16. Unanswered Call
"BELLE, TUMATAWAG si Leo, hindi mo raw sinasagot ang phone mo."
Pangatlong beses nang dumaan si Manang sa room ko para lang sabihin iyon. Saturday at barkada day nina Leo. No matter how busy they were, they really made time to bond like that. Minsan, kahit one hour together lang, okay na sila, basta nagkikita-kita pa rin.
Somehow, I wish I had friends like Leo had. Na kahit sobrang hard mag-reach out, may ways talaga silang naiisip para makabisita sa isa't isa.
Leo went out early in the morning. After breakfast, umalis na rin siya. It was already half past ten in the morning, usual call niya kapag magtatanong kung ano na ang ginagawa ko.
"Sabihin n'yo na lang, busy ako," utos ko kay Manang.
Tinapos ko na lang ang pagbabasa ng romance novel na kanina ko pa sana natapos kung hindi lang ako nag-iisip sa pabalik-balik na pagpunta ni Manang at panenermon about Leo.
Lumapit na si Manang sa akin at naupo sa tabi ng kama. Hinawakan niya ako sa kamay kaya nailapag ko sa kandong kong unan ang librong hawak ko.
"Nag-away ba kayo?"
Umiling ako sa tanong ni Manang. Hindi naman kami nag-away ni Leo, pero gusto ko nang simulang masanay na wala siya. Kapag kasi nandito na si Mommy, kahit pa ano'ng tawag ko, hindi siya makakasagot.
"Bakit ayaw mong sagutin ang tawag ni Leo?"
"No need na, Manang. Pagbalik nina Mommy, aalis na rin naman na siya."
"Pero hindi naman bilang nurse ang ipinunta rito ng batang 'yon. Hindi 'yon nag-aalaga sa 'yo at suwelduhan lang. Asawa mo 'yon."
"Hindi ko po siya asawa, Manang." May pait sa akin nang sabihin iyon. Probably because that was the truth, I had a hard time swallowing it.
"May balak na pakasalan ka ni Leo. Ang kaso lang, hindi pa ready si mommy mo."
"Last time na narinig ko 'yon kay Leo, last April pa. August na, Manang. Baka nagbago na ang isip niya."
Ang lalim ng pagbuntonghininga ni Manang sa sinabi ko saka niya hinawakang mabuti ang kamay kong nakapatong sa unan.
"Belle, anak, alam ko namang nahihirapan ka sa sitwasyon ninyo. Kahit si Leo, nakikita ko ring nahihirapan. Pero sinusubukan naman niya. Kahit sagutin mo lang ang tawag niya. Huwag mong hayaang pangunahan ka ng tampo mo."
"Hindi naman po ako nagtatampo. And besides, kayo naman ang madalas niyang sagutin, so better na kayo na lang din ang mag-usap."
"Belle . . ."
"We'll talk na lang po pagbalik niya rito, Manang."
I was starting to get lost in everything. Hindi ko na alam kung saan ako lulugar.
Leo wasn't telling me anything. Mom was strict about her decision na puwede akong alagaan ni Leo pero wala munang kasal. I thought, baka dahil sa ending ng marriage nila ni Daddy kaya ayaw niya. I was thinking the same kasi hindi ako enough na reason para mag-stay sila with each other.
I was five when they separated. I was in kindergarten, and I already knew how to understand things kahit pa shallow lang.
I was a kid, and my parents were no longer staying in the same house. What do they expect from a kid who wants answers about why her father isn't going home every night? What do they want to see from a kid who was confused about why her father married another lady and her mother brought home another girl you didn't know?
My family wasn't broken, but there were questions in my childhood na ayoko ring maging tanong ng magiging baby ko paglaki niya.
Ayoko siyang paasahin sa pamilyang nabuo lang out of necessity kasi wala kaming maayos na foundation ni Leo. I didn't want to have a kid wonder why his home broke in the middle of his childhood days just because his parents weren't enough to build a home full of love for him.
Naiiyak ako kapag naiisip ko na what if nagkaisip na ang anak namin at magtatanong, "Mommy, where's daddy?" And all I could answer was, "I don't know, baby." That would tore me into pieces na dalawa na kaming umaasa sa kanya.
Mas gusto ko na habang maaga pa, kaya ko nang sumagot ng "Mommy's enough, baby. We can be happy together without him."
