Chapter 2
Elrond's POV
ANAK ng lion king naman. Mukhang naalog sa truck 'yung kahon nitong pc ko; nai-assemble ko naman nang tama pero ayaw bumukas ng lintik. Kating-kati pa naman akong maglaro ngayon. Napaupo na lang ako sa kabibili ko lang na gaming chair, parang na-excite ako sa wala.
Sinipa-sipa ng paa ko 'yung kahon na walang laman sa sahig. Kapag nakita ako ni daddy rito na hindi pa rin nakapag-aayos ng mga gamit ko ay sure akong sermon ang aabutin ko. Pero imbis na magligpit ay sumandal ako sa kinauupuan ko't tinaas pa ang paa sa study table. Ma-text nga si Cooper.
'Coops, tulong naman, p're. Ayaw bumukas ng pc ko.'
Habang hinihintay ko 'yung reply ni Cooper ay biglang sumungaw 'yung kapatid kong bubwit sa pintuan.
"Daddyyyy, si Kuya Elrond hindi pa nagliligpit!" sigaw ng loko-lokong bata. Dali-dali akong kumilos para ayusin 'yung mga kahon sa gilid.
"Elrond, ano 'yang mga kalat mo? Hindi ka pa rin tapos mag-ayos?" Sunod na lumitaw sa pintuan si dad. Umayos ako ng upo sabay kamot sa batok.
"Dad, inayos ko po kasi 'yung computer ko, ayaw kasing bumukas, kaskasero 'ata 'yung driver n'ong truck. eh," sabi ko at napailing naman siya.
"Computer na naman. Tigilan mo muna 'yan, kakain na tayo." Binuhat niya si Elizer bago umalis. Saktong nakita ko naman 'yung reply ni Cooper na pupunta siya rito sa bahay para ayusin 'yung pc ko. Yes!
Mabilis lang akong kumain, halos hindi nga ako napansin nina daddy at Tita Viel dahil kay Elizer nakatuon ang atensyon nila. Pagkakain ko'y kaagad akong nagpunta sa may lababo sa kusina dala 'yung pinagkainan ko.
"Elrond, kahit iwan mo na lang diyan, ako na ang maghuhugas ng plato," nakangiting sabi sa 'kin ni Tita Viel pero tinuloy ko pa rin 'yung ginagawa ko.
"Sorry po, nasanay na ako, eh," sagot ko naman habang kinukuskos 'yung kutsara't tinidor. Noong kaming dalawa lang kasi ni daddy ang magkasama noon ay nasanay ako na kanya-kanya kaming hugas ng pinagkainan, madalas late kasing umuwi si dad noon. "'Di bale, next time, Tita Viel."
Nagkatinginan silang dalawa ni dad nang sabihin ko 'yon. Pagkabanlaw at punas ko sa plato ay dali-dali akong umalis pero narinig ko 'yung sinabi ni dad.
"Masyadong nahuhumaling sa games ang batang 'yan. Sinabi ko na rin na mommy ang itawag niya sa 'yo."
"Ayos lang naman, darling."
Natigilan ako saglit nang makarating ako sa hagdanan at saka napatitig sa malaking wedding picture na nakasabit sa pader. Mukhang masaya naman talaga si dad sa naging desisyon niya kahit na noong una'y hindi ako makapaniwala na wala pang isang taon silang magkarelasyon ni Tita Viel nang magpakasal sila. Nagkaroon tuloy ako ng instant na kapatid.
Pagkabalik ko sa kwarto'y nagsimula na akong mag-ayos ng mga gamit. Malinis naman na 'yung bahay bago namin lipatan kaya deretso nilagay ko na sa closet 'yung mga damit ko na halos puro t-shirt na kulay puti at itim.
Pagkatapos ay nilabas ko sa isang kahon 'yung mga collection kong laruan para i-display sa wall shelf sa may study area ko. Sa isang iglap ay namalayan ko na lang na nakapasok 'yung bubwit sa kwarto ko at walang pakundangang hinablot 'yung pigurin ni Zoro.
"Hoy! Huwag 'yan!" natataranta kong sigaw at saka inagaw sa kanya 'yung pigurin. Kamahal-mahal ng bili ko rito, baka mabali 'yung mga espada!
