v. FINAL CHAPTER
MARCUS
Napatingin ako sa kaliwa ko nang marinig kong mag-alarm ang aking phone. Alas-diyes na ng gabi pero wala pa rin si Maya. Hinanap ko ito sa ilalim ng nagpatong-patong na papel at libro para matawagan siya.
Ring lang ito ng ring pero hindi niya pa rin sinasagot. Naka-ilang subok din ako nang marinig kong bumukas ang pinto sa may salas. Tumayo na ako at sinalubong siya sa labas.
"Bakit ngayon ka lang? Kanina pa ako tumatawag," sabi ko sabay kuha sa dala niyang bag.
Kakauwi niya lang galing duty sa ospital. Mukha siyang pagod na pagod.
"Sorry, baby. Nagpahintay pa kasi 'yong ka-work ko." Niyakap niya muna ako bago nagtungo sa may lamesa. "Nagluto ka?"
"Binili ko lang 'yan. Aasa ka pa eh!" biro ko sa kanya sabay pingot ng ilong niya.
Ngiting-ngiti naman siya. "Oops! Hindi ka nga pala marunong magluto."
Ipinatong ko muna ang mga gamit niya sa sofa pagkatapos ay sabay na kaming kumain.
"Kamusta pala ang case study niyo?" Ani Maya.
"Ayos naman. May progress din kahit papano. Kailangan ko pang sipain at upakan sina Rene para gumawa! Mas mahaba pa ang itinulog nila kaysa sa inaral," natatawa kong sabi.
Ngumiti siya sa akin. "Mabuti naman nag-eenjoy ka. I'm so proud of you. Konti na lang tapos mo na ang isang taon! More years to go!"
Ginulo ko ang buhok niya. "Pagod na nga utak ko eh. Kiss mo nga ako," sabay turo ko sa labi ko.
"Hindi ako makagalaw eh," pang-asar niya.
Mabilis naman akong tumayo at hinalikan siya sa labi. Nagulat pa siya kaya hinampas niya ako sa balikat. "Sira!"
"O eh 'di ayan. Pareho na tayong recharged!" Natatawa kong sabi.
"Baby nga pala," sabi ko no'ng maalala ko 'yong birthday party niya sa isang araw. "Pasensya na ulit kung hindi ako makakasama sa Batangas ha. I promise babawi ako—"
"It's okay! I understand. We could still celebrate pagbalik ko. Iintayin kita ha."
Kinindatan ko siya. "Parang ako ata ang may pa-surprise pagbalik ah."
Tumawa lang naman siya ulit. Gustong-gusto ko kapag nakikita siyang masaya. Para bang bigla na lang gagaan ang pakiramdam ko kahit na bugbog na ako sa kakaaral.
Matagal na kaming live-in ni Maya. Halos magda-dalawang taon na rin sa tatlong taon naming magkarelasyon. Maayos naman ang pagsasama namin. Hati kami ng gastos sa lahat. Hindi naman kalakihan itong apartment. Sapat lang para sa aming dalawa.
Isang nurse si Maya sa malapit na ospital dito habang ako naman ay nasa unang taon pa lamang ng med school ko. Mabuti na nga lang at may scholarship ako sa UST kaya kahit papano kalahati lang ang binabayaran kong fees.
Pagka-kain namin, mabilis kong iniligpit ang pinaggamitan naming plato. Itinabi ko na rin ang mga librong kanina ko pang inaaral. Inilagay ko ito sa bag na dadalhin ko para bukas. Pagpasok ko sa aming kwarto ay nakita ko siyang mahimbing na natutulog sa kama. Hinalikan ko siya sa noo at kinumutan ng maayos.
Nakatitig ako ngayon sa likuran ni Maya habang mahimbing na siyang natutulog. Ayoko man aminin pero alam kong may nagbago na sa relasyon namin. Hindi ko alam kung saan nagsimula.
