Chapter 14


Elrond's POV

DUMADAGUNDONG ang tunog ng music na sinasabayan ng pag-indayog ng mga tao ang sumalubong sa 'min ni Jack pagpasok sa loob ng Nyx, 'yong lugar na pinagdausan ng birthday niya noong mga nakaraang linggo. Hatinggabi na kasi natapos ang trabaho ni Jack sa opisina nito kaya ngayon lang kami nakapagkita rito. Siyempre ako na nga lang ang nakikisuyo na samahan niya ako kaya okay na lang din sa 'kin kahit maaga pa ang pasok ko kinabukasan.

"Excuse me, padaan, excuse—" Kulang na lang ay isigaw ko 'yon sa mga tao, kailangan ko pa talaga silang hawiin para talaga bigyan nila ako ng space para makadaan.

"Elrond, here!" dinig kong sigaw ni Jack at halos hindi ko na siya makita. Mabilis akong kumilos at sumunod sa kinaroroonan niya.

Nang sa wakas ay nakalabas ako sa gitna ng crowd ay nakahinga ako nang maigi, para akong naubusan ng oxygen kanina. Air-conditioned naman ang Nyx pero pinagpawisan ako. Napatingin ako kay Jack nang ipakilala niya sa 'kin ang kaibigan niya na siya ring manager dito.

Matapos kasing sabihin sa 'kin ni Jack na wala siyang kilalang Elora ay dali-dali ko siyang tinawagan at kinulit sa phone. Maging siya ay naguluhan kaya naisipan niyang pumunta kami rito para tingnan ang CCTV footage. Malaki-laking utang na loob din 'to sa pinsan ko dahil naabala ko ang oras na dapat ipapahinga na lang niya. Mabait naman 'tong si Jack at matulungin kaya nilubos-lubos ko na.

Dinala kami ng kaibigan ni Jack sa isang silid na parang surveillance room dahil naglalaman 'yon ng maraming camera at kitang-kita ang bawat anggulo ng Nyx. Ni-request ni Jack 'yung footage noong gabi ng birthday niya. Pagkatapos magpasalamat sa kaibigan ay iniwanan kami nito para i-review 'yung footage.

Pipindutin ko palang 'yung play button nang biglang tumunog 'yung cellphone ni Jack.

"I'll just take this call," sabi niya sa 'kin saka tumalikod. "Hello, babe?"

Ako naman ay muling humarap sa monitor at pinindot ko na 'yung play at binilisan ang galaw nito. Kaagad ko namang pinindot 'yung pause nang makita ko 'yung sarili ko na nakipag-iinuman sa mga pinsan ko.

Huminto ako saglit at nilingon ko si Jack, nakita ko na nakikipag-usap pa rin siya sa phone. Habang hindi niya ako napapansin ay pasimple kong nilagay 'yung flashdrive ko sa computer at kaagad na kinopya ang lahat ng footage noong gabing 'yon. Tiyak ko kasing hindi kaagad matatapos 'to saglit at nakahihiya kay Jack dahil naghihintay na sa kanya 'yung girlfriend niya.

Makalipas ang limang minuto ay saka lumapit sa 'kin si Jack at saktong natapos na rin ang pagka-copy ko, kaagad ko namang na-eject 'yung flash drive ko bago pa niya makita.

"You're done?" tanong niya. Hindi ko maiwasang maawa sa hapong-hapo niyang itsura, na-guilty na naman ako na dinamay ko siya rito. Bakit ba kasi napaka-workaholic nitong pinsan ko?

Tumayo ako at tinapik siya sa balikat. "Jack, salamat sa pagsama sa 'kin dito, babawi ako sa 'yo, pramis."

"Nakita mo ba ang hinahanap mo?" Hindi pa, gusto ko sanang isagot pero umiling na lang ako. "Can we go now?" Parang bata akong sunod-sunod na tumango sa kanya.

"Pasensiya na talaga, Jack. "

"No worries, cousin."

Muli naming hinanap 'yung kaibigan niyang manager para magpasalamat. Pagkatapos ay umalis na kami ro'n.

"Sure ka bang hindi ka sasabay?" tanong niya sa 'kin nang buksan ang pinto ng sasakyan niya.