Umalingawngaw tuloy sa kwarto ko 'yung iyak ni Elizer, pinipilit kumuha ng isang laruan na kaagad ko ring hinahablot sa kanya.
"'Eto na lang sa'yo!" Natutulilig ako sa ingay niya kaya inabot ko sa kanya 'yung emoji plushie sa table ko.
"Ayoko niyan!" Hinagis ba naman niya 'yung plushie sa mukha ko.
"Anong nangyayari?" Biglang sumulpot si daddy at kaagad na nagsumbong 'yung bubwit.
"Daddy! Ayaw niya 'kong pahiramin ng toys!" Napakunot 'yung noo ko, hindi naman kasi laruan 'tong mga collection ko, pang-display 'to!
"Elrond." Sa seryosong boses pa lang ni daddy ay alam ko na ang ibig niyang sabihin; hindi ko na hinintay 'yung mga susunod niyang sasabihin at sumuko na lang ako. Labag na labag man sa kalooban ko ay inabot ko kay Elizer si Zoro, tuwang-tuwa na naman ang bubwit.
"Oo nga pala, pupunta kami ng mall, gusto mo bang sumama?" tanong bigla ni daddy.
"Hindi na, Dad," sagot ko. "Pupunta si Cooper, papaayos ko 'to." Tinuro ko 'yung pc ko. Tumango na lang si dad at saka umalis kasama si Elizer.
Maya-maya pa'y natanaw ko sa bintana na umalis na 'yung kotse, nawa'y mag-enjoy sila sa family day nila at nawa'y makauwing buo pa rin si Zoro. Saktong nakita ko si Cooper na nakabisikleta. Ayos at dumating na rin siya.
"Mukhang pinagsakluban ng langit at lupa 'yang mukha mo, p're," bati sa 'kin ni Cooper nang pagbuksan ko siya ng pinto.
"Ah, nagluluksa ako para kay Zoro."
"Zoro? Anong nangyari? Namatay na ba siya?!" Nag-panic bigla si kumag; akala niya 'yung update sa manga na One Piece 'yung tinutukoy ko.
"Ungas, hindi." Medyo natawa tuloy ako. "'Yung stepbrother ko kasing bubwit kinuha 'yung pigurin ni Zoro. Wala akong palag sa daddy ko, p're."
Siya naman tuloy 'yung natawa. "Ah, ang laki-laki mo na nga naman kasi bakit ayaw mong magpahiram ng laruan."
"Display 'yon, hindi laruan," sagot ko naman.
Nang makarating kami sa kwarto ko'y kaagad niyang kinalikot 'yung pc ko. Ewan ko ba, naturingan akong gamer pero hindi talaga ako techy sa pagkalikot ng computer, basta mahalaga sa 'kin makapaglaro ako.
"Ano, kumusta, doc?" tanong ko na parang pasyente sa kanya. Binuksan na niya 'yung CPU para tingnan 'yung loob.
"Ang alam ko physics ang major ko, hindi computer science," sagot ba naman niya. "Olats, bumigay na 'ata hard drive mo, pero pwede pa naman i-reformat. At saka mukhang may iba pang damage."
"Reformat?" Napamaang ako. "P're, dami kong lumang files d'yan."
"Wala ka bang external drive na back up?" tanong niya.
"Alaws," sagot ko sabay kamot. Saka ko biglang naisip, sa hilig kong bumili ng collection ay ni hindi ako nakabili kahit na isang external drive.
Mukhang may sumpa 'ata paglipat namin dito sa bagong bahay. Noong isang araw, okay naman akong nakapaglalaro. Hindi ko rin naasikaso 'yung pc kasi madalas naman akong naglalaro sa labas o 'di kaya'y sa phone.
"Bumili ka na lang ng gaming laptop, luma na rin 'tong model mo. Nagtataka nga 'ko sa 'yo, pa'no mo napapagtiyagaan 'yan," sabi ni Cooper nang tumayo at pinagpagan ang kamay.
Napaupo naman ako saka huminga nang malalim. "Nandiyan 'yung mga files ni Mommy..."
