CHAPTER 6
"Hindi ako si Adrian. Sino si Adrian?"
"Pwede bang paalisin mo na lang ako? Bisita ako ni Ma'am. Sonya, wala akong balak na pagsamantalahan ka o nakawan. Kaya pwede bang huwag kang tumitig na parang papatayin mo ako?" Mas lalong nanginig ang tinig ni Lia. Ang pinagtataka niya, bakit parang hindi man lang siya namukhaan ng binata. Kung kausapin siya nito ngayon, ay parang hindi siya nito nakilala at natulungan noong isang araw lang.
"Huwag mo akong tatawaging Adrian. Denmark ang pangalan ko," tiim-bagang na sagot ng lalaki. Napahinga nang malalim si Lia nang pakawalan siya nito.
"Alam ko. Namumukhaan naman kita," pigil-hiningang sagot niya kay Denmark. Mabilis namang tumalikod ang lalaki, pero napasunod ng tingin si Lia.
Hindi niya sana ito uusisain pa, pero may napansin siya sa likod nito—isang birthmark.
Nanlaki ang mga mata niya. Malaki at kapansin-pansin ang marka at kaparehong-kapareho ng birthmark ni Adrian. Paano nangyari 'yon?
Nakatayo pa rin siya sa hallway, hawak ang dibdib at sinusubukang pakalmahin ang sarili. Nanlalamig ang kanyang mga palad. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nakita.
Ang birthmark sa likod ni Denmark—hindi maaaring nagkataon lang.
"Hey."
Malamig na tinig ni Denmark ang nagpabalik sa kanyang ulirat. Nilingon na pala siya nito at nagtataka kung bakit hindi siya umaalis.
Napakurap siya at napatingin sa lalaking nasa harapan niya. May bahagyang ngisi ito sa labi, pero ang mga mata ay puno ng panunuri.
"Bakit mukhang nagulat kita? May multo ba sa likod ko?" may bahid ng panunuksong tanong nito.
Muling bumilis ang tibok ng puso ni Lia. Alam niyang hindi ito simpleng biro lang, tila may nais itong ipahiwatig.
"W-wala!" mariing sagot niya at umiwas ng tingin. Hindi siya dapat magpakita ng kahinaan. Hindi siya dapat magpahalata na may napansin siya.
Ngunit bago pa siya makalayo, muling hinawakan ni Denmark ang kanyang braso, mas mahigpit ngayon at dahan-dahang hinila siya palapit.
"Sigurado ka bang wala?" bulong nito sa kanya, halos magdikit na ang kanilang mga mukha.
Napasinghap si Lia. Muling bumalik sa kanyang isipan ang pakiramdam ng pagiging helpless, ang sakit ng nakaraan. Ngunit sa kabila nito, may kakaibang pakiramdam na dumadaloy sa kanyang sistema. Iba ang approach ni Denmark.
He's teasing her. Subtle, deliberate.
Alam niyang mapanganib pa rin ito, ngunit hindi niya rin maikakaila ang kakaibang init na dala ng presensya ng lalaki.
"Bakit ba pakiramdam ko, gusto mo akong takasan?" ani Denmark, hindi pa rin binibitawan ang kanyang kamay.
"Bakit pakiramdam ko, gusto mo akong lituhin?" sagot ni Lia, pilit na pinapakalma ang sarili. "Alam ko namang nandito lang sa mansyon ang nililigawan mo. Huwag mo akong isali sa laro mo, Denmark. Bitawan mo ako."
Napansin niya ang bahagyang pagbabago sa ekspresyon ng lalaki—isang saglit ng sorpresa, bago ito muling ngumisi.
"Nililigawan?" ulit ni Denmark, tila natutuwa sa sinabi niya. "At sino naman ang iniisip mong nililigawan ko?"
Mabilis na bumalik sa isipan ni Lia ang flower vase sa mesa ni Mrs. Sonya. Ang mga bulaklak doon ay eksaktong kapareho ng mga pinitas ni Denmark sa kanilang hardin noong nakaraan. Tiyak niya—ito ang parehong bulaklak na nakita niya noon. Ibig sabihin, may binigyan ito ng bulaklak sa bahay na ito.
Pinilit niyang hindi ipahalata ang gumugulong na damdamin sa loob niya.
"Wala pala akong pakialam," malamig niyang sagot, pilit na binabawi ang kanyang kamay.
Pero sa halip na pakawalan siya ni Denmark, lalo pa nitong hinigpitan ang hawak, bago dahan-dahang inilapit ang labi sa kanyang tainga.
"Talaga bang wala?" bulong nito, ramdam niya ang init ng hininga nito sa kanyang balat.