"Hindi na, Jack, hinihintay ka na ni Karen sa bahay n'yo," sagot ko naman. Magkaiba kasi ang direksyon namin at ayoko na siyang maabala pa.

"Sige, mag-iingat ka."

"Ikaw rin." Sumakay na siya at pinanood ko pang umalis 'yung kotse niya. Nang mawala siya sa paningin ko'y tumalikod ako para maglakad papunang sakayan.

Kaso. Bigla akong natigilan nang may mahagip ang mata ko.

May isang babae na pumasok sa loob—na kahawig niya. Nawala ang pagod at antok na nararamdaman ko kaya walang pagdadalawang isip na muli akong bumalik sa loob ng gusali.

Kaagad hinanap ng mga mata ko ang isang babaeng nakasuot ng off-shoulder crop tank na kulay pula. Muli kong natagpuan ang sarili na nakipagsisiksikan sa mga tao sa loob, hindi alintana ang ingay dahil mas nangingibabaw ang pintig ng puso ko. Namamalikmata lang ba ako?

Natigilan ako nang mahagip ng mata ko ang kumpol ng grupo sa isang mesa 'di kalayuan. Nakita ko ro'n ang hinahanap ko at para bang binuhusan ako ng napakalamig na yelo sa buong katawan. Kitang-kita ko si Elora... Masayang nakipagtatawanan sa mga kasama niya.

Medyo madilim man ang mga ilaw rito sa loob ay naaaninag ko pa rin ang ganda niya, the way na tumawa siya habang hawak-hawak ang isang bote ng alak... Kulang na lang ay tumulo ang laway ko sa pagtitig sa kanya.

Kaagad naputol ang pagpapantasya ko nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng phone ko. Nakita kong tumatawag si dad, tiyak na hinahanap na ako dahil disoras na ng gabi. Pagtingin ko sa direksyon ni Elora ay naglaho siya.

Ilusyon lang ba ang nakita ko? Pero hindi ako lasing.


*****


HINDI ako pumasok kinabukasan dahil hapon na ako nagising. Pinagpuyatan ko kagabi na i-review 'yung footages na nakuha ko sa Nyx, bawat anggulo ay tiningnan ko, bawat taong dumalo sa birthday ni Jack ay tiningnan kong mabuti.

Pero wala roon si Elora.

Wala ring kahit isang babae ang lumapit sa 'kin o nilapitan ko noong gabing 'yon. Ang tanging nakita ko lang na ginagawa ko ay nakaupo sa isang tabi, nakipag-iinuman sa mga loko-loko kong pinsan.

Nang magising ako ay nandoon pa rin 'yung panlalamig. Ang bigat-bigat ng ulo ko na para akala mo'y magdamag akong uminom noong nakaraang gabi. Nahagip ng mga mata ko 'yung gulo-gulo kong mesa at bote ng mga energy drink doon na mukhang hindi na tumatalab sa 'kin.

Pagtayo ko'y para akong matutumba kaya napahawak ako sa gilid ng mesa. Anak ng tipaklong. Hindi ako pwedeng magkasakit ngayon. Sinikap kong bumaba at walang naabutan na tao, mukhang umalis sila. Nakita ko ang note ni Tita Viel sa ref at sinabing may iniwan siyang pagkain at initin ko na lang daw.

Uminom muna ako ng paracetamol para sa sakit ng ulo ko. Lumaklak ako ng napakaraming tubig at saka ko ininit 'yung tanghalian ko. Pagkatapos kong kumain ay kaagad akong naligo para gumaan-gaan 'yung pakiramdam ko.

Kaunting sakit ng ulo na lang, kaya ko pa namang dalhin ang sarili ko. Napaupo lang ako habang wala sa sariling nag-i-scroll sa social media. May isang message galing kay Cooper na hindi ko tinangkang buksan, ang tagal na rin naming hindi nagkikita at nag-uusap.

Nakita ng mga mata ko ang Alter app. Naisip ko na kagabi pa lang na ipadala sa kanya 'yung ilang clips ng footage para ipakita sa kanya na hindi kami nagkita noong gabing 'yon. Pero hindi ko nagawa.

