Chapter 26
Elrond's POV
"STOP laughing, will you?" inis na saway sa 'kin ni Cooper pero imbis na tumigil ay mas lalo ko lang siyang tinawanan.
Napasapo na 'ko sa tiyan ko habang hawak ng isang kamay ko 'yung phone ko kung saan naka-display pa rin 'yung inedit kong picture. Pinagdikit ko kasi 'yung picture ni Cooper 1 ('yung Cooper dito sa mundo ko) at ni Cooper 2 (counterpart version ni Cooper sa universe ni Elora).
Dala kasi ng curiosity, sabi ko kay Elora ay kuhanan niya ng stolen shot si Cooper 2 at kanina lang ay sinend nito sa 'kin ang isang picture. Magkamukha naman talaga ang dalawang Cooper pero ang laki ng kaibahan nila, mula sa tindig, taste ng damit, pagkakayos ng buhok, at aura.
"Coops, kaunting ligo lang ang lamang nito sa 'yo," sabi ko nang tingnan ko ulit 'yung phone ko. "Kaya mo ring magmukhang heartthrob kahit nerd ka. Tingnan mo si Cooper 2, oh, mukhang chikboy kahit na imbentor."
"Will you shut it?" inis na sabi ni Cooper saka inagaw sa 'kin ang phone ko at binura 'yung inedit kong picture na may caption pang, 'Sinong mas angat? Sinong mas sikat?'. "Kung picture n'yo kayang dalawa ni Elrond 2 ang pagdikitin ko at ikumpara. Matutuwa ka kaya?" Bumalik siya sa kaninang pwesto at muling tinuloy ang paghihinang.
"Siyempre hindi," bulong ko at tinigil ko na ang pang-aasar sa kanya. "Ito naman, hindi mabiro. Sorry naman, Coops. Two weeks na tayong nandito sa warehouse ng tito mo—nakababagot na rin."
"I told you already, pwede ka naman nang umuwi—I can handle everything by myself."
"Sus, kahit na sabihin mong hindi ako genius katulad mo, kailangan mo pa rin ng manpower." Totoo 'yon. Dalawang linggo na naming pinagtutulungan ni Cooper gawin 'yung Janus 1, kailangan niya talaga ng assistant dahil kung wala siyang katuwang ay kawawang-kawawa siya. Ayoko naman siyang masyadong abushin. Gusto ko ring magkaroon ng ambag kahit na tiga-luto pa ako ng Pancit Canton.
"Yeah, right."
"At saka mas mainam na 'yung may katuwang ka para mas mapabilis 'yung paggawa natin," dagdag ko. "Alam mo ang swerte-swerte natin. Una, nagawa lahat ni Elora 'yung task niya, kasalukuyan na ring on-going ang Janus 2 sa universe nila—thanks to Cooper 2. And second, pumayag ang tito mo na ipagamit sa 'tin 'to."
Huminto saglit si Cooper sa ginagawa at itinaas ang face shield. "Wala naman na kasing gumagamit nito." Napabuntonghininga siya. "At saka mas maswerte 'yong counterpart ko dahil may sarili siyang laboratory."
Inabot ko sa kanya 'yung metal sheet na kailangan niya bago ako umupo. "Oo nga, eh. Anong pakiramdam na nalaman mo na... Na 'yung counterpart mo, eh... successful na inventor?" Curious lang din akong malaman. Bihira lang kasing maging emotional na tao si Cooper, at saka gusto ko talagang i-open para gumaan-gaan 'yung kalooban niya dahil alam kong mabigat din para sa kanya 'yon.
"Jealous, of course," sagot niya habang nagsusukat. "Because I thought... That could be me, but it's not. Naisip ko bakit nga ba hindi ako pinanganak sa universe na 'yon?"
