Chapter 18


Elrond's POV

SAKA ko lang naramdaman ang kirot sa katawan at mukha ko nang mapadpad ako sa clinic ng FNU. Nagtataka nga 'yung nurse na gumamot sa mga sugat ko sa braso at mukha kung napaano ako at kung bakit napadapad ang isang outsider na katulad ko rito.

Pinag-stay pa ako ng nurse saglit sa clinic, pinuntahan kasi ako bigla ng Office of the Student Affairs Director para kuwestiyunin ako kung anong nangyari. Dinala pala si Elise sa OSA at kinausap, hindi ko lang alam kung paparusahan ba siya.

Sabi ko sa OSA Director, misunderstanding lang ang nangyari, medyo kinabahan nga ako kasi baka tawagan pa 'yung university ko pero mabuti't hindi naman. Tinanong pa nga ako nito kung gusto ko pa bang makipag-areglo kay Elise pero sinabi kong hindi na. Ang nasa isip ko noong mga oras na 'yon ay gusto ko nang umuwi.

Kung ano man ang nangyari pa kay Elise ay hindi ko na tinangkang alamin pa. Sapat na ang mga galos at pisikal na sakit na dinulot niya sa 'kin para makuha ang mga sagot na hinahanap ko.

Sa ngayon ay gusto ko munang magpahinga. Sumulyap ako sa salamin ng clinic bago ako lumabas, putspa, ipinagpasalamat ko na lang at wala akong natamong black eye, may band-aid lang sa may ilong ko.

Habang pauwi'y na-distract ang utak ko sa pagre-rehearse sa kung anong dapat kong ipalusot kina dad at Tita Viel sa oras na makita nila ako. Pero sa huli'y natulala lang ako habang nakasakay sa bus, pati utak ko ay masyado nang pagod para mag-isip pa.

"Oh, my goodness, Elrond!" bulalas ni Tita Viel nang makita ako, sakto kasing papasok siya ng sala kaya nakita niya ako. "A-Anong nangyari?"

Wala pa si dad dahil masyado pang maaga. Hindi na kasi ako pumasok sa huling dalawang klase ko at dumeretso ako ng uwi.

Tumayo lang ako sa kinaroroonan ko habang nakatingin sa sahig. Shit. Hindi ko alam kung anong papalusot ko kaya napakamot na lang ako sa ulo.

"Sinong may gawa sa 'yo nito?" tanong niya ulit nang makalapit sa 'kin, ibinaba niya ang dalang basket sa sahig. Nang tangkain niyang hawakan 'yung sugat ko sa mukha ay napaatras ako. "Elrond..."

"Tita Viel, may merienda po ba riyan?" iyon ang nasabi ko imbis na magpaliwanag.

Alanganin siyang ngumiti at saka tumango sa'kin. "Oo, meron, halika rito sa kusina." Kinayag niya ako papuntang kusina at saka ko nalanghap ang amoy ng toasted na tinapay, nakita ko sa mesa ang isang clubhouse sandwich.

"Dadalhan ko lang si Elizer sa room niya. Wait lang ha," paalam niya sa 'kin bago umalis na dala-dala ang isang maliit na tray na may pagkain.

Nagpunta ako sa lababo para maghugas muna ng kamay, noon ko nga lang din napagmasdan ulit 'yung braso ko dahil may ilang gasgas 'yon at maliit na pasa. Napailing na lang ako sa sarili. Iyan ang napapala mo. Bumalik ako sa may mesa at umupo. Maya-maya pa'y dumating na ulit si Tita Viel.

Umupo siya kaharap ko at tinitigan ako habang kumakain ako ng sandwich, 'yung titig na naghihintay ng kwento. Bigla naman akong nailang kaya tumigil ako sa pagkain. Napabuntonghininga si Tita Viel.

"Elrond... Alam ko na... Naninibago ka pa rin na nandito ako... Hindi ko rin naman intensyon na palitan ang mommy mo, pero... I'm hoping that you could tell me whatever happened to you. Nag-aalala ako para sa 'yo—kami ng daddy mo." Napayuko ako nang marinig ko 'yon. Aware din naman ako na all this time ay sinusubukan niyang mapalapit sa 'kin pero... pero may parte sa 'kin na lumalayo pa rin sa kanya sa takot na baka makalimutan ko si mommy.

Nang hindi ako makapagsalita ay ngumiti na lang siya ulit at akmang tatayo.

"T-Tita Viel." Napatingin siya ulit sa 'kin. "I'm sorry po." Umiling siya, hindi pa rin napapalis ang ngiti na ngayon ay mas lumawak kahit papaano. "Ang komplikado lang po ng mga nangyayari sa 'kin... Pasensiya na kung hindi ko ma-open sa inyo ni Dad. Don't worry, wala naman akong kinasangkutang illegal o mapanganib."

