Chapter 22


Elrond's POV

NAKAILANG dasal na ako para lang sagutin niya ang tawag ko ngayong gabi. Kanina pa nga ako palakad-lakad at paikot-ikot sa loob ng kwarto ko. Namawis na 'yung tainga ko, pinunasan ko muna gamit ang laylayan ng T-shirt ko 'yung screen kong lumabo.

"Coops, anak ng tipaklong ka, sagutin mo ang tawag ko." Biglang may kumatok sa pinto kaya halos mapatalon ako sa gulat.

"Elrond? Kakain na tayo." Narinig ko ang malambing na boses ni Tita Viel. Ibinaba ko muna 'yung phone ko at binuksan ang pinto.

"Uhm... Mauna na po kayo, may importante lang akong tinatapos. Sorry po," sabi ko at ngumiti nang alanganin. Hindi pa man natatapos ang pagtango ni Tita Viel ay sinarado ko na ang pinto. Masyado akong naaburido simula nang makauwi ako kanina, kanina ko pa rin tinatawagan si Cooper pero ayaw naman sumagot ng mokong.

Umupo ako sa may kama habang paulit-ulit na nagri-ring ang phone ni Cooper. Hanggang sa narinig ko ang pagsagot niya'y napatayo ako bigla.

"Hell—"

"COOPER! SALAMAT NAMAN AT SINAGOT MO NA ANG TAWAG KO!"

"Ouch, dude. Hindi mo naman kailangang sumigaw," reklamo niya. "Katatapos ko lang sa research namin. Pasensya naman."

Huminga muna ako nang malalim at inayos ang sarili ko. "Okay, chill, relax ka lang at makinig ka sa 'kin nang mabuti."

"Dude, ikaw 'tong dapat mag-chill—"

"Buhay ang mommy ko!" Napatakip ako ng bibig sa lakas ng boses ko.

"What?"

"I mean... Buhay ang mommy ko sa universe ni Elora."

"That's good to hear, I guess," nag-aalangan niyang sagot.

"Gusto ko siyang makita."

"Okay—what? Wait, wait. Pwedeng paki-explain nang mabuti."

Sa sobrang taranta ko'y nakalimutan kong banggitin sa kanya na nakapag-usap na pala ulit kami ni Elora kaya ayun kinuwento ko sa kanya 'yung nangyari kanina. Hindi sumasagot si Cooper pero alam kong patango-tango lang siya kagaya sa tuwing nagkukwentuhan kami.

"You told her what?" iyon ang reaksyon niya matapos kong magsalaysay.

"Sinabi ko na—"

"Na may paraan, yeah, I heard you."

"Narinig mo naman pala—"

"You already told her kahit wala pa tayong napapatunayan?" Hindi ko matimpla kung anong mood niya. Bigla akong napakunot.

"Wait, 'di ba game na game ka ngang mag-investigate?"

"Yes. Investigate. Iyon muna, hindi ba?"

"Teka, bakit parang nag-aalangan ka?" asar kong sabi.

"Chill, dude. Ang sa 'kin lang naman, para kasing binigyan mo ng false hope 'yung tao na may paraan. It's just too soon to tell her that there's a way."

"Cooper, we need to find a way. I'm sure may paraan para makapunta sa universe niya. Anything's possible, ikaw ang nagsabi sa 'kin niyan," walang preno kong sabi. Hindi kaagad sumagot si Cooper sa kabilang linya. Ilang segundo ang lumipas bago ko narinig ang mahina niyang tawa. "Hoy, anong nakakatawa?"

"Sorry, dude. I'm just testing you for a bit." Para naman akong binuhusan ng tubig nang sabihin niya 'yon. "I know I pissed you, it means that you're really serious about this."

"O-Oo."

"Why?" Hindi ko sukat akalaing itatanong niya 'yon. "You want to see your mom, right? Why?"

Napalunok ako nang sunod-sunod. Bakit nga ba... Bakit gusto kong makita si mommy? Natulala ako sa kawalan habang hinuhukay ko sa isip ko ang dahilan kung bakit.