Siguro dahil pareho na kaming nawawalan ng oras sa isa't isa. Kahit magkasama kami sa bahay, minsan hindi na namin magawang mag-usap. Kung ako ay may tinatapos na report, siya naman ay pagod sa trabaho. Kagaya ngayon, ang lapit niya sa 'kin—nahahawakan ko siya at nayayakap pero pakiramdam ko ang layo na ng loob niya sa akin.
Nung ipinikit ko na ang mata ko, bigla ko na lang siyang narinig na mahinang humikbi. Umiiyak na naman siya. Ano bang problema, Maya? Bakit hindi ka na nagsasabi sa 'kin?
Kinabukasan, nagising ako na wala na si Maya sa tabi ko. Natawagan siguro siya sa trabaho. Nakita kong nag-iwan siya ng note sa table.
Sorry babe! Early shift ako.'
Halos dal'wang linggo ko na naman siyang hindi makakasama. Napag-usapan kasi ng grupo na sa dorm na lang nina Rene kami magr-review. Ayoko nga sanang iwan si Maya kaso medyo malayo din kasi ang apartment namin sa UST. Pumayag naman siya para daw makapagfocus ako lalo.
Dumaan ang mga araw, palagi parin kaming nag-uusap ni Maya sa gabi kapag may pasok siya sa umaga o hapon. Ang kaso, madalian lang iyon kasi pagod na pagod siya galing sa trabaho. Minsan naman nakakaligtaan ko siyang tawagan o kamustahin sa sobrang daming gawain. Naghahabol na rin kasi kami sa deadline para sa case study namin.
Hindi naman siya nagalit. Pero napansin ko na lang na padalas na ng padalas ang reply niya sa akin. Kahit sa gabi pagkaka-out niya, hindi na niya pinapaalam na nakarating na siya sa bahay.
"Wala naman tayong problema 'di ba?" tanong ko sa kabilang linya.
"Wala naman," sagot niya.
"Anong oras pala ng uwi mo sa Batangas bukas?"
"Ahmm..." Huminto siya. Narinig kong nagtatype siya sa laptop niya. Matagal pa ulit bago siya sumagot. "Baby, I need to shower na. Maaga pa kasi ako bukas. I'll call you tomorrow."
"Sige, ingat ka."
"Okay."
"Happy Birthday—"
Babatiin ko pa sana siya pero hindi na niya naintay ang bati ko at binaba na ang telepono niya. Tinext ko na lang siya. Siguro nagtatampo pa rin 'to kasi hindi ko siya masasamahan umuwi. Gustong-gusto na nga rin daw akong makilala ng magulang niya kaso wala pa akong time e.
Lumipas ang ilang mga araw at sa wakas dumating ang araw ng Sabado, meaning uuwi na ako kay Maya. Sinubukan ko siyang tawagan at itext pero hindi niya ako sinasagot. Pag-uwi ko no'ng hapon, hindi ko siya naabutan sa bahay. Mukhang may work pa ata siya.
Pumunta na lang muna ako sa malapit na mall para makapamili ng hahandain kong dinner namin ni Maya. Hindi ako expert sa pagluluto pero inaral ko 'yong recipe na nakita ko sa youtube no'ng isang araw. Mukha namang madali kaya itinry ko.
Nag-try muna akong magluto ng lunch para ma-practice din kung kakayanin kong gawin. Nang matapos ko ito, mukha naman siyang pagkain ng tao kahit papano. Sana magustuhan 'to ni Maya. Alam niya kasi na hindi talaga ako marunong magluto. Kahit nga itlog nasusunog ko pa.
Pinagmasdan ko ang sandamakmak na sunflowers sa sofa na binili ko kanina. Alam kong matutuwa si Maya nito. Pa-out na kaya siya? Sinubukan ko ulit siyang tawagan pero hindi pa rin siya sumasagot.
Naghintay ako magdamag, panay ang sulyap sa phone ko baka sakaling magreply siya. Nung mag-vibrate ang phone ko, akala ko siya na. Si Niño pala. Ang isa pa naming tropa ni Rene.
"O brad. Napatawag ka?" sagot ko.
"San ka, brad?"