"Pero Elrond... Sinong may gawa sa 'yo nito?" tanong niya at saka tinuro ang sugat ko.

Napangiti lang ako sa kanya. "B-Babae po."

"Babae?!" hindi niya mapigilang mapabulalas at napatakip pa ng bibig. "Elrond, sa tingin ko mas magagalit ang daddy mo sa oras na nalaman niya na nanloloko ka ng mga babae."

Hindi ko mapigilang matawa, talagang kapag may sugat ang mga lalaki na gawa ng babae ay 'yon talaga agad ang dahilan? Kumunot si Tita Viel, ngayon ko lang siya nakitang sumimangot ng ganito.

"Tita Viel, wala po akong niloloko—hindi po ako babaero," depensa ko sa kanya. "Pramis."

"Kung gano'n, bakit ka binugbog ng babae?" Aray talaga sa binugbog, pero parang gano'n na nga 'yon.

"Napikon lang po sa 'kin kaya medyo nasapak ako," tatawa-tawa kong sagot. Kahit na sa totoo lang ay napakakomplikado talaga ng dahilan.

Gumaan-gaan 'yung kalooban ko nang makausap ko si Tita Viel. Nagpasalamat ako sa kanya sa merienda bago ako umakyat sa kwarto ko. Bago pa nga ako umalis ay sinabi niyang natutuwa siyang nag-open ako sa kanya at kahit anong oras daw ay handa siyang makinig. Na-appreciate ko naman 'yon, pati 'yung mga effort niya sa 'min ni dad. Baby steps lang talaga... One day magiging komportable rin ako na tawagin siyang 'mommy'.

Natigilan ako nang madaanan ko 'yung kwarto ni Elizer, bukas 'yong pinto at nililipad dito sa hallway 'yung mga test papers niya sa school. Imbis na sitahin siya'y yumukod na lang ako para pulutin 'yon isa-isa.

Natigilan ako nang makita ko 'yung test paper niya. Hindi dahil sa perfect ang score niya sa Math quiz, kundi dahil sa isang figure na nakita ko... Isang Parallelogram box.

Parallelogram... Parallel...

Biglang naliwanagan ang utak ko kahit wala namang suminding bumbilya sa paligid. Dali-dali akong pumasok sa kwarto ko kahit na hawak ko pa rin 'yung test paper ni Elizer.

Totoo si Elora.

Totoo rin si Elise. Imposibleng si Elora si Elise at vice versa dahil kahit magkamukha ay malaki ang kaibahan ng kanilang kilos at personalidad.

Sinabi ni Elise na kapatid niya si Elora—na matagal nang patay.

Pero buhay na buhay ang Elora na nakilala ko sa Alter. Lahat ng chat, voice messages, at video calls—lahat 'yon totoo.

Kaya hindi kami nagtagpo sa meeting place and time namin—dahil maaaring... maaaring nasa magkaibang mundo kami.

Nang mapagtanto ko 'yon ay namanhid ang buo kong katawan. Shit. Nasa isang malaking shit hole ka na, Elrond.


*****


WALA si Cooper sa Physics club room. Nang sumapit ang lunch break ko'y kulang na lang ay mag-teleport ako papunta sa College of Science pero ni anino niya ay hindi ko nakita. Nadismaya ako nang bumungad sa 'kin ang sociable nerd na si Dominic.

"Oh, ang aming honorary member!" bulalas nito nang makita ako. Siya lang ang tao sa club room nila.

"Doms, nasa'n si Coops?" tanong ko agad.

"Naku, iyan nga rin ang gusto kong itanong sa 'yo. Hindi na tumatambay rito sa club room si Cooper. Pati nga si Lois, eh. Ano bang nangyari?" Maging ang mukha ko'y isang malaking question mark kaya hindi ko nasagot ang tanong ni Dominic. Binilin ko na lang sa kanya na if ever man na makita niya si Cooper ay pakisabi na i-PM ako agad.

Pero shems, hindi nga niya gawain 'yon, eh. Anak ka ng cinnamon, Elrond, nag-PM sa 'yo noon si Cooper pero dinedma mo siya!

Pagkalabas ko ng club room nila'y sinubukan ko pa ring i-PM si Cooper kahit na 0.01% ang chance na mag-reply siya ASAP. Kaya no choice ako kundi i-PM si Lois.

Elrond: San ka?

Lois: Nasa cafeteria. Bakit?