Naramdaman ko 'yung titig ni Cooper sa 'kin. High school pa lang magkaklase na kami; swerte nga't sa iisang university pa rin kami pumapasok kaya palagi kaming nagkikita. Alam ni Cooper kung gaano ka-importante sa 'kin 'tong computer na 'to kaya palagi niya ring pinagtatiyagaang ayusin at i-upgrade.
Sabi nga sa 'kin ni daddy noon, nakapag-iipon daw ako sa pambili ng mga mamahaling laruan pero hindi ko man lang daw magawang palitan 'yung computer ko. Ewan ko nga kung nakalimutan na ba niya na si mommy ang bumili para sa 'kin ng computer na 'yan pagka-graduate ko no'ng high school.
"Sige, iuwi ko na lang 'to. Subukan ko pang kalikutin, baka pwede pa," sabi ni Cooper sabay umupo ulit para i-assemble 'yung CPU.
"Thank you, p're." Tumango lang siya.
"Hindi ko nga lang matatapos agad kasi finals week namin."
"No problemo, amigo," sabi ko sabay nag-thumbs up sa kanya.
Bilang pakunswelo kay Cooper, pinaghanda ko siya ng merienda; hindi naman kasi siya nagpapabayad. Pagkakuha ko ng tigdadalawang banana bread, malaking sitsirya, at in-can soft drinks ay bumalik ako sa kwarto.
"Sumasali ka pa rin ba sa mga match?" tanong niya sa 'kin, tinutukoy 'yung paglalaro ko ng online game kasama 'yung mga kaklase ko laban sa mga kapitbahay naming university.
"Hindi na masyado," sagot ko sabay bukas ng lata. "Simula no'ng muntik na kong bumagsak, naglie-low ako." Ayoko lang na may masabi sa 'kin si daddy kaya pinag-igihan ko munang mag-aral. Patayan pa naman sa Civil.
"Joke!" Natawa ako sa sarili ko nang maalala kong may nilalaro pa rin pala ako sa phone. "Mobile Warriors nga pala kinaaadikan ko ngayon. Na-miss ko lang maglaro sa pc, kaso sira naman."
"Alam mo 'yung dating app na Alter?" biglang tanong ni Cooper kaya halos mabuga ko 'yung iniinom ko.
"Ha?!" Nanlalaki 'yung mga mata ko sa kanya at napatakip ako ng bibig para pigilan 'yung pagtawa ko. "Kailan ka pa naging interesado sa dating app?!" OA na kung OA 'yung sigaw ko sa kanya, kasi naman kung geek at medyo nerd ako sa mga games, anime, at iba pa, mas malala ka-nerd-an nitong ni Cooper!
Marami akong mga naging crush at ilang beses nagtangkang manligaw ng mga babae pero never ko sineryoso. Parang ang laki nilang hadlang sa paglalaro, eh. Pero itong si Cooper? Naku. Never mind na lang daw. Sa Physics lang umiikot buhay niya at iba pang may kinalaman sa Science at technology, idagdag pa 'yung mga conspiracy theories at aliens.
"Sorry, p're," sabi ko nang ayusin ko 'yung sarili ko. "Out of nowhere naman 'yang banat mo. Anong meron sa dating app? May syota ka na?" tanong ko.
"Wala naman, na-curious lang ako kaya nag-install ako."
"Bakit, anong meron do'n?"
"I'm still finding out," sagot niya na parang wala lang.
Kunsabagay, hindi ko naman siya masisisi kung sa wakas ay nagising na rin ang mga hormones niya. Sa totoo lang ay never pa naming napag-usapan 'yung tungkol sa ganito.
Aminado naman ako na kahit masarap maging single at na-e-enjoy ko ang mga hilig ko'y minsan nalulungkot ako. Pero nababawi rin ang pagkainggit sa mga kalaro kong may syota kapag nakikita kong inaabala sila ng mga 'yon kapag naglalaro kami. Pass na lang.
Lumapit ako kay Cooper at umupo sa tabi niya sa sahig. Malakas ko siyang hinampas sa balikat.
"Coops, kung may mga tanong ka sa diskarte, you can ask me anytime," nakangisi kong sabi sa kanya pero ni hindi man lang nagbago ang facial expression niya na para bang sinasabing, 'Ano bang pinagsasasabi mo?'