Ever since she died, walang ibang laman ang puso ko kundi pagsisisi. Tama. Iyon nga ang dahilan. Ako kasi ang pinakawalang kwentang anak noon at pinakaduwag na nilalang sa buong mundo. Napaupo ako bigla sa kama nang maramdaman ko na may parang kumirot sa dibdib ko.

Tandang-tandang ko pa rin kahit matagal na nangyari. Nang malaman ko na apat na taon nilang itinago sa 'kin ang tungkol sa sakit ni mommy. Sabi ni dad, mas mabuti raw 'yon dahil bata pa raw ako at hindi ko maiintindihan. Hindi ko lang matanggap na kung bakit kung kailan malala na ang cancer ni mommy ay doon lang nila sasabihin sa 'kin.

Naging suwail akong anak, naging bulakbol ako no'ng huling taon ko sa hayskul. Pero ang totoo ay umiiwas lang ako... Iniwasan kong harapin si mommy at ang katotohanan na may sakit siya. Hindi ko kasi kaya, pinapakita ko lang na wala akong pakialam noon pero sa kalooban ko'y takot na takot ako.

Isang beses tinawagan ako ni dad para papuntahin sa ospital, pero...hindi ako pumunta agad. Kung alam ko lang na iyon na pala ang huling araw ni mommy sana pala... Sana pala...

"Elrond? Still there, dude?"

"Ah... Oo..." Nagbalik ako bigla sa kasalukuyan. "Gusto kong makita si Mommy... Gusto ko lang mag-sorry."

Si Cooper naman ang hindi nakasagot agad. Winawari ko kung sapat na bang dahilan 'yon para pilitin namin na magkaroon ng paraan.

"Okay, I understand," sagot bigla ni Cooper. "Tomorrow, let's meet after class."

"Coops."

"Yes?"

"Tingin mo ba na posible... na may paraan?"

"Trust me, dude. I think I'm born to do this."

Napangisi ako at mabuti't napigilan ko siyang tuksuhin dahil sa cheesy niyang linya. "Okay, kitakits."


*****


GAEA

Iyon ang pangalan ng app developer ng Alter nang i-research ko kagabi. Nag-research ako kagabi tungkol sa company nila at napag-alaman na naka-base sila sa Pilipinas. Bukod sa Alter ay wala na silang ibang app o program na ginawa, kakaunti lang din halos ang information tungkol sa kanila.

Katulad ng napag-usapan namin ni Cooper ay nagkita kami noong uwian pagkatapos ng mga huling klase namin. Madali lang din namin natunton ang location ng HQ ng GAEA dahil malapit-lapit lang 'yon sa university namin.

"Ayokong isipin na coincidence lang 'to," sabi ko habang naglalakad kami papasok sa isang eskinita. Sinusundan lang din kasi namin 'yung mapa sa phone namin.

"Heh, you're starting to believe in conspiracy now, Elrond?" nakangising sabi ni Cooper at nagkibit balikat lang ako.

"Kahit ano paniniwalaan ko na ngayon, Coops." Parallel universe nga totoo, 'di ba?

Parehas kaming huminto sa paglalakad nang marating namin ang location ayon sa mapa. Nakatayo kami sa harapan ng isang lumang-lumang building na may dalawang palapag. Kupas na kupas ang pintura, nangingitim at kinakalawang—in short parang bulok na.

Luminga-linga kami sa paligid at napagtanto na 'yung area na kinaroroonan namin ngayon ay puro mga abandonadong gusali, nakatakip na ang iba at may mga signage na ibu-bulldoze na ang iba para tayuan ng isang malaking condominium.

Nakapagtataka dahil walang katao-tao, wala ngang nagbabantay. Ito 'yung tipo ng lugar na pinamumugaran ng mga hoodlum o ng mga homeless people. Sa madaling salita, delikado.

Bubuka pa lang ang bibig ko para sabihin kay Cooper na umalis na kami nang humakbang ito palapit sa pinto ng building.

