para akong baliw na umiiyak habang pinipilit na tumawa.
"So-sorry, anak..."
Hindi pwede. Niyakap ko si Mama at umiyak ako nang umiyak. Para sa akin perpekto ang pamilya ko dahil buo kami. Kahit wala kaming masyadong magagarang gamit, alam kong masaya kaming lahat. Alam kong buo kami.
Nakahiga na ako ngayon sa hita ni Mama habang hinihimas niya ang buhok ko. Yung luha ko patuloy parin sa pagtulo. Sa bawat paghaplos niya sa buhok ko, pakiramdam ko ligtas ako, walang makakasakit sa akin.
"Yung babaeng nasa baba anak, pinsan ko siya, at siya ang tunay mong ina... Siya ang unang asawa ng Papa mo."
Umayos ako ng upo. "Si Papa? Siya talaga ang—"
"Oo, anak... Pero hindi ako ang tunay mong ina." Umiiyak na bulong niya.
"Ma, para sa akin nag-iisa ka lang." Bulong ko.
"Hindi anak..."
"Pero bakit iniwan niya ako?! Kung talagang tunay siyang ina, hindi niya dapat ako iiwanan! Tignan mo ikaw Ma, kahit kailan hindi mo ako iniwan o pinabayaan!" Sigaw ko. Hinawakan ni Mama ang kamay ko at marahan na pinisil iyon.
"Anak, may dahilan lahat..."
Napatingin kaming pareho ni Mama sa pintuan nang may kumatok doon. Tumayo siya para buksan ito at kinagat ko ang ibabang labi ko nang makita ko ang sinasabi ni Mama na tunay kong ina.
"Pwede ko ba siyang makausap?" Puno ng pakikiusap ang boses niya.
Tumango si Mama. Nilingon niya muna ako bago siya lumabas. Pumasok siya sa kwarto ko at umupo sa kama ko.
"Kei, ang tagal kong hinintay 'to. Ang laki-laki mo na." Nakangiti pero umiiyak na sabi niya habang hinahawakan niya ang kaliwang pisngi ko.
"H-hindi ko po maintindihan. Bakit biglang ganito?" Naguguluhan na tanong ko.
Hinawakan niya ang kamay ko. Kanina alam kong nakaramdam ako ng galit sa kanya. Pero bakit ngayong hawak-hawak niya ang kamay ko, pakiramdam ko lahat ng galit at pagkamuhi ko sa kanya nawala?
"Hindi ko gusto na iwanan ka. Pero nang maghiwalay kami ng Papa mo, pinapili niya ako kung sino ang kukuhanin ko sa inyong dalawa ng kakambal mo. Kapapanganak ko lang sa inyong dalawa nang mangyari iyon." Tama ang hula ko kanina, hindi ko lang siya basta kapatid. Kakambal ko ang babaeng nakaharap ko kanina.
Pinapili? E di ibig sabihin, mas mahal niya yung kakambal ko kesa sa akin? Kahit man lang sana pantay na pagmamahal na lang.
"Pinili ko si—"
"Pinili niyo siya dahil mas mahal niyo siya kesa sa akin? Ganun ba 'yon? Kaya hindi niyo rin pinaalam sa akin ang katotohanan?" Ewan ko pero parang bumalik yung kaninang galit na nararamdaman ko dahil sa sinabi niya.
"Anak, hindi ganun! May sakit sa puso ang kapatid mo kaya siya ang pinili ko! At hanggang ngayon hindi pa rin nawawala ang sakit niya." Umiiyak na paliwanag niya. Kahit sinabi niyang may sakit ang kapatid ko, wala akong naramdaman na iba kundi galit. "Hindi ko gustong mamili! Pero dahil sinabi ng Papa mo na pagdating ng araw, makikita rin kita—"
Pinutol ko ang sasabihin niya. Kabastusan man pero ang dami kong tanong na gusto kong masagot lahat. "B-bakit kayo naghiwalay ni Papa?"
Umiling-iling siya. "Dahil ayaw sa kanya ng mga magulang ko anak. Pinagbawalan ako ng Papa mo na makita ka dahil sa pakikinig ko sa mga magulang ko, pero dahil kay Kristina, natitignan kita kahit sa malayo lang."
Binitawan ko ang kamay niya. Si Papa, bakit simula kanina hindi ko pa siya naririnig na nagpapaliwanag sa akin?! Nagmadali akong bumaba at hinanap ko si Papa.
"Pa!" Sigaw ko. Sumasakit na ang ulo at mata ko sa kaiiyak!
Nakita kong nakaupo lang sa sala si Papa katabi ang sinasabi nilang kakambal ko.
Sandali kong tinignan ang kakambal ko pero hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako bigla ng inggit sa kanya. Dahil ba siya ang pinili ng sinasabi nilang tunay ko raw na ina?
"Pa... bakit hindi mo sinabi sa akin?" Nauutal na tanong ko. Pero imbis na sagutin niya ako, tumayo siya at niyakap ako.
"Patawarin mo ako anak." Bulong niya.
"Papa naman." Isang mas mahigpit na yakap na lang ang natanggap ko sa kanya. Bakit naging ganito ang pamilya ko? Ano bang ginawa ko? Panaginip lang sana ang lahat ng 'to. Pero kahit sabihin na panaginip 'to, nararamdaman ko pa rin yung sakit ng katotohanan.
Pilit akong pinaupo ni Papa. Napansin kong namumuo ang luha sa mga mata niya na kaagad niya ring pinahid.
"Si Kei Marie. Ang kakambal mo." Pakilala ni Papa sa babaeng kaharap ko ngayon sa upuan.
Nanlaki ang mata ko at hindi ko maipaliwanag ang kabang nararamdaman ko ngayon nang sabihin ni Papa ang pangalan nito.
