Chapter 6


Elrond's POV

HINDI na nag-reply si Elora matapos kong tanungin kung saang subject siya nahihirapan. Mukhang seryoso nga ang pagiging studious niya. Feeling close lang talaga ako, pero okay lang kahit hindi siya nag-reply. Pakiramdam ko kasi'y nakapasa na ako kagabi pa lang.

Kaya naman bored na bored ako sa unang subject namin. Kapag hindi talaga interesting 'yung mismong nagtuturo ay aantukin ka. Nakababagot! Ang tagal pa bago mag-lunch, excited akong ikwento kay Coops ang nangyari kagabi.

Nasa pinaka-last row ako nakaupo, hindi naman kasi mahigpit 'yung prof namin at kahit saan kami pwedeng umupo. Sa sobrang luwag nga lang ay napaka-boring, 'yung tipong nagtuturo siya para lang makakuha ng sweldo at walang pakialam kung may matutunan ba 'yung mga estudyante. Sayang tuition, kamahal-mahal pa naman.

Speaking of tuition, maswerte nga rin ako kahit papaano dahil afford naman ni dad na bayaran ang pag-aaral ko rito. Hindi ko na kasi tinangkang maghanap ng iba pang mga university kasi pumasa naman ako agad dito at saka isa pa alumnus si dad dito kaya payag lang siya.

Sa katitingin ko sa notifications ng phone ko ay biglang sumulpot 'yung chat ni Marky, nagyaya maglaro ng Mobile Warriors. Loko talaga ang kumag. Pumayag na rin ako kaysa mamatay ako sa boredom. Habang naglalaro ay bigla ko na namang naalala si Elora.

'Yung tipong busy na busy siya sa pag-aaral tapos ako naglalaro habang nagkaklase, nawala tuloy ako sa concentration at natalo kami! Pagkatapos ng isang round ay nag-quit na ako, sinabi ko sa chat kina Marky na masakit ang ulo ko kunwari, baka isipin n'on weak ako eh.

Ibang klase ka talaga, Elora. Pati paglalaro ko ay naiimpluwensyahan mo na. Siguro isa ka talagang anghel, ano? Amp! Sa sobrang ka-boring-an pati mga banat kay Elora ay naiisip ko na. Elrond, maghunos-dili ka!

At sa wakas, sumapit na rin ang paboritong subject ng lahat. Pagpatak ng lunch break, kulang na lang ay mag-teleport ako papuntang College of Science para puntahan si Cooper. Wala kasing silbi ang phone n'on, ni hindi tumitingin ng notification sa Messenger niya. Masyado kasing nagpapaniwala sa mga conspiracy theory.

Saktong ang ganda ng ngiti ko pagpasok ko sa Physics Club room nang madatnan kong may kasamang babae si Cooper.

"Naku, wrong timing ata ako, nakaaabala ako." Akmang lalabas ako kuno ng kwarto nang batuhin ba naman ako ni Lois ng nilamukos na papel sa ulo. "Ang gandang pagbati, ah!" Pinulot ko 'yung papel at hinagis sa basurahan 'di kalayuan.

Si Lois, kaklase rin namin ni Cooper noong hayskul, kapag may time na naaabutan ko sila ni Cooper dito ay kasama rin namin siya minsan kumain. Bihira nga lang.

"Balita ko nag-a-Alter ka na rin, Elrond, ah," sabi ni Lois habang nakahalukipkip nang umupo ako.

Sa lahat ng mga babaeng naging kaibigan ko ay kay Lois lang 'ata talaga ako naging komportable, 'yung tipong kahit anong asarin ko sa kanya ay sure akong hindi niya ako sasampahan ng harassment. Medyo boyish kasi ang datingan niya lalo pa't nagpagupit siya ng buhok na ubod ng ikli.

"Aba, mukhang na-tsismis na ako ni Cooper sa 'yo," sabi ko. Tumingin ako kay Cooper na abala sa pagbabasa ng libro. "Oh, baka nakwento na sa 'yo ni Cooper—"

"Oo! May babae ka raw na nakilala?!" bulalas ni Lois. Mabuti na lang kaming tatlo lang tao rito, 'yung bunganga nitong ni Lois 'kala mo may mic.

Napahawak ako sa tainga ko. "At for sure nabanggit din sa 'yo ni Coops na naglipana ang mga poser—" Biglang napahampas sa mesa si Lois na kinagulat namin parehas ni Cooper.