"Weird," dinig kong sabi ni Cooper. "Nasa tamang lugar naman tayo. Look." May tinuro si Cooper sa itaas at pagtingin ko ro'n ay nakita ang GAEA na signage.

"Baka naman matagal na silang nakalipat ng ibang HQ, hindi lang updated sa internet," sabi ko. "Hoy, saan ka—" Pero huli na para sawayin si Cooper dahil walang pakundangang pumasok siya sa loob! Kaya wala akong ibang nagawa kundi sundan siya.

Sinubukang buksan ni Cooper ang ilaw pero hindi 'yon gumagana. Dahil sa basag-basag na bintana ay nakapasok sa loob ang liwanag, pero maya-maya pa'y didilim na rin kaya binuksan ko na 'yung flashlight ng phone ko.

Halatang dating opisina ang lugar pero parang dinaanan 'yon ng delubyo dahil kalat-kalat ang mga gamit, akala mo'y nilooban ng mga magnanakaw. Napatakip ako ng ilong dahil sa halo-halong mabahong amoy—amoy alak, mapanghi, at iba pa. Hindi malabong tinitirhan 'to ng mga taong grasa.

"This place was ransacked," dinig kong sabi ni Cooper.

"Kita ko nga," sabi ko habang nasa likuran niya.

"I got a bad feeling about this, dude," sabi niya pero ni hindi man lang nagpakita ng anumang takot at talagang diretso pa sa lakad. "It's like... the raiders were looking for something."

"Ano naman kaya 'yon?" tanong ko. Namalayan ko na lang na nasa second floor na kami ng building. "Hindi kaya..."

Natahimik kami parehas ni Cooper. Parehas kami ng iniisip. Nakarating kami sa isang executive na opisina dahil iyon ang pinakamalaki, nakataob ang mesa at sabog-sabog ang mga papel. Natigilan kami bigla ni Cooper nang sabay naming makita ang pader.

"Holy shit." Nagkatinginan kaming dalawa bago ulit namin tiningnan ang pader.

"This is the real deal."

May disenyo ng galaxy wall ang pader, may mga bilog doon na magkakakonekta at ang mga bilog na 'yon? Planet Earth. At sa pinakagitna nito ay mayroong tila source ng connection ng lahat, isang triangle.

"Tingnan mo 'yon, Coops"—tinuro ko 'yung gitna—"posibleng iyan 'yung something na nagkokonek sa mga parallel universe."

"Yeah. It's like a powerful source, machine, or something." Muli kaming nagkatinginan.

"Hindi kaya... Ni-ransack ang lugar na 'to dahil... dahil sa triangle na 'yon?" Sunod-sunod na tumango si Cooper.

"Whatever that thing is... Iyan ang dahilan kung bakit nagkaroon ng connection ang Alter sa parallel universe!" bulalas ni Cooper.

"Kailangan nating mahanap 'yon!" Tumango kami sa isa't isa at dali-dali kaming kumilos. Kinuhanan muna ng litrato ni Cooper ang pader.

Sinubukan pa rin naming hanapin 'yung triangular device na 'yon o anumang clue kahit malabo pa sa malabo na may mahahanap kami. 'Di kalaunan ay sumuko rin kami ni Cooper nang tuluyan nang dumilim. Wala kaming nahanap kahit na isa, ni ultimo papel o ano.

"Coops, umuwi na muna tayo—" Napapitlag kami parehas nang may marinig kaming ingay sa labas. Kaagad kaming patagong sumilip sa bintana at parehas nanlaki ang mga mata namin. May nakita kaming tatlong lalaki na nakasuot ng pormal sa harapan nitong building, pero sa hilatya ng mga mukha nila ay alam mong hindi sila gagawa ng maganda. Hinihingal ang tatlo, parang kagagaling lang sa takbuhan.

"Sheesh, mukha silang mga yakuza," bulong ni Cooper. Tumango ako dahil iyon nga rin ang nasa isip ko.

Pinagmasdan namin ang galaw ng tatlong lalaki, may kausap sa cellphone ang isa, 'yong isa ay nagsindi ng yosi, at 'yong isa ay biglang nilabas 'yung baril. Sabay kaming napaupo ni Cooper nang makita 'yon.

