28. Secrets


"Nasaan ang tatay niyan?"

Iyon agad ang bungad na bungad ni Tita Shannon pagpasok na pagpasok niya sa dining area. May kagat-kagat pa siyang pancake at hawak na box na pinaglalagyan n'on.

Breakfast na namin at mukhang makakasabay pa siya matapos hindi umuwi nang buong araw. Umupo siya sa tabi ko at sinilip ang tiyan kong malaki pa rin.

"Akala ko, nanganak ka na kahapon," biro ni Tita at tinawanan ako.

"Tita, tigilan mo na si Leo," pakiusap ko.

Natawa lang siya nang mahina habang napapailing.

"O, kape." Naglapag na si Manang sa kanya ng bagong salin na kape para isabay sa pancake na dala na niya.

"Nasaan 'yon, Manang?" tanong na niya kay Manang na ipinaghahain siya.

"Maagang umalis."

"Saan pumunta?"

"Ay, bakit mo naman hinahanap? Asawa ka ba?"

Imbes na ma-offend, natawa pa si Tita Shan. "Manang, below the belt ka lagi!"

"Masama ang loob n'on kahapon. Huwag mo nang asarin nang asarin at baka makipagbabagan na sa 'yo 'yon si Leo."

"Si Manang, highblood lagi." Patawa-tawa lang si Tita nang balingan si Mommy. "Akala ko, may pasok kayo ni Gina."

"Ngayon daw ang dating ng supplies sa shop. Dito ko ipina-address," sagot ni Mommy.

"Ay, shit. Oo nga pala!" Napakuha agad si Tita Shan ng phone habang ipit-ipit sa labi ang pancake niya. Bigla siyang nakahinga nang maluwag nang makita ang kung ano man ang nasa screen. "Mamaya palang 3 p.m. ang akin."

"Kaya ka ba umuwi?" tanong ni Gina.

"Natural."

"Saan ka galing kagabi?"

"Saan pa ba? E di, dumalaw sa mga kaibigan—ay! Nakita ko yung karaoke sa cabana!" Binato niya ng piraso ng pancake si Gina. "Sabi ko, tawagan ako! Nag-party pa talaga kayo kung kailan wala ako, ha! Mga punyeta kayo, ang sasama ng ugali n'yo!"

"Paano ka aayain, e hindi naman para sa 'yo 'yon?" sagot ni Mommy, at mukhang audience lang ako ng sagutan nila habang namamapak ng oatmeal.

"Para kanino? Para doon sa mamanugangin mong ma-attitude?" mataray na sagot ni Tita sabay paikot ng mata.

"Pakialam mo naman?" mataray ding sagot ni Mommy.

Para silang nananalamin lang sa isa't isa kapag kumikilos.

"Nag-research pala ako kahapon," nakangising sinabi ni Tita.

"O, ano naman?" masungit na sagot ni Mommy.

"Babaero pala tatay n'on."

"Ni Leo?" tanong ni Gina. "Oo, gago. 'Daming kabit n'on."

"Balita ko, hindi si Filomena ang nanay n'on," sabi ni Tita.

Napahigop tuloy ako ng chocolate drink habang nakikinig ng tungkol kay Leo na hindi ko alam.

"Nakalkal mo pa 'yan, ha," nakangising sagot ni Mommy. "Akala ko nga rin, si Filly. Siya kasi ang nakausap namin noon sa investigation."

"Nagulat nga ako, hindi pala siya ang nanay," sabi ni Gina. "Kung makapatahan naman kasi si Leo, akala ko, nanay talaga, e. Kung hindi pa inamin n'on, hindi ko mapapansin."

"Mom, 'yong Filly ba ang kasama ni Coach Wally yesterday?" tanong ko.

"Hindi," sabay pang sagot nila ni Gina.

Naiwan tuloy sa ere ang kutsarang isusubo ko na sana. Ang mata ko, palipat-lipat kay Mommy at kay Gina.

"Pero may kasamang buntis kahapon ang daddy ni Leo," paalala ko pa.

Pinandilatan lang ni Mommy ang dining table. Si Gina, sumipol na lang habang hinihihipan ang kape niya.

Oh my God. I'm confused.

"Kilala n'yo 'yong nanay?" tanong ni Tita, na gusto ko na ring malaman.

"May hinala kami pero mahirap kumpirmahin," sagot ni Mommy.

"Sino ang lumabas sa background?"

"Yung dating libero ng Southstar."

Napasipol si Tita, mukhang kilala niya ang tinutukoy ni Mommy. Wala akong idea sa totoong mommy ni Leo, pero sure na hindi siya anak ng alam nina mommy na mommy niya. At hindi niya mommy ang buntis na kasama ni Coach Wally kahapon.