Napangiti ako nang mapakla. Nakare-relate din ako sa sinabi niya na 'yon dahil gano'n ang nararamdaman ko sa tuwing naalala ko na 'yung counterpart ko ay may chance na makita si Elora araw-araw. Hindi katulad ko, kailangan pang gawin ang imposible... Walang kasiguraduhan pero... mayroon lang akong isang beses. Ang lupit talaga ng kapalaran.
"We'll be fine, dude." Napatingin ulit ako kay Cooper. Nag-space out kasi bigla 'yung utak ko. Mukhang naiintindihan niya na gano'n din ang nararamdaman ko. "At saka, mas okay pa rin ako rito. I don't mind not having those lavish laboratories."
"Huh? Bakit naman?" tanong ko. Muli siyang tumigil sa ginagawa at tumingin sa 'kin.
"At least, we're best friends here."
Napangisi ako. "Sabi ko na nga ba at tama ang suspetya ko—nababading ka na sa 'kin. Hahaha!" Nagsalubong ang kilay niya at kaagad niya akong binato ng mga turnilyo. "Aray! Joke lang—oy! Ito na! Tumatawag na si Elora!" Tumigil si Cooper at dali-daling inayos ang sarili. Inayos ko rin muna 'yung buhok ko bago ko sagutin ang tawag. "Hello, Elora!"
"Hi, Elrond!" masaya niyang bati sa 'kin. Base sa itsura ng background niya ay mukhang nasa laboratory na siya ni Cooper 2. "Is Cooper ready?"
"Oo, kanina pa atat na atat 'to."
"I'll give now my phone to Cooper."
"Elora, chat tayo mamaya—" Biglang hinablot sa 'kin ni Coops 'yung phone ko. Napasimangot ako. Ginagawa nila kaming operator o tulay ni Elora, pero 'di bale, para din naman 'yon sa magiging tagumpay ng project namin.
Iniwan ko muna si Cooper para makapag-usap sila nang mainam ni Cooper 2. Nagpunta ako ng tindahan at tumambay muna ro'n saglit para uminom ng softdrinks, binili ko na rin si Cooper ng maiinom.
Hindi ko sukat akalaing dalawang linggo na ang lumipas matapos naming opisyal na simulang gawin ang Janus. Nilahad sa 'kin ni Elora ang mga nangyari, noong una raw ay ayaw pumayag ni Cooper 2 pero mabuti na lang ay kaagad din nilang nakuha ang Esoterra kay Sanjay 2.
Mabuti na nga lang din at hindi ako gano'n ka-inusig ni dad kung bakit kailangan kong mag-overnight nang matagal kina Cooper. Sinabi ko na importante 'yung project na ginagawa namin para sa school (kahit hindi naman talaga).
So far okay at smooth naman ang process. Sa pagkakaalam ko'y tumutulong din si Elora kay Cooper 2 kahit na ayaw ng huli. Naisip ko bigla 'yung napag-usapan namin kanina. Hindi pala kami magkaibigan ni Cooper sa universe ni Elora, parang... parang ang lungkot naman n'on.
Pabalik ako sa warehouse nang biglang may tumamang maliit na bato sa ulo ko. Anak ng—
"Hoy, Elrond!" Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino 'yon. "Hoy!"
Kumaripas ako ng takbo pero sa kasamaang palad ay madali niya lang akong naunahan, dati nga palang sumasali sa track and field competition 'tong si Lois.
"Bakit mo ako tinakbuhan?!" hingal niyang sigaw sa 'kin.
"Lois naman! Para kang multo kung sumulpot! Bakit ka nandito?!"
"Dalawang linggo kayong walang paramdam ni Cooper sa university! Tapos narinig ko kay Dominic na may project daw kayo! Kung hindi pa 'ko nagpunta sa bahay ni Cooper at itanong kay Tita kung nasaan kayo, hindi ko malalaman! Bakit n'yo ko nile-left out?! Ang sasama n'yong kaibigan!"
"Lois, ano kasi... Confidential kasi 'yung ginagawa namin ni Coops—"
"Confidential o kababalaghan 'yang ginagawa n'yo?!"