Hindi ko nagawa dahil bumabagabag pa rin sa 'kin 'yung nakita ko kagabi sa Nyx. Pinagtatalunan pa rin ng isip ko kung ilusyon lang ba na nakita ko siya ro'n o hindi.

Idagdag mo pa 'yung fact na hindi siya kilala ni Jack, dahil ang sinabi niya sa 'kin ay kaibigan niya raw ang girlfriend ng pinsan ko at imbitado sa party nito. Nakuha ko ang sagot sa mga CCTV footages. Wala si Elora. Hindi siya kilala ni Jack.

Pero totoo si Elora na naka-chat ko, ilang beses kaming nagtawagan at nag-video call. Unless na lang talaga... Pumasok na naman bigla 'yung babaeng nakita ko sa Nyx, at inalala 'yung tawa niya at magaslaw na pagkilos.

Ngayon lang unti-unting nagkaroon ng lamat ang tiwala ko sa kanya. Ayoko mang isipin na gano'n, na what if kung ako talaga ang pinaglalaruan niya rito? Pero ayoko. Ayoko. Ayoko. Ayoko. Hindi gano'n ang Elora na nakilala ko.

Sa sobrang frustration na nararamdaman ko'y tumayo ako at binalibag 'yung phone ko sa kama. Huminga ako nang malalim. Never akong nagkaganito sa kahit na sino buong buhay ko, at parang hindi katanggap-tanggap na napaparalisa ang utak ko dahil sa babaeng nakilala ko sa isang dating app.

Nasisiraan na 'ata ako ng bait.


*****


GREAT job, Elrond! Hindi pala video games ang sisira ng future mo kundi isang babae lang pala! Nakuha ko pang lokohin ang sarili ko habang naglalakad papasok sa gusaling pinanggalingan ko kagabi. Nakasuot ako ngayon ng itim na hoodie, black cap, ripped jeans, at puting rubber shoes. Pwede nga akong mapagkamalang asset ng NBI sa itsura ko.

Sumalubong na naman sa 'kin ang nakaririnding ingay sa loob ng Nyx. Parang namukhaan ko na nga 'yung mga taong nakita ko rito kahapon. Tumambay ako sa gilid at pasimpleng nag-observe sa mga tao. Isang malaking sugal ang pagpunta ko rito ngayong gabi.

Kapag nakita ko siya ngayon ibig sabihin hindi ilusyon 'yung nakita ko kagabi. Pagkatapos ay lalapitan ko siya, tatanggalin ko 'yung cap at hoodie ko, at magpapakilala. Elora, ako 'to, si Elrond. Gusto ko lang naman itanong, pinaglalaruan mo ba ako?

Lumipas na ang oras at para malibang ay kumuha na rin ako ng maiinom, 'yung light lang. Habang nakatambay sa gilid ay marami nang lumapit sa 'kin na mga babae't lalaki para tangkaing makipag-usap.

"Hey, why alone and lonely?"

"Anong name mo?"

"Wanna dance?"

Pero lahat sila'y tinaboy ko lang. May iba na mas na-turn on pa raw sa pagiging hard to get ko, ang iba naman ay tinawag akong suplado. Hindi ako naging komportable sa mga motibo nila kaya lumayo ako. Hanggang sa hindi ko natiis at papunta na ako sa exit para lumabas nang may mabunggo ako.

"Hey! Watch your step!"

Nagsalubong ang tingin naming dalawa at parang gusto kong lumipad ngayon patungong Mars at huwag nang bumalik. Hindi ko pinlano na magkalapit kami ng ganito pero heto na siya. Sabi ko na nga ba at hindi ko rin magagawa 'yung ni-rehearse ko sa isip na dapat kong sabihin sa kanya, ni hindi ko natanggal 'yung cap at hoodie ko para ipakita sa kanya na ako 'to... si Elrond.

Bumaba ang tingin ko dahil hindi ko mapigilan... 'Yung suot niyang mas revealing ngayon kaysa kahapon, halos lumuwa ang hinaharap niya, napatitig ako kakaibang pendant na suot niya. Nagbalik lang ako sa katinuan nang itulak niya ako bigla.