"Sinabi niya nga! Ito talagang si Cooper kahit kailan kung ano-ano kasi mga pinagbababasa!"

"Huwag ka ngang sumigaw," pagpapakalma ko sa kanya. "Teka, bakit parang super affected ka?" Napaisip ako agad at napatakip ako sa bibig. "Don't tell me may Alter ka rin?"

Parang halamang tumiklop si Lois nang sabihin ko 'yon, pinanlakihan ko siya ng mata, at tumingin din ako kay Cooper na parang walang pake.

"Ikaw? Lois? Nakikipag..." Hindi ko na napigilan 'yung sarili ko at tinawanan ko siya. Nagsalubong ang kilay ni Lois, akala mo magta-transform sa bwisit niya sa 'kin. Dumukwang pa talaga siya sa mesa para lang hampasin ako. "Aray! Aray! Tama na! Kumain na nga tayo, hindi pa ba kayo nagugutom?!"

Habang naglalakad papuntang kainan ay hindi pa rin ako tumigil sa pagtawa kaya halos sabunutan ako ni Lois. Si Cooper tahimik pa rin ang nerd, kanina pa siya walang sinasabi.

"Ano naman kasing naisipan mo at nag-Alter ka?" tanong ko.

"Bakit? Ikaw nga meron eh," nakangusong sagot ni Lois. "Bawal na ba akong mag-explore para makipagkilala sa ibang tao?"

"Tss... Sabagay, hindi ko rin naman sinasadyang ma-install 'yung Alter," sabi ko sabay inalala 'yung gabing aksidenteng napindot ko 'yung ads. "So, naghahanap ka na ng boyfriend... wait... boy nga ba?" Aambaan niya ako ng suntok at kaagad naman akong nagtago sa gilid ni Cooper.

"Babae ako, Elrond. Ganito lang itsura ko pero gusto ko ring ma-in love," sabi niya at napatingin naman ako sa katabi kong parang estatwa.

"Eh, bakit sa Alter pa? Wala bang iba riyan? 'Yung tipong nasa tabi mo lang?" sabi ko at siniko ko si Cooper na wala man lang reaction.

"Kung sagutin mo rin kaya 'yang tanong na 'yan sa sarili mo, ano? Bakit sa Alter ka naghahanap ng girlfriend?" Pumamaywang pa si Lois. Sabi ko nga wala akong palag sa mga sagutan niya.

Hindi ko masagot kaagad kasi sa totoo lang ay nag-install ako ng Alter na wala namang intensyon na maghanap ng girlfriend. Pero nang makilala ko si Elora at tila pinagtugma kami ng kapalaran ay parang papunta na nga ro'n ang binabalak ko. Lalo pa't nalaman ko na hindi siya poser. Pero siyempre gusto ko 'yung magkakilanlan muna kami nang mabuti, hindi naman ako gano'n ka-atat, ano. Mas maganda 'yung na-develop nang mabuti.

Kaya nga matagal-tagal na rin noong huli akong nagka-girlfriend. Sa bilis na kasi ng technology ngayon ay minsan ang hirap nang kilatisin ng mga bagay-bagay. Ayoko nang maulit 'yung mabilis ngang nakuha pero mabilis ding nawala.

"Huy, natulala ka na riyan," dinig kong sabi ni Lois.

Nakarating na kami sa cafeteria nang wala pa ring imik si Cooper. Himalang hindi gano'n ka-puno ang mga pwesto kaya hindi kami nag-take out.

"Hindi naman ako nag-Alter para maghanap ng boyfriend," paliwanag ni Lois habang kumakain kami. "Hopeless romantic lang siguro ako kasi na-inspire ako ro'n sa kakilala kong nakahanap ng true love niya sa dating site."

Nagkatinginan kami ni Cooper, tiyak kong parehas kami ng naiisip. Seryoso 'ata talaga si Lois. Na-brokenhearted kasi noong nakaraang relationship kaya kung ano-ano ang sinusubukan nitong gawin para maka-move on. At ngayon ay Alter ang napagdiskitihan nito.

Nakwento na rin ni Lois na may kausap siya ngayon sa Alter at so far, okay naman daw ang feeling niya. Gayon din ang sinabi ko kahit na halos kakikilala ko pa lang kay Elora.