"H-Hi..." Halos magtayuan ang balahibo ko ng marinig kong halos iisa ang boses naming dalawa.
Mariin kong ipinikit ang mata ko. Naloko na. Shit. May mas sasakit pa pala sa nararamdaman ko ngayon. At ito 'yon.
"E-excuse me lang." Paalam ko. Bumalik ako sa kwarto ko at kinalkal ko ang bag na dala dala ko. Nakita ko kaagad ang class picture ni Kyle.
"Hi-hindi ako 'to..." Nanginginig ang kamay ko habang hawak-hawak ko yung class picture.
Tumayo ako at pumunta ako sa cabinet ko kung saan nakatago lahat ng pictures ko simula nang mag-aral ako. Isa-isa kong tinapon lahat ng picture kapag alam kong hindi iyon ang hinahanap ko.
Natigilan ako nang makita ko na yung class picture ko nung kinder ako dito sa Laguna. Mabilis kong kinuha yung kay Kyle na nakalagay pa rin sa frame at pinagkumpara ko ang dalawang iyon. Nabitawan ko ang class picture na nasa frame nang makita ko ang parehong date.
Ngayon alam ko na kung bakit ako nakaramdam ng inggit sa kanya. Hindi lang dahil siya ang pinili ng Mama namin, kundi dahil naramdaman kong siya ang babaeng matagal nang minamahal ni Kyle.
Napansin ko ang pag-ring ng cellphone ko mula sa kama ko.
Sandali akong natigilan nang makita kong si Kyle ang tumatawag d'on. Ipinikit ko ang aking mata at itinapat ang cellphone sa tenga ko.
"Baby, nasa Laguna ka na ba? I miss you right away. Kumusta sila jan?" Masiglang bati niya. Kinagat ko ang ibabang labi ko para pigilan ang hikbing nagtatangkang lumabas mula sa bibig ko. "Baby?"
Lumunok ako ng sunod-sunod at pinunasan ko ang luha ko. Pilit kong tinatagan ang boses ko.
"Ah, Oo. Na-nandito na ako. I miss you too." Pumiyok ako sa huling sinabi ko dahil ang traydor ng luha ko bigla bigla na namang tumulo.
"Baby? Umiiyak ka ba?" Pagtataka niya.
"A-ano. Hindi, ano ka ba? Si-sige Kyle! Tinatawag kasi ako sa baba!" Narinig kong magsasalita pa sana siya pero pinatay ko na ang cellphone ko.
Ang sakit. Ang sakit malaman na nagiging masaya ako sa isang kasinungalingan, na parang nabubuhay ako sa ibang katauhan dahil ang lalaking mahal na mahal ko, hindi pala ako ang totoong mahal.
*
"Kei! Bumalik ka na! Matagal ka nang gustong makasama ni Mama!" Sigaw niya sa akin. Kanina pa ako naiinis sa kanya dahil sinundan niya pala ako hanggang dito sa tower ng condo ko.
Tumigil ako at hinarap ko siya. Naiinis ako sa mukha niya. Naiinis ako dahil kamukha ko siya. Naiinis ako dahil pakiramdam ko kinuha niya yung buhay ko!
"Bigyan mo ako ng magandang dahilan kung bakit ako babalik sa kanya?!" Pagmamatigas ko.
"Dahil mahal ka ni Mama! Ano ba?! Mag-iinarte ka pa ba?! Nandito na nga kami, 'di ba!"
Oo nga at magkapareho rin ang boses namin, pero kahit papaano may kaunting pagkakaiba pala 'yon kung pakikinggan kong Mabuti. Mas mataray ang boses niya kesa sa akin.
Tumaas ang isang kilay ko.
"Mahal? Huh. Nagpapatawa ka ba, Marie? Iniwan nga ako, 'di ba? At pinili ka dahil ikaw ang mahal niya!" Sigaw ko saka tinalikuran ko na siya. Parang double meaning na din ang sinabi ko. Alam ko iiwanan rin ako ni Kyle kapag nalaman niya ang totoo. Iiwanan niya rin ako kagaya nang pag-iwan sa akin nang sinasabi nilang tunay kong ina.
Hinila niya ang braso ko.
"Alam mo, hindi naman kita pipilitin kung hindi dahil kay Mama eh!" Sigaw niya. See? Napipilitan lang siyang sundan ako dahil sa Mama niya.
Nakipagsukatan siya sa akin ng tingin. Pero siya na rin ang unang bumitaw. Marahas kong hinila ang braso ko sa pagkakahawak ni Marie. Marie ang tawag sa kanya ng Mama niya, ayaw niyang tawaging Kei ito dahil ako lang daw ang naaalala niya. Isa lang ang ibig sabihin non—maging pangalan ko gusto na niyang kalimutan.
Tumakbo na ako papunta sa elevator.
"Kei, sandali!" Hinabol niya rin ako.
"Ahh!!!" Napatigil ako nang marinig kong sumigaw siya. Lumingon ako at kinabahan ako nang makita kong nakaupo na siya sa sahig habang hawak-hawak ang dibdib niya.
Ihahakbang ko na sana ang paa ko palapit sa kanya pero...
"Kei!!!"
... ang lalaking mahal ko, tumatakbo na palapit sa kanya.
Dahan-dahan akong umatras. Umiinit na ang mata ko dahil nagtatangkang tumulong luha mula dito. Kitang-kita ng dalawang mata ko kung paano siya mag-alala dito.
Paulit-ulit kong narinig sa isip ko ang katotohanang sinasabi nito.
Minahal niya lang ako dahil kamukha ko ang babaeng matagal na niyang minamahal, at hindi niya ako minahal bilang ako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top