Hindi na ako nag-reply pa at agad ko siyang pinuntahan doon. Mabilis nahanap ng mga mata ko si Lois. Umupo ako sa bakanteng pwesto na siya namang kinailang ng dalawa niyang kasama.

"Buhay ka pa pala, Elrond," flat-toned na bati niya sa 'kin. "Bakit?"

"Nakita mo ba kung nasaan si Cooper?" Bigla siyang nag-iwas ng tingin nang sabihin ko 'yon. "Ilang araw na kaming 'di nagkikita kasi." Actually, ilang linggo na 'ata.

Walang ano-ano'y biglang tumayo si Lois at hinila ako palayo, dinala niya ako sa may gilid ng poste malayo sa mga kasama niya.

"Anong problema, Lois?" Iba 'yung nararamdaman ko sa kanya.

"So, hindi mo alam?" Kumunot lang ako. "Wala siyang kinukwento sa'yo?"

"Sabi ko na sa 'yo, hindi nga kami nagkikita. Kaya ko nga hinahanap, eh. Bakit? Anong nangyari?" Bigla akong kinabahan.

Huminga muna siya nang malalim at bahagyang napayuko. "Magku-quit na ako ng Physics Club. At... At bago 'yon, nag-usap kami ni Cooper." Natigilan saglit si Lois, para bang nag-aalangang magkwento. "Na-badtrip ako sa kanya nang sobra. Nag-confess siya na gusto niya ako noon pa."

Muntik na akong mapanganga nang marinig ko 'yon. So, finally, nagawa rin ni Cooper umamin?

"Eh, bakit—"

"Hindi lang dahil do'n, Elrond! Bago siya mag-confess sinabi niya sa 'kin 'yong mga ginawa niya—na ini-stalk niya sa Alter si Zachary to prove that he's not a poser! Shit, Elrond! Windang na windang ako, alam mo 'yon?!" Gusto kong mapasampal ng noo, bakit pati ba naman 'yon ay sinabi ni Cooper sa kanya? "May mga pinagsasasabi na naman siyang conspiracy theories—which of course hindi naman nakatulong sa 'kin. Kaya tinanong ko siya kung bakit ba niya 'yon pinaggagawa—tapos ayon umamin na siya."

"A-Ano namang sinabi mo?"

Muling napabuntonghininga si Lois. "Ginawa ko ang best ko para hindi rin siya masaktan, pero kailangan niyang marinig ang totoo dahil kaibigan niya ako. Sinabi ko na hindi ko kayang ibalik ang feelings niya. Tapos tinanong niya pa kung bakit. Bakit daw? Sa tingin ko kailangan niya nang mas mag-focus sa reality at tigilan 'yong mga science fiction theories sa isip niya—"

"Bakit mo 'yon sinabi?!" hindi ko mapigilang mapataas ang boses ko kaya natulala sa 'kin si Lois. "Hindi mo naman kailangang ipamukha sa kanya na mag-focus siya sa realidad, Lois."

"Elrond naman, college na tayo, hindi na tayo mga teenagers para pag-aksayahan ng oras 'yong mga gano'ng bagay!" sigaw niya sa 'kin pabalik at pinilit ding kumalma. "Alam mo, wala namang problema sa 'kin na umamin siya. Hindi ko lang matanggap na ginawa niya 'yon dahil naniniwala siya sa gano'ng mga kalokohan! Parallel universe? Come on! Gising-gising naman sa reality!"

Natigilan ako, at imbis na bumuka ang bibig ko para sabihin sa kanya na, totoo 'yon, Lois! Maaaring totoo ang mga pinagsasasabing conspiracy theories ni Cooper sa 'tin noon pa! Pero hindi ko nagawang sabihin.

"Naisip ko kung bakit sinabi sa 'kin ni Cooper 'yong theory niya about kay Zachary—dahil naghahanap siya ng taong maniniwala sa kanya. At ikaw—na for sure na unang-una niyang sinabihan tungkol do'n—hindi ka naniwala sa kanya. Alam mo rin sa sarili mo 'yon, Elrond, na dapat nang mas mag-focus ni Cooper sa realidad."

Para kong sinaksak sa puso ng limang beses nang marinig ko 'yong sinabi niya. Kasi totoo. Iyon ang iniisip ko kay Cooper noon pa. Na sa totoo lang ay hindi ko naman talaga iniintindi 'yong mga kinukwento niya sa 'king mga kung ano-anong science theories at conspiarcies dahil deep inside alam kong... alam kong kalokohan lang ang mga 'yon.

Ngayon ko lang napagtanto... Kung gaano ako ka-shit na kaibigan.