Ronie said they would visit us, for the last time sa bahay, kasi for sure, sa susunod, maaabutan na nila si Mommy kaya malabo nang makapag-stay sila nang mas matagal.
I could hear Clark's loud shouts calling me downstairs. Pero bago pa ako makaalis sa kama, bumukas na ang pinto ng kuwarto ko at nakita ko agad si Leo na hindi masayang makita ako.
"Bakit hindi mo sinasagot ang call ko?"
Nakatitig lang ako sa kanya. Mukha siyang naiinis pero hindi siya nagtataas ng boses. Mababa pa rin ang tono, ayaw sumigaw.
Lumapit na siya sa kama. At kahit gusto kong makalayo, nahirapan ako nang biglang may kumirot sa bandang tagiliran ko. Nawala lang paghinto ko sa paggalaw. Naupo siya sa kaninang puwesto ni Manang paharap sa akin.
"Di ba, sabi ko, dalhin mo lagi ang phone mo," sermon niya, pero hindi naman pasigaw. "Nasaan ang phone mo?"
"Sa drawer," mahina kong sagot habang nakatingin lang sa ibaba, paiwas sa kanya.
Sinilip ko siya sa kanang gilid ko nang buksan niya ang drawer at kunin doon ang phone ko. Binuksan niya iyon agad. Walang password iyon. Naka-lock lang kaya madali niyang nabuksan.
"Bakit naka-silent 'to?"
Hindi ako nakasagot. Ayoko rin namang sumagot.
"Ano'ng problema? Bakit ayaw mong sumagot sa calls ko?" tanong na naman niya saka maingat na inilapag ang phone ko sa side table. "Sumasagot naman si Manang, sinasabihan ka rin."
"Si Manang naman ang lagi mong kinakausap. Siya naman ang lagi mong sinasagot kaya sa kanya ka na lang din magtanong."
Ang bigat ng buntonghininga niya saka kami sandaling natahimik.
Napapalunok na lang ako habang naghihintay sa sasabihin niya. Ayoko rin siyang tingnan nang deretso kasi baka umiyak lang ako sa sama ng loob.
"Bakit ayaw mo 'kong kausapin?" putol niya sa katahimikan naming dalawa.
"Aalis ka na next week . . ." Lalo pa akong napayuko. "Ayoko lang masanay na lagi kang tumatawag."
"Hindi naman ako helper dito. Aalis ako rito next week kasi babalik na ang mommy mo para alagaan ka. Pero tatawag pa rin ako kasi baby ko rin 'yang dala mo."
"Bumalik ka na lang kapag malaki na ang baby ko," mahinang sinabi ko, nagpipigil na umiyak. "Bumalik ka na lang kapag may isip na siya, para hindi ko na kailangang mag-explain kung bakit ganito tayo."
"Kyline, ano ba'ng nangyayari sa 'yo, ha?"
Pagpatak ng luha ko, pinunasan ko agad saka ako tumingin sa kabilang gilid paiwas na makita niya.
"Nahihirapan ako, Leo . . ." pag-amin ko habang hirap na hirap lumunok. "Hindi ko deserve mahirapan nang ganito."
Punas lang ako nang punas ng pisnging paulit-ulit din namang pinapatakan ng luha.
"Ang dami ko pang gusto kong gawin sa buhay ko . . . ang dami kong pangarap para sa sarili ko . . . wala naman akong masamang ginawa pero bakit naman ganito ang nangyayari sa 'kin?"
Naluluha ko siyang hinarap at nasalubong ko ang tingin niyang sinlamig pa rin gaya nang dati.
"You deserve your happiness. I deserve my peace. Our baby doesn't deserve a toxic family. Huwag na lang nating pilitin yung atin kung hindi kaya. It won't make you less of a man kung hindi mo ako paninindigan. I can live without you."
Nag-iwas agad siya ng tingin at pansin kong bumigat ang paghinga niya. Yumuko siya at saka tumango saka nag-angat ng tingin para salubungin din ang mata ko.