"Boss, nakatakas 'yong agent—sorry, Boss! Hinahanap na namin—hindi na 'yon makatatakas nang buhay," dinig naming sabi ng isa sa kanila.

"Elrond, we need to get out of here," bulong ni Cooper. Kabadong tumango ako. Automatic na napagkone-konekta namin ang mga nadatnan naming sitwasyon dito. Theory man ang lahat pero posible—kahit ano posible na at hindi malayong-malayo na may mga masasamang tao na gusto ring umangkin sa teknolohiya ng GAEA.

Dahan-dahan kaming kumilos ni Cooper para maghanap ng fire exit. Alam naming patay kami kapag lumabas kami sa pinasukan namin dahil tiyak na kukwestiyunin kami ng tatlo kung anong ginagawa namin dito.

Nakahanap kami ng fire exit at safe na nakababa sa likurang bahagi ng building, maingat ang kilos namin ni Cooper dahil kinakalawang at lumalangitngit ang hagdan. Kaso kung kailan naman akala namin okay na ay biglang tumunog ang Voltes V ringtone ni Cooper.

"Anak ng—" Bago pa ako makapag-react ay napatay na agad ni Cooper 'yong cellphone niya—alarm pala.

"Cooper naman—"

"Don't move." Parehas kaming nanigas ni Cooper nang marinig namin ang isang boses sa likuran namin. Halos pigilin ko ang hininga ko nang maramdaman ang isang bagay na nakatutok sa ulo ko na tiyak kong delikado. Automatic akong napataas ng mga kamay, gayon din si Cooper. "What are you doing here?"

Napalunok ako. Sasabihin ko ba ang totoo? Paano kung...

Kusang gumalawa ng leeg ko at dahan-dahan akong lumingon. Pinanlakihan ako ng mata ni Cooper. Ewan ko kung bakit pero parang pamilyar ang boses na 'yon.

At hindi nga ako nagkamali. Nang magtama ang paningin namin ay kusang bumaba ang braso niya.

"Elrond?"

"S-Sanjay..." Nakahinga ako nang maluwag at napalitan ng pag-aalala ang takot ko nang makita ko ang kalagayan niya. May mga tama siya sa mukha at may dugo sa ilong at bibig niya. "Anong nangyari sa 'yo?!"

"You answer my question first. What are you doing here with your friend? It's dangerous!"

Imbis na sumagot ako'y kinuha ko 'yung phone ni Cooper at pinakita sa kanya 'yung picture ng pader kanina. Nang i-zoom ko ang larawan sa gitna nito'y nanlaki ang mga mata ni Sanjay.

"Hinahanap namin 'to."

"Why?" hindi makapaniwalang tanong ni Sanjay.

Napapikit ako saglit. "It sounds crazy pero gagawa kami ng paraan para makapunta sa parallel universe. Remember the story I told you before? Totoo 'yon!"

"Elrond, bakit mo sinabi, at saka sino ba siya?" nagtatakang tanong ni Cooper pero hindi ko muna siya pinansin.

"You think you can make it?" seryosong tanong ni Sanjay.

Tumingin ako kay Cooper dahil alam kong siya ang makasasagot nito. Nakuha naman agad ni Cooper 'yon kaya siya ang sumagot. "We believe, we can. Nothing's impossible."

Napangisi si Sanjay at napailing. Ilang sandali pa'y huminga siya nang malalim at tinago ang baril. Sumandal siya sa pader at muling hinabol ang hininga. Doon ako natauhan—bakit siya may baril? At ano bang nangyari sa kanya? 'Yong narinig namin kanina... Siya ba 'yung agent na...

"Alright... Since I'm a half-dead man, anyway... They won't stop chasing me until they kill me." Napakunot ako sa sinabi niya. "I'll give this to you." Nilabas niya mula sa loob ng jacket niya ang isang bagay, inabot niya ang kamay niya at automatic na tumaas ang kamay ko. Pagkatapos ay nilagay ni Sanjay ang isang bagay sa palad ko.