Sumandal ako sa sofa at binuhay ang TV. Maghahanap muna ako ng mapapanood para malibang. "Bahay pa. Natuloy ba kayo ng syota mo?"
"Syempre. Ano pa ba? Makakareward ako neto ngayon. Dalawang linggo ba naman akong nagtiis na pagmumukha niyo ang nakita ko?!"
"Gago ka. Umalis ka na nga. Hinihintay ko si Maya."
"Tangina— teka." sagot niya bigla. "Hala pare. Nandito si Maya! Akala ko e kamukha niya lang."
"Tarantado ka! May duty 'yon ngayon. Gago."
"Ha?! 'Di nga? E ba't kamukha? Antay nga lang—Hoy! Saan ka pupunta?" Rinig ko pang tanong ni Len kay Niño sa kabilang linya.
"O tingnan mo, FB mo pare. Sure talaga ako na si Maya 'yan! Ano 'yan may kakambal?" Natatawa pa niyang sabi.
Pag-open ko ng message niya, nagulat ako nang makita ko si Maya na nakikipagsayaw sa isang lalaki. Hindi lang ito kung sinong lalaki. Kilala ko 'to.
Si Rio. Ang ex niya.
"Hoy gago, pare! Niloloko ka ata niyang syota mo? Hello? Brad, andiyan ka pa? Hoy! Gusto mo bang sundan ko mga 'to?"
Binaba ko na agad ang phone ko. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nakita. Hindi magagawang magsinungaling sakin ni Maya. Sabi niya, matagal na silang hindi nagkikita ng ex niya. Ako pa rin naman ang mahal niya 'di ba? Hindi naman siya makikipag-break sa akin 'di ba?
Paulit-ulit kong tiningnan ang litratong pinadala ni Niño. Hindi ito mawala sa isipan ko. Mabuti na nga lang at nagawa ko pa ring makapagluto kahit na sasabog na ang utak ko sa kakaisip.
Hindi ko alam kung ilang oras na ang nakalipas no'ng biglang marinig ko ang pagtawag ni Maya sa labas. Kinabahan ako. Pumunta muna ako sa sofa at kinuha ang binili kong sunflowers para sa kanya. Pagbukas ko ng pinto, nakita kong ngiting-ngiti siya habang pinagmamasdan ito.
Nagpanggap ako na walang alam. Wala pa rin siyang binabanggit sa akin hanggang sa pag-upo niya sa silya para kumain. Nang ilagay ko sa sofa ang mga gamit niya, doon ko nakompirma ang kanina ko pang alam na nagkita sila ng ex niya. Nakita ko ang regalo at sulat na natanggap niya kay Rio.
'Last na 'to. Hindi na ulit kita papayagang saktan ang sarili mo sa paghihintay sa akin. Mahal ka ni Marcus. Please h'wag mo ng gayahin ang ginawa ko sa'yo noon. Hindi niyo deserve ang magkasakitan. Alam kong balang araw makikita mo rin, Maya. Pakawalan mo na ako... hayaan mo nang maging masaya ang sarili mo kasama siya... -Rio."
Gulat na gulat siya no'ng makita niyang hawak ko ang sulat na ibinigay ni Rio. Parang may biglang pinunit sa dibdib ko. Gusto kong magwala. Gusto ko siyang sigawan. Gusto kong magalit sa kanya. Bakit hindi na lang niya sinabi noon pa?
Maiintindihan ko naman kung hindi pa niya ako kayang mahalin. Iintayin ko naman kung kailan siya magiging handa. Pero bakit niya ako sinagot kung hindi pa pala siya sigurado sa nararamdaman niya para sakin? Nagmukha akong gago.
Nagsimula nang tumulo ang mga luha sa mata niya. Para kanino ba talaga ang mga luha na 'yan, Maya? Para sa akin o kay Rio? Tangina!
Bakit ba naging kahinaan ko pa ang makita siyang umiiyak? Kahit ako ang tinarantado, parang ako pa ang nanggago.
Pareho kaming nakaupo ngayon sa sofa. Nakayakap lamang siya sa 'kin habang patuloy pa rin ang paghingi ng tawad.