"I deserve my peace, too. More than happiness, mas deserve ko ang peace of mind. Kaya please lang, huwag mo rin akong pahirapan. Simpleng pagsagot lang sa call, Kyline. Simple lang 'yon." Dinig ko ang inis sa boses niya pero pinipigilan niyang magtaas ng boses. "Hindi ko pinipilit ang sarili ko sa 'yo kasi hindi ko ugaling ipagsiksikan ko ang sarili ko sa ayaw sa 'kin. I'm still unstable right now, at hindi ko alam kung paano ka kakausapin nang hindi nakakaramdam ng guilt na nahihirapan ka because of me. Pero pinipilit kong maging okay para sa 'yo para maalagaan kita. Simpleng call lang, Ky . . . huwag mo naman akong pahirapan."
Nakagat ko ang labi ko saka sunod-sunod na pumatak ang luha ko. Hirap na hirap akong lumunok habang nakakaramdam ng guilt.
Gusto kong maging selfish na this time, pero bakit ang hirap? Feeling ko, ang sama-sama ko dahil sa ginawa ko.
Kinuha niya ang face towel na kanina pa nakapatong sa gilid ko saka ako pinunasan sa mukha.
"Huwag ka nang umiyak. Magbibihis lang ako, kakain na tayo."
•••
ANG BIGAT ng feeling ko. Ako naman ang nagi-guilty dahil sa inamin ni Leo. Wala kasi siyang sinasabi. Guilty siya because of what happened to me, pero hindi naman niya iyon ginusto. Kasalanan naman talaga iyon ng grupo nina Elton. Pero hindi ko rin kasi alam kung ano ang nararamdaman niya.
Ayoko sanang umasa para sa aming dalawa. Pero kahit gusto ko nang lumayo, humahabol naman siya.
Pasulyap-sulyap ako sa kanya habang inaalalayan niya akong maglakad. Mas bumigat na ako ngayon kaysa noong huling dalaw ng barkada niya. Kaya nga pagdating doon sa dining table, nahinto silang lahat pagkakita sa akin.
"Kyline, my love! Haw ar yu tudeeeey?" Si Clark na ang naunang tumayo at lumapit sa akin habang nakayuko at himas-himas ang tiyan ko. "Baby, bakit lagi mong sinasaktan si mommy mo? Gusto mong suntukan—aray!" Napahawak agad siya sa ulo nang batukan siya ni Leo. "Inaano ka?"
"Tigilan mo 'yan," warning ni Leo.
"Napakasungit!" Sisima-simangot tuloy na bumalik si Clark sa upuan niya.
"Hi, Ky!" Binitiwan na ako ni Leo at maingat akong niyakap ni Ronie.
"Manang, ako na ho," dinig kong sabi ni Leo at saglit akong sumilip sa kanya; tinutulungan na si Manang na maghanda ng mesa.
Bumitiw na si Ronie sa akin saka hinawakan ang magkabila kong kamay. "Madalas pa rin ang stomach cramps?" Saka niya tiningnan ang tiyan ko.
"Yes. Alam mo?"
"Sinasabi naman lagi ni Leo."
Natitigan ko si Ronie dahil sa sinabi niya. "Si . . . Leo?"
"Nagdala pala ako ng maraming dark chocolates and bananas for magnesium. May dessert din if you want to eat those with walnuts. Ima-massage ka ni Clark later. Saka may breathing exercises ulit kayo ni Will. Si Patrick pala, may dalang milk na puwede sa 'yo."
"Si Calvin?" Hinanap ko agad si Calvin at nakita siya sa kabilang side ng table, nakangiting kumaway sa akin kahit na busy sa phone niya.
"Si Calvin ang driver namin ngayon kasi kakakuha lang niya ng bagong plaka ng kotse niya."
"I see." Nakatingala lang ako kay Ronie para magtanong ulit kahit na mukhang gusto na niyang maupo gaya ng iba. "Ronie . . ."
"Hmm?"
"Akala ko, mamaya pa kayo darating. Sabi kasi ni Calvin, may dadaanan pa muna kayong shop."
"Ah, yeah! Supposedly, yeah."
"What happened?"
Tumipid ang ngiti ni Ronie saka yumuko para bumulong sa akin. "You're not answering your phone, so we cancelled it."
"Ha?" Nabigla naman ako sa sinabi niya. "B-Bakit? Hala . . ."
"Don't worry. Next Saturday na lang kami pupunta. Sige na, upo ka na muna. We'll talk later."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top