"Kababalaghan—pero hindi malaswa at bastos katulad nang iniisip mo! Basta, sobrang complicated."
Walang ano-ano'y biglang ngumalngal na parang bata si Lois. "Kayong dalawa na nga lang ang naging solid tropa ko no'ng hayskul, iiwan n'yo rin pala ako?"
"Hoy, huwag ka ngang umiyak, parang tanga 'to—" Mas lalong lumakas 'yung pag-iyak ni Lois. "Tsk. Oo na, sasabihin ko na. Pero magpramis ka na makikinig kang mabuti at huwag kang maingay."
Kaagad siyang huminto sa pag-iyak, sabi ko na nga ba't magaling lang umarte 'tong babaeng 'to. Sabay kaming naglakad pabalik ng warehouse pero bago 'yon ay nagpalibre pa ang gaga ng inumin at pagkain dahil pinaiyak ko raw siya.
Nang ikwento ko sa kanya 'yong buong summary ng nangyari ay maubo-ubo siya. Bago pa siya sumigaw at mag-react ay tinaas ko 'yong kamay ko.
"Hep! Hep! Hep! Bawal mag-react ng OA. Lahat ng kinwento ko sa 'yo ay totoo at may ebidensya, hindi ko lang maipakita sa 'yo kasi gamit ni Cooper 'yong phone ko at ka-meeting niya 'yung counterpart niya tungkol sa project."
Natikom ang bibig ni Lois. Hinayaan ko muna siyang i-digest ang mga nalaman niya dahil alam kong parang sasabog ang utak niya sa nakawiwindang na nangyari. Umupo siya ulit at natulala sa kawalan.
"Okay ka lang, Lois?" tanong ko.
"Alam mo... Ako pala ang dapat n'yong sabihan na walang kwentang kaibigan," mahina niyang sabi. "Sinubukan akong tulungan ni Cooper noon pero... Imbis na maniwala sa kanya..." Tumulo ang luha mula sa mga mata niya. This time alam kong hindi 'yon peke. "Ako nga rin dapat ang magtanong sa 'yo niyan, Elrond. Okay ka lang?"
Tumango ako pero hindi ko mapigilang matawa. "Saracastic ba 'yang tanong na 'yan?"
"Seryoso kasi." Umirap siya. "Sorry... Kung masyado akong naging skeptic."
"Kay Cooper ka dapat mag-sorry." Tumango siya sa sinabi ko. Tumayo ako at sumilip sa loob, mukhang kakatapos lang ng meeting nila. "Tara." Noong una'y nag-alangan si Lois pero wala siyang nagawa nang hilahin ko siya. "Coops!" tawag ko. "May bisita tayo."
"Who?" Natigilan siya nang makita kung sino 'yung nasa likuran ko. "Lois? Why are you here?" Hindi nakasagot 'yung kasama ko kaya ako na ang nagsalita.
"Nag-aalala raw siya sa 'tin kasi hindi niya tayo mahagilap sa university." Sumulyap ako kay Lois at tumango sa kanya bago ako muling tumingin kay Cooper. "Nandito siya para tumulong."
"Ha?" sabay na reaksyon ng dalawa. Kinindatan ko si Lois.
"At saka may gusto rin nga palang siyang sabihin sa 'yo." Tinulak ko si Lois. Nawala ang tapang niya kanina, maging si Cooper ay naninibago.
"Ano... Sinabi sa 'kin ni Elrond lahat... Tungkol sa ginagawa n'yo."
"What? Elrond, why—"
"Don't worry dahil hindi ko ipagkakalat. I'm sorry, Cooper. Kung hindi ako naniwala sa 'yo noon. I'm sorry kung masyado akong naging rude sa 'yo."
"Y-You mean... Naniniwala ka? N-Naniniwala sa 'min?" hindi makapaniwalang tanong ni Coops.