"At sure na ako sa kanya na hindi siya poser," sabi ko sa kanilang dalawa. Sa wakas nasabi ko rin 'yung agenda ko! "Coops! Hindi siya poser, narinig mo 'yon?!" Abot-tainga ang ngiti ko nang sabihin ko 'yon.

Pumangalumbaba si Lois sa mesa. "Sana all napatunayan na."

Nawala 'yung ngiti ko. "Bakit? Hindi mo pa sure kung poser 'yang ka-chat mo?"

Umiling si Lois. "Sinabi lang sa 'kin ni Cooper 'yung tsismis about sa reputation ng Alter kanina lang... Actually, magmi-meet up na kami."

Nanlaki ang mga mata ko. Meet up? Kung gano'n, talagang matagal-tagal na rin talaga silang nagkakausap ng ka-match niya. Napaisip ako... Posible nga kayang umabot din kami ni Elora sa gano'n?

Itinago ko ang ngiti ko dahil baka may mahalata sila. Lihim kong ipinalangin na sana maging smooth din ang lahat para sa amin ni Elora.


*****


SABI ni Cooper natapos na rin niyang ayusin 'yung CPU ko kaya magkasama kami ngayong uwian para pumunta sa bahay nila.

Bilib din ako sa sarili ko dahil nagawa kong makontrol ang sarili ko na kulitin si Elora sa chat maghapon. Biruin mo 'yon kaya ko rin palang magpaka-studious. Pinadalhan ko siya ng message.

lord_elrond01: Tapos na ang klase namin! Chat ka lang pagkatapos ng klase mo. Pauwi na kami ng kaibigan ko.

Tinabi ko na muna 'yung phone ko dahil kutob ko na mamaya pa siya mag-reply.

Matagal-tagal na rin akong hindi nakapupunta sa bahay nina Cooper. Nasa may gate pa lang kami ay kaagad ko nang hinulaan sa isip ko kung ano ang bagong binubutingting nitong tropa ko. Kada kasi pupunta ako ay palaging may bago, Dexter's Laboratory ang peg.

"Good afternoon po, Tita!" masiglang bati ko sa mommy ni Cooper pagpasok namin.

"Good afternoon din, Elrond. Mabuti't napasyal ka," nakangiting bati rin nito sa 'kin.

"Ah, may pipick up-in lang po, 'yung CPU ko." Napakamot ako sa batok.

Umakyat kami sa kwarto ni Cooper na 'di hamak ay doble ang laki sa kwarto ko. Kaso nawala 'yung ngiti ko pagpasok sa loob, ubod ng linis nito at wala na 'yung mga dating abubot na nandito.

"Anyare sa kwarto mo, Coops?" tanong ko. "Nasaan ang mga inventions mo?"

"Kept it at the attic," sagot ni Cooper. "I'm retiring from inventing."

"Haa? Sayang naman!" Tumalon ako sa kama niyang may kumot ng periodic table. "Don't tell me depression kuno 'yan kasi magkaka-boyfriend na ulit si Lois?" biro ko.

Hindi siya sumagot. Sabi ko na nga ba at laging tama ang mga hinala ko. Kaya naman pala all these years ay hindi interesado sa mga babae 'tong si Cooper ay si Lois pa rin talaga ang gusto niya. Akala ko seasonal crush lang ang meron siya noong hayskul para kay Lois pero seryoso pala.

"Ah! Kaya pala nag-install ka ng Alter kasi..." Hindi ko na tinuloy 'yung sasabihin ko kasi parang mas naging gloomy 'yung aura niya. Okay, naiintindihan ko na. "Look, if worried ka for her, pwede mo naman 'yon sabihin sa kanya."

"Well, you just encouraged her when you told her na hindi poser ang ka-chat mo," sabi niya habang tinatalian 'yung CPU ko sa sahig.

"Sorry naman, hindi ko kasi alam," sabi ko pagbangon. "Pero malay mo naman... Poser 'yung kausap niya." Tumawa ako.

Hindi pa rin tumaas ang spirit ni Cooper, siguro may iba ring dahilan ang lungkot niya. Alam kong may kinalaman do'n 'yung pag-give up sa hobby niya, ilang beses na rin kasi siyang pinatitigil ng parents niya dahil wala naman daw napapala si Cooper.

Well... 'Di ko maiwasang ma-guilty kasi kahit ako rin naman minsan ay hindi naniniwala sa mga idea na sinasabi niya. Most of the time naman ay supportive lang ako sa mga interes niya pero 'di ko sukat akalain na susuko siya.