"Pervert!" singhal niya hanggang sa tuluyan na siyang lumayo sa 'kin.

Sa sobrang pagkagulat ay namalayan ko na lang 'yung sarili ko na umo-order ng hard drinks sa may counter, kailangan ko ng likido na magpapatakas sa 'kin sa kasalukuyan... ngayon lang. Hindi ko pa rin mapigilan ang sarili ko na lingunin ang direksyon niya, katulad kagabi'y masaya siyang nagpa-party kasama ang mga kaibigan niya.

Pangisi-ngisi 'yung bartender na mukhang foreigner na Indiano habang hinahanda ang alak. Nang ibaba niya sa harapan ko ang isang baso'y nagsalita ito, "Mate, get over with it."

"Huh?" Napakunot ako sa kanya.

Nginuso niya 'yung direksyon ni Elora. "Don't fall for that girl, mate. Or was it too late?" Natulala lang ako sa bartender, napalitan bigla ng awa ang itsura niya. "Tsk, tsk. Another brokenhearted boy who needs a hard drink."

"A-Ano?"

"Just a friendly advice, stay away from that girl. She's nothing but a troublemaker."

"T-Troublemaker?" para akong sirang parrot na inulit ang sinabi niya. "Kilala mo ba si Elora?"

Tumigil ang bartender sa ginagawa niya at saka tumitig sa'kin. "She's just using that name. Her real name is Elise."

"E-Elise?"

Para akong tinamaan ng kidlat sa dami ng realizations ko noong mga sandaling 'yon. Namalayan ko na lang na sunod-sunod akong tumatagay at ang tanging dumaramay sa puso kong sugatan ay itong bartender na Indiano na may British accent. Alam kong lasing na ako dahil pati ako'y napapa-English na sa pakikipag-usap sa kanya.

Buong magdamag akong uminom pero never kong tinangkang lapitan si Elora—o Elise, 'yon daw totoo niyang pangalan, eh. Hindi ko na alam kung gaano karami ang nainom ko. Basta ang natatandaan ko'y nagbayad ako gamit ang card (na never kong ginawa). Tapos inakay ako ni Sanjay ('yung bartender) at n'ong manager (nakilala ako nito na pinsan ni Jack), para isakay sa Grab.

Nang ihinto ako sa tapat ng bahay namin ay akma akong magbabayad pero sinabi nitong binayaran na raw n'ong Indiano 'yung pamasahe ko. Pagbaba ko ng sasakyan, imbes na pumasok ako sa loob ng bahay ay umupo ako sa may sidewalk. Tahimik na tahimik na ang buong paligid.

Nilabas ko 'yung phone ko at kaagad na binuksan ang Alter app. Muli kong binalikan 'yung mga naging convo namin noon ni Elora. Elise pala ha.

Nang mabalikan ko 'yung naging pag-uusap namin noon... Mula sa maliit na bagay hanggang sa unti-unting naging malalim... May kung anong bumubulong sa puso ko na lahat ng 'yon ay totoo. Na hindi 'yon peke... Na totoo ang taong nakausap ko. Inalala ko 'yung ngiti niya habang magkausap kami sa video call...

Pero bigla ko ring naalala 'yung babaeng nakita ko kanina kaya muling bumalik 'yung kirot.

Siguro dala ng kapangyarihan ng alak ay wala nang pumigil sa kalooban ko nang pindutin ko ang record button.

"Yoh Elise—este Elora." Sa boses kong 'to, malalaman agad ng sinuman na may amats ako ngayon. "Galing akong Nyx ngayon, medyo naparami ng inom. May naging kaibigan pa 'kong indianong Briton, si Sanjay, daming kwento ni bumbay. Bakit? Bakit mo naman ako niloko? Hinanap ko 'yung CCTV footage sa Nyx, pero wala ka naman. Gusto mo ba i-send ko sa 'yo? Tapos... Tapos nakita kita. Ang saya-saya mo sigurong maging kaibigan dahil ang lakas mong tumawa. Sana pala nilapitan kita, ano? Para hindi na ako nagdadrama nang ganito..." Huminto ako dahil hindi ko na alam ang susunod kong sasabihin.

Putris na 'yan, ano 'tong tubig sa mata ko? 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top