Dahan-dahang tumango si Lois. "Hindi man one hundred percent...pero gusto ko kayong tulungan, you know, like the good old days? P-Pwede ba akong tumulong?"
Ilang segundong katahimikan bago tumango si Cooper. "You're just right in time, we need more hands."
"Tingnan mo, parang sabi niya kanina umuwi na raw ako," bulong ko sa sarili ko.
"May sinasabi ka, Elrond?" si Cooper.
"Wala!" nakangisi kong sagot. "Sabi ko nga tutulong na kami."
"Oy, tutulong ako pero hindi ako makiki-overnight!" sabi ni Lois, ngayon ay masayang-masaya na.
"Alright, let's do this!" hyper na sigaw ni Cooper. Base sa reaction niyang 'yon ay mukhang nakumpleto na nila ni Cooper 2 ang final formula para sa Janus.
*****
ISANG buwan ang nakalipas. Maraming salamat sa joined forces ng utak ng dalawang genius ay natapos na rin ang Janus! Malaking tulong ang pagsama sa 'min ni Lois dahil bumilis ang paggawa namin. Isang buwan ang nagdaan nang gano'n kabilis at hindi ko sukat akalaing tapos na... Hindi ko namalayan dahil nag-eenjoy lang kami sa proseso.
Nakatayo kaming tatlo sa harapan ng Janus 1, fully erected, akala mo'y gagamitin lang na props sa movie pero totoong-totoo 'yon. Sa oras na i-activate ni Cooper ang Esoterra ay mabubuksan ang lagusan papunta sa iba't ibang dimension.
Noong hapong 'yon ay natapos namin ang final touches ng Janus. Hinihintay na lang namin ang tawag nina Elora para muling i-confirm ang date and time ng launching ng Janus. Nang mag-meeting ay hindi pa rin makapaniwala si Lois na totoo talaga ang parallel worlds—dahil kitang-kita niya ang dalawang Cooper na nag-uusap nang casual.
"Natapos na natin 'yung Janus ngayon ka lang talaga naniwala?" bulong ko kay Lois habang nakatayo kami sa likuran ni Cooper.
"Wow, sorry naman ha, kasi nawi-witness ko lang naman ang isang himala. At saka... In fairness, ang ganda talaga ng chix mo," sabi niya at nginuso si Elora na nasa likuran ni Cooper 2. "At saka nasaan 'yung counterpart mo? 'Di ba sabi mo katuwang din nila 'yon?"
"Aba, malay ko ro'n."
"Sus, 'di naman halatang pinagseselosan mo 'yung sarili mo," sabi niya at tumawa nang mahina. "Hmm... Ibig sabihin may counterpart din ako sa universe nila? Ano kayang ginagawa ko ro'n?"
"Gusto mong malaman?"
"Hoy, Elrond—"
"Excuse me." Bigla kong hinawi si Cooper. "Uhm... hello Mr. Cooper, nagwa-wonder lang kami kung may kilala ka rin bang Lois diyan?"
"Hoy! Kupal ka!" Hinampas ako ni Lois pero hindi ko siya pinansin.
"Uhm. Yeah," nag-aalangang sagot ni Cooper 2.
"Uy, ang galing! Magka-ano-ano kayo riyan? Magjowa ba kayo—aray ko!" Bigla ba naman akong kinurot ng plais ni Lois!
"Nope. As a matter of fact, patay na patay sa 'kin ang babaeng 'yon, but I told her that we're just friends." Pagkasagot n'on ni Cooper 2 ay humagalpak ako ng tawa.
"Tangina ka, Elrond!" pinagmumura ako ni Lois at tawa lang ako nang tawa.
"Hey, stop it, you two," saway sa 'min ni Cooper pero maging siya'y nagpipigil ng tawa. Inakbayan ko si Cooper.
"Okay lang 'yan, Coops. At least, alam mo na fair 'din minsan ang mundo—aray!" Binatukan kami parehas ni Lois. Hindi pa rin ako tumigil sa pagtawa. Si Cooper 2 ay napailing, si Elora naman ay nakita kong natatawa rin.