"Sino ang nasa birth certificate?" tanong ni Tita Shan.

"Si Filomena."

"Pero ang document ni Filly sa kanya, adoption papers, e. Nasaan ang original?"

"Aba, malay ko," sagot agad ni Mommy. "Ako ba'ng kumadrona niya?"

"E, ba't galit ka?"

"Kung maninira ka lang ng araw, lumayas ka na lang. Baka mabato pa kita ng tinidor."

Kahapon, kung ano ang ikinatahimik namin, siya namang ikinaingay ngayon. At kung sino ang wala, siya pa ang topic.

"Pero mukhang hindi babaero 'yong si Leo, ha?" Compared sa tono ni Tita habang nasa bahay si Leo, mas umangat na naman ang pagka-istrikta niya. "'Tang ina, ang lakas ng loob sagutin ako. Akala ko, OA lang 'tong babaeng 'to magkuwento." Binato na rin niya si Mommy ng piraso ng pancake.

"Nilalandi mo kasi."

"Hoy, kapag ako ang nanlandi ng mga kadete, pumapatol agad sila."

"Kadete mo 'yon, gaga," malutong na sagot ni Mommy. "Igaya mo pa si Leo sa mga hayok mong tauhan. E, kahit maghubad ka sa harap n'on, hindi titigasan 'yon."

"Mukha nga."

"Pero type mo?" nakangising tanong ni Gina.

Saglit na nagusot ang mukha ni Tita, tumatanggi sa sinabi ni Gina. "Pinagti-trip-an ko lang."

"'Tang ina ka rin, e, 'no?" natatawang sinabi ni Gina.

"Yung huling manliligaw ni Belle na dumaan dito, muntik pa ngang makipaghalikan sa 'kin. Dino-double check ko lang kung marupok."

"Kadiri ka talaga," sabi ni Mommy.

"Kung kumagat 'yon at nakitulog sa akin sa guest room, puputulin ko na lahi niya sa anak nila ni Belle."

"Gago." Si Gina na ang nagbato sa kanya ng piraso ng wheat bread na kinakain n'on.

Naduduwal ako sa usapan nila. Kung kailan wala si Leo, saka sila nag-uusap-usap nang ganito, at sa harap ko pa.

"Pero nasaan nga? Lumayas na?" tanong na naman ni Tita.

"Hiniram yung 4x4 ko," sagot ni Gina, nguya lang nang nguya. "May kukunin yatang mga gamit."

"Siya lang mag-isa?"

"Kasama niya yung isa sa barkada niya. Sinundo siya rito kanina."

"School?"

Umiling si Gina. "Business. May bahay na siya sa West. Gagawin daw nilang opisina. May lending company yata silang magbabarkada. Hindi ko pa nate-trace ang buong records, pero mukhang mayaman 'yon si Leo nang siya lang, hindi lang halata."

"Isipin mo na lang, beynte anyos, third year college, may lending company na mina-manage," paliwanag ni Mommy, halatang interesadong-interesado sa topic. "Nakabili ng sariling bahay, pinapaaral ang sarili. Tingin mo, saan kumuha ng pera 'yon kung walang tulong sa pamilya?"

"Bi, 'yong uni naman kasi, magkano lang ang units. Mas mahal pa ang kalahati ng bill natin sa koryente kompara sa tuition n'on," katwiran ni Gina.

Saglit na nangunot ang noo ni Mommy sa sinabi niya. "Magkano ang bill natin ngayong month?"

"16k plus?" di-siguradong sagot ni Gina.

"16 thousand . . ." Ang lalim ng hugot ng hininga ni Mommy at nagsalikop ng mga kamay saka ipinatong sa mesa ang magkabilang siko. "Kung stipend niya ang ginamit niya pamusta sa usapan nila ni Elton Corvito, paano aabot ng 40k ang makukuha niya sa stipend? Saan niya kinuha 'yong 24? Inalam ba 'to sa school?"

"Hindi yata itinanong kung magkano ba talaga ang stipend kasi hindi nga naman daw cash ang inilalabas sa school. Note lang daw talaga 'yon na convertible to cash."

"Papel lang talaga," dagdag na tanong ni Tita Shan.

"Siguro," sagot ni Gina. "Mukha namang marami siyang resources, e."

"Stipend o nakuha sa pustahan?" nagdududang sabi ni Mommy. "Natalo nga raw nila 'yong poker machine na wala pang nananalo. Sila ng kabarkada niya ang naglaro."

"Ay!" Napapalakpak pa si Gina. "Sabi niya, calculated nila ang algorithm n'on. Gago, sa talino ni Leo, parang hindi na ako magugulat kung bina-ban sa casino 'yon."

"Nananalo sa casino?" tanong pa ni Tita, gulat na gulat sa narinig. "Puta, yakagin nga natin sa Pasay minsan. Baka maka-jackpot tayo!"