"Sana nilinaw mo na lang sa simula, Maya. E 'di sana alam ko ang pinapasok ko. Alam ko sana kung saan ako lulugar sa'yo."
"I already set him free, Marcus."
Umiling ako. "Mali ang timing mo. Inuna mo dapat na gawin 'yan bago mo ako sagutin."
"Alam ko naging mali ako. Sobrang mali dahil ginamit kita para unti-unting gamutin ang sugat ko dito," turo niya sa kanyang dibdib. "Pero gusto ko nang ayusin ang lahat Marcus. Gusto ko nang mahalin ka. . . kagaya ng pagmamahal mo sa akin. And I'm halfway there."
Siguro talagang nakakagago magmahal. Kahit hindi niya sabihin, alam kong kayang-kaya kong mag-intay sa kanya. No doubt. Ang gusto ko lang, makayanan niyang tumayo ng hindi nakatuon sa akin. Gusto kong marealize niyang mahal niya ako dahil mahal niya ako. Hindi dahil mahal ko siya.
"Habang ginagamot ko iyang sinasabi mong sugat sa puso mo, hindi ko alam na nasugatan mo na din pala ako. Sa tingin ko, kailangan muna nating maghilom pareho."
"Are you breaking up with me?" Ani Maya.
"I love you, baby." Hinagkan ko siya palapit sa akin at hinalikan ang tuktok ng ulo niya. "Mahal na mahal kita. Alam mo 'yan. Kahit kailan walang naging iba. Ikaw lang."
Una-unahang tumulo ang luha sa mata ko. Narinig ko rin siyang humikbi ng malakas. Huminga ako ng malalim at saka nagpatuloy sa pagsalita.
"Gusto ko lang na maging sigurado tayo sa isa't isa. Siguro hindi pa talaga natin panahon noon kaya umabot sa ganito."
Hinawakan ko ang magkabilang pisngi niya. Para na kaming tanga na walang tigil ang buhos ng luha sa mata namin. Nakatitig lang siya sa akin na parang nagmamakaawa na h'wag ko siyang iwanan.
"Mahal kita kaya gusto kong ilaan mo ang oras mo ngayon para sa sarili mo. Hindi para sa akin. Hindi para kay Rio. Sa 'yo lang. Gusto kong mahanap mo kung ano talagang gusto mo."
Humilig siya sa palad ko at pumikit. "Gustong-gusto kitang mahalin."
"Alam ko, Maya. Pero hindi ganoong kadali 'yon. Kailangan mong mag-umpisa sa sarili mo. Mas masarap magmahal ng ibang tao kapag alam mong buo ka na ulit," sabi ko at hinalikan siya sa noo.
Hindi ko kakayaning iwanan si Maya. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula... pero kailangan namin ito pareho.
"At kapag ready ka na ulit, magmahal ka ng buo. Kahit pa hindi ako 'yon. Mahal na mahal kita, Maya."
Tumayo na ako sa pagkakaupo pero pinigilan niya akong umalis. Nakahawak lang ang dalawa niyang kamay sa kaliwang braso ko. Ayoko siyang tingnan. Baka hindi ko kayanin. Baka bawiin ko lang lahat ng sinabi ko sa kanya.
"Mahal na mahal kita," halos pabulong kong sabi sa kanya at inalis na ang pagkakahawak niya sa akin.
"Marcus, come back please!"
Huminto ako sa paglakad at nilakasan ang loob na tingnan siya sa mata. Nakatayo na siya at nakahawak sa bibig niya para pigilan ang mga hikbi. Mapait ko siyang nginitian.
"Sa tamang panahon, Maya. I'll find you."
Sa pag-alis kong iyon, hindi nangangahulugang matatapos na ang pagmamahal ko kay Maya. Ang alam ko lang, patuloy ko lang siyang mamahalin hangga't kaya ko.
Pinakawalan ko siya kahit na alam kong hindi naman siya naging akin. Naniniwala pa rin ako na darating ang tamang oras para sa aming dalawa. Hindi man ngayon pero alam kong... balang araw.
END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top