"Elrond, this is the..." Bago pa matuloy ni Cooper ang sasabihin niya nang muling tuumayo nang matuwid si Sanjay at nagsalita.

"It's called the Esoterra, a device that can transmit and receive frequencies from other dimensions, it also contains an incomprehensible energy that might be able to use in multiverse travel."

Nakatitig lang ako sa maliit na pyramid na device, kulay itim lang 'yon at sa tingin ay aakalain mong laruan lang. Dinama ko ang bigat nito sa palad ko at ang kakaibang kuryente na dumadaloy sa kamay ko. Parang gusto kong bitawan dahil sinisigaw nito ang panganib ng kapangyarihan nito.

"Press it," utos ni Sanjay.

Nanginginig man ang mga kamay ko'y dinama ko ang maliit na button sa ilalim at pinindot 'yon—muntik na kaming mapasigaw ni Cooper nang lumabas sa ere ang sandmakmak na codes na hindi ko maintindihan. Naglaho rin 'yon nang pindutin ko ulit ang ilalim.

May naramdaman kaming kalabog mula sa second floor kaya sabay-sabay kaming napaupo. Nilabas ni Sanjay ang baril niya at muling bumalik ang kalabog sa dibdib ko.

"If you're planning to use it for multiverse travel, the codes will help you," mahinang sabi ni Sanjay, nagmamadali.

"Teka lang—hindi mo pa napapaliwanag sa 'min kung anong nangyari sa 'yo—"

"There's no time for that, mate," nakangiting saad ni Sanjay sa 'kin. "At least, if you'll be successful on creating a portal, after twenty-four hours the Esoterra will be destroyed—mas mainam na 'yon kaysa mapunta sa maling kamay. I trust you, Elrond."

"P-Pero... Paano mo nagawang ibigay sa 'kin ang ganitong ka-importanteng bagay?"

Tinapik niya ako sa balikat. "I've been watching you, Elrond. Kayong dalawa lang ni Elora ang namumukod tanging nagkaroon ng awareness sa sitwasyon." Halos mapanganga ako nang sabihin niya 'yon. "I'm glad we met again here. The universe conspired this to happen," sabi niya at saka dahan-dahang sumeryoso ang itsura. "Now, I'll distract them while the both of you escape. Make sure they won't see you, okay?"

"Pero—" Muli kaming nakarinig ng ingay, palapit na 'yung mga humahabol sa kanya sa fire exit sa second floor!

"Go!" Tinulak ako ni Sanjay at si Cooper ang humila sa 'kin. Wala akong ibang nagawa kundi tingnan si Sanjay na umakyat ng fire exit para salubungin ang mga taong humahabol sa kanya—para rin makatakas kami.

Takbo lang kami nang takbo ni Cooper, hanggang sa tumigil lang kami nang marinig namin ang tatlong paputok ng baril. Nang tangkain kong lumingon ay kaagad akong hinila ni Cooper. Tumakbo kami nang tumakbo hanggang sa makaalis kami sa eskinita na 'yon.

Sa sobrang taranta namin ni Cooper ay sumakay kaming dalawa sa nakahintong taxi sa gilid. Gulat na gulat 'yung driver sa biglaan naming pagsakay. Si Cooper ang nagsabi kung saan kami dalhin—sa malayong-malayong lugar.

Hinihingal pa rin ako at binging-bingi sa lakas ng tibok ng puso ko. Saka ko naramdaman ang kirot sa palad ko.

"Dude, your hand is bleeding!" bulalas ni Cooper nang makita 'yung kamay ko na hawak-hawak pa rin 'yung Esoterra. Hindi ko namalayan na sa sobrang takot ay sobrang higpit nang pagkakahawak ko rito.

Parang sasabog 'yung utak at puso ko sa mga biglaang nangyari. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman.

"Cooper—" Binigay ko sa kanya 'yung hawak ko. "H-Hindi na tayo pwedeng umatras."

"Yeah, we're in a deep and crazy shit now."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top