Lalo pang lumalim ang iniisip ni Mommy habang nakatitig sa gitna ng mesa. "Alam mo, nagdududa talaga ako sa kanila ni Dardenne. Wala tayong ma-trace na matinong records galing kay Leopold Scott, at masyadong malinis ang financial records ni Ronerico Dardenne. Beynte anyos, may lending company, involved sa illegal gambling pero walang mahanap na ebidensiyang sumusugal nga sila maliban sa nasa area lang sila palagi."

"Baka propesyonal," parinig ni Tita Shan. "Baka hindi direct maglabas ng pera."

Hindi ako natutuwa sa naririnig ko. Parang nagi-guilty ako kahit wala akong idea sa topic nila. O meron? Ito ba ang tungkol sa pagpunta nila sa illegal racing sa Coastal?

"They called him Zeus," Mom said. "Siya raw ang isa sa mga leader nila. At sobrang visible ng records ng buong barkada niya maliban sa kanya."

"'Yong Dardenne ang Hades," dugtong ni Gina. "Ang linis ng records. Sa sobrang linis, parang sinasadya na ang inilalaman sa bank accounts. Parang nagbabayad ng loan."

"Negative sa drugs?" tanong ni Tita.

"Negative lahat. May asthma pa nga yung isa, e."

"Pero inareglo ang kaso nila last Feb, di ba?"

"Oo, Lauchengco saka Dardenne ang umayos n'on."

"Walang kaso? Hindi ba babagsak as rape yung kay Belle?" tanong ni Tita na nagpabara ng lalamunan ko.

Umiling agad si Mommy. "Rape dapat 'yon kaso . . ." Ang lalim ng paghinga ni Mommy at tumitig na naman sa gitna ng mesa.

"Eto ba 'yong ibinulong mo kay Romualdo?" tanong ni Tita na dahilan kaya siya natingnan ni Mommy na mata lang ang iginagalaw.

Walang sinabi si Mommy. Nagusot pababa ang dulo ng labi ni Tita saka tumango na parang may naintindihan kahit walang lumabas sa bibig ni Mommy na kahit ano.

"Huy." Napatingin agad ako kay Tita nang kalabitin niya ako. Nakapaling na siya paharap sa akin. "Sino ang supplier mo ng marijuana?"

"Ha?"

"Shannon," warning ni Mommy.

"Come on, Linda. Huwag mong masyadong i-baby ang anak mo. Tayo-tayo lang naman ang nandito," saway niya kay Mommy bago ibinalik ang tingin sa akin.

Inatake ako ng kaba dahil mukhang gigisahin ako ni Tita rito.

"Sino?" tanong ulit niya. "Walang magagalit sa 'yo rito, Belle."

"Tita . . ." Nagmamakaawa na ang tingin ko.

"Sakop mo pa ba 'to?" tanong agad ni Mommy. "Labas na 'to sa line of duty mo, a."

"Labas nga," depensa ni Tita. "Pero may naglalagay kay Belle sa watchlist. Kung hindi niya sasabihin kung sino, siya ang hahabulin nila. Habang maaga pa, dapat kinaklaro na 'to."

Nanlaki ang mga mata ko at napatingin kay Mommy. Nabahiran na ng pag-aalala ang tingin niya sa akin.

"Mommy."

"Belle, sino?" tanong ulit ni Tita at sa kanya ko na inilipat ang tingin ko. Napayuko na lang ako at umamin dahil mukhang wala na akong magagawa sa pagkakataong ito. Ayoko ring magsalita nang nandito si Leo.

"Hindi ko po sure sa full name kasi hindi niya sinabi kahit kailan, pero kilala siya ng lahat bilang Joven," mahinang sagot ko.

"Joven?" nagtatakang tanong ni Gina. Sumulyap ako sa kanya, salubong ang kilay niya at nakatingin kay Mommy. "Di ba, Joven din ang pangalan na ilang beses itinawag sa 'yo ni Calvin Dy para timbrehan."

Napaangat ako ng tingin para tanungin si Gina. "Si Calvin?"

"Ilang beses tumawag sa amin 'yon. Pinamo-monitor. Ayaw lang tanggapin ng mommy mo kasi wala na kami sa serbisyo. Wala namang sinabing rason, basta bantayan lang namin. Akala nga namin, may atraso lang sa kanya."

Pagtingin ko kay Mommy, napahilamos siya ng mukha at bagsak na bagsak ang ekspresyon. Marahan pa ang pagpikit niya at parang sising-sisi siya sa sinabi ni Gina.

"Mom . . ."

"Pag-uwi ni Leo, ipatawagmo ang buong barkada niya. Gusto kong makausap."


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top