Alanganing ngumiti na lang ako sa kanya bago ako tumayo. At least, bukod sa computer, anime, manga, games, science, at iba pang ka-alienan ay may iba na kaming mapag-uuusapan. Tho hindi ko naman kine-claim na sobrang expert ko sa mga babae, huli ko 'atang relationship ay first year college pa.
Inuwi ni Cooper 'yung CPU ko, tinali namin sa likuran ng bike niya. Gabi na rin umuwi sina dad at pinasalubungan na lang nila ako ng take out dahil sa labas na sila nag-dinner. Pagkatapos kong kumain ay kaagad din akong nagkulong sa kwarto.
Imbis na mag-review ay nilabas ko 'yung phone ko para maglaro ng Mobile Warriors. Sa ganito lang naman umiikot 'yung buhay ko—pasok sa school, aral, laro, manood ng anime, magbasa ng manga, laro ulit, samahan pa ng cramming. Kaunting panahon na lang ay ga-graduate na ako pero parang wala pa rin akong balak sa future ko.
Siguro pagkatapos kong mag-take ng board exam, magtatrabaho ako sa malayo para makabukod ako. Pakiramdam ko kasi masyado akong out of place sa bahay. Mabuti pa si dad na parang na-restart ang buhay niya. Ako? Lulong pa rin sa bisyo ko—sa paglalaro ng games.
Kung kani-kanino nga ako nakikisama kapag naglalaro. Ang dami-dami kong mga nakilala sa university dahil sa laro. Kung saan-saang computer shop ako napapadpad. Nakapag-iipon ng pera kapag nananalo sa mga pustahan at laban, kaya nga nabibili ko 'yung mga luho ko.
Pero parang may kulang pa rin. Ang dami kong mga nakilala at sinalihang mga GC pero pakiramdam ko minsan nag-iisa lang ako. Si Cooper lang ang totoo kong kaibigan, tapos si dad 'yung pamilya ko (may bago na pala akong mommy at kapatid).
Bigla kong napindot 'yung watch ad kaya natigil ako sa paglalaro. Anak ng tinapay naman, intense na 'yung laban eh!
'Feeling alone and lonely? Hopeless romantic? Are you looking for a genuine connection and relationship? Say no more because you are safe and secure with Alter! Download this app to find the right person for you! In Alter, we make sure to find what's best for you. Trust your destiny of love with Alter!'
"Ang baduy naman ng ad nito," bulong ko sa sarili at talagang pinanood ko hanggang dulo 'yung ad!
Naku, napaka-timing naman ng pagkaka-play ng ad na 'to. Naalala ko tuloy 'yung conspiracy theory na kinuwento sa 'kin ni Cooper noon. Nakikinig daw 'yung mga phone natin na parang spy, may sensor daw para malaman ng algorithm kung ano 'yung interest natin as consumers.
Naranasan ko 'yon minsan noong dumaan ako sa tindahan ng pabango sa mall, pag-uwi ko sa bahay at pag-open ko ng wifi ay sandamakmak na advertisements ng pabangong 'yon ang nakikita ko sa social media! Creepy o coincidence?
Napabangon ako bigla nang mapagtantong may sense 'yung conspiracy theory ni Cooper dahil pangalawang beses nang nangyari sa 'kin. Napatitig ako sa phone ko habang naka-display 'yung ad ng Alter. Hindi kaya narinig nito na pinag-usapan namin kanina 'yung app kaya lumitaw tuloy?
Napailing ako at muling humiga. Dala ng kuryosidad ay pinindot ko 'yung download. Fifty-fifty ang dahilan kung bakit ko 'yon ginawa. Una, aminado naman ako na nalulumbay ako sa buhay kong single. Pangalawa, si Cooper kasi mukhang hindi syota ang hanap sa Alter at may conspiracy theory na niluluto.
Pero oo na, mas nangingibnabaw 'yung pagnanais na maibsan 'yung lumbay ko. Wala namang mawawala sa 'kin kung susubukan ko, hindi ba?
ALTER
Hi lord_elrond01,
You have successfully signed up
and verified your Alter account.
Get ready to match, meet, talk, and date!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top