Tinapik ko siya sa balikat. "Coops! Lilipas din ang lungkot, pero never give up on your dreams. 'Di ba sabi ko sa 'yo magiging future Nobel Laureate ka?" Naks, motivation speech coming from me? Parang mas kailangan ko nga 'yon eh.

Hindi na rin ako nagtagal pa, at kahit na inimbitahan pa akong kumain ng dinner ni Tita pero tumanggi ako kasi nakahihiya naman. Ako na nga ang nagpagawa kay Cooper makikikain pa ba ako.

Nag-taxi na ako pauwi dahil ayokong makipagsiksikan sa commute na dala ang CPU ko, hindi ko na inisip kung magkano 'yung pamasahe.

Pag-uwi ko'y hindi ko kaagad inayos 'yung CPU ko at una kong ginawa ay binuksan ko ang phone ko para tingnan kung may reply na mula kay Elora.

eloramariz: Just got home. How's your day?

Simpleng salitaan lang pero parang may kumiliti sa tagiliran ko. Hanep.

lord_elrond01: Uyy same! Kauuwi ko lang. Mabuti naman ako at happy!

eloramariz: That's nice, you seemed like an optimistic person, Elrond.

eloramariz: Bakit ka naman happy?

Kasi kausap na kita ulit. Gusto ko sanang i-reply kaso baka mandiri siya sa ka-cheesy-han ko.

lord_elrond01: Siyempre, motto ko kaya 'yung 'bawal ang sad' haha joke.

lord_elrond01: De kasi nakuha ko na kasi yung pinagawa kong CPU sa friend ko. Haha. Miss ko na maglaro kasi sa PC. Ikaw, kamusta araw mo?

eloramariz: As usual, same routine in school. Sinamahan ko yung friend ko kanina sa coffee shop.

Magre-reply sana agad ako nang makita ko siyang nagta-type pa kaya hinintay ko muna 'yon bago ako mag-reply.

eloramariz: Elora is typing...

Sumandal ako sa upuan habang nakatitig sa screen. Biglang nawala 'yung typing tapos lumitaw na naman.

lord_elrond01: Uyy ano yang pinag-iisipan mong i-type?

Bago ko pa ma-hit send 'yon ay biglang may kumatok sa kwarto ko. Narinig ko 'yung boses ni Tita Viel sa labas.

"Elrond, kain na tayo."

"O-okay po, saglit lang po," sagot ko naman agad. Binitawan ko muna tuloy 'yung phone ko para makapagpalit ng damit. Mahirap na't baka sermunan ako ni daddy kapag hindi ako agad bumaba para kumain ng dinner.

Pagkapalit ko ng damit ay nagtaka ako nang makita kong hindi na nadugtungan 'yung reply ni Elora. Mukhang nagbago 'yung isip niya sa kung ano man ang sasabihin niya.

lord_elrond01: Nice! Laman ka pala ng mga coffee shop ha. What's ur favorite coffee?

lord_elrond01: Uy, brb saglit kain lang ng dinner. Kain na na rin!

Pagbaba ko ay naabutan ko sila sa dining area na nagsimula nang kumain. Tumingin si daddy sa 'kin.

"Hi, Dad," bati ko sa kanya sabay upo.

Bukas ang TV na naka-hang sa pader kaya hindi nakapagtanong masyado si dad dahil nakikinig siya sa balita. Wala pa nga yatang ten minutes nang maubos ko 'yung pagkain ko.

"Elrond, kanin pa?" nakangiting alok ni Tita Viel. Umiling ako at saka tumayo. "Iwanan mo na lang—"

"Thank you po!" sabi ko at mabilis na umalis at bumalik sa kwarto ko.

Pagtingin ko sa phone ko'y may reply na ro'n si Elora.

eloramariz: Wala akong particular favorite. It depends on my mood, I guess.

lord_elrond01: Awts, sayang huhulaan ko pa naman ang personality mo based on your favorite coffee. Haha.

eloramariz: Ang bilis mo namang kumain, tapos ka na?

lord_elrond01: Haha gano'n talaga mga kaing gamer. Nakakain ka na ba ng dinner?

eloramariz: Laters pa. Hinihintay pa namin si daddy umuwi.

lord_elrond01: Ano ba work ng dad mo? If you don't mind me asking. Hehe.

eloramariz: He's an engineer, then my mom is an architect. Quite compatible, right?