Umiling ako kay Lois na siyang pinagtaka niya. Bago ko siya ay iniwanan ay nagsalita ako, "Susubukan ko pa ring maniwala kay Cooper." Maniniwala ako sa kanya, dahil kaibigan ko siya.

Dahil si Cooper lang ang makatutulong sa 'kin sa problema ko.


*****


MAGILIW akong pinatuloy ng mommy ni Cooper nang pagbuksan ako nito ng pinto. May dala-dala pa nga akong ice cream na kaagad ko namang inabot dito, nag-abala pa raw ako sabi ni tita. Kala mo manliligaw lang. Pero parang gano'n na nga rin 'yon. Kailangan kong suyuin 'tong tropa kong ang tagal kong inindyan.

Hindi ko na tinangkang hanapin pa si Cooper sa university. Hindi rin naman siya nag-reply sa chat ko kaya napagdesisyon ko na lang na puntahan siya rito sa bahay nila ngayong uwian, kahit na walang pasabi.

At dahil welcome na welcome na nga ako rito sa bahay nila ay pinaderetso na ako ni tita sa kwarto ni Cooper. Hindi ko ugaling kumatok sa kwarto niya sa tuwing bibista ako rito pero ngayon ay kumatok ako ng tatlong beses.

Wala naman akong narinig na sagot mula sa loob kaya pumasok na lang ako. Nadatnan ko siyang naglalaro sa PC niya, nakatutok ang mga mata niya ro'n at ni hindi man lang ako tiningnan.

Tumikhim ako para kuhanin ang atensyon niya pero mas malakas 'yung sounds ng nilalaro niya. "Coops." Lumapit ako sa gilid niya pero hindi pa rin siya natitinig, naka-concentrate lang siya sa nilalaro niya kaya tumayo lang ako sa gilid niya na parang timang.

Pinanood ko lang 'yung laro niya at hindi ko na napigilan na sumabat habang naglalaro siya. "Kanan, do'n sa kanan..."

Hanggang sa bigla siyang ma-game over, doon lang siya tumingin sa 'kin—blangko. "What are you doing here?"

"Wow, ang cold," sabi ko. Nangawit ako ro'n kaya umupo ako sa gilid ng kama niya. "Look, alam ko na ang gago kong kaibigan—hindi kita ni-reply-an at ilang araw—linggo pala, na hindi kita nakausap. I'm sorry." Hindi siya kumibo at muli akong tinalikuran, narinig ko na nag-uumpisa uli siya ng laro sa PC. Tumayo ako at medyo lumapit sa kanya. "Sinabi na sa 'kin ni Lois kung anong nangyari. Alam ko, masakit—pero mas masakit 'yung pakiramdam mo na hindi kami naniwala sa 'yo."

Sa pagkakataong 'yon ay muli niyang tinigil ang ginagawa at inikot ang swivel chair niya paharap sa 'kin.

"I'm sorry, Coops. If all this time pinaramdam namin sa 'yo na... wala kaming tiwala. I'm sorry."

Tumitig lang si Cooper sa 'kin. Alam ko naman na hindi siya sanay ng mga ganitong dramahan. Pero hindi ko alam kung ano bang nararamdaman niya ngayon—kung mapapatawad niya ba ako o ano.

Napabuga na lang ako ng hangin. Pumunta ako sa may pintuan niya. "Oh, pa'no, una na 'ko. Sensya na sa abala."

"So, hindi ka pa pala maniniwala sa 'kin kung hindi nangyari sa 'yo?" Natigilan ako nang sabihin niya 'yon. Pinanlakihan ko siya ng mga mata. Don't tell me... Ini-stalk niya rin si Elora sa Alter at sa social media?

"Paano—"

"Let's talk about it tomorrow."

"Okay." Hindi ko mapigilang ngumiti. Dahil kahit na blangko ang mga mata niya'y nakita ko ang kakaibang kislap doon, na siguro'y sa loob-loob niya—finally! Naniniwala na rin ang kumag niyang kaibigan!

Paglabas ko ng bahay nina Cooper ay hindi kaagad ako naglakad papuntang sakayan. Huminto ako saglit sa sidewalk para mag-record ng voice message.

"Uhm... Hi? Sana hindi mo pa ina-uninstall 'yung Alter matapos 'yong spooky na nangyari sa 'tin sa Coffee Project. Bago pa man mangyari lahat ng mga kababalaghang nangyari sa 'tin, gusto na talaga kitang makita. I can't stop thinking about you, Elora. Sana mapakinggan mo pa rin 'to. Kasi kung oo... Itutuloy ko ang paghahanap ng mga sagot. Elora... Maniniwala ka ba kung posibleng nasa magkaibang mundo tayo?" 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top