Napapikit si Lia, pilit na nilalabanan ang sariling reaksyon. This man is dangerous. At hindi lang dahil sa panunukso nito.
Dangerous si Denmark, dahil kaya nitong guluhin ang damdamin niya. At higit sa lahat—dahil hindi siya sigurado kung ito nga ba talaga si Adrian... o isang taong may mas malalim pang lihim.
Biglang nagbago ang tono ni Denmark. Mula sa panunukso, ang tinig nito ay biglang lumambot. Parang isang kasintahan na nag-aalala.
"Lia," mahinahong tawag nito sa pangalan niya. "Kumusta na ang pakiramdam mo? Dapat nagpapahinga ka pa. Bakit ka kumikilos na agad?"
Nagulat si Lia sa pagbabago ng tono nito. Kanina lang, parang gusto siyang lituhin ni Denmark. Ngayon naman, para itong isang caring boyfriend na puno ng pag-aalala.
"Nag-aalala ka ba?" napapaisip na tanong niya, pinagmamasdan ang seryosong mukha ng lalaki.
"Of course," sagot ni Denmark nang walang pag-aalinlangan. "You need to take care of yourself. Hindi ka dapat nagpupunta kung saan-saan. Baka hindi pa sapat ang pahinga mo."
Nag-init ang pisngi ni Lia. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari, pero kakaiba ang pakiramdam niya.
"A-ayos lang ako," aniya, pilit na bumabalik sa katinuan.
Nagkibit-balikat si Denmark. "Sigurado ka? Kung hindi mo kaya, puwede kitang buhatin pabalik sa sala."
Muntik nang mabilaukan si Lia. "Ano?"
Ngumisi lang si Denmark at binitiwan na ang kanyang kamay.
"Joke lang," anito, ngunit may kakaibang kislap sa mga mata nito na hindi niya mawari.
Dahan-dahang napaatras si Lia, tila gusto nang lumayo.
"Balik na ako kay Mrs. Sonya," paalam niya, pilit na iniiwasan ang titig ng lalaki.
"Hmm," tugon ni Denmark, nakamasid pa rin sa kanya. "Sige. Pero tandaan mo ang sinabi ko. Magpahinga ka, Lia."
Habang nagmamadali siyang bumalik sa sala, hindi niya maiwasang isipin—sino ba talaga si Denmark? Is he real or is he a fraud?
Kung hindi siya si Adrian, bakit tila kilalang-kilala siya nito? At kung wala siyang pakialam, bakit parang may tinatago itong matinding pag-aalala para sa kanya?
***
Hindi ipinahalata ni Lia na kagagaling lamang siya sa matinding kalituhan nang balikan niya sina Sonya at Lyn. Mukhang marami nang napag-usapan ang mga ito.
'Dapat wala na akong pakialam kay Denmark,' pilit niyang pinapaalala sa sarili.
"Pasensiya na po at natagalan," dispensa niya habang pilit na inaayos ang tono ng kanyang boses.
"Okay lang. Hinintay ka talaga namin para mai-discuss din ang balak naming program para sa mga anak ng victims of domestic violence. Mayroon akong proposal din sa inyo," sabi ni Sonya at kinuha ang folder sa mesa.
Napansin ng ginang ang bahagyang pamumula ng mukha ni Lia. Halatang may nangyari rito. Ngunit sa halip na magtanong, minabuti niyang huwag nang ungkatin.
'For sure, si Denmark na naman ang dahilan,' naisip niya. Mamaya na lang niya kukumpirmahin.
"Actually, mayro'n kaming company sa Turkey, manufacturer ng mga sasakyan. Nandito ang pamangkin ko para mag-merge sa isang Philippine automotive services. At habang nandito siya, willing siyang tumulong sa organization ninyo," natutuwang pahayag ni Mrs. Sonya.
Si Lyn naman ang unang nag-react. "Siya po ba 'yong kinukwento ninyo na pamangkin na tumira sa Turkey sa loob ng mahigit 20 years? Paano po 'yon? Magaling po ba siyang mag-Tagalog?" sunod-sunod na tanong nito.
Samantala, nanlamig naman ang pakiramdam ni Lia. Isang pangalan lang ang agad niyang naisip—si Denmark.
'Huwag naman sana...'
"Yes, siya nga. Denmark ang pangalan niya."
Parang sinakluban ng langit at lupa si Lia. Tama ang hinala niya. Ibig sabihin, madalas na niyang makikita ang lalaking sa isang iglap ay nagpagulo ng kanyang damdamin.
Nagpatuloy ang pag-uusap nila tungkol sa proyekto, ngunit si Lia ay halos hindi makasabay. Hanggang sa tuluyan na silang nagpaalam ni Lyn.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top