lord_elrond01: Woah! Anong engineer dad mo? Angas naman ng parents mo, lalo na mommy mo!

eloramariz: Haha thanks. My dad's a Civil Engineer :)

Medyo nanlaki ang mga mata ko at kala mo'y may tumalon na kuneho sa puso ko nang mabasa ko 'yon. Grabe namang coincidence 'yon. Kung gano'n ay madali na lang pala if ever makausap ko magulang niya. Teka nga, kalma ka lang, Elrond. Gusto kong tuktukan 'yung sarili ko sa pagiging advance masyado ng utak ko.

lord_elrond01: O_O Civil din ako!

eloramariz: Kita ko nga sa profile mo. Haha

lord_elrond01: Mabuti hindi ka nila pinilit na maging engineer or arki rin? O_O

eloramariz: Nah, I told them right away that I wanted to pursue literature. Thank goodness they don't mind.

lord_elrond01: Ang swerte mo naman sa parents hehe.

eloramariz: Yeah, right.

eloramariz: How about your parents?

lord_elrond01: Si dad data scientist. Si mommy ang engineer, kaso hindi na rin niya pinraktis no'ng magpakasal sila ni dad.

eloramariz: Really? How's your mom doing now?

Natigilan ako bigla nang itanong niya 'yon. Napahinga muna ako nang malalim bago nag-type.

lord_elrond01: She passed away no'ng first year college.

eloramariz: Oh. I'm sorry, Elrond :(

lord_elrond01: Uy, don't be. Ice lang haha.

eloramariz: I hope you're not upset. Are you okay?

Medyo nasurpresa ako sa concern niya. Mukhang genuine 'yung pagtatanong niya.

lord_elrond01: Okay lang naman haha. Pero lately nalulungkot ako dahil naalala ko siya. Hindi pa rin kasi ako sanay na may bagong asawa si dad.

eloramariz: How do you cope up with it?

lord_elrond01: Cool lang naman sa 'kin. Siyempre iba pa rin yung nakasanayan. Sinusubukan ko namang mag-adjust. Thank you ha.

eloramariz: It's nothing. :)

eloramariz: I'm not sure if heaven do exist but I'm certain that your mom is always guiding you.

eloramariz: Elora is typing...

eloramariz: I'm sorry, I know it may not make sense... I'm not good at comforting people. But... I want you to cheer up. Bawal ang sad, right?

eloramariz: Dumating na si Dad. Talk to you later.

'Di ko namalayan na lang ilang segundo ang lumipas na nakatitig lang ako sa huling chat niya sa 'kin. Napangiti na lang ako sa sarili ko at saka tinabi ang phone ko.

Kailan ba 'ko ulit nakapag-open up ng gano'n sa ibang tao? Hindi ko na matandaan. Nakalimutan ko na nga ang pakiramdam ng ma-comfort. Simula nang mawala si mom noon ay unti-unti na ring lumayo ang loob ko kay dad dahil naramdaman ko ring lumayo siya. Hanggang sa nasanay na lang ako na mag-isa.

Siguro nga't iyon ang naging sanhi kung bakit nalulong ako sa video games. Sa mundo ng pantasya at adventure ko natakasan ang nagkukubling lungkot sa puso ko.

Isang oras din akong nag-set up ng CPU, pagkatapos ay binuksan ko 'yon at gumana na rin sa wakas. Salamat kay Cooper.

Kaagad kong binuksan 'yung folder kung saan nakatabi lahat ng pictures at memories namin ni dad na kasama si mom. Ngumiti ako nang maalala ang mga alaala ng kahapon. Walang duda na kay mommy ko nakuha ang optimistic outlook ko sa buhay.

Tumayo ako at pumunta sa cabinet ko, nilabas ko mula roon 'yung isang lumang gitara. Bumalik ako sa pwesto ko kanina at saka umupo.

Kinuha ko 'yung phone ko at pinindot ang record button.

"Hi, Elora. Na-appreciate ko 'yung sinabi mo kanina kaya bilang pasasalamat... Hayaan mo akong i-share sa 'yo ang paboritong kanta ni Mommy..." Akala ko nga nakalimutan ko nang tumugtog pero kusang nahanap ng mga daliri ko ang tono. "Day after day I must face a world of strangers, where I don't belong, I'm not that strong. It's nice to know that there's someone I can turn to, who will always care, you're always there..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top