*****
"YOUR friends are so cool," dinig kong sabi ni Elora habang nakasakay ako ng bus pauwi sa 'min. Magkatawagan kami ngayon, sa wakas nga't nakapag-usap na rin kami dahil isang buwan kaming naging subsob sa paggawa ng Janus.
"Mga kolokoy rin 'yong mga 'yon katulad ko. Kaya nga magkakasundo kami," sagot ko. Narinig kong napabuntonghininga si Elora.
"Sadly, hindi gano'n ka-close si Elrond dito kay Cooper."
"Sabi mo nga noon."
Bukas na 'yung launch day namin—bukas magkikita na rin kami. 9 AM ang napagkasunduan naming oras, mas mainam 'yung mas maaga para in case na magkaroon ng aberya ay maayos din agad.
Kahit na hindi namin banggitin ay alam kong parehas kaming excited at kinakabahan ni Elora. Ang daming what ifs panigurado sa mga utak namin kaya mainam na nag-uusap kami ngayon para pakalmahin ang isa't isa.Hindi ko rin maiwasang itanong pa rin sa sarili ko, ano nga kayang mangyayari? What could possibly go wrong?
"Bakit ka nga pala uuwi sa inyo? Gabi na, ah," puna niya.
Ala siete ng gabi ako umalis kanina ng warehouse, tinulungan ko pa kasi si Cooper maglinis at magligpit.
"Uuwi lang ako saglit sa 'min para kumuha ng mga damit," sagot ko. "Pero babalik din ako kaagad sa warehouse." Siyempre, gusto ko kapag nagkita kami ni Elora ay 'yung pinakamagandang damit ko ang suot ko, isang beses na nga lang kami pwedeng magkita dapat 'yung gwapong-gwapo ako.
"So, are you ready for tomorrow?"
"Ikaw?"
"Ako ang naunang magtanong, Elrond."
"Hmm... Siguro. Excited na akong makita ka at si..."
"Hey, it will be fine. Okay?"
Napangiti ako. "Ngayon pa lang ay iniisip ko na ang mga dapat kong sabihin kay Mommy. Baka mamaya bigla akong ngumalngal sa harapan niya."
"I'm sure you'll find the right words."
"Thank you for making this possible, Elora."
"I'm really glad too that I am able to help you."
"So, pa'no ba 'yan? Ire-reserve ko na rin lahat ng mga salita na dapat kong sabihin sa 'yo bukas."
"Ako rin. I guess I'll see you tomorrow."
"See you tomorrow—totoo na 'to."
Naputol ang tawag namin nang may matamis na ngiti sa labi ko.
Nang makarating ako sa bahay ay mabilis akong kumilos. Pagkaligo ko'y nag-impake ako ng mga bagong damit. Kailangan ko ring makabalik agad sa warehouse dahil naghihintay si Cooper, matatakutin pa naman 'yon mag-isa.
Mabuti nga't tulog na si dad kaya hindi na ako na-interrogate pa. Salamat kay Tita Viel dahil siya na lang daw ang magsasabi kay dad. Wala pang isang oras ay muli akong lumabas ng bahay para bumiyahe pabalik ng warehouse.
Tinawagan ko si Cooper para sabihing on the way na ako. Kaso, anak ng tipaklong, wala pa ring pinagbago ang loko dahil ayaw sagutin ang tawag. Baka busy sa laptop niya. Mabilis lang ang biyahe ng bus dahil gabi na.
Napakunot ako habang naglalakad nang matanaw kong bukas na bukas 'yong malaking pinto ng warehouse. Biglang may tumusok sa dibdib ko nang pumasok ang isang kutob. Tumakbo ako papasok sa loob at parang mahuhulog ang puso ko sa kaba.
Wala ni anino ni Cooper.
At nawawala